Library
Home-Study Lesson: 4 Nephi 1–Mormon 8:11 (Unit 28)


Home-Study Lesson

4 Nephi 1Mormon 8:11 (Unit 28)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng 4 Nephi 1Mormon 8:11 (unit 28) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (4 Nephi 1)

Nang pag-aralan ng mga estudyante ang mga nangyari sa mga Nephita sa loob ng halos 200 taon pagkatapos ng pagbisita ng Tagapagligtas, nalaman nila na kapag nagtulungan ang mga tao na magbalik-loob sa Panginoon, sila ay nagkakaisa at nakadarama ng higit na kaligayahan. Nalaman din nila na ang kapalaluan ay lumilikha ng pagkakahati-hati at humahantong sa mas matinding kasamaan.

Day 2 (Mormon 1–2)

Mula sa halimbawa ng matwid na pamumuhay ni Mormon, nalaman ng mga estudyante ang tungkol sa pagiging mahinahon at mabilis magmasid. Natutuhan nila na mapipili nating mamuhay nang matwid kahit naninirahan tayo sa isang lipunang puno ng kasamaan. Mula sa halimbawa ng kasamaan ng mga Nephita, naunawaan ng mga estudyante ang mga sumusunod na alituntunin: Ang kasamaan at kawalang-paniniwala ay nagtataboy sa mga kaloob ng Panginoon at sa impluwensya ng Espiritu Santo. Kung ang ating kalungkutan ay tungo sa pagsisisi, mahihikayat tayo nito na lumapit kay Cristo nang may mapagpakumbabang puso. Ang kalungkutan na dahil lamang sa mga ibinunga ng kasalanan ay humahantong sa kapahamakan (o pagtigil sa ating pag-unlad tungo sa buhay na walang hanggan).

Day 3 (Mormon 3–6)

Nang pag-aralan nila ang tungkol sa pagtitiyaga ng Panginoon sa mga Nephita, nalaman ng mga estudyante na binibigyan tayo ng Panginoon ng sapat na pagkakataon na pagsisihan ang ating mga kasalanan. Gayunman, hindi nagsisi ang mga Nephita at gusto nilang maghiganti sa mga Lamanita. Dahil ipinagbabawal ng Panginoon ang paghihiganti, ipinasya ni Mormon na hindi na pamunuan ang mga hukbo ng mga Nephita. Ang kinalabasan ng paghahangad ng mga Nephita na maghiganti ay nagpaunawa sa mga estudyante na ang mga kahatulan ng Diyos ay aabot sa masasama. Nasaksihan ni Mormon ang ganap na pagkalipol ng kanyang mga tao at nagdalamhati sa kanilang pagbagsak.

Day 4 (Mormon 7:1–8:11)

Tinapos ni Mormon ang kanyang talaan sa pagsasalita sa mga inapo ng mga Lamanita. Natutuhan ng mga estudyante na ang Panginoon ay nagbibigay ng kaligtasan sa lahat ng tao na tumatanggap sa mga alituntunin at ordenansa ng Kanyang ebanghelyo. Namatay si Mormon, at nagsulat si Moroni tungkol sa mga nangyari matapos malipol ang mga Nephita. Mula sa halimbawa ni Moroni, natutuhan ng mga estudyante na kahit nag-iisa sila, maaari nilang piliing manatiling tapat.

Pambungad sa Lesson

Sa lesson na ito, rerebyuhin ng mga estudyante ang pagkalipol ng mga Nephita at malalaman ang hangarin ni Mormon na “[mayakap] ng mga bisig ni Jesus” ang kanyang mga tao (Mormon 5:11). Matututuhan ng mga estudyante kung paano aanyayahan ang yakap ng Panginoon sa kanilang sariling buhay. Mula sa pagtangging magsisi ng mga Nephita, mauunawaan ng mga estudyante ang malungkot na mangyayari sa mga tao kapag hindi sila nagsisi.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

4 Nephi 1Mormon 4

Ang mga Nephita ay bumagsak sa kasamaan mula sa kabutihan at kaligayahan

Sabihin sa mga estudyante na alamin kung ilang taon ng kasaysayan ng mga Nephita ang napag-aralan nila sa linggong ito. Tulungan silang gamitin ang mga petsa sa mga chapter summary o sa ibaba ng mga pahina sa 4 Nephi 1 at Mormon 8 para malaman ito. (Ang mga kabanatang ito ay sumasaklaw sa halos 400 taon, o mahigit sa one-third ng kasaysayan ng mga Nephita.)

Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na gamitin ang kanilang banal na kasulatan at scripture study journal para rebyuhin ang natutuhan nila tungkol sa kaligayahan ng mga Nephita sa 4 Nephi 1. Sabihin sa pangalawang grupo ng klase na gamitin ang Mormon 1–2 at ang kanilang scripture study journal para marebyu kung sino si Mormon at bakit siya kahanga-hanga. Ipabuod sa bawat grupo ang natutuhan nila. Pagkatapos ay sabihin sa mga grupo na ilahad ang kanilang mga buod.

Itanong sa mga estudyante: Ano ang isang katotohanan na natutuhan ninyo sa pag-aaral ng mga kabanatang ito at bakit mahalaga ito sa inyo?

Ipaliwanag na sa kabila ng pagsisikap ni Mormon na tulungan ang mga Nephita na espirituwal na ihanda ang kanilang sarili para sa digmaan, ayaw pa rin nilang magsisi at bumaling sa Panginoon. Dahil sa kanilang kasamaan, sila ay naiwan sa sarili nilang lakas, at nagsimula silang madaig ng mga Lamanita (tingnan sa Mormon 3–4).

Mormon 5:8–24

Ipinaliwanag ni Mormon na isinulat ang Aklat ni Mormon upang hikayatin ang mga tao na maniwala kay Jesucristo

Tanungin ang mga estudyante kung nalungkot na sila para sa isang tao na dumanas ng mga bunga ng kanyang maling pagpili. Maaari kang magbahagi ng isang angkop (at hindi nanghuhusga) na halimbawa ng kalungkutang nadama mo para sa isang tao na kailangang magdusa sa mga negatibong ibinunga ng pinili niya. Ipaliwanag na isinulat ni Mormon na ang mga tao sa mga huling araw ay malulungkot kapag nabasa nila ang pagkalipol ng mga Nephita.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mormon 5:10–11 at alamin ang sinabi ni Mormon na naranasan sana ng mga Nephita. Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, itanong ang mga sumusunod:

  • Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “niyakap ng mga bisig ni Jesus”? (Ang ibig sabihin ng salitang niyakap ay niyakap nang mahigpit, na nagpapakita ng proteksyon at pagmamahal.)

  • Ayon sa Mormon 5:11, ano ang maaari nating gawin upang matanggap ang ganitong uri ng pagyakap? (Sa pamamagitan ng pagsisisi tayo ay “[mayayakap] ng mga bisig ni Jesus.” Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Basahin o ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Kent F. Richards ng Pitumpu. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang ibig sabihin ng “niyakap ng mga bisig ni Jesus.”

“Lahat ng lalapit ay maaaring ‘[ma]yakap ng mga bisig ni Jesus.’ [Mormon 5:11.] Lahat ng kaluluwa ay mapapagaling ng Kanyang kapangyarihan. Lahat ng sakit ay mapapaginhawa. Sa Kanya, ‘[masusumpungan natin] ang kapahingahan sa [ating] mga kaluluwa.’ [Mateo 11:29.] Maaaring hindi kaagad magbago ang ating sitwasyon sa mundo, ngunit ang sakit na nararamdaman natin, pangamba, pagdurusa, at takot ay maaaring mapawi ng Kanyang kapayapaan at nagpapagaling na balsamo” (“Sakop ng Pagbabayad-sala ang Lahat ng Nararamdaman Nating Sakit,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 16).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nadama nila na sila ay “niyakap ng mga bisig ni Jesus” dahil nagsisi sila. Sabihin din sa kanila na pag-isipang mabuti ang kailangan nilang gawin upang mayakap ng Kanyang mga bisig ngayon. Patotohanan ang kapanatagan at proteksyong dulot ng pagsisisi.

