Lesson 154
Moroni 6
Pambungad
Sa nalalapit na pagtatapos ng mga isinulat ni Moroni sa mga lamina, ipinaliwanag niya ang ilan sa mga kwalipikasyon para mabinyagan ang mga tao sa Simbahan. Iniisa-isa niya ang mga responsibilidad ng mga miyembro ng Simbahan sa pangangalaga sa isa’t isa. Ipinaliwanag din niya ang mga layunin ng mga pulong sa Simbahan at binigyang-diin na ang mga pulong sa Simbahan ay kailangang isagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Moroni 6:1–3
Inilahad ni Moroni ang mga kailangan para mabinyagan
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may kapatid sila na pitong-taong gulang at ilang buwan na lang ay walong taong gulang na ito. Sabihin din sa kanila na kunwari ay sinabi ng mga magulang nila na sila ang magtuturo ng lesson sa family home evening tungkol sa gagawin upang makapaghanda para sa binyag. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang ituturo nila para matulungan ang kanilang nakababatang kapatid na nakapaghanda para sa binyag.
Ipaliwanag na inilahad ni Moroni sa Moroni 6 ang mga kinakailangan para sa binyag. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 6:1–3, at alamin ang mga kinakailangan para sa binyag. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila. Maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang mga nagnanais na magpabinyag ay dapat magdala ng “angkop na bunga na sila ay karapat-dapat dito”? (Dapat silang mamuhay na sumusunod sa mga kautusan ng Diyos, ipinapakita na handa silang gumawa at tumupad ng mga tipan sa binyag.)
-
Sa inyong palagay, bakit mahalaga para sa isang tao na magkaroon ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu” bago mabinyagan? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang pariralang “bagbag na puso at nagsisising espiritu” ay tumutukoy sa pagpapakumbaba at kahandaan ng isang tao na magsisi at sundin ang mga kautusan ng Panginoon.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 6:3, at sabihin sa klase na alamin ang tipan na gagawin natin sa binyag. Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Sa pamamagitan ng binyag, nakikipagtipan tayo na tataglayin natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at paglilingkuran Siya hanggang wakas. (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang natutuhan nila sa nakaraang lesson tungkol sa ibig sabihin ng pagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Jesucristo.)
-
Mula sa inyong karanasan, bakit kailangan ng isang taong nagnanais mabinyagan ang determinasyong paglingkuran si Jesucristo hanggang wakas?
-
Ano ang ginagawa ninyo para mapanatili at mapalakas ang iyong determinasyon na mapaglingkuran ang Panginoon?
Moroni 6:4
Ipinaliwanag ni Moroni kung paano kalingain at espirituwal na pangalagaan ang mga miyembro ng Simbahan
Sabihin sa mga estudyante na matapos ilahad ni Moroni ang mga kinakailangan para sa binyag, ipinaliwanag niya ang ginagawa sa panahon niya para matulungan ang mga taong nabinyagan na manatiling tapat sa kanilang mga tipan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 6:4 at alamin ang ginawa ng mga miyembro ng Simbahan para matulungan ang mga bagong binyag. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Ilista sa pisara ang kanilang mga sagot.
Sabihin sa mga estudyate na ibuod ang itinuro sa Moroni 6:4 tungkol sa mga responsibilidad natin sa iba pang mga miyembro ng Simbahan, lalo na sa mga bagong binyag. (Halimbawa, maaaring ganito ang isagot ng mga estudyante: May resposibilidad tayo na alalahanin ang iba pang mga miyembro ng Simbahan at espirituwal na pangalagaan sila sa pamamagitan ng salita ng Diyos. Maaari rin nilang isagot na dapat nating tulungan ang isa’t isa na patuloy na mapanatili sa mataimtim na panalangin at dapat nating tulungan ang isa’t isa na umasa sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala.)
-
Paano natin magagawa ang ating responsibilidad na alalahanin ang isa’t isa?
-
Paano natin mapapangalagaan ang isa’t isa ng “mabuting salita ng Diyos”?
