Library
Lesson 160: Moroni 10:8–26, 30–34


Lesson 160

Moroni 10:8–26, 30–34

Pambungad

Matapos ituro kung paano magkaroon ng patotoo sa katotohanan ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng Espiritu Santo, pinayuhan ni Moroni ang mga magbabasa ng kanyang mga salita na tanggapin at kilalanin ang mga espirituwal na kaloob. Tinapos ni Moroni ang Aklat ni Mormon sa pagpapayo sa lahat ng tao na lumapit kay Jesucristo, manangan sa bawat mabuting kaloob na ibinibigay Niya, at maging ganap sa Kanya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Moroni 10:8–26

Itinuro ni Moroni ang tungkol sa mga kaloob ng Espiritu at ang kanilang layunin sa gawain ng Panginoon

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na tinulungan sila ng Ama sa Langit na magawa ang isang bagay na hindi nila magagawa nang mag-isa. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 10:8 at hanapin ang parirala na naglalarawan ng mga espirituwal na kakayahan o pagpapala na ibinigay ng Diyos sa matatapat (“mga kaloob ng Diyos”). Ipaliwanag na kadalasan ay tinutukoy natin ang mga kaloob na ito na mga kaloob ng Espiritu o mga espirituwal na kaloob.

  • Ayon sa Moroni 10:8, bakit nagbibigay ang Diyos ng mga kaloob ng Espiritu sa Kanyang mga anak? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang Diyos ay nagbibigay ng mga kaloob ng Espiritu para sa kapakinabangan ng Kanyang mga anak. Maaari mong ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng kapakinabangan ay pagpapala o tulong.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 10:9–16 at alamin ang mga kaloob ng Diyos na inilarawan ni Moroni sa mga talatang ito. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.

  • Anong mga kaloob ng Espiritu ang nalaman ninyo sa mga talatang ito? (Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.)

  • Anong mga halimbawa ng mga kaloob na ito ang nakita ninyo sa Simbahan?

  • Kailan kayo nakakita ng mga tao na nakatanggap ng mga pagpapala dahil ginamit ng iba ang kanilang mga espirituwal na kaloob? (Maaari kang maghandang magbahagi ng isang halimbawa na nakita mo.)

  • Paano nakatulong ang mga kaloob ng Espiritu sa taong tumanggap ng mga ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 10:19, 24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang makahahadlang sa pagtanggap at pagkilala sa mga espirituwal na kaloob.

  • Ano ang hadlang sa pagtanggap at pagkilala sa mga espirituwal na kaloob na nalaman ninyo?

  • Sa inyong palagay, bakit hindi makikilala o matatanggap ng mga taong walang paniniwala ang kapangyarihan at mga kaloob ng Diyos?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 10:25–26 at alamin ang mangyayari sa mga taong itatatwa ang mga kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Moroni 10:20–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pagpapala ng pagkakaroon ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao. (Bago magbasa ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “kapaki-pakinabang sa akin” sa Moroni 10:23 ay tumutukoy sa mga bagay na ayon sa kalooban ng Diyos.)

  • Ano ang mga pagpapalang itinuro ni Moroni na darating sa mga taong may pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa tao?

Kapag nakasagot na ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay may pananampalataya, magagawa natin ang nais ng Tagapagligtas na gawin natin. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang alituntuning ito sa Moroni 10:23.

  • Sa palagay ninyo, paano maaaring magkaugnay sa isa’t isa ang dalawang alituntunin na nasa pisara? (Kung may pananampalataya tayo, bibigyan tayo ng Diyos ng mga kaloob na kailangan natin upang magawa ang gawaing ipinagagawa Niya sa atin.)

  • Paano makatutulong sa inyo ang dalawang alituntuning ito ngayon at sa hinaharap?

Isulat ang mga sumusunod na hindi kumpletong pahayag sa pisara. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano natupad o matutupad ang pangakong nakita sa Moroni 10:23 sa kanilang buhay, bigyan sila ng ilang minuto na makumpleto ang isa sa mga pahayag sa notebook o scripture study journal:

Natamo ko ang pangako sa Moroni 10:23 nang …

Ang pangako na matatagpuan sa Moroni 10:23 ay makatutulong sa akin sa …

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila sa isang kaklase.

