Library
Lesson 142: Mormon 9


Lesson 142

Mormon 9

Pambungad

Tinapos ni Moroni ang talaan ng kanyang ama sa paghikayat sa mga hindi naniniwala kay Jesucristo na bumaling sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsisisi. Itinuro Niya na ang Diyos ay Diyos ng mga himala at hindi nagbabago at tumitigil lamang ang mga himala dahil sa kawalang-paniniwala. Hinikayat niya ang mga tao na maniwala kay Jesucristo at manalangin sa Ama nang kanilang buong puso sa pangalan ni Jesucristo para matanggap ang mga bagay na kailangan nila.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mormon 9:1–6

Hinikayat ni Moroni ang mga hindi naniniwala kay Jesucristo na magsisi

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang sitwasyon kung saan nakadama sila ng pagkabalisa. Sabihin sa ilang estudyante na ikuwento ang mga naranasan nila at ipaliwanag kung bakit nakadama sila ng pagkabalisa. Maaari mo ring itanong sa kanila kung paano sila mapapanatag sa mga sitwasyong iyon.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mormon 9:1–5 at hanapin ang nakababalisang sitwasyon na inilarawan ni Moroni. (Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na basahin ang Alma 12:12–15 at isulat ang scripture reference na ito sa tabi ng Mormon 9:1–5.)

  • Sa Huling Paghuhukom, ano ang madarama ng masasama sa harapan ng Diyos Ama at ni Jesucristo? Bakit ganito ang madarama nila?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Walang kaligtasan kung walang pagsisisi. Ang isang tao ay hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos nang may mga kasalanan. Lubhang hindi marapat na pumasok ang isang tao sa kinaroroonan ng Ama at manahan sa piling ng Diyos sa kabila ng kanyang mga kasalanan. …

“Palagay ko maraming mabubuting tao sa mundo, marahil karamihan sa kanila ay miyembro ng Simbahan—o ilan sa mga miyembro ng Simbahan—na iniisip na maaari nilang gawin ang anumang gustuhin nila sa buhay na ito, labagin ang mga utos ng Panginoon, at sa huli ay makapasok pa rin sa kinaroroonan niya. Iniisip nila na magsisisi na lang sila, marahil sa daigdig ng mga espiritu.

“Dapat nilang basahin ang mga salitang ito ni Moroni [binanggit ang Mormon 9:3–5].

“Inakala ba ninyo na magiging masaya o mapayapa ang isang tao na ang buhay ay puno ng kasamaan, mapanghimagsik sa Diyos, at walang pagsisisi kung siya ay pahihintulutang manahanan sa kinaroroonan ng Diyos?” (Doctrines of Salvation, ed. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:195–96; inalis ang italics sa orihinal).

  • Bakit kailangang pagsisihan natin ang ating mga kasalanan ngayon at huwag nang maghintay pang dumating ang Paghuhukom? (Para matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang Alma 34:33–38.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 9:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang kailangang gawin ng mga walang paniniwala para makadama sila ng kapanatagan sa harapan ng Diyos. Pagkatapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, sabihin sa kanila na tukuyin ang mga salita o parirala sa Mormon 9:6 na naglalarawan sa mga taong bumaling sa Panginoon at nanalangin na sila ay patawarin. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita at pariralang natukoy nila.

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang isang alituntunin na nagbubuod sa Mormon 9:6. Tumawag ng dalawa o tatlong estudyante na magbabasa ng isinulat nila. Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat nagsasaad ng sumusunod na katotohanan ang kanilang mga sagot: Kung tayo ay magsisisi, tayo ay matatagpuang walang bahid-dungis sa harapan ng Diyos.

Magpatotoo na sa pamamagitan ng pagsisisi at matwid na pamumuhay, makapaghahanda tayo na makadama ng kapanatagan sa harapan ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang gagawin nila ngayon para makapaghanda sa pagharap sa Panginoon.

