Lesson 159
Moroni 10:1–7, 27–29
Pambungad
Pinayuhan ni Moroni ang mga Lamanita at lahat ng magbabasa ng kanyang patotoo na magtanong sa Diyos para malaman ang katotohanan ng kanyang mga salita. Itinuro niya na ipapaalam ng Diyos ang katotohanan ng Aklat ni Mormon at ang realidad ni Jesucristo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ipinahayag din ni Moroni na tatagpuin niya tayo sa harapan ng hukuman ng Diyos, kung saan pagtitibayin ng Diyos ang katotohanan ng mga salita ni Moroni. (Paalala: Maaari kang maglaan ng oras sa katapusan ng lesson para makapagbahagi ang mga estudyante ng kanilang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Para matiyak na magkakaroon ng sapat na oras, mapanalanging piliin ang mga bahagi sa lesson na ito na higit na pakikinabangan ng iyong mga estudyante.)
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Moroni 10:1–7
Pinayuhan tayo ni Moroni na magkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon at kay Jesucristo
Bago magsimula ang klase, magdrowing sa pisara ng isang arko na may saligang bato (maaari mong tingnan ang larawang ginamit sa lesson 4). Simulan ang lesson sa pagtukoy sa larawan.
-
Ano ang layunin ng saligang bato sa isang arko?
-
Paano nauugnay ang saligang bato sa Aklat ni Mormon? (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pagsagot sa tanong na ito, maaari mong imungkahi na basahin nila ang pahayag ni Propetang Joseph Smith sa ikaanim na talata ng pambungad sa Aklat ni Mormon.)
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang huling talata ng pambungad sa Aklat ni Mormon. Bago sila magbasa, sabihin sa kanila na alamin ang tatlong katotohanan na maaaring malaman ng isang tao sa pagkakaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon.
-
Tulad ng isang arko na hindi bumabagsak dahil sa saligang bato, ano ang iba pang bahagi ng ating patotoo na napapalakas sa pagkakaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon?
-
Bakit mahalagang magkaroon ng sariling patotoo sa Aklat ni Mormon ang bawat indibidwal?
Ibuod ang Moroni 10:1–2 na ipinapaliwanag na mga 1,400 taon bago matanggap ni Joseph Smith ang mga laminang ginto, tinapos ni Moroni ang talaan ng kanyang ama sa pagsulat ng kanyang huling pagpapayo sa mga taong tatanggap ng Aklat ni Mormon sa mga huling araw. (Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang pagpapayo ay matinding hikayatin o himukin ang isang tao. Ang salitang ito sa iba’t ibang banghay ay makikita nang walong beses sa Moroni 10.)
Ipaliwanag na pinayuhan ni Moroni ang lahat ng tatanggap ng Aklat ni Mormon na sikaping magkaroon ng patotoo sa katotohanan at kabanalan nito. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 10:3–4 at hanapin ang mga parirala na nagsasaad ng mga kinakailangang gawin para magkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga pariralang ito kapag nakita nila. Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang mga pariralang nakita nila, isulat ang mga parirala sa pisara. Dapat kabilang sa mga sagot nila ang sumusunod:
Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang dapat gawin ng isang tao para makatanggap ng patunay mula sa Espiritu Santo na totoo ang Aklat ni Mormon, gamitin ang mga sumusunod na ideya sa pagtuturo para matalakay ang bawat isa sa kinakailangang gawin na itinuro ni Moroni.
1. “[Basahin] ang mga bagay na ito”
Inanyayahan tayo ni Moroni na “[basahin] ang mga bagay na ito,” o basahin ang Aklat ni Mormon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento ni Elder Tad R. Callister ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa isang dalagita na nakinabang sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon:
“Isang 14-na-taong-gulang na babae ang … [nagsabi na] kinausap niya ang isa sa mga kaibigan niya sa eskuwela tungkol sa relihiyon. Sinabi ng kaibigan niya sa kanya, ‘Anong relihiyon ang kinabibilangan mo?’
“Sagot niya, ‘Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, o mga Mormon.’
“Sagot ng kaibigan niya, ‘Alam ko ang Simbahang iyon, at alam kong hindi iyon totoo.’
“‘Paano mo nalaman?’ ang sagot niya.
“‘Kasi,’ sabi ng kaibigan niya, ‘sinaliksik ko na ito.’
“‘Nabasa mo na ba ang Aklat ni Mormon?’
