Library
Lesson 157: Moroni 8


Lesson 157

Moroni 8

Pambungad

Patuloy na nagdagdag sa mga sagradong talaan, isinama ni Moroni ang liham, o sulat na natanggap niya mula sa kanyang amang si Mormon. Sa liham, isinulat ni Mormon ang isang paghahayag na natanggap niya kung bakit hindi kailangang binyagan ang maliliit na bata. Itinuro rin ni Mormon kung paano tayo makapaghahanda na makapiling ang Diyos. Tinapos niya ang kanyang liham na ipinapahayag ang kanyang pag-aalala tungkol sa kasamaan ng mga Nephita at sa kanilang nalalapit na pagkalipol.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Moroni 8:1–24

Itinuro ni Mormon na ang maliliit na bata ay buhay kay Cristo

Batang Babaeng Binibinyagan

Bago magklase, idispley ang larawang Batang Babaeng Binibinyagan (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 104) o iba pang larawan ng isang walong-taong-gulang na bata na binibinyagan. Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong:

Bakit hindi binibinyagan ang mga bata hangga’t wala pa silang walong taong gulang?

Kapag dumating na ang mga estudyante, sabihin sa kanila na tingnan ang larawan at pag-isipan ang tanong sa pisara.

Kapag nagsimula na ang klase, sabihin sa mga estudyante na sa liham para sa kanyang anak na si Moroni, itinuro ni Mormon ang tungkol sa kaligtasan ng maliliit na bata. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 8:4–6 at sabihin sa klase na alamin kung ano ang inaalala ni Mormon. (Maaari mong ipaliwanag na sa talata 6, ang ibig sabihin ng salitang malaki ay mabigat, nakakahiya, o napakasama.)

Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, sabihin sa kanila na basahin ang Moroni 8:7 at alamin ang ginawa ni Mormon nang malaman niya ang problemang ito.

  • Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Mormon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 8:8–9 at sabihin sa klase na alamin ang sagot sa panalangin ni Mormon. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang pariralang “sumpa kay Adan,” ay tumutukoy sa pagkawalay ni Adan mula sa kinaroroonan ng Diyos dahil sa Pagkahulog. Mali ang paniniwala ng ilang tao na ang bawat bata ay isinilang na makasalanan dahil sa Pagkahulog. Dahil sa maling ideyang ito, inakala nila na hindi karapat-dapat ang maliliit na bata na makapiling ang Diyos kung sila ay namatay nang hindi nabinyagan. Kapag ipinaliwanag mo ito, maaari mong ipabigkas sa mga estudyante ang pangalawang saligan ng pananampalataya. Maaari mo ring imungkahi na i-cross-reference nila ang Moroni 8:8–9 sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:2.

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Ang pagsisisi at binyag ay kinakailangan ng lahat ng …

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 8:10 at hanapin ang mga salita at parirala na kukumpleto sa pahayag na nasa pisara. Matapos sumagot ng mga estudyante, kumpletuhin ang paghahayag nang ganito: Ang pagsisisi at binyag ay kinakailangan ng lahat ng mga yaong may pananagutan at may kakayahang gumawa ng kasalanan. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga parirala sa Moroni 8:10 na nagtuturo ng katotohanang ito.

Makatutulong na ipaliwanag na ang kasalanan ay “sadyang di pagsunod sa mga kautusan ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kasalanan,” scriptures.lds.org). Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Nauunawaan natin sa ating doktrina na bago ang edad ng pananagutan ang bata ay ‘[walang] kakayahang gumawa ng kasalanan’ (Moro. 8:8). Sa panahong iyon, maaaring makagawa ng pagkakamali ang mga bata, maaaring mabigat at nakapipinsalang pagkakamali na dapat itama, ngunit hindi ituturing na kasalanan ang kanilang ginawa” (“Sins and Mistakes,” Ensign, Okt. 1996, 65).