Mormon 9:7–20

Ipinahayag ni Moroni na ang Diyos ay gumagawa ng mga himala at pinakikinggan ang mga panalangin ng matatapat

Isulat ang himala sa pisara. Itanong sa mga estudyante kung paano nila ipapaliwanag ang salitang ito. Matapos sumagot ang ilang estudyante, sabihin sa mga estudyante na tingnan ang kahulugan ng himala sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Sabihin sa kanila na basahin ito at hanapin ang impormasyon na maaaring maglinaw o magdagdag sa mga kahulugang iminungkahi nila.

  • Sa inyong palagay, bakit may mga taong hindi naniniwala sa mga himala?

Ibuod ang Mormon 9:7–8 na ipinapaliwanag na nagsalita si Moroni sa mga tao sa mga huling araw na magsasabing natapos na ang paghahayag, propesiya, mga espirituwal na kaloob, at mga himala.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa isang magkapartner na basahin nang tahimik ang Mormon 9:9–11, samantalang ang iba pa ay binabasa nang tahimik ang Mormon 9:15–19. Sabihin sa bawat estudyante na isulat ang mga pangunahing bagay na sinabi ni Moroni para mahikayat ang mga tao na maniwala sa mga himala. Kapag nabigyan na ng sapat na oras ang mga estudyante para matapos sila sa pagbabasa, sabihin sa kanila na ibahagi sa kanilang kapartner ang isinulat nila.

Sa kaliwang bahagi ng pisara, isulat ang Tumitigil ang mga himala kapag tayo ay …

Sa kanang bahagi ng pisara, isulat ang Nangyayari ang mga himala kapag tayo ay …

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 9:20 at sabihin sa klase na alamin ang tatlong dahilan kung bakit tumitigil ang Diyos sa paggawa ng mga himala sa Kanyang mga anak. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang tatlong dahilang ito para makumpleto ang pahayag sa kaliwang bahagi ng pisara, tulad ng makikita sa sumusunod na chart.

Sabihin sa mga estudyante na ibahin ang bawat pahayag hinggil sa dahilan kung bakit tumitigil ang mga himala at gawin itong pahayag na nagsasaad ng mga dahilan na nangyayari ang mga himala. Ang mga sagot nila ay dapat kapareho sa mga halimbawa sa kanang bahagi ng chart.

Tumitigil ang mga himala kapag tayo ay …

Nangyayari ang mga himala kapag tayo ay …

Humihina dahil sa kawalang-paniniwala

Lumalakas sa ating pananampalataya

Lumilihis sa tamang landas

Namumuhay sa tamang landas, o sumusunod sa mga kautusan ng Diyos

Hindi natin nakikilala ang Diyos na siyang nararapat nating pagkatiwalaan

Nakikilala at nagtitiwala sa Diyos

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang Mormon 9:9, 19 at hanapin ang mga itinuro ni Moroni tungkol sa katangian ng Diyos. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong:

  • Dahil alam natin na ang Diyos ay hindi nagbabago at gumawa Siya ng mga himala sa Kanyang mga anak noong sinaunang panahon, ano ang malalaman natin tungkol sa Kanyang kahandaang gumawa ng mga himala sa ating buhay ngayon? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Palaging gumagawa ng mga himala ang Diyos, at dahil hindi Siya nagbabago, gumagawa pa rin Siya ng mga himala ayon sa ating pananampalataya. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito at imungkahi sa mga estudyante na isulat ito sa tabi ng Mormon 9:19–20 sa kanilang banal na kasulatan.)

Ipaliwanag na mararanasan natin ang mahimalang kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay sa maraming paraan. Upang matulungan ang mga estudyante na maisip kung paano ang Diyos ay Diyos pa rin ng mga himala, sabihin sa isang estudynate na basahin ang sumusunod na pahayag ni Sister Sydney S. Reynolds ng Primary general presidency:

“Natutuhan ko … na tutulungan tayo ng Panginoon sa bawat aspeto ng buhay natin kapag nagsisikap tayong paglingkuran Siya at gawin ang Kanyang kalooban.

