Library
Pambungad sa Aklat ni Mormon


Pambungad sa Ang Aklat ni Mormon

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Sa pag-aaral ng mga estudyante sa aklat na ito, matututo sila ng mahahalagang aral mula kay Mormon, isang disipulo ni Jesucristo na namuhay nang tapat kahit napapaligiran siya sa buong buhay niya ng “isang patuloy na tagpo ng kasamaan at mga karumal-dumal na gawain” (Mormon 2:18). Makatutulong din sa mga estudyante ang pag-aaral ng mga salita ni Moroni, na nagpatotoo sa mga mambabasa sa mga huling araw na “ipinakita kayo sa akin ni Jesucristo, at nalalaman ko ang inyong mga ginagawa” (Mormon 8:35). Sa pagbabasa ng mga estudyante tungkol sa pagkalipol na nangyari dahil sa kasamaan ng mga Nephita, malalaman nila na mahalaga na mamuhay ayon sa mga kautusan at tipan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Sinulat ni Mormon ang unang pitong kabanata ng aklat na ito bilang maikling salaysay ng kasamaan at mga digmaan sa pagitan ng mga Nephita at mga Lamanita sa kanyang panahon. Gumawa rin siya ng buong ulat ng mga pangyayari mula sa kanyang buhay sa malalaking lamina ni Nephi (tingnan sa Mormon 2:18; 5:9). Noong si Mormon ay mga 10 taong-gulang, inihabilin sa kanya ng tagapag-ingat ng talaan na si Amaron na kunin niya ang mga sagradong talaan kapag nasa hustong gulang na siya. Kanyang itatala ang lahat ng namasdan niya hinggil sa mga tao (tingnan sa Mormon 1:4). Sa edad na 15, si Mormon ay “dinalaw ng Panginoon, at nakatikim at nakaalam ng kabutihan ni Jesus” (Mormon 1:15). Sa taon ding yaon, hinirang si Mormon ng mga Nephita na maging pinuno ng kanilang mga hukbo (tingnan sa Mormon 2:1). Sa pagsunod sa tagubilin ni Amaron, kinuha niya kalaunan ang malalaking lamina ni Nephi at nagsimula sa paggawa ng kanyang talaan. Pinaikli niya rin ang malalaking lamina ni Nephi, na kinapapalooban ng mga isinulat ng mga propeta at ng mga tagapag-ingat ng talaan mula kay Lehi hanggang kay Amaron, at isiningit ang maliliit na lamina ni Nephi sa pinaikling talaang iyon. Noong malapit nang magwakas ang kanyang buhay, itinago ni Mormon sa burol Cumorah ang lahat ng talaan, maliban sa iilang lamina na ibinigay niya sa kanyang anak na si Moroni (tingnan sa Mormon 6:6). Pagkatapos ay pinamunuan niya ang mga Nephita sa kanilang huling malaking pakikidigma sa mga Lamanita. Bago namatay si Mormon, tinagubilinan niya si Moroni na tapusin ang kanyang talaan. Idinagdag ni Moroni ang mga salita na bumuo sa mga kabanata 8–9 ng aklat na ito.

Para kanino isinulat ang aklat at bakit?

Sumulat si Mormon sa mga Gentil at mga miyembro ng sambahayan ni Israel sa mga huling araw, nagnanais na “mahikayat [ang] lahat ng nasa mga dulo ng mundo na magsisi at maghandang tumindig sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo” (Mormon 3:22). Nang tapusin ni Moroni ang aklat ng kanyang ama, tuwiran siyang nagsalita sa mga magbabasa sa kanyang mga salita. Binalaan niya sila tungkol sa mga ibubunga ng kanilang mga kasalanan at inanyayahan sila na “lumapit sa Panginoon nang buong puso [nila]” (Mormon 9:27).

Kailan at saan ito isinulat?