Para mailarawan ang isa pang alituntunin sa Mormon 5, maglagay ng tapon [cork] o iba pang bagay na lumulutang sa isang palanggana ng tubig. Sabihin sa dalawa o tatlong estudyante na hipan ito sa magkaibang direksyon. Itanong sa mga estudyante kung may kontrol ba ang tapon [cork] sa kung saan ito pupunta. Hikayatin ang mga estudyante na sa patuloy nilang pag-aaral, masdan kung paano natutulad ang tapon [cork] sa mga Nephita.

Isulat sa pisara: Kung hindi tayo magsisisi … Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mormon 5:2, 16–19 at sabihin sa klase na alamin ang ibinunga ng pagtangging magsisi ng mga Nephita. Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang nalaman nila sa mga talatang ito para kumpletuhin ang pangungusap na nasa pisara. Sa pagsagot nila, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ilan sa mga salita at parirala sa mga talata:

  • Sa talata 16, ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “walang Cristo at Diyos sa daigdig”? (Mabuhay nang walang pananampalataya kay Jesucristo o Ama sa Langit at walang impluwensya at patnubay Nila.)

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “itinataboy tulad ng ipa sa hangin”? (Mormon 5:16). (Maaari mong ipaliwanag na ang ipa ay tumutukoy sa balat ng mga butil na natatangay ng hangin kapag ito ay ginigiik.)

  • Sa inyong palagay, ano ang madarama ninyo kung nakasakay kayo sa isang barko na walang angkla na nasa karagatan, at hindi ito mapapaandar o mauugit? Paano natutulad ang sitwasyong ito sa sitwasyon ng mga Nephita?

Ipaliwanag na itinuro sa Mormon 5 na kapag hindi tayo nagsisi, lalayo ang Espiritu at nawawalan tayo ng patnubay mula sa Panginoon. Isulat ang alituntuning ito sa pisara para makumpleto ang pahayag na isinulat mo kanina. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pangyayari sa buhay nila na naranasan nila ang alituntuning ito.

Maaari mong ipakumpara sa mga estudyante ang dalawang alituntunin na nakasulat sa pisara sa pagtatanong ng sumusunod: Mula sa dalawang katotohanang nakasulat sa pisara, ano ang pagkakaiba ng resulta ng pagsisisi at ng resulta ng pagtangging magsisi?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mormon 5:22–24 at alamin kung ano ang ipinayo ni Mormon na gawin nating lahat upang hindi tayo matulad sa mga Nephita sa kanyang panahon. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang nalaman nila.

Patotohanan ang katotohanan ng dalawang alituntunin na nakasulat sa pisara.

Mormon 6:1–8:11

Matapos masaksihan ang pagkalipol sa huli ng kanyang mga tao, sumulat si Mormon sa mga inapo ng mga Lamanita at siya ay namatay, iniwang nag-iisa ang kanyang anak na si Moroni

Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang pagkalipol sa huli ng mga Nephita, at gamitin ang mga chapter heading para sa Mormon 6–8 kung kinakailangan.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik at isiping mabuti ang Mormon 7:10, ang huling mga salita na isinulat ni Mormon bago siya namatay.

Susunod na Unit (Mormon 8:12Eter 3)

Nakausap ni Moroni si Jesucristo at ipinakita sa kanya ang ating panahon. Ano ang babalang ibinigay ni Moroni sa atin? Malaki rin ang pananampalataya ng kapatid ni Jared. Nakita niya si Jesucristo at nakipag-usap sa Kanya nang harapan. Paano nakatulong ang kaalamang parehong nakita at nakausap nina Moroni at ng kapatid ni Jared si Cristo para magtiwala kayo sa kanilang mga salita?