“Naniniwala ako na lahat tayo ay makapagpapatotoo sa maliliit na himalang ito. May kilala tayong mga batang nananalangin na tulungan silang makita ang isang nawawalang bagay at nakikita ito. May kilala tayong mga kabataan na nag-iipon ng lakas na tumayo bilang saksi ng Diyos at nadama ang Kanyang tulong. May mga kaibigan tayo na nagbabayad ng ikapu sa kahuli-hulihang salapi nila at pagkatapos, sa pamamagitan ng himala, ay natatagpuan ang kanilang sarili na nakabayad ng panustos sa eskwela, o ng upa, o kahit paano ay nagkaroon ng pagkain para sa kanilang mag-anak. Makapagbabahagi tayo ng mga panalanging tinugunan, at mga basbas ng pagkasaserdote na nakapagbigay ng tapang, kaaliwan, o kagalingan mula sa sakit. Makikilala natin ang pagtulong ng Panginoon sa ating buhay dahil sa mga himalang ito na nangyari sa araw-araw,” (“Diyos ng mga Himala,” Liahona, Hulyo 2001, 12).

  • Ano ang mga naranasan ninyo na nagpatunay na ang Diyos ay Diyos pa rin ng mga himala?

Mormon 9:21–37

Hinikayat ni Moroni ang mga walang paniniwala na maniwala kay Jesucristo at manalangin sa Kanyang pangalan

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 9:21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ni Moroni tungkol sa pananalangin sa Ama sa Langit.

  • Ano ang pangakong ibinigay ni Moroni? (Dapat makita sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay mananalangin nang may pananampalataya at sa pangalan ni Cristo, ibibigay ng Ama sa Langit ang anumang hingin natin.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng manalangin “sa pangalan ni Cristo,” ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:

“Nananalangin tayo sa pangalan ni Cristo kapag ang ating isipan ay nakaayon sa isipan ni Cristo, at ang ating mga naisin ay mga naisin ni Cristo—kapag nananatili sa atin ang Kanyang mga salita (Juan 15:7). Pagkatapos humihingi tayo ng mga bagay na maaaring ipagkaloob ng Diyos. Maraming panalangin ang nananatiling hindi sinasagot dahil ang mga ito ay hindi sa pangalan ni Cristo; hindi kinakatawan ng mga ito ang kanyang isipan, kundi nagmumula sa kasakiman ng puso ng tao” (Bible Dictionary, “Prayer”).

Maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Paano natin matitiyak na ang mga bagay na idinadalangin natin ay kakikitaan ng ninanais ng Panginoon para sa atin?

  • Kailan ninyo nakitang natupad ang pangakong ibinigay sa Mormon 9:21? (Maaari mong bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na mapag-isipang mabuti ang tanong na ito bago sila sumagot.)

Ibuod ang Mormon 9:22–25 na ipinapaliwanag na nangako ang Tagapagligtas ng mga pagpapala sa Kanyang mga disipulo nang isugo Niya sila na ituro ang ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na mabilis na basahin ang Mormon 9:22–25 at tukuyin ang ilan sa mga pagpapalang iyon.

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “patutunayan [ng Tagapagligtas] ang lahat ng [Kanyang] salita”? (Mormon 9:25).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mormon 9:27–29 at alamin ang ang mga ugali at asal na tutulong sa kanila na maging karapat-dapat sa tulong Diyos at matanggap ang mga ito. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga buod ng mga talatang ito sa notebook o scripture study journal.