-
Anong mga pagpapala ang darating kapag napangalagaan ng salita ng Diyos?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Karamihan sa mga tao ay hindi pumupunta sa simbahan para lamang alamin ang ilang bagong impormasyon sa ebanghelyo o makita ang mga dati nang kaibigan, bagama’t mahalaga ang lahat ng iyan. Pumupunta sila dahil gusto nila ng espirituwal na karanasan. Gusto nila ng kapayapaan. Gusto nilang mapatibay ang kanilang pananampalataya at magkaroon ng panibagong pag-asa. Sa madaling salita, gusto nilang mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, mapalakas ng mga kapangyarihan ng langit. Tayo na mga tinawag na magsalita o magturo o mamuno ay may obligasyong tumulong na mailaan iyan, sa abot ng ating makakaya” (“A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 26).
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga taong nagsisikap, o talagang pinagsisikapan, na maalaala at espirituwal na mapangalagaan sila. Tanungin sila kung naisip na ba nila, halimbawa, ang lahat ng taong nagdasal para sa kanila, naghanda ng lesson para sa kanila, naghikayat sa kanila na maging aktibo sa Simbahan, at tumulong sa kanila sa mga hamong naranasan nila. Tawagin ang ilang estudyante para magbahagi kung paano sila napagpala dahil may taong nakaalala sa kanila at pinangalagaan sila ng salita ng Diyos. Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na sumulat ng liham-pasasalamat sa mga taong nakatulong sa kanila.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga tao na gusto ng Panginoon na maalaala o mapangalagaan nila. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa notebook o scripture study journal ang magagawa nila upang mas mapagbuti ang patupad nila sa kanilang mga responsibilidad sa iba pang mga miyembro ng Simbahan. Hikayatin sila na lalo pang pagtuunan ang mga pangangailangan ng mga bagong miyembro.
Moroni 6:5–9
Inilahad ni Moroni ang mga layunin ng mga pulong sa Simbahan at kung paano ito pamumunuan
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay mga magulang sila ng isang binatilyo o dalagita na noong nakaraang ilang linggo ay nagsabi sa kanila na ayaw na niyang magsimba dahil parang wala namang mapapala rito at naiinip siya. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang sasabihin nila sa tinedyer para mahikayat itong magsimba at paano nila matutulungan ito na maunawaan ang mga tamang dahilan sa pagsisimba nang regular.
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag:
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 6:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano makukumpleto ang pahayag sa pisara. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Maaaring kabilang sa mga sagot nila ang mga sumusunod na katotohanan:
Ibinahagi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang bahagi ng liham mula sa isang kaibigan na nalaman kung paano makadarama ng kagalakan sa pagdalo sa simbahan:
“Ilang taon na ang lumipas, binago ko ang pag-uugali ko tungkol sa pagsisimba. Hindi na ako pumupunta sa simbahan para sa sarili ko, kundi para sa iba. Nagpasiya akong batiin ang mga taong mag-isang nakaupo, batiin ang mga bisita, … magboluntaryo sa isang gawain. …
“Sa madaling salita, pumupunta ako sa simbahan kada linggo para maging aktibo, hindi para tumunganga lang, at makagawa ng magandang kaibhan sa buhay ng mga tao. Dahil dito, ang pagdalo ko sa mga pulong ng Simbahan ay naging mas kawili-wili at kasiya-siya” (sinipi sa “Hindi Makasariling Paglilingkod,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 96).
Sa pag-iisip mo ng mga pangangailangan ng mga estudyante sa iyong klase, maaari mong itanong ang ilan o lahat ng sumusunod para matulungan sila na masuri at maipamuhay ang mga alituntuning natukoy nila mula sa Moroni 6:5–6:
-
Anong mga karanasan ang nagturo sa inyo ng kahalagahan ng pagdarasal at pag-aayuno kasama ang mga miyembro ng inyong ward o branch?
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “makipag-usap sa bawat isa hinggil sa kapakanan ng [ating] mga kaluluwa”? (Moroni 6:5). Paano natin ito gagawin sa simbahan?
