Library
Lesson 51: Mga Salita ni Mormon–Mosias 1


Lesson 51

Mga Salita ni MormonMosias 1

Pambungad

Ang aklat na may pamagat na Mga Salita ni Mormon ay nagdurugtong sa maliliit na lamina ni Nephi at sa pinaikling tala ni Mormon ng malalaking lamina ni Nephi. Sa aklat na ito, na isinulat ni Mormon halos 400 taon matapos isilang si Jesucristo, ipinaliwanag ni Mormon na humingi siya ng patnubay sa Diyos at ginabayan siya ng Banal na Espiritu sa mga bagay na isasama niya sa kanyang talaan. Binanggit niya rin si Haring Benjamin at nagbigay ng mahalagang kaalaman kung bakit malaki ang impluwensya ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao. Ang Mosias 1 ay naglalaman ng mga turo ni Haring Benjamin sa kanyang mga anak. Itinuro niya sa kanila na tinutulungan tayo ng mga banal na kasulatan na maalaala ang Diyos at sundin ang Kanyang mga kautusan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Salita ni Mormon 1:1–11

Nagpatotoo si Mormon na pinangalagaan ng Diyos ang iba’t ibang talaan para sa isang matalinong layunin

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na hinikayat sila ng Espiritu na gawin ang isang bagay. Maaari mong ipasulat sa kanila ang karanasang ito sa kanilang scripture study journal o notebook. Para matulungan sila na maisip ang mga naranasan nila, maaari kang magbahagi ng maikling karanasan. Ipaalam sa mga estudyante na mamaya sa lesson, aanyayahan mo ang ilan sa kanila na magbahagi ng kanilang karanasan sa klase.

Ipaliwanag sa mga estudyante na sa araw na ito ay pag-aaralan nila ang halimbawa ng isang tao na sumunod sa pahiwatig ng Espiritu kahit hindi niya nauunawaan ang lahat ng dahilan kung bakit kailangan niyang gawin iyon.

Ipabuklat sa mga estudyante ang Mga Salita ni Mormon at tingnan (sa ibaba ng pahina o sa chapter summary) ang tinatayang petsa kung kailan isinulat ni Mormon ang aklat. Sabihin sa kanila na ikumpara ang petsang iyon sa mga petsa sa aklat nina Omni at Mosias.

  • Ano ang natutuhan natin tungkol sa Mga Salita ni Mormon mula sa mga petsang ito?

Pinaiikli ni Mormon ang mga Talaan sa Lamina

Idispley ang larawang Pinaiikli ni Mormon ang mga Talaan sa Lamina (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 73). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Salita ni Mormon 1:1–2. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na isinulat ni Mormon ang aklat na may pamagat na Mga Salita ni Mormon pagkatapos ng halos lahat ng pangyayari sa Aklat ni Mormon. Ipaliwanag na ang Aklat ni Mormon ay tumutulong sa atin na maunawaan na ang Aklat ni Mormon ay tinipon mula sa iba’t ibang talaan. Ipinapakita rin dito na nagawa ito sa tulong ng paghahayag.

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano pinagsama-sama ang Mga Salita ni Mormon, ang maliliit na lamina ni Nephi, at ang pinaikling tala ni Mormon ng malalaking lamina ni Nephi sa Aklat ni Mormon, maaari mong ipakita sa kanila ang chart na may pamagat na “Ang mga Lamina at ang Kanilang Kaugnayan sa Nailathalang Aklat ni Mormon” sa apendiks ng manwal na ito. Maaari mo ring ihanda ang sumusunod na visual aid bago magklase:

Ayusin ang dalawang aklat at isang papel. Ang isang aklat ay dapat na doble ang kapal sa isa pang aklat. Sa gilid ng mas manipis na aklat, magdikit ng isang piraso ng papel na may nakasulat na Maliliit na Lamina ni Nephi. Sa gilid ng mas makapal na aklat, magdikit ng isang piraso ng papel na may nakasulat na Pinaikling Tala ni Mormon ng Malalaking Lamina ni Nephi. Sa isang papel, isulat ang Mga Salita ni Mormon.