Hatiin sa dalawang grupo ang klase. Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na basahin nang tahimik ang Moroni 8:11–18 at sa pangalawang grupo ang Moroni 8:11, 19–24. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga scripture reference na ito.) Bago sila magbasa, sabihin sa mga estudyante sa dalawang grupo na alamin ang itinuro ni Mormon tungkol sa pagbibinyag ng maliliit na bata. Kapag tapos nang magbasa ang mga estudyante, tawagin ang ilan mula sa bawat grupo na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong gamitin ang ilan sa mga sumusunod na tanong upang matulungan ang mga estudyante na mapag-isipang mabuti ang mga itinuro ni Mormon:

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang mga bata ay “buhay kay Cristo”? (Moroni 8:12, 22). (Sila ay natubos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Hindi sila magkakasala, sapagkat ang kapangyarihan ay hindi ibinigay kay Satanas upang tuksuhin ang maliliit na bata. Tingnan din sa Moroni 8:10; D at T 29:46–47.)

  • Ano ang kailangan nating gawin para maging buhay kay Cristo? (Tingnan sa 2 Nephi 25:23–26; Moroni 8:10.)

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa paano maliligtas ang maliliit na bata? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang maliliit na bata ay maliligtas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Maaari ding matukoy ng mga estudyante na ang maliliit na bata ay buhay kay Cristo, na ang Diyos ay hindi Diyos na may kinikilingan, at ang Diyos ay hindi pabagu-bago.)

Isulat ang mga sumusunod na halimbawa sa pisara o gawin itong handout. Sabihin sa mga estudynate na pumili ng isa sa mga ito. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa o dalawang talata mula sa Moroni 8:8–23 at ipaliwanag kung paano sinagot ng mga katotohanan sa mga talatang iyon ang inaalala sa halimbawang pinili nila.

Halimbawa 1: Bilang missionary, may nakilala kayong mag-asawa na sobrang nalungkot dahil sa pagkamatay ng kanilang dalawang-buwang-gulang na anak na babae. Sinabi ng lider sa kanilang simbahan na ang maliliit na bata ay isinilang na makasalanan dahil sa paglabag ni Adan. Sinabi niya na dahil ang kanilang anak ay hindi nabinyagan bago ito mabinyagan, hindi ito maliligtas.

Halimbawa 2: May kaibigan ka na tinuturuan ng mga missionary at nagsisimba na kasama mo. Nagpasya siya na sumapi sa Simbahan, pero nag-aalangan siyang magpabinyag. “Nabinyagan na ako noong sanggol ako,” paliwanag niya. “Hindi pa ba sapat iyon?”

Matapos maibahagi ng mga estudyante ang sagot nila sa pangalawang halimbawa, maaaring kailangan mong ipaliwanag sa kanila na ang pagsisisi at binyag ay para sa “mga yaong may pananagutan at may kakayahang gumawa ng kasalanan” (Moroni 8:10). Sinabi ng Panginoon na ang mga bata ay nagsisimulang magkaroon ng pananagutan sa Kanya sa edad na walo. Ang mga paghahayag tungkol sa katotohanang ito ay matatagpuan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 17:11 (sa Mga Pinili sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia) at Doktrina at mga Tipan 68:25–27.

Moroni 8:25–30

Itinuro ni Mormon kung ano ang dapat gawin ng mga yaong nasa edad ng pananagutan upang makapiling ang Diyos

Ipaliwanag na pagkatapos ituro ni Mormon kay Moroni kung bakit hindi kailangan binyagan ang maliliit na bata, itinuro niya kung bakit kailangan ang binyag ng mga yaong nasa edad ng pananagutan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 8:25–26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga pagpapalang natatamo ng mga taong mananampalataya, magsisisi, at mabibinyagan.

  • Anong mga pagpapala ang nakita ninyo sa mga talatang ito? (Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang nalaman nila, maaari mong isulat ang kanilang mga sagot sa pisara. Maaaring kabilang sa sagot na ang pananampalataya, pagsisisi, at binyag ay humahantong sa kapatawaran ng kasalanan, kaamuan at kapakumbabaan ng puso, pagdalaw ng Espiritu Santo, pag-asa, sakdal na pag-ibig, at sa huli, ang pagpapala na manahanan kasama ng Diyos.)