-
Paano magbabago ang ating karanasan sa simbahan kung ang hangad natin sa pagsisimba ay espirituwal na palakasin ang iba?
-
Ano ang ilang bagay na maaalaala natin tungkol sa Tagapagligtas kapag tumatanggap tayo ng sakramento? Paano nakatutulong sa atin ang pagtanggap ng sakramento para maalaala natin Siya sa bawat buong linggo?
-
Paano nakatulong ang mga tinalakay natin na mga layunin sa pagsisimba na “mapanatili [tayo] sa tamang daan”? (Moroni 6:4). Ano ang magagawa ninyo para mahikayat ang ibang kabataan na dumalo sa mga pulong ng Simbahan?
Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:
“Walang lugar sa Sion para sa mga taong sinasadya ang magkasala. May lugar para sa makasalanang nagsisisi, para sa taong tumatalikod sa kasamaan at naghahangad ng buhay na walang hanggan at ng liwanag ng Ebanghelyo” (sa Conference Report, Abr. 1915, 120).
Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 6:7–8 at alamin ang “mahigpit na [sinusunod]” ng mga lider ng Simbahan sa panahon ni Moroni. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong ipaliwanag na sa talatang ito, ang salitang “binubura” ay tumutukoy sa pagtitiwalag o excommunication. Kung ang mga miyembro ng Simbahan ay nakagawa ng mabigat na kasalanan at hindi nagsisi, maaari silang itiwalag, o mawala ang kanilang pagiging miyembro ng Simbahan at ang mga pagpapala ng kanilang mga tipan.
-
Ano ang ilan sa mga bagay na ginagawa ng mga lider ng Simbahan ngayon para tulungan tayo na makaiwas sa kasamaan?
-
Ayon sa Moroni 6:8, ano ang ipinangako sa atin kung taos-puso tayong magsisisi ng ating mga kasalanan? (Kapag madalas tayong nagsisisi at humihingi ng kapatawaran nang may tunay na layunin, mapapatawad tayo.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na kailangan nilang madama ang Espiritu Santo sa kanilang regular na mga miting sa Simbahan sa araw ng Linggo (halimbawa, sa oras ng panalangin, sa oras ng sakramento, habang nagbibigay ng mensahe o nagtuturo ang mga miyembro, habang kumakanta ng mga himno, o habang pinagninilayan ang isang banal na kasulatan sa oras ng klase). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 6:9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang gawain ng Espiritu Santo sa ating mga pulong.
-
Anong katotohanan ang nalaman natin sa Moroni 6:9 tungkol sa paraan kung paano pamumunuan ang mga pulong sa Simbahan? (Ang mga pulong sa Simbahan ay dapat pamunuan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.)
-
Kailan ninyo nadama na ang isang pulong sa Simbahan ay pinamunuan sa pamamagitan ng kapayarihan ng Espiritu Santo?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano maiaangkop ang katotohanang ito sa lahat ng aspeto ng ating mga pulong sa Simbahan, sabihin sa kanila na kunwari ay sila ang nasa mga sumusunod na sitwasyon. (Maaari mong isulat ang mga ito sa pisara bago magklase o gawin itong handout.) Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano magagamit ang alituntuning natukoy nila sa Moroni 6:9 sa bawat isa sa mga sitwasyong ito.
-
Hinilingan ka na magbigay ng mensahe sa sacrament meeting tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
-
Hinilingan ka na magplano ng isang musikal na pagtatanghal para sa darating na sacrament meeting.
-
Nakaupo ka sa isang testimony meeting at naramdaman mo ang panghihikayat sa iyo ng Espiritu na ibahagi ang iyong patotoo, pero hindi mo alam ang sasabihin mo.
Ipaalala sa mga estudyante na kanina sa lesson, sinabi mo sa kanila na pag-isipan kung ano kaya ang sasabihin ng mga magulang para mahikayat ang isang binatilyo o dalagita na magsimba. Para tapusin ang lesson, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang naisip nila. Pagkatapos ay patotohanan ang mga pagpapalang dulot ng pagsisimba at ng iba pang mga alituntunin na natalakay ninyo ngayon.