Para magamit ang visual aid na ito sa klase, ipakita ang aklat na sumasagisag sa pinaikling tala ni Mormon ng malalaking lamina ni Nephi. Ipaliwanag na ang mga tala sa malalaking lamina ni Nephi ay ang pangunahing pinagkunan ng Aklat ni Mormon. Mula sa pinaikling talaang ito ni Mormon, isinalin ni Joseph Smith ang mga aklat ni Mosias, Alma, Helaman, 3 Nephi, at 4 Nephi.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Salita ni Mormon 1:3. Sabihin sa kanila na alamin ang natuklasan ni Mormon matapos niyang paikliin ang isang bahagi ng malalaking lamina ni Nephi. Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang nalaman nila, tulungan sila na maunawaan na ang pariralang “mga laminang ito” ay tumutukoy sa maliliit na lamina ni Nephi. Ipakita ang aklat na sumasagisag sa maliliit na lamina ni Nephi. Ipaliwanag na mula sa talaang ito, isinalin ni Joseph Smith ang mga aklat ng 1 Nephi hanggang Omni.

Ipabasa sa mga estudyante ang Mga Salita ni Mormon 1:4–6 para malaman ang nadama ni Mormon tungkol sa maliliit na lamina ni Nephi.

  • Ano ang nakita ni Mormon na kasiya-siya sa maliliit na lamina ni Nephi?

  • Ano ang ginawa ni Mormon sa maliliit na lamina ni Nephi?

Para maipakita na isinama ni Mormon ang maliliit na lamina ni Nephi sa pinaikli niyang tala ng malalaking lamina ni Nephi, ipatong ang mas manipis na aklat sa mas makapal na aklat.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Salita ni Mormon 1:7. Sabihin sa klase na alamin ang dahilan ni Mormon kung bakit niya isinama ang maliliit na lamina ni Nephi sa kanyang pinaikling tala ng malalaking lamina ni Nephi.

  • Bakit isinama ni Mormon ang maliliit na lamina sa kanyang pinaikling tala ng malalaking lamina? (Sinunod niya ang pahiwatig ng Espiritu.) Naunawaan ba niya ang lahat ng dahilan kung bakit dapat niyang gawin ito?

Tulungan ang mga estudyante na malaman na naunawaan ni Mormon ang ilang dahilan kung bakit mahalaga ang maliliit na lamina. Alam niya ang malaking espirituwal na kahalagahan nito at nasisiyahan sa nilalaman nitong mga propesiya tungkol kay Jesucristo (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:4–6). Gayunman, hindi niya alam ang lahat ng dahilan kung bakit kailangan niyang isama ang mga ito bukod pa sa bahagi ng malalaking lamina na may gayon ding sakop na panahon sa kasaysayan. (Para mabasa ang tungkol sa isang dahilan na hindi alam ni Mormon noong panahong iyon, tingnan ang pambungad sa Mga Salita ni Mormon sa manwal na ito.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin muli nang tahimik ang Mga Salita ni Mormon 1:7, at alamin ang mga doktrina na itinuro ni Mormon tungkol sa Panginoon. Tiyaking naunawaan nila na nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay at gagawa ang Panginoon sa pamamagitan natin upang maisakatuparan ang Kanyang kalooban.

  • Paano nakatulong kay Mormon ang mga doktrinang ito na kumilos ayon sa pahiwatig na natanggap niya?

  • Paano makatutulong sa inyo ang mga katotohanang ito kapag tumatanggap kayo ng mga pahiwatig mula sa Espiritu?

Hikayatin ang mga estudyante na rebyuhin ang pangyayaring naisulat o naisip nila sa simula ng klase. Anyayahan ang ilan sa kanila na magkuwento tungkol sa mga pahiwatig na natanggap nila, kung paano nila sinunod ang mga pahiwatig na ito, at ano ang resulta nito. (Tiyakin na nauunawaan nila na hindi nila kailangang magbahagi ng mga karanasang napakapersonal o napakapribado.) Kapag nakapagbahagi na ng mga karanasan ang mga estudyante, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod:

  • Alam ba ninyo kung ano ang magiging resulta kung susundin ninyo ang pahiwatig na ito?