Moroni 10:30–34

Inanyayahan ni Moroni ang lahat na lumapit kay Jesucristo at maging ganap sa Kanya

Isulat sa pisara ang salitang Pagiging Ganap o Perpekto. Sa ilalim nito isulat ang Posible o imposible?

Sabihin sa mga estudyante na magbigay ng kanilang ideya hinggil sa tanong na nasa pisara. Matapos ang maikling talakayan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 12:48.

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na pinakadakilang mithiin ng bawat isa sa atin? (Maging ganap o perpekto.) Paano ito mangyayari?

Matapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:

Pangulong James E. Faust

“Ang pagiging perpekto ay walang hanggang layunin. Bagama’t hindi tayo magiging perpekto sa mortalidad, ang pagsikapang makamtan ito ay isang kautusan, na sa huli, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, ay makakamtan natin” (“This Is Our Day,” Ensign, Mayo 1999, 19).

Ipaliwanag na bagama’t ang pagiging perpekto ay hindi matatamo sa buhay na ito, tayo kalaunan ay magiging perpekto. Itinuro ni Moroni ang maaari nating gawin upang maging ganap o perpekto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Isulat sa pisara ang sumusunod na chart, pero huwag isama ang mga sagot sa panaklong.

Ang dapat kong gawin …

Ang mga pangako ng Diyos …

(Maaaring kabilang sa mga sagot na dapat tayong lumapit kay Jesucristo; hangarin at tanggapin ang mabubuting kaloob; iwasan ang masasamang kaloob at maruruming bagay; pagkaitan ang ating sarili ng lahat ng kasamaan; at ibigin ang Diyos nang buo nating kakayahan, pag-iisip, at lakas.)

(Maaaring kabilang sa mga sagot na tutuparin Niya ang Kanyang tipan; ang Kanyang biyaya ay magiging sapat para sa atin; tayo ay maging ganap kay Jesucristo; tatanggap tayo ng biyaya ng Diyos; tayo ay pababanalin at tatanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan; at tayo ay magiging banal, walang bahid-dungis.)

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Moroni 10:30–33 para makita ang mga pariralang naglalarawan kung ano ang dapat nating gawin at ano ang mga ipinangako ng Diyos na gagawin para tulungan tayong maging dalisay at ganap o perpekto. Hilingin sa isang estudyante na isulat niya sa angkop na mga column sa pisara ang mga sagot ng kanyang mga kaklase. Ipaliwanag na ang salitang biyaya ay tumutukoy sa banal na tulong at lakas na natatanggap natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Anong pahayag ang isusulat ninyo sa ilalim ng chart na ito para maibuod ang itinuro ni Moroni tungkol sa pagiging dalisay at ganap o perpekto? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat makita sa mga sagot nila ang sumusunod na katotohanan: Kung lalapit tayo kay Jesucristo, tayo ay madadalisay at magiging ganap sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.)

Kung maaari, bigyan ang mga estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase. Bago magbasa ang estudyante, hikayatin ang klase na makinig na mabuti, iniisip kung ano ang maaari nilang gawin para makalapit kay Jesucristo na resulta ng pag-aaral nila ng Aklat ni Mormon sa taong ito.

Elder Jeffrey R. Holland

“Ang pangwakas, ang huli at malungkot na panawagan ng saligang bato ng ating relihiyon at ng pinakatumpak na aklat na naisulat ay ang huwag humipo ng anumang maruming bagay; ang maging banal at walang bahid-dungis; ang maging dalisay. At ang kadalisayang iyan ay darating lamang sa pamamagitan ng dugo ng Kordero na pumasan ng ating mga karamdaman at dinala ang ating mga kalungkutan, ang Kordero na nasugatan dahil sa ating mga kasalanan at nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang Kordero na kinamuhian at nahirapan, ngunit hindi natin pinahalagahan (tingnan sa Mosias 14). …

“Kadalisayan—sa pamamagitan ng dugo ng Kordero. Iyan ang panawagan ng aklat na ito” (“A Standard unto My People” [mensahe sa CES religious educators, Ago. 9, 1994], 13–14, si.lds.org).

