Lesson 155
Moroni 7:1–19
Pambungad
Itinala ni Moroni ang sermon na ibinigay ng kanyang ama, na si Mormon, maraming taon na ang nakararaan. Tatalakayin sa lesson na ito ang unang bahagi ng sermon, kung saan itinuro ni Mormon ang tungkol sa paggawa ng mabuti nang may tunay na layunin at kung paano natin mahihiwatigan ang mabuti at masama. Tatalakayin sa lesson 156 ang natitirang bahagi ng sermon.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Moroni 7:1–11
Itinuro ni Mormon sa mga tagasunod ni Jesucristo na gumawa ng mabuti nang may tunay na layunin
Magpakita ng isang prutas na parang sariwa pa.
-
May nakita na ba kayong prutas na nabubulok na ang loob pero parang sariwa pa ang labas nito? (Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng mga halimbawa. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong halimbawa.)
-
Sa paanong paraan natutulad ang isang tao sa isang prutas na mukhang sariwa sa labas pero nabubulok pala sa loob?
Ipaliwanag na itinala ni Moroni ang mga salita ng kanyang ama, na si Mormon, hinggil sa kahalagahan ng pagiging mabuti sa ating puso gayon din sa ating mga ginagawa. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 7:2–3 at sabihin sa klase na tukuyin ang pangkat ng mga tao na kinakausap ni Mormon. (Kinakausap niya ang mga miyembro ng Simbahan.)
Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 7:4–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano nalaman ni Mormon na ang mga taong ito ay “mga mapamayapang tagasunod ni Cristo” (Moroni 7:3).
Isulat ang pariralang tunay na layunin sa pisara.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang ito?
Kapag natalakay na ng mga estudyante ang sagot sa tanong na ito, maaari mong ipabasa sa isa sa kanila ang sumusunod na paliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Hindi lamang natin dapat gawin ang tama. Dapat kumilos tayo na may mga tamang dahilan. Ang makabagong salita riyan ay mabuting motibo. Madalas na inilalarawan sa mga banal na kasulatan ang naaangkop na kaisipang ito sa mga salitang buong layunin ng puso o tunay na layunin.
“Nilinaw ng mga banal na kasulatan na nauunawaan ng Diyos ang ating mga motibo at hahatulan ang ating mga gawa nang naaayon doon” (Pure in Heart [1988], 15).
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 7:6–10 at alamin ang mga babala ng Panginoon sa mga taong gumagawa ng mabubuti nang walang tunay na layunin.
-
Anong mga babala ang ibinigay ng Panginoon sa mga taong gumagawa ng mabubuti nang walang tunay na layunin? (Binalaan Niya sila na ang kanilang mga gawa ay walang kapakinabangan sa kanila at ang kanilang mga gawa ay ibibilang na masama sa halip na mabuti.)
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Bagama’t maaaring maraming katotohanan ang masabi ng mga estudyante, tulungan sila na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Para mapagpala dahil sa ating mabubuting gawa, dapat tayong kumilos nang may tunay na layunin.)
-
Bukod pa sa pagnanais na mapagpala ng Panginoon, bakit sa palagay ninyo mahalagang gumawa ng mabubuting gawa nang may tunay na layunin?
-
Anong kaibhan ang napapansin ninyo kapag gumagawa kayo ng mabuti nang may mabuting layunin?
Bigyang-diin na hinikayat tayo ni Mormon na manalangin nang may tunay na layunin (tingnan sa Moroni 7:9). Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na payo ni Pangulong Brigham Young:
“Hindi mahalaga kung nais ninyo o nais kong manalangin, kapag dumating ang oras ng pananalangin, manalangin kayo. Kung hindi natin nais na manalangin, dapat tayong manalangin hanggang sa naisin natin ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 52).
-
Paano ang pagpiling manalangin kahit hindi natin nais ay makatutulong sa atin kalaunan na manalangin tayo nang may tunay na layunin?