Para tapusin ang lesson na ito, ibuod ang Mormon 9:30–34 sa pagsasabi sa mga estudyante na nag-alala si Moroni na hindi tatanggapin ng ilang tao ang mensahe ng Aklat ni Mormon dahil sa kahinaan ng mga taong sumulat nito at ng wikang ginamit sa pagsulat nito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 9:35–37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilan kung bakit nanalangin si Moroni at ang iba pa na lalabas ang Aklat ni Mormon sa mga huling araw. (Upang ang mga inapo ng kanilang mga kapatid, ang mga Lamanita, ay maibalik “sa kaalaman kay Cristo” at sa mga tipan na ginawa ng Diyos sa sambahayan ni Israel.)

Para matulungan ang mga estudyante na maibuod ang natutuhan nila ngayon, itanong ang mga sumusunod:

  • Paanong ang Aklat ni Mormon ay katibayan na ang Diyos ay Diyos ng mga himala at sinasagot Niya ang mga panalangin?

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan ninyo ngayon na iimpluwensya sa inyong mga personal na panalangin?

Pagrebyu ng Aklat ni Mormon

Maglaan ng oras na tulungan ang mga estudyante na marebyu ang aklat ni Mormon. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang natutuhan nila mula sa aklat na ito, mula sa seminary at sa kanilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan. Sabihin sa kanila na mabilis na rebyuhin ang ilan sa mga chapter summary sa aklat ni Mormon para tulungan silang makaalala. Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng isang bagay mula sa aklat ni Mormon na nagbigay ng inspirasyon sa kanila o nakatulong sa paglakas ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mormon 9:9–10. “Ang Diyos ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman”

Ipinahayag ni Moroni na ang Diyos ay isang hindi nagbabagong Diyos na “siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman” (Mormon 9:9). Ayon sa Doktrina at mga Tipan 20:11–12, pinatutunayan ng paglabas ng Aklat ni Mormon na ang Diyos ay patuloy na “humihikayat ng mga tao at tinatawag sila para sa kanyang banal na gawain” sa ating panahon tulad noon, “pinatutunayang siya rin ang Diyos kahapon, ngayon, at magpakailanman.”

Nakasaad sa Lectures on Faith na upang magkaroon ng ganap na pananampalataya sa Diyos, ang isang tao ay dapat magkaroon ng “tamang ideya tungkol sa pagkatao, pagiging perpekto, at mga katangian [ng Diyos]” (Lectures on Faith [1985], 38). Ang isa sa mga katangian ng Diyos ay Siya ay hindi magbabago: “Ang [Diyos] ay hindi nagbabago, ni walang pag-iiba sa kanya; na siya ay gayon din mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan, na katulad ng kahapon, ngayon, at magpakailanman; at ang kanyang hakbangin ay isang walang hanggang pag-ikot, walang pagbabagu-bago” (Lectures on Faith, 41).

Isipin ang mga pagpapala ng kaalamang ang Diyos ay patuloy sa Kanyang banal na gawain sa ating panahon at mananatiling gayon din kahapon, ngayon, at magpakailanman.

Mormon 9:10–26. Mga Himala

Nagbigay si Moroni ng maraming katibayan na nagpapatotoo sa mga himala ng Diyos—ang paglikha sa langit at lupa, ang paglikha sa tao, at ang mga himalang ginawa ni Jesus at ng mga Apostol (tingnan sa Mormon 9:17–18). Ang “Diyos ng mga himala” na inilarawan ni Moroni ay matatagpuan pa rin ngayon. Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na maraming himala ang nangyayari sa ating panahon at makikita sa totoong Simbahan ni Jesucristo:

“Maraming himala ang nangyayari sa araw-araw sa gawain ng ating Simbahan at sa buhay ng mga miyembro. Marami sa inyo ang nakakita na ng mga himala, marahil higit pa sa inaakala ninyo.