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga parirala sa Moroni 10:32–33 na nagbibigay-diin na tayo ay magiging ganap lamang “kay Cristo,” o sa pamamagitan ng nakalilinis na kapangyarihan at biyaya ng Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Bakit kailangan natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo para maging dalisay at ganap o perpekto?

  • Anong mga parirala sa Moroni 10:32–33 ang nakahihikayat sa inyo na magsikap na maging dalisay at makamit ang walang hanggang layunin na maging perpekto?

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa o dalawang parirala mula sa unang column ng chart na nasa pisara. Bigyan sila ng ilang minuto na sumulat sa notebook o scripture study journal ng anumang ideya o impresyon na naisip nila kung paano sila mas bubuti pa sa mga aspetong ito.

Tapusin ang lesson na ito sa pagbabasa ng Moroni 10:34 sa klase. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang katibayan na si Moroni ay may pananampalataya at pag-asa kay Jesucristo. Matapos ibahagi ang nahanap nila, sabihin sa mga estudyante na isulat ang anumang ideya o impresyon nila ngayong natapos na nila sa taong ito ang kanilang pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang isinulat nila sa klase. Patotohanan ang mga pagpapalang ipinangako sa kanila ng Ama sa Langit kung sila ay lalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga turo at pananampalataya sa Kanyang Pagbabayad-sala. Hikayatin ang mga estudyante na gawing pang-habambuhay ang pag-aaral nila ng Aklat ni Mormon.

Pagrebyu ng Moroni

Maglaan ng oras na tulungan ang mga estudyante na mapag-aralang muli ang aklat ni Moroni. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang natutuhan nila mula sa aklat na ito, mula sa seminary at sa kanilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan. Kung kinakailangan, sabihin sa kanila na mabilis na basahin ang ilan sa mga chapter summary sa Moroni para matulungan sila na makaalaala. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng ilang bagay mula sa Moroni na nagbigay ng inspirasyon sa kanila o nakatulong sa kanila na mas mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Moroni 10:8–19. Mga kaloob ng Espiritu

Inilarawan ni Elder Bruce R. McConkie ang mga layunin at dahilan sa pagtatamo ng mga espirituwal na kaloob:

“[Ang layunin ng mga espirituwal na kaloob] ay magbigay-linaw, maghikayat, at palakasin ang matatapat nang sa gayon ay mamana nila ang kapayapaan sa buhay na ito at magabayan patungo sa buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. Ang pag-iral ng mga ito ay katibayan ng kabanalan ng gawain ng Panginoon; kung hindi matatagpuan ang mga ito, hindi rin matatagpuan ang Simbahan at kaharian ng Diyos. Ang pangako ay hindi mapapatigil ang mga ito habang nakatindig ang mundo sa kasalukuyan nitong kalagayan, maliban sa kawalang-paniniwala (Moro. 10:19), ngunit kapag dumating ang ganap na araw at ang mga banal ay nagtamo ng kadakilaan, hindi na kailangan ang mga ito. Tulad ng pahayag ni Pablo, ‘Datapuwa’t kung dumating ang sakdal, ang bahagya ay matatapos.’ (I Cor. 13:10)

“Inaasahang pagsisikapang matamo ng matatapat na tao ang mga kaloob ng Espiritu nang buong puso nila. ‘Maningas [nilang] nasain, ang lalong dakilang mga kaloob’ (I Cor. 12:31; D at T 46:8), ‘pakanasain ang mga kaloob na ayon sa espiritu’ (I Cor. 14:1), ‘humingi sa Diyos, na nagbibigay nang sagana.’ (D at T 46:7; Mat. 7:7–8). Sa ilan ay ibibigay ang isang kaloob; sa iba, ang isa pa; at ‘sa iba [ay] maipagkaloob ang lahat ng kaloob na yaon, upang magkaroon ng isang pinuno, nang sa gayon ang bawat kasapi ay makinabang sa gayong paraan.’ (D at T 46:29.)” (Mormon Doctrine, 2nd ed. [1966], 314).