  • Ano ang nagbigay sa inyo ng determinasyon at pananampalataya na sundin ang pahiwatig na ito?

Ipakita ang aklat na sumasagisag sa pinaikling tala ni Mormon ng malalaking lamina, kasama ang aklat na sumasagisag sa maliliit na lamina ni Nephi na nakapatong sa ibabaw nito. Pagkatapos ay ipakita ang papel na sumasagisag sa Mga Salita ni Mormon.

  • Saan angkop ilagay ang Mga Salita ni Mormon sa mga talaang ito?

Kapag nakasagot na ang mga estudyante, ilagay ang papel na sumasagisag sa Mga Salita ni Mormon sa pagitan ng dalawang aklat. Ipaliwanag na ang Mga Salita ni Mormon ay nagdurugtong sa tala sa maliliit na lamina ni Nephi at sa pinaikling tala ni Mormon ng malalaking lamina ni Nephi.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Salita ni Mormon 1:8. Sabihin sa klase na alamin ang inaasam ni Mormon na magiging resulta ng pagsunod sa pahiwatig na isama ang maliliit na lamina ni Nephi sa pagtitipon niya ng mga talaan.

Bigyang-diin na lahat ng mga isinulat na napag-aralan na ng mga estudyante sa taong ito sa Aklat ni Mormon (1 Nephi–Omni) ay nagamit nila dahil sinunod ni Mormon ang espirituwal na impresyon na isama ang maliliit na lamina.

  • Paano napagpala ang inyong buhay ng pagsunod ni Mormon sa mga pahiwatig ng Banal na Espiritu?

  • Ano ang ilang turo sa 1 Nephi hanggang Omni na ipinagpapasalamat ninyo? Bakit nagpapasalamat kayo para mga turong iyon?

  • Isipin ang kahandaan ni Mormon na sundin ang mga espirituwal na pahiwatig. Paano nakaiimpluwensya sa ating buhay ang kahandaan nating sundin ang mga espirituwal na pahiwatig? Paano nakakaapekto sa buhay ng iba ang kahandaang ito? (Ipaliwanag na mapagpapala ng Panginoon ang iba sa pamamagitan natin kapag sinunod natin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo.)

Magpatotoo na kapag sinunod natin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu, ang Panginoon ay gagawa “[sa pamamagitan natin] alinsunod sa kanyang kalooban” (Mga Salita ni Mormon 1:7).

Mga Salita ni Mormon 1:12–18

Napanatili ni Haring Benjamin ang kapayapaan sa lupain

Isulat sa pisara ang mula sa alitan patungo sa kapayapaan. Ipaliwanag na sinimulan sa Mga Salita ni Mormon 1:12–18 ang paglalahad tungkol sa pamamahala ni Haring Benjamin. Ang matwid na lalaking ito ay naharap sa maraming problema sa panahon ng kanyang paglilingkod bilang propeta at hari ng mga tao. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na basahin ang Mga Salita ni Mormon 1:12–18 sa kani-kanyang kapartner. Sabihin sa kanila na alamin ang ginawa ni Haring Benjamin at ng iba pang mga propeta para maitatag ang kapayapaan sa lupain.

Pagkatapos magbasa ng mga estudyante, sabihin sa kanila na sumulat ng isang pahayag sa kanilang scripture study journal na buod ng ginawa ni Haring Benjamin at ng kanyang mga tao para mapawi ang alitan at magkaroon ng kapayapaan. Sabihin sa ilang estudyante na isulat sa pisara ang mga pahayag nila. Ang buod ng mga estudyante ay maaaring katulad ng mga sumusunod na pahayag:

Kapag sinusunod natin ang inspiradong pamumuno ng mga propeta, naitatatag natin ang kapayapaan.

Sa lakas ng Panginoon, madaraig natin ang mga hamon o problema.