“‘Hindi,’ ang sagot nito. ‘Hindi pa.’
“Sa gayon ay sumagot ang magiliw na batang ito, ‘Kung gayon ay hindi mo pa nasaliksik ang Simbahan ko, dahil nabasa ko na ang bawat pahina ng Aklat ni Mormon at alam kong totoo ito’” (“Ang Aklat ni Mormon—Isang Aklat mula sa Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 76).
-
Bakit mahalaga ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon para magkaroon ng patotoo sa katotohanan nito?
-
Paano napalakas ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon sa taon na ito ang inyong patotoo rito at sa mga katotohanang itinuturo nito?
2. “Maalaala kung paano naging maawain ang Panginoon”
Itinuro ni Moroni na yaong magbabasa ng Aklat ni Mormon at maghahangad na malaman ang katotohanan nito ay dapat “maalaala kung paano naging maawain ang Panginoon” (Moroni 10:3). Ipaliwanag na ang pagkilala at pag-alaala sa mga pagkakataon na naging maawain ang Panginoon ay makapagpapalambot ng ating puso at maihahanda tayo sa impluwensya ng Espiritu Santo. Ang isa pang kahulugan ng salitang maawain ay mahabagin. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pangyayari na naawa o nahabag sa kanila ang Panginoon o nakita ito sa buhay ng isang taong kilala nila.
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng pagpapakita ng awa ng Panginoon sa Aklat ni Mormon na naging makabuluhan sa kanila.
-
Sa inyong palagay, paano nakatutulong sa isang tao ang pag-alaala na maawain ang Panginoon para madali niyang mahiwatigan ang Espiritu Santo at magkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon?
-
Anong katibayan ang nakita ninyo sa inyong buhay na maawain ang Panginoon?
-
Ano ang nadama ninyo nang maalaala ninyo na naging maawain ang Panginoon sa inyong buhay?
3. “Pagbulay-bulayin ang [pagiging maawain ng Panginoon] sa inyong mga puso”
Itinuro ni Moroni na dapat nating pagbulay-bulayin ang pagiging maawain ng Panginoon sa ating puso. Ipaliwanag na ang pagbubulay-bulay sa mga paraan na naging maawain ang Panginoon sa iba at sa ating sarili ay maghahanda sa atin na matanggap ang impluwensya ng Espiritu Santo. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano nangyayari ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Elder Marvin J. Ashton ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Sinasabi sa mga diksyunaryo na ang ibig sabihin ng pagbulay-bulayin ay suriin, pag-isipan nang malalim, pag-aralang mabuti, at pagnilayan. …
“Sa pagbubulay-bulay, binibigyan natin ang Espiritu ng pagkakataong mabigyan tayo ng inspirasyon at matagubilinan. Ang pagbubulay-bulay ay pag-uugnay ng puso at isipan. Sa pagbabasa natin ng mga banal na kasulatan, naaantig ang ating puso at isipan. Kung gagamitin natin ang kaloob na makapagbulay-bulay, mauunawaan natin ang mga walang-hanggang katotohanang ito at malalaman kung paano natin iuugnay ito sa mga ginagawa natin sa araw-araw. …
“Ang pagbubulay ay dapat gawin palagi upang umunlad ang isipan. Isa itong napakagandang kaloob sa mga tao na natutuhang gamitin ito. Magkakaroon tayo ng pang-unawa, kabatiran, at akmang pagsasabuhay kung gagamitin natin ang kaloob na makapagbulay-bulay” (“There Are Many Gifts,” Ensign, Nob. 1987, 20).
-
Sa pag-aaral ninyo ng Aklat ni Mormon, kailan nakatulong sa inyo ang pagbubulay-bulay para madama ninyo ang impluwensya ng Espiritu Santo?
-
Ano ang maaari nating gawin para lalo pa tayong makapagbulay-bulay kapag nag-aaral tayo ng mga banal na kasulatan?
4. “Magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay [Jesucristo]”
Itinuro ni Moroni na kung gusto nating makatanggap ng patunay sa katotohanan ng Aklat ni Mormon, kailangan nating tanungin ang Diyos “nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay [Jesucristo].” Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng manalangin nang tapat at may tunay na layunin ay “kikilos [tayo] ayon sa sagot na matatanggap [natin] mula sa Diyos” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 126). Maaari mong ikuwento ang sumusunod, kung saan isang lalaki ang nanalangin nang may tunay na layunin para makatanggap ng patunay sa katotohanan ng Aklat ni Mormon:
“May mga pagkakataong ipinagdasal kong malaman ang tama, ngunit dumaan lamang ito sa isip ko at hindi isang matapat na tanong. Pagkatapos isang gabi ay ipinasiya kong manalangin nang may ‘tunay na layunin.’