Malamang na isinulat ni Mormon ang kabanata 1–7 ng aklat na ito sa pagitan ng A.D. 345 at A.D. 401 (tingnan sa Mormon 2:15–17; 8:5–6). Tinapos niya ang kanyang mga isinulat pagkatapos ng huling digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita sa Cumorah noong A.D. 385 (tingnan sa Mormon 6:10–15; 7:1). Isinulat marahil ni Moroni ang kabanata 8–9 sa pagitan ng A.D. 401 at A.D. 421, noong siya ay nagpagala-gala “para sa kaligtasan ng [kanyang] buhay” (tingnan sa Mormon 8:4–6; Moroni 1:1–3).

Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng aklat na ito?

Ang aklat na ito ay naglalarawan ng katuparan ng mga propesiya nina Nephi, Alma, Samuel ang Lamanita, at ni Jesucristo hinggil sa pagkalipol ng mga Nephita (tingnan sa 1 Nephi 12:19; Alma 45:9–14; Helaman 13:8–10; 3 Nephi 27:32). Tinukoy ni Mormon ang ilan sa mga isinulat niya bilang “aking talaan hinggil sa pagkalipol ng aking mga tao” (Mormon 6:1). Ipinakita niya na ang pagbagsak ng mga Nephita ay bunga ng kanilang kasamaan (tingnan sa Mormon 4:12; 6:15–18).

Outline

Mormon 1 Inatasan ni Amaron si Mormon na mag-ingat ng talaan ng mga tao sa kanyang panahon. Tinalo ng mga Nephita ang mga Lamanita sa digmaan. Lumaganap ang kasamaan sa lahat ng dako ng lupain, tumigil ang tatlong Nephitang disipulo sa paglilingkod sa mga tao, at ang mga kaloob ng Espiritu ay inalis lahat. Gayunman, si Mormon ay “dinalaw ng Panginoon.”

Mormon 2–3 Hinirang si Mormon ng mga Nephita na maging pinuno ng kanilang mga hukbo. Pinamunuan niya sila sa mga digmaan laban sa mga Lamanita nang mahigit 30 taon. Sa kabila ng matinding pagkalipol at paghihirap, hindi nagsisi ang mga Nephita. Kinuha ni Mormon ang mga lamina ni Nephi mula sa burol na tinatawag na Shim at sinimulan ang kanyang talaan. Pagkatapos ng ilang pagtatagumpay, nagsimulang magmalaki ang mga tao sa kanilang lakas at sumumpa na maghihiganti sa mga Lamanita. Tumanggi si Mormon na pamunuan pa sila. Sumulat siya upang hikayatin ang lahat ng tao sa mga huling araw na maghandang tumayo sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo.

Mormon 4 Bagama’t hindi na pinamumunuan ni Mormon, nagpatuloy sa pakikipaglaban ang mga hukbo ng mga Nephita sa mga Lamanita. Libu-libo sa magkabilang panig ang napatay. Ang mga inapo ni Lehi sa panahong ito ay higit na naging masama kaysa sa alinmang panahon sa kanilang kasaysayan, at nagsimulang lipulin ng mga Lamanita ang mga Nephita. Iningatan ni Mormon ang lahat ng talaan ng mga Nephita at inalis ang mga ito sa burol na tinatawag na Shim at inilipat sa burol na tinatawag na Cumorah.

Mormon 5–7 Muling pinamunuan ni Mormon ang mga hukbo ng mga Nephita, bagama’t nalalaman niya na malilipol sila. Ipinropesiya niya ang paglabas ng Aklat ni Mormon. Tinipon niya ang mga Nephita sa Cumorah para sa huling pakikidigma sa mga Lamanita. Pagkatapos ng digmaan, nagdalamhati siya sa pagkalipol ng kanyang mga tao. Sumulat si Mormon upang hikayatin ang mga inapo ng mga Lamanita na maniwala kay Jesucristo at magpabinyag.

Mormon 8–9 Nang mamatay si Mormon, ipinagpatuloy ni Moroni ang talaan. Ipinropesiya niya na ang Aklat ni Mormon ay lalabas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa panahong laganap ang kawalang-paniniwala at kasamaan. Nagpatotoo siya tungkol kay Jesucristo at itinuro na ang mga himala at palatandaan ay may kalakip na pananampalataya sa Kanya. Hinikayat niya ang mga nagbabasa ng kanyang mga salita na lumapit sa Panginoon at maligtas.