Lesson 158
Moroni 9
Pambungad
Sa kanyang huling nakatalang liham sa kanyang anak na si Moroni, ipinagdalamhati ni Mormon ang kasamaan ng mga Nephita. Hinikayat niya si Moroni na masigasig na tulungan ang mga Nephita na magsisi. Isinalaysay rin ni Mormon ang paghihirap ng mga tao dahil sa kanilang kasamaan. Sa kabila ng kasamaan ng kanyang mga tao, hinikayat niya si Moroni na maging matapat kay Jesucristo at magkaroon ng pag-asa sa pangako na buhay na walang hanggan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Moroni 9:1–20
Ipinagdalamhati ni Mormon ang kasamaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung may isang tao sila na pinagsikapang matulungan pero hindi tinanggap ang tulong nila.
-
Ano kaya ang magiging reaksyon ng ilang tao kapag paulit-ulit na inaayawan ng mga taong sinisikap nilang tulungan ang kanilang mabuting intensyon?
Ipaliwanag sa klase na ang Moroni 9 ay isang liham na isinulat ng propetang si Mormon sa kanyang anak na si Moroni. Sabihin sa kanila na alamin kung paano hinikayat ni Mormon ang kanyang anak.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 9:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang salitang ginamit ni Mormon para ilarawan ang kalagayan ng mga Nephita. Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang salitang kahambal-hambal ay tumutukoy sa isang bagay na napakasakit, nakapanlulumo, o nakalulungkot.
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: Moroni 9:2–5; Moroni 9:7–10; Moroni 9:16–19. Hatiin ang mga estudyante sa tatlong grupo. Sabihin sa isang grupo na basahin ang isa sa mga scripture passage na nakalista sa pisara at alamin ang mga kahambal-hambal na bagay na inilarawan ni Mormon. Sabihin sa isang estudyante mula sa bawat grupo na ibahagi ang nalaman nila. (Kung hindi binanggit ng mga estudyante na naka-assign sa Moroni 9:2–5 ang galit, maaari mong sabihin ang bahagi ng galit sa mga kakila-kilabot na pangyayaring inilarawan ni Mormon.)
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Moroni 9:11–15, 20. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga dahilan kung bakit nagdalamhati si Mormon sa kalagayan ng kanyang mga tao. Itanong ang mga sumusunod para matulungan ang mga estudyante na mapag-isipang mabuti ang mga talatang ito:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “walang kabihasnan”? (Moroni 9:11). (Kumikilos nang hindi sibilisado—walang kagandahang-asal o pagtitimpi; walang paggalang sa ibang tao; hindi sinusunod ang batas ng lipunan.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “walang simulain”? (Moroni 9:20). (Namumuhay nang walang pamantayan at hindi iginagalang at sinusunod ang mga kautusan ng Diyos.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng naging “manhid”? (Moroni 9:20). (Pinatigas ang puso laban sa Espiritu ng Panginoon at Liwanag ni Cristo at hindi nalalaman ang tama sa mali.)
-
Anong katibayan ang nakikita ninyo sa mundo ngayon na ang ilang tao ay walang kabihasnan, walang simulain, at mga manhid?
Maaari mo ring ituro na sinabi ni Mormon na ang kanyang mga tao ay naging ganito kasama sa loob lamang ng ilang taon (tingnan sa Moroni 9:12).
Ipaliwanag na halos katulad ng propetang si Eter ng bansang Jaredita, nasaksihan ni Mormon ang galit at kasamaan na nanaig sa kanyang mga tao. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 9:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at pakinggan kung bakit natatakot si Mormon para sa mga Nephita. (Natatakot siya na “ang Espiritu ng Panginoon ay tumigil na ng pamamatnubay sa kanila.”)
-
Binanggit ni Mormon na siya ay “patuloy na nagpagal kasama [ng kanyang mga tao].” Bakit kaya patuloy na nagpapagal o gumagawa si Mormon, o ang isang lider ng Simbahan ngayon sa mga tao na nagagalit o pinatitigas ang kanilang mga puso laban sa salita ng Diyos?
Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Dapat tayong masigasig na gumawa sa paglilingkod sa Diyos, kahit hindi maganda ang tugon sa atin ng mga pinaglilingkuran natin. Ipaliwanag na ganito ang dapat nating gawin kahit ang mga taong pinaglilingkuran natin ay nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 9:6. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilan kung bakit dapat tayong masigasig na gumawa sa paglilingkod sa Diyos, kahit hindi maganda ang tugon sa atin ng mga pinaglilingkuran natin. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ilahad ang mga sumusunod na sitwasyon sa kanila (o gumawa ka ng ilan sa sarili mo) upang tulungan silang pag-isipan kung paano maipamumuhay ang katotohanang ito. Sabihin sa isa o higit pang estudyante na ipaliwanag kung paano nila ipamumuhay ang katotohanan sa pisara sa bawat sitwasyong inilahad mo.
-
Bilang president ng inyong klase sa Young Women, responsibilidad mo ang limang iba pang dalagita sa inyong ward. Isa sa mga dalagitang ito ay hindi dumadalo sa mga miting o aktibidad ng simbahan nang mahigit isang taon na. Matapos mo siyang personal na anyayahan na magsimba sa nakaraang tatlong buwan, hindi pa rin siya dumadalo sa anumang miting o aktibidad.
-
Bilang home teacher, masigasig kang naglilingkod sa bawat isa sa mga pamilya na naka-assign sa iyo. Gayunman, sa nakalipas na ilang buwan, isa sa mga pamilyang naka-assign sa iyo ang hindi sumasagot sa mga tawag mo sa telepono o nagbubukas ng pinto kapag pumupunta ka sa kanila.
-
Nakadama ka ng inspirasyon na anyayahan ang isa sa iyong mabubuting kaibigan na magpaturo sa mga missionary. Hindi niya tinanggap ang paanyaya mo, pero patuloy kang nakadarama ng inspirasyon na anyayahan pa rin siya.
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, na naghikayat sa atin na maging masigasig sa ating pagsisikap na paglingkuran ang mga anak ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang anumang makapaghihikayat sa kanila na masigasig na maglingkod para matulungan ang iba.
“Ito ay isang pakikipagtipan natin sa Diyos na susundin natin ang lahat ng Kanyang utos at maglilingkod na tulad ng gagawin Niya kung narito Siya. Ang pamumuhay ng mga pamantayang iyan sa abot ng ating makakaya ay nagbibigay ng lakas na kakailanganin natin para magtiis hanggang wakas.
“Ipinakita sa akin ng mahuhusay na guro sa priesthood kung paano makakamtan ang ganoong kalakasan: iyon ay ang masanay na daigin ang pagod at takot na siyang maaaring tumukso sa iyo na sumuko. Ipinakita sa akin ng mahuhusay na guro ng Panginoon na ang espirituwal na lakas na manatili ay nagmumula sa patuloy na pagsisikap kahit sumuko na ang iba. …
“… Ipinapangako ko sa inyo na kung gagawin ninyo ang lahat ng makakaya ninyo, daragdagan ng Diyos ang inyong lakas at karunungan” (“Paghahanda sa Priesthood: ‘Kailangan Ko ang Tulong Mo,’” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 58–59).
-
Ano ang itinuro ni Pangulong Eyring na humihikayat sa inyo na maglingkod nang masigasig sa Panginoon, paano man tanggapin ang paglilingkod ninyo?
Basahin ang sumusunod na kuwento ni Elder Mervyn B. Arnold ng Pitumpu tungkol sa isang priesthood leader na masigasig na naglingkod sa isang binatilyo kahit paulit-ulit siyang tinanggihan. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang nakita sa huli ng binatilyo sa priesthood leader na ito.
“Bilang miyembro ng branch presidency sa Fortaleza, Brazil, bumuo ng plano si Brother Marques kasama ang iba pang mga lider ng priesthood na mapaaktibong muli ang mga di-gaanong aktibong miyembro sa kanyang branch. Isa sa mga di-gaanong aktibong iyon ang binatilyong nagngangalang Fernando Araujo. Kamakailan ay nakausap ko si Fernando, at ikinuwento niya sa akin ang karanasan niya:
“‘Napasali ako sa mga paligsahan sa surfing tuwing Linggo ng umaga at tumigil ako sa pagdalo sa mga miting sa Simbahan. Isang Linggo ng umaga kumatok sa pintuan namin si Brother Marques at itinanong sa nanay kong di-miyembro kung puwede akong kausapin. Nang sabihin nitong tulog ako, nakiusap siyang gisingin ako. Sabi niya sa akin, “Fernando, huli ka na sa simbahan!” Di niya pinakinggan ang mga dahilan ko at walang abug-abog na tinangay niya ako patungong simbahan.’