-
Paano nauugnay ang payo ni Pangulong Brigham Young sa pagsunod sa iba pang mga kautusan maliban sa panalangin? (Kung nahihirapang sagutin ng mga estudyante ang tanong na ito, maaari mong ibahagi ang sumusunod na halimbawa: Maaaring may mga taong hindi nagsisimba nang may tunay na layunin. Gayunman, kung sila ay patuloy na magsisimba at gagawin ang lahat ng makakaya nila para makibahagi at sumamba, magkakaroon sila ng mga karanasan na tutulong sa kanila na makadama ng kagalakan sa pagsisimba. Ang mga dahilan sa pagsisimba nila ay mababago. Gusto nilang magsimba dahil gusto nilang naroon sila—gusto nilang sambahin ang Diyos, panibaguhin ang kanilang mga tipan, at paglikuran ang iba.)
Para matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang mga turo ni Mormon sa paggawa ng mabubuting gawa na may tunay na layunin, ihanda ang sumusunod na aktibidad bago magklase: Maghanda ng ilang maliliit na piraso ng papel. Sa bawat papel, sumulat ng isang kautusan. Kabilang sa mga halimbawa ang pag-aayuno, pagbabayad ng ikapu, paglilingkod sa kapwa-tao, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paggalang sa mga magulang, at anumang iba pang mga kautusan na sa palagay mo ay makatutulong sa mga estudyante na talakayin. Ilagay ang mga piraso ng papel sa isang lalagyan.
Sa klase, papuntahin ang isang estudyante sa harapan. Sabihin sa kanya na kumuha ng isang papel mula sa lalagyan at basahin ito sa klase. Pagkatapos ay sabihin sa klase na gawin ang isa o lahat ng sumusunod:
-
Ipabahagi sa kanila kung paano nila naramdamang pinagpala sila nang sundin nilla ang kautusang iyon nang may tunay na layunin.
-
Magmungkahi ng mga paraan kung paano masusunod ang kautusang iyon nang may tunay na layunin.
Maaari mong ulitin ang aktibidad na ito nang ilang beses.
Pagkatapos ng aktibidad na ito, maaari kang magbahagi ng iyong karanasan nang sundin mo ang isang kautusan ng Diyos nang may tunay na layunin.
Moroni 7:12–19
Itinuro ni Mormon kung paano matutukoy ang mabuti at masama
Ipaliwanag na ipinropesiya ni Isaias na sa mga huling araw, may mga tao na tatawaging mabuti ang masama at masama ang mabuti (tingnan sa Isaias 5:20; 2 Nephi 15:20).
-
Ano ang ilang halimbawa ng pagtawag ng mga tao na mabuti ang masama at masama ang mabuti?
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang huwag ipagkamali ang mabuti sa masama?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Moroni 7:12–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga alituntunin na makatutulong sa atin na mahatulan o matukoy ang mabuti sa masama. Maaari mo silang hikayatin na markahan ang mga parirala na makabuluhan sa kanila. Para matulungan ang mga estudyante na maibahagi ang nalaman nila, itanong ang mga sumusunod:
-
Paano natin malalaman kung nagmula sa Diyos ang isang bagay? (Tiyaking natukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Yaong sa Diyos ay nag-aanyaya sa atin na gumawa ng mabuti, maniwala kay Jesucristo, at mahalin at paglingkuran ang Diyos.)
-
Paano natin malalaman kung nagmula sa diyablo ang isang bagay? (Tiyakin na natukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Anumang bagay na nag-uudyok sa atin na gumawa ng masama, itatwa si Jesucristo, o kalabanin ang Diyos ay mula sa diyablo.)
-
Ano ang ilang paraan na inaanyayahan at hinihikayat tayo ng Diyos na patuloy na gumawa ng mabuti?
-
Paano tayo inaanyayahan at tinutukso ng diyablo na magkasala?
Para matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang mga turo ni Mormon sa paghatol ng mabuti at masama, sabihin sa kanila na ilista ang mga paborito nilang TV show, pelikula, kanta, grupo ng mang-aawit, Internet site, apps, video game, o personal na gamit. (Maaari mong baguhin ang listahang ito ayon sa mga pangangailangan at interes ng mga estudyante.) Pagkatapos ng sapat na oras at nakapagsulat na ang mga estudyante, sabihin sa kanila na isantabi muna ang kanilang listahan. Sabihin sa kanila na magkakaroon sila ng pagkakataon na pag-isipan pang mabuti ang kanilang inilista pagkatapos ng ilang minuto.