Itinuro ni Elder Marvin J. Ashton ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Isa sa malalaking trahedya ng buhay, sa tingin ko, ay kapag itinuring ng isang tao ang sarili na walang talento o kaloob. …

“Mula sa Doktrina at mga Tipan 46:11–12, nasa atin ang katotohanang ito: ‘Sapagkat hindi lahat ay pinagkakalooban ng lahat ng kaloob; sapagkat maraming kaloob, at sa bawat tao ay ipinagkaloob ang isang kaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos.’

“‘Sa ilan ay ipinagkaloob ang isa, at sa ilan ay ipinagkaloob ang iba, upang ang lahat ay makinabang sa gayong paraan.’

“Binigyan ng Diyos ang bawat isa sa atin ng isa o mas marami pang espesyal na talento. … Ang bawat isa sa atin ang maghahanap at magpapaunlad ng mga kaloob na ibinigay ng Diyos. …

“Ang Diyos ay buhay. Binibiyayaan Niya tayo ng mga kaloob. Kapag pinaunlad natin at ibinahagi ang mga kaloob na ibinigay ng Diyos at nakinabang sa mga kaloob ng mga nakapaligid sa atin, ang mundo ay magiging mas magandang lugar at ang gawain ng Diyos ay mas mabilis na susulong” (“There Are Many Gifts,” Ensign, Nob. 1987, 20, 23).

Moroni 10:22. “Ang kabiguan ay dumarating dahil sa kasamaan”

Ibinahagi ni Pangulong Ezra Taft Benson ang kaalamang ito hinggil sa pangangailangang gumawa ng mabuti upang maiwasan ang kabiguan:

Sa Aklat ni Mormon mababasa natin na ‘ang kabiguan ay dumarating dahil sa kasamaan.’ (Moro. 10:22.) ‘Kapag gumagawa ako ng mabuti, maganda ang pakiramdam ko,’ sabi ni Abraham Lincoln, ‘kapag gumagawa ako ng masama, hindi maganda ang pakiramdam ko.’ Hinahatak ng kasalanan ang isang tao pababa sa kawalang pag-asa at kabiguan. Bagama’t panandaliang masisiyahan ang isang tao sa pagkakasala, ang resulta nito sa huli ay kalungkutan. ‘Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.’ (Alma 41:10.) Ang kasalanan ay lumilikha ng di-pagkakasundo sa Diyos at nagpapahirap sa espiritu. Samakatwid, makabubuting suriin ng isang tao ang kanyang sarili para matiyak na sumusunod siya sa lahat ng batas ng Diyos. Bawat batas na sinunod ay naghahatid ng partikular na pagpapala. Bawat batas na sinuway ay naghahatid ng partikular na kaparusahan. Ang mga nangabibigatang lubha sa kawalang-pag-asa ay dapat lumapit sa Panginoon, sapagkat malambot ang kanyang pamatok at magaan ang kanyang pasan. (Tingnan sa Mat. 11:28–30.)” (“Do Not Despair,” Ensign, Okt. 1986, 2).

Moroni 10:34. Ang pamamaalam ni Moroni

Ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod hinggil sa katapusang pananalita ni Moroni sa Aklat ni Mormon:

“Kadalisayan. Kabanalan. Pagkatao at budhi na walang bahid-dungis. Lahat ng ito ay pamamagitan ng biyaya ni Cristo, na naglilinis ng ating mga kasuotan, nagpapabanal sa ating kaluluwa, nagliligtas sa atin mula sa kamatayan, at ipinanunumbalik tayo sa ating banal na pinagmulan.

“Sa kanyang huling tala, pinatotohanan ni Moroni ang kanyang sariling matibay na pananampalataya sa banal na pagtubos na iyon. …

“Sa gayon nagwakas ang Aklat ni Mormon, na inihayag ni Moroni, sa pangako na banal na Pagkabuhay na Mag-uli. [Tingnan sa Apocalipsis 14:6.] Iyan ang pinakaangkop, para sa sagradong tipan na ito—isinulat ng mga propeta, ipinabatid ng mga anghel, pinangalagaan ng Diyos—nagsasalita katulad ng isang ‘sumisigaw mula sa mga patay,’ pinapayuhan ang lahat na lumapit kay Cristo at maging ganap sa kanya, isang proseso sa kaganapan ng selestiyal na kaluwalhatian” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 339).