“‘Noong sumunod na Linggo gayon din ang nangyari, kaya sa ikatlong Linggo nagpasiya akong umalis nang maaga para takasan siya. Pagbukas ko ng gate namin naroon siya’t nakaupo sa kotse niya, nagbabasa ng mga banal na kasulatan. Pagkakita niya sa akin sabi niya, “Ayos! Maaga kang nagising. Ngayo’y maghahanap tayo ng isa pang binatilyo!” Nakipagtalo ako na malaya akong pumili, pero sabi niya, “Mamaya na natin pag-usapan iyan.”’
“‘Makaraan ang walong Linggo na hindi ko siya maiwasan, nagdesisyon akong matulog sa bahay ng isang kaibigan. Nasa aplaya ako kinaumagahan nang makita kong palapit sa akin ang isang lalaking nakaamerikana at kurbata. Nang malaman kong si Brother Marques iyon, lumusong ako sa dagat. Bigla ko na lang naramdaman na may humawak sa balikat ko. Si Brother Marques pala, na nasa tubig na hanggang dibdib niya! Hinawakan niya ako sa kamay at nagsabi, “Huli ka na! Tara na.” Nang sabihin kong wala akong isusuot, tumugon siya, “Mayroon sa kotse.”
“‘Noong araw na iyon habang papalayo kami sa karagatan, naantig ako ng taos na pagmamahal at pag-aalala sa akin ni Brother Marques. … Hindi lang ako inihatid ni Brother Marques sa simbahan—siniguro pa ng korum na mananatili akong aktibo. Nagplano sila ng mga aktibidad na nagpadama sa aking kailangan ako at kinagigiliwan, tumanggap ako ng tungkulin, at naging kaibigan ko ang mga miyembro ng korum’” (“Palakasin ang Inyong mga Kapatid,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 46–47).
Ipaliwanag na bilang mga miyembro ng Simbahan, lahat tayo ay may mahahalagang gagawin sa buhay na ito. Ang mga halimbawa nina Mormon, Moroni, at Brother Marques ay makahihikayat sa atin sa mga gawaing iyon kapag pinanghihinaan tayo ng loob o tinatanggihan ng mga pinaglilingkuran natin.
Moroni 9:21–26
Hinikayat ni Mormon si Moroni na maging matapat
Sabihin sa mga estudyante na bumanggit ng anumang kasalukuyang mga pangyayari sa kanilang komunidad o bansa o sa mundo na maaaring ikahina ng loob ng mga tao.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Moroni 9:21–22, 25–26. Sabihin sa kanila na alamin ang ipinayo ni Mormon kay Moroni tungkol sa dapat niyang gawin sa kanyang kalagayan na nakapagpapahina ng loob. Para matulungan ang mga estudyante na masuri at maunawaan ang mga talatang ito, itanong ang mga sumusunod:
-
Sa mga talatang ito, aling mga salita at parirala ang nagpapakita ng nadarama ni Mormon sa kanyang anak na si Moroni?
-
Ano ang sinabi ni Mormon na dapat “mamalagi sa isipan [ni Moroni] magpakailanman”? (Moroni 9:25). Paano makatutulong sa atin ang pag-alaala sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala kapag pinanghihinaan tayo ng loob o kapag napapalibutan tayo ng kasamaan?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito hinggil sa gagawin natin kapag napaligiran tayo ng paghihirap at kasamaan? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat nilang maipahayag na: Kung tapat tayo kay Jesucristo, palalakasin Niya tayo kahit napaliligiran tayo ng paghihirap at kasamaan. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito at imungkahi sa mga estudyante na isulat ito sa kanilang banal na kasulatan.)
-
Anong mga karanasan sa inyong buhay o sa buhay ng isang taong malapit sa inyo na nagpapakita na totoo ang alituntunin ito?
Hikayatin ang mga estudyante na mag-isip ng mga paraan na magiging mas tapat sila at mas naaalaala si Jesucristo, kahit sila ay pinanghihinaan ng loob o napaliligiran ng kasamaan. Patotohanan ang katatagan na natanggap mo sa pagiging tapat kay Jesucristo.