Home-Study Lesson
Moroni 7:20–10:34 (Unit 32)
Pambungad
Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang ibig sabihin ng manangan sa mabubuting bagay. Ang mga estudyante ay bibigyan ng pagkakataon na maipaliwanag kung paano malalaman ng isang tao para sa kanyang sarili kung totoo ang Aklat ni Mormon. Makapagbabahagi rin sila ng kanilang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at matatalakay kung paano napalakas ang kanilang patotoo sa taon na ito. Ang Moroni 7–9 ay naglalaman ng mga liham, o mga sulat, mula kay Mormon na isinama ni Moroni sa kanyang aklat.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Moroni 7:20–48
Itinala ni Moroni ang mga itinuro ni Mormon tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao
Isulat sa pisara ang mga salitang hipuin at manangan. Anyayahan ang isang estudyante na magpunta sa harapan ng klase at sabihin sa kanya na ipakita kung ano ang ibig sabihin ng hipuin ang Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay sabihin sa estudyante na ipakita kung ano ang ibig sabihin ng manangan sa Aklat ni Mormon.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Moroni 7:19 at alamin ang sinabi ni Mormon na dapat nating tanganan. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang sinabi ni Mormon na dapat nating tanganan?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “mananangan sa bawat mabuting bagay”? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na maaaring kabilang sa “bawat mabuting bagay” ang mabubuting mithiin, gawa, kaisipan, alituntunin, at mga bagay.)
Ipaliwanag na patuloy na itinuro ni Mormon kung paano tayo “mananangan sa bawat mabuting bagay.” Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Moroni 7:20–22, 25. Sabihin sa klase na alamin ang ipinayo ni Mormon kung ano ang dapat nating gawin upang “[manangan] sa bawat mabuting bagay.”
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kapag … , makakapanangan tayo sa bawat mabuting bagay.
Itanong: Pagkatapos mabasa ang mga talatang ito, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na ito? (Ang isang sagot na maaaring maibigay ng mga estudyante ay kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, makakapanangan tayo sa bawat mabuting bagay.)
Ipaalala sa mga estudyante na sa kabanatang ito nagpatotoo si Mormon na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo ay mapupuspos ng kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan sa Moroni 7:48). Sabihin sa klase na subukang bigkasin ang scripture mastery passage na Moroni 7:45, 47–48 nang walang kopya. Maaari ding basahin nang malakas ng mga estudyante ang mga talatang ito.
Itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang paborito ninyong parirala sa Moroni 7:45, 47–48? Bakit makabuluhan sa inyo ang pariralang iyon?
-
Kailan ninyo nakita na nagpakita ng pagmamahal ang isang tao, o kailan ninyo nadama na tinulungan kayo ng Panginoon na mahalin ang inyong kapwa? (Maaari mong ibahagi ang sarili mong sagot sa mga tanong na ito.)
Moroni 10
Pinayuhan tayo ni Moroni na magkaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon at lumapit kay Jesucristo
Ituro muli sa mga estudyante kung bakit may saligang bato sa isang arko. Talakayin kung paano nauugnay ang saligang bato sa Aklat ni Mormon. (Maaari mong patingnan sa mga estudyante ang larawan sa unit 1, day 3 sa kanilang study guide.) Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano naging saligang bato ng kanilang patotoo ang Aklat ni Mormon.
Ipabasa sa isang estudyante ang Moroni 10:3–5. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung bakit mahalagang ibahagi ang mga talatang ito sa lahat ng tao, mga miyembro man sila ng Simbahan o hindi. Tawagin ang ilang estudyante para magbahagi ng ideya nila at itanong: Ano ang sinabi ni Moroni na kailangan nating gawin para malaman ang katotohanan? (Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Bigyang-diin na ang mga sagot na ito ay mga paraan na magagawa natin nang may pananampalataya para malaman “ang katotohanan ng lahat ng bagay.”)
Ipabasa sa isang estudyante ang Moroni 10:6–7, at pagkatapos ay itanong: Bukod pa sa katotohanan ng Aklat ni Mormon, ano pa ang maaari nating malaman sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo? (Patototohanan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung magtatanong tayo sa Diyos nang may pananampalataya at tunay na layunin, magkakaroon tayo ng patotoo sa Aklat ni Mormon at kay Jesucristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Ipaalala sa mga estudyante na nag-iwan si Moroni ng huling paanyaya para sa lahat ng tao na magbabasa ng Aklat ni Mormon. Ipabasa sa isang estudyante ang kanyang paanyaya na matatagpuan sa Moroni 10:30, 32–33. Sabihin sa klase na alamin ang mga paraan na tayo ay “[makakalapit] kay Cristo.” (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.) Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang paanyaya ni Moroni sa atin sa pagtatapos ng sagradong talaang ito?
-
Anong mga parirala sa mga talatang ito ang nakatulong sa inyo para malaman kung paano “lumapit kay Cristo”?
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan ninyo mula sa mga talatang ito? (Maaaring kabilang sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung lalapit tayo kay Jesucristo, tayo ay madadalisay at magiging ganap sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng magiging ganap o perpekto kayo sa pamamagitan lamang ni Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na pumili ang bawat isa sa kanila ng isa sa mga sumusunod na tanong at isipin ang isasagot dito. (Maaari mong isulat ang mga tanong na ito sa pisara o gawin itong handout at ibigay sa klase.) Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang sagot sa klase.
-
Paano ninyo nalaman na totoo ang Aklat ni Mormon?
-
Paano kayo tinulungan ng Tagapagligtas na maging higit pa sa kaya ninyong gawin nang mag-isa para sa inyong sarili?
-
Kapag naisip ninyo ang inyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa taon na ito, ano ang isang bagay na gusto ninyong gawin para mas mapagbuti ang pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan?
Kapag nakasagot na ang mga estudyante, maaari kang magbahagi ng iyong patotoo sa Aklat ni Mormon at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Bukod pa rito, pasalamatan ang mga estudyante at ang kanilang mga pagsisikap na mag-aral at matuto sa seminary sa taong ito. Hikayatin sila na patuloy na magbasa ng mga banal na kasulatan araw-araw at sikaping ipamuhay ang natutuhan nila.