“Sinabi ko sa Ama sa Langit na gusto ko Siyang makilala at maging bahagi ng Kanyang tunay na Simbahan. Nangako ako: ‘Kung ipapaalam po Ninyo sa akin kung si Joseph Smith ay tunay na propeta at kung ang Aklat ni Mormon ay totoo, gagawin ko ang anumang ipagawa Ninyo sa akin. Kung Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tunay na Simbahan, susundin ko ito at lagi kong ipaglalaban ito.’
“Wala akong nakitang kagila-gilalas na pagpapamalas, ngunit nakadama ako ng kapayapaan at natulog na ako. Pagkaraan ng ilang oras nagising ako na malinaw na nasa isip: ‘Si Joseph Smith ay tunay na propeta, at ang Aklat ni Mormon ay totoo.’ Ang kaisipang iyon ay sinamahan ng di-maipaliwanag na kapayapaan. Nakatulog akong muli, para lamang magising kalaunan na naiisip at nadarama ko pa rin iyon.
“Simula noon, hinding-hindi ko na pinagdudahan na si Joseph Smith ay tunay na propeta. Alam ko na ito ang gawain ng Tagapagligtas at sasagutin ng Ama sa Langit ang ating taos-pusong pagsamo” (Rodolfo Armando Pérez Bonilla, “How I Know,” Ensign, Okt. 2011, 64).
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Moroni 10:4 at tukuyin kung ano ang gagawin ng Diyos para sa mga taong susunod sa paraang sinabi ni Moroni.
-
Ano ang ipinangako ni Moroni sa mga taong maghahangad ng patotoo sa Aklat ni Mormon ayon sa paraang inilahad niya?
-
Sa paanong mga paraan patototohanan sa atin ng Espiritu Santo ang katotohanan ng Aklat ni Mormon? (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na karamihan sa mga paghahayag ay hindi dumarating sa kagila-gilalas na paraan. Bagama’t ang ilang indibidwal ay may kahanga-hangang espirituwal na karanasan, karamihan ay tahimik at banayad ang mararanasan, tulad ng masaya at payapang damdamin o isang katiyakan. Maaari mo ring ipaliwanag na sa pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan, maaaring magpatotoo ang Espiritu sa katotohanan ng nabasa natin. Pagkatapos, kapag partikular nating tinanong kung totoo ang Aklat ni Mormon, pagtitibayin ng Espiritu ang patotoong natanggap na natin.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 10:5–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano pa ang ipinangako ni Moroni na malalaman natin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Bigyang-diin na ang Moroni 10:4–5 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang scripture mastery passage na ito sa paraan na madali nilang mahahanap.
-
Ano ang matututuhan natin sa Moroni 10:3–7? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung magtatanong tayo sa Diyos nang may pananampalataya at tunay na layunin, magkakaroon tayo ng patotoo sa Aklat ni Mormon at kay Jesucristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.)
Sabihin sa mga estudyante na magsulat sa notebook o scripture study journal ng isang mithiin hinggil sa gagawin nila upang magkaroon ng patotoo o mapalakas ang kanilang patotoo sa Aklat ni Mormon. Hikayatin silang ipamuhay ang alituntuning itinuro sa Moroni 10:4.
Moroni 10:27–29
Nagpatotoo si Moroni na makikita natin siya sa hukuman ng Diyos
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 10:27–29. Sabihin sa klase na isipin kung paano nila sasagutin ang tanong na makikita sa Moroni 10:27. Patototohanan na mananagot ang mga tao sa Diyos sa paraan ng pagtanggap at pagtugon nila sa Aklat ni Mormon.
Magkaroon ng sapat na oras sa katapusan ng lesson na ito para maanyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng kanilang patotoo sa Aklat ni Mormon. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong patotoo sa Aklat ni Mormon. Tiyakin sa mga estudyante na kapag patuloy nilang pinag-aralan ang Aklat ni Mormon sa buong buhay nila, ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay lalakas.