Tayo ay tinawag na gumawa nang buo nating lakas para maitatag ang kapayapaan.

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa Mga Salita ni Mormon 1:17, kung saan sinabi ni Mormon na si Haring Benjamin at “maraming banal na tao sa lupain [ay] nangusap … ng salita ng Diyos nang may kapangyarihan at karapatan.” Ipaliwanag na sa susunod na ilang lesson, pag-aaralan ng mga estudyante ang sermon ni Haring Benjamin na nagpapakita ng kapangyarihan at awtoridad ng kanyang pagtuturo.

Mosias 1:1–18

Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga anak ang kahalagahan ng mga banal na kasulatan

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay wala silang alam na kahit ano tungkol sa mga banal na kasulatan.

  • Ano kaya ang magiging buhay ninyo kung wala kayong banal na kasulatan?

  • Alin sa mga katotohanan ang pinakamahirap para sa inyo na mawala sa inyong buhay?

Maikling ipakilala ang aklat ni Mosias. Ipaliwanag na makikita sa simula ng aklat na ito na nais ni Haring Benjamin na patuloy na matutuhan ng kanyang mga anak ang mga banal na kasulatan (tingnan sa Mosias 1:2). Sa pagtuturo ni Haring Benjamin sa kanyang mga anak, ipinaliwanag niya kung paano maiiba ang kanilang buhay kung hindi nila natanggap ang mga banal na kasulatan.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mosias 1:3–8. Sabihin sa klase na alamin kung paano napagpala ang mga Nephita dahil sa mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa paanong paraan naniniwala si Haring Benjamin na makatutulong ang mga banal na kasulatan sa kanyang mga anak?

  • Ano ang sinabi ni Haring Benjamin na kaugnayan ng pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos? (Bagama’t maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang salita sa kanilang pagsagot, dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa atin na malaman at masunod ang mga kautusan. Maaari mong imungkahi na isulat ng mga estudyante ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 1:3–8.)

  • Kailan nakatulong ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pagsunod ninyo sa mga kautusan?

Magpatotoo na totoo ang mga banal na kasulatan at na tumutulong ito sa atin na masunod ang mga kautusan.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat ito bago magklase.)

Ano ang ipinlanong ibalita ni Haring Benjamin tungkol sa kanyang anak na si Mosias?

Ano ang sinabi ni Haring Benjamin tungkol sa “isang pangalan” na makikilala ang mga tao?

Bakit hindi nalipol ng mga Lamanita ang mga Nephita?

Anong mga bagay ang sinabi ni Haring Benjamin na hiniling niyang pangalagaan ni Mosias?

Sabihin sa mga estudyante na sa loob ng isang minuto tingnan kung ilan sa mga tanong na ito ang mahahanapan nila ng sagot sa Mosias 1:10–18.

Matapos magbigay ng maikling sagot ang mga estudyante sa mga tanong na ito, sabihin na sa susunod na ilang lesson ay pag-aaralan nila ang sermon ni Haring Benjamin kung saan binigyan niya ang kanyang mga tao ng “isang pangalan na kailanman ay hindi mabubura, maliban na lamang kung dahil sa kasalanan” (Mosias 1:12).

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Salita ni Mormon 1:12–18. Ang mga unang araw ng paglilingkod ni Haring Benjamin

Itinala ni Mormon ang ilan sa mga hamon na kinaharap ni Haring Benjamin sa mga unang araw ng kanyang paglilingkod: alitan sa kanyang mga tao; pakikidigma sa mga sumalakay na hukbo ng mga Lamanita; mga huwad na Cristo; mga huwad na propeta, mangangaral, at guro; maraming pagtiwalag mula sa mga Nephita at pagsama sa mga Lamanita; at katigasan ng leeg ng mga tao (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:12–17). Subalit “sa tulong ng mga banal na propeta,” si Haring Benjamin ay “namahala sa kanyang mga tao sa katwiran” at “muling nakapagtatag ng kapayapaan sa lupain” (Mga Salita ni Mormon 1:16–18).