Lesson 52
Mosias 2
Pambungad
Noong malapit nang mamatay si Haring Benjamin, ninais niyang magsalita sa huling pagkakataon sa kanyang mga tao. Ang kanyang sermon na nakatala sa Mosias 2–5 ay ang paksa ng lesson na ito at ng mga lesson 53–55. Sa simula ng sermon, inilahad niya ang paglilingkod niya sa mga tao at binigyang-diin na naglilingkod tayo sa Diyos kapag naglilingkod tayo sa iba. Nagpatotoo rin siya tungkol sa maligayang kalagayan ng mga taong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Paalala: Ang sumusunod na buod ay makatutulong kung magbibigay ka ng buod ng mensahe ni Haring Benjamin sa simula ng lesson na ito.
Nang malapit nang magwakas ang kanyang buhay, nagsalita si Haring Benjamin sa mga tao ng kanyang kaharian malapit sa templo sa Zarahemla. Inilahad niya ang mga ginawa niyang paglilingkod sa mga tao at ang kanyang malinis na budhi sa harapan ng Diyos, at iniharap niya ang kanyang anak na si Mosias bilang bagong hari ng mga tao. Sa huling mensaheng ito, na matatagpuan sa Mosias 2–5, si Haring Benjamin ay nagbahagi ng mga mensahe tungkol sa ilang paksa, kabilang na ang kahalagahan ng paglilingkod sa iba, ang ating walang hanggang pagkakautang sa ating Ama sa Langit, ang mortal na ministeryo ni Jesucristo at ang Pagbabayad-sala, ang pangangailangang hubarin ang likas na tao, ang paniniwala sa Diyos para maligtas, pagbabahagi ng mga ari-arian para sa kaginhawahan ng mga maralita, pagpapanatili ng kapatawaran ng mga kasalanan, at pagiging mga anak na lalaki at babae ni Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya at palaging paggawa nang mabuti. Mahalagang pansinin na ang Mosias 3 ay naglalaman ng mensahe na tinanggap ni Haring Benjamin mula sa isang anghel.
Mosias 2:1–9
Nagtipon at naghanda ang mga pamilya para makinig sa mga salita ni Haring Benjamin
Isulat sa pisara sa dakong itaas ang mga sumusunod na tanong: Sino? Saan? Ano? Bakit?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 2:1–6, at hanapin ang mga detalye na sasagot sa mga tanong na nasa pisara. Pagkatapos nilang magbasa, sabihin sa ilang estudyante na isulat sa pisara ang kahit ilan sa mga detalyeng nahanap nila sa ilalim ng bawat tanong. (Maaari mong ipaliwanag na naghanda ang mga tao na makinig sa mga salita ni Haring Benjamin sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga hain na may kaugnayan sa batas ni Moises. Sa pag-aalay ng mga haing ito, ang mga tao ay nagpasalamat sa Diyos at inilaan ang kanilang sarili sa Kanya.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 2:9 at hanapin ang mga salita at mga pariralang naglalarawan kung ano ang nais ni Haring Benjamin na gawin ng mga tao habang nakikinig sila sa kanyang mga salita.
-
Mula sa mga salita at mga pariralang natagpuan ninyo, ano sa inyong palagay ang nadama ni Haring Benjamin sa kanyang mensahe?
-
Ayon sa huling bahagi ng Mosias 2:9, ano ang pinaniniwalaan ni Haring Benjamin na mangyayari kung bubuksan ng mga tao ang kanilang mga tainga at puso sa kanyang mensahe?
-
Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng buksan ang ating mga tainga at puso sa mga taong tinawag na magturo?
Hikayatin ang mga estudyante na isaisip palagi ang paanyaya ni Haring Benjamin habang pinag-aaralan nila ang kanyang mensahe at habang nakikinig sila sa mga salita ng mga propeta sa mga huling araw.
Mosias 2:10–28
Itinuro ni Haring Benjamin ang tungkol sa kahalagahan ng paglilingkod sa Diyos at sa isa’t isa at tungkol sa ating walang hanggang pagkakautang sa Diyos
Ipakita sa mga estudyante ang larawang Nagtatalumpati si Haring Benjamin sa Kanyang mga Tao (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 74). Ipaalala sa mga estudyante na iniutos ni Haring Benjamin na sama-samang magtipon ang kanyang mga tao upang maipahayag niya na ang kanyang anak na si Mosias ang hahalili sa kanya bilang hari at upang mabigyan sila ng “pangalan … nang sa gayon sila ay makilala nang higit sa lahat ng tao na inilabas ng Panginoong Diyos sa lupain ng Jerusalem” (tingnan sa Mosias 1:9–12).
Basahin nang malakas ang Mosias 2:10–15 sa klase. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga parirala na nagpapakita ng pagbibigay-halaga ni Haring Benjamin sa paglilingkod sa mga tao, at hindi sa kanyang sariling posisyon o pagkilala sa kanya. Sabihin sa kanila na itaas nila ang kanilang kamay kapag narinig nila ang isa sa mga pariralang ito. Kapag nagtaas sila ng kamay, tumigil sa pagbabasa at sabihin sa kanila na ipaliwanag ang natukoy nila at ano ang inihahayag nito tungkol kay Haring Benjamin.
Bilang bahagi ng talakayang ito, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter:
“Huwag pakaisipin ang magiging posisyon ninyo. … Importante ang mapahalagahan. Ngunit ang dapat nating pagtuunan ay ang kabutihan, at hindi ang pagkilala; ang paglilingkod, at hindi ang posisyon” (“To the Women of the Church,” Ensign, Nob. 1992, 96).
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 2:16–17 at alamin ang nais ni Haring Benjamin na matutuhan ng kanyang mga tao. Tulungan sila na maunawaan na kapag naglilingkod tayo sa ating kapwa, naglilingkod tayo sa Diyos. Isulat sa pisara ang pahayag na ito. Ituro na ang Mosias 2:17 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang scripture mastery passage na ito sa paraang madali nila itong mahahanap.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na naglingkod sila sa ibang tao.
-
Nang paglingkuran ninyo ang ibang tao, paano rin ninyo napaglingkuran ang Diyos?
-
Kailan napagpala ang inyong buhay ng paglilingkod ng ibang tao? Nang paglingkuran nila kayo, paano rin nila napaglingkuran ang Diyos?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mosias 2:18–24, 34.
-
Bakit tinukoy ni Haring Benjamin ang sarili at ang kanyang mga tao na “hindi kapaki-pakinabang na mga tagapaglingkod”? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang mga tao ay nakikinabang nang husto kapag nakatatanggap sila nang mas marami kaysa sa ibinibigay nila. Tayo ay mga hindi kapaki-pakinabang