“Ang kahulugan ng himala ay ‘isang mabuting pangyayari na nagawa sa pamamagitan ng banal na kapangyarihan na hindi nauunawaan ng mga tao at hindi nila magagaya.’ [Sa Daniel H. Ludlow, ed., Encyclopedia of Mormonism, 5 tomo (1992), 2:908.] Ang sabihing nangyari ang isang bagay sa pamamagitan ng banal na kapangyarihan ay hindi tinatanggap ng mga hindi relihiyosong tao at maging ng ilan sa mga relihiyoso. …

“… Ang mga himala ay nagagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood at naroon palagi sa totoong Simbahan ni Jesucristo. [Tingnan sa George Q. Cannon, Gospel Truth (1987), sel. Jerreld L. Newquist, 151–52.] Itinuro sa Aklat ni Mormon na ‘ang Diyos ay nagbigay ng paraan upang ang tao, sa pamamagitan ng pananampalataya, ay makagawa ng mga makapangyarihang himala’ (Mosias 8:18). Ang ‘paraan’ na ibinigay ay ang kapangyarihan ng priesthood (tingnan sa Santiago 5:14–15; D at T 42:43–48), at ang kapangyarihang iyan ay gumagawa ng mga himala sa pamamagitan ng pananampalataya (tingnan sa Eter 12:12; Moro. 7:37)” (“Miracles,” Ensign, Hunyo 2001, 6, 8).

Mormon 9:32–34. Nagsulat si Moroni gamit ang binagong wikang Egipto

Ipinahayag ni Moroni na nakakasulat siya gamit ang dalawang wika: Hebreo at binagong wikang Egipto. Sinabi niya na kung ang “mga lamina ay naging sapat ang laki,” isinulat niya sana ito sa wikang Hebreo; gayunman, ang mga nag-ingat ng talaan ay gumamit ng “binagong wikang Egipto” dahil sa kakulangan ng espasyong pagsusulatan (tingnan sa Mormon 9:32–33). Sa unang bahagi ng Aklat ni Mormon, sinabi nina Nephi at Haring Benjamin na wikang Egipto ang gamit nila. Sinabi ni Nephi na nagsulat siya sa “wika ng mga taga-Egipto” nang gawin niya ang maliliit na lamina (1 Nephi 1:2). Nang kausapin ang kanyang mga anak tungkol sa kahalagahan ng mga laminang tanso, sinabi ni Haring Benjamin na nababasa ni Lehi ang talaan dahil siya ay “naturuan sa wika ng mga taga-Egipto” (Mosias 1:4). Samakatwid, nauunawaan natin na kapwa itinuro ni Lehi ang ebanghelyo at ang wika ng mga taga-Egipto “sa kanyang mga anak, nang sa gayon ay maituro nila ang mga yaon sa kanilang mga anak” (Mosias 1:4). Malinaw na nagpatuloy ang paraang ito sa maraming sumunod na henerasyon ng mga tagapag-ingat hanggang sa matutuhan ni Moroni ang wika mula sa kanyang ama. Gayunman, sinabi ni Moroni na sumulat siya gamit ang “binagong wikang Egipto” na “ipinasa at aming binago, alinsunod sa paraan ng [kanilang] pagsasalita” (Mormon 9:32), ipinahihiwatig na may ilang pag-aakma sa paggamit ng wika sa nakalipas na libu-libong taon simula noong panahon ni Lehi. Ito ang paliwanag kung bakit nagtapos si Moroni sa pagsasabing “walang ibang taong nakaaalam ng aming wika” ngunit ang Diyos ay “naghanda ng mga paraan” para sa pagpapaliwanag at pagsasalin ng talaan (Mormon 9:34). Ang wika ng mga taga-Egipto ay karaniwang ginagamit sa panahon ni Lehi, lalo na ng mga mangangalakal at negosyante na naglalakbay sa iba’t ibang dako ng rehiyon sa paligid ng Jerusalem. Kung, tulad ng sinasabi ng ilan, ang trabaho ni Lehi ay nangangailangan ng paglalakbay sa iba’t ibang dako ng rehiyon, malamang na tiniyak niya na matutuhan ng kanyang mga anak ang wika ng mga taga-Egipto para maasikaso ang kabuhayan ng pamilya.