-
Ayon sa Moroni 7:16, ano ang ibinigay sa bawat tao na tutulong sa atin na malaman ang mabuti sa masama?
Ipaliwanag na ang Espiritu ni Cristo ay tinatawag din na Liwanag ni Cristo (tingnan sa Moroni 7:18). Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang Liwanag ni Cristo, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Magkaiba ang Espiritu Santo at Liwanag ni Cristo. …
“Tinatawag mang Liwanag ni Cristo, delikadesa, o konsiyensya ang liwanag sa kaloobang ito, na pagkaalam sa tama at mali, magagabayan tayo nito na kontrolin ang ating kilos—maliban kung pipigilin o iwawaksi natin ito. …
“Bawat lalaki, babae, at bata ng bawat bansa, relihiyon, o lahi—lahat, saanman sila nakatira o anuman ang kanilang paniniwala o ginagawa—ay nasa kanila ang di-maglalahong Liwanag ni Cristo” (“Ang Liwanag ni Cristo,” Liahona, Abr. 2005, 8–10).
-
Paano mapipigilan o maiwawaksi ng isang tao ang Liwanag ni Cristo na nasa kanya?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 7:18–19 at alamin ang ipinayo ni Mormon tungkol sa dapat na pagtugon sa Liwanag ni Cristo na nasa atin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng “masigasig na saliksikin ang liwanag ni Cristo”?
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa Moroni 7:19? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang mga sumusunod na alituntunin: Kapag masigasig tayong nagsasaliksik upang masunod ang Liwanag ni Cristo, malalaman natin ang kaibhan ng mabuti sa masama. Kung tayo ay mananangan sa bawat mabuting bagay, tayo ay magiging mga anak ni Cristo. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong para maunawaan ang pariralang “anak ni Cristo,” maaari mong tingnan ang lesson 55 ng manwal na ito.)
-
Kailan kayo naghangad na malaman kung ang isang bagay ay mabuti o tama? Ano ang ginawa ninyo para “masigasig na saliksikin” ito para malaman kung ito ay mabuti o tama?
Sabihin sa klase na tingnan ang listahang ginawa nila kanina sa lesson. Isulat o basahin nang malakas ang mga sumusunod na tanong, at anyayahan ang mga estudyante na “masigasig na saliksikin ang liwanag ni Cristo” (Moroni 7:19) habang isinusulat nila ang mga sagot sa mga tanong na ito. Huwag madaliin ang aktibidad na ito. Bigyan ng oras ang mga estudyante na makapag-isip nang mabuti at makapagsulat. Sabihin sa mga estudyante na hindi mo ipasasabi sa kanila ang kanilang mga isinulat.
-
Gaano ka nahihikayat ng mga bagay na ito na gumawa ng mabuti, maniwala kay Jesucristo, at mahalin ang Diyos at maglingkod sa Kanya?
-
May mga bagay ba rito na naghihikayat sa iyo na gumawa ng masama, mag-alinlangan kay Jesucristo, o tumigil sa paglilingkod sa Diyos?
-
Pakiramdam mo ba ay dapat mong alisin ang alinman sa mga bagay na ito sa iyong buhay? Kung mayroon, paano mo ito gagawin?
Ipaliwanag na kung minsan ay maaaring mahirap gawin ang alam nating tama kapag kailangan nating talikuran ang isang bagay na ikinasisiya natin. Para matulungan ang mga estudyante na masuportahan ang isa’t isa sa paggawa nito, itanong:
-
Ano ang maipapayo ninyo para matulungan ang isang tao na talikuran ang mga bagay na hindi mabuti o tama?
Para tapusin ang lesson, patotohanan na kapag sinunod natin ang Liwanag ni Cristo, makikila natin ang yaong mabuti, maiiwasan ang mga panlilinlang ni Satanas, at mamumuhay bilang mga tagasunod ni Jesucristo.