Kapag nailista na ng mga estudyante ang mga pagpapala na nakita nila sa Moroni 8:25–26, maaari mong isunod na itanong ang mga ito:

  • Sa inyong palagay, bakit humahantong sa kaamuan at kapakumbabaan ng puso ang pagtanggap ng kapatawaran sa inyong mga kasalanan?

  • Paano nakapag-aanyaya ng Espiritu Santo sa inyong buhay ang pagiging maamo at mapagkumbaba?

  • Bakit tayo tinutulungan ng Espiritu Santo na maghanda na manahanan kasama ng Diyos?

  • Sa inyong palagay, bakit kailangan nating maging masigasig at madasalin upang mapatatag ang sakdal na pag-ibig sa ating buhay?

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Sa pamamagitan ng tapat na pagsunod sa mga kautusan, matatanggap natin ang Espiritu Santo, na naghahanda sa atin na …

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang isang parirala sa Moroni 8:25–26 na kukumpleto sa alituntuning ito: Sa pamamagitan ng tapat na pagsunod sa mga kautusan, matatanggap natin ang Espiritu Santo, na naghahanda sa atin na manirahan sa piling ng Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 8:27 at sabihin sa klase na alamin ang ibinunga ng kapalaluan ng mga Nephita. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahing muli nang tahimik ang Moroni 8:26 at Moroni 8:27, na ikinukumpara ang mga ibinunga ng kaamuan at mapagpakumbabang puso sa ibinunga ng kapalaluan.

Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Moroni 8:28. Ipaliwanag na matapos ipahayag ni Mormon ang inaalala niya tungkol sa mga Nephita, sinabi niya, “Ipanalangin mo sila, anak ko, upang ang pagsisisi ay dumating sa kanila.” Ipaalala sa mga estudyante ang lakas na maaaring dumating sa buhay ng mga tao kapag ipinagdarasal sila ng ibang tao.

Para tapusin ang lesson, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang nadarama tungkol sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na iligtas ang maliliit na bata at iligtas tayong lahat kapag nagsikap tayong maging tapat sa ating mga tipan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Moroni 8:8. “Ang sumpa kay Adan ay kinuha mula sa kanila dahil sa akin”

Naniniwala ang ilang tao na dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva, ang mga bagong silang na sanggol ay isinilang sa mundo nang may kasalanan. Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith na ang turong ito ay mali:

“Lahat ng naniniwala na ang tao, oo, maging ang mga bagong silang na sanggol, ay nagkasala ng ‘orihinal na kasalanan,’ (sa madaling salita ang paglabag ni Adan,) ay itinatatwa ang awa ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo. Itinuro sa Biblia (gayon din sa ating mga banal na kasulatan sa panahong ito) na si Jesucristo ay tunay na Manunubos ng sangkatauhan mula sa pagkahulog. Binayaran niya ang utang na namana ng sangkatauhan dahil sa paglabag ni Adan. Nabayaran nang buo ang utang sa ating kaluluwa. Wala itong iniwang multa na nangangailangan ng pagtulong ng, o para sa kapakanan ng, sinumang buhay na nilalang, para mapalaya siya mula sa ‘orihinal na kasalanan.’ Ang doktrina na isinilang ang mga sanggol sa mundong ito nang may sumpa ng ‘orihinal na kasalanan,’ ay isang doktrinang karumal-dumal sa paningin ng Diyos, at nagtatatwa sa kadakilaan at awa ng pagbabayad-sala. (Tingnan sa Kabanata 8 ng Moroni)” (Church History and Modern Revelation: A Course of Study for the Melchizedek Priesthood Quorums, 4 na tomo [1949], 4:99).

Moroni 8:10. Edad ng pananagutan

Ang pagsisisi ay para sa mga taong nasa edad ng pananagutan. “Ang maliliit na bata ay hindi makapagsisisi” (Moroni 8:19). Ang mga batang wala pang walong taong gulang ay hindi mananagot sa harapan ng Diyos (tingnan sa D at T 68:25–27), kaya hindi nila kailangang magsisi. Ang mga taong may kapansanan sa isipan at sadyang hindi makapagsisisi ay maaari ding ituring na hindi mananagot. Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano nagiging may pananagutan ang mga bata:

“Ang pagkakaroon ng pananagutan ay hindi dumarating kaagad sa isang bata sa anumang partikular na sandali sa kanyang buhay. Ang mga bata ay mananagot nang unti-unti, sa loob ng ilang taon. Ang pagiging may pananagutan ay isang proseso, hindi isang mithiin na dapat matamo kapag lumipas na ang ilang taon, araw, at oras. Sa paghahayag sa atin, sinabi ng Panginoon, ‘Hindi sila magkakasala, sapagkat ang kapangyarihan ay hindi ibinigay kay Satanas upang tuksuhin ang maliliit na bata, hanggang sa sila ay magsimulang magkaroon ng pananagutan sa akin.’ (D at T 29:47.) Gayunpaman, darating ang panahon na magkakaroon ng tunay na pananagutan at ang kasalanan ay iuugnay sa mga taong lumaki nang normal. Mangyayari ito pagsapit ng walong taong gulang, ang edad na dapat binyagan ang mga bata. (D at T 68:27.)” (“The Salvation of Little Children,” Ensign, Abr. 1977, 6).

Moroni 8:8–24. Pagbibinyag sa sanggol

Itinuro ni Propetang Joseph Smith na hindi kailangang binyagan ang maliliit na bata:

“‘Naniniwala ba [tayo] sa pagbibinyag sa mga sanggol?’ … Hindi. … Dahil hindi ito nakasulat saanman sa Biblia. … Ang binyag ay para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ang mga bata ay walang kasalanan. … Lahat ng bata ay buhay kay Cristo, at ang mga yaong mas nakatatanda ay buhay din kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsisisi” (History of the Church, 5:499).

Ikinuwento ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa mga full-time missionary na inalo ang isang ina na nagdalamhati sa pagkamatay ng kanyang bata pang anak:

“May dalawang misyonerong naglingkod sa kabundukan ng katimugang Estados Unidos. Isang araw, mula sa tuktok ng isang burol, nakakita sila ng mga taong nagtitipon sa kapatagan sa ibaba. Madalang magkaroon ng maraming matuturuan ang mga misyonero, kaya’t bumaba sila sa kapatagan.

“Nalunod ang isang batang lalaki, at idaraos ang libing. Ipinasundo ng kanyang mga magulang ang ministro upang ‘basbasan’ ang kanilang anak. Nanatili sa likuran ang mga misyonero samantalang hinaharap ng palakad-lakad na ministro ang nagdadalamhating ama at ina at sinimulan ang kanyang sermon. Kung umasa ang mga magulang na makatanggap ng pag-alo mula sa lalaking ito na nakaabito, masisiphayo sila.

“Pinagalitan niya ang mga magulang sa hindi pagpapabinyag sa bata. Ipinagpaliban nila ito sa kung anong dahilan, at ngayon ay huli na ang lahat. Tuwiran niyang sinabi sa kanila na ang kanilang anak ay napunta sa impiyerno. Sila ang may kasalanan. Sila ang sisisihin sa kanyang walang katapusang kaparusahan.

“Nang matapos ang sermon at natabunan na ang puntod, nilapitan ng mga elder ang nagdadalamhating mga magulang. ‘Kami po ay mga lingkod ng Panginoon,’ ang sabi nila sa ina, ‘at naparito kami para maghatid ng mensahe sa inyo.’ Habang nakikinig ang humihikbing mga magulang, binasa ng dalawang elder ang mga paghahayag at nagpatotoo tungkol sa panunumbalik ng mga susi para sa ikatutubos kapwa ng mga buhay at patay.

“Naawa ako sa mangangaral na iyon. Ginagawa niya ang lahat batay sa taglay niyang liwanag at kaalaman. Ngunit dapat ay higit pa roon ang kaya niyang [ibigay]. Nariyan ang kabuuan ng ebanghelyo.

“Ang mga elder ay nagsilbing mga taga-alo, mga guro, mga lingkod ng Panginoon, mga awtorisadong ministro ng ebanghelyo ni Jesucristo” (“Papatnubayan Sila ng Munting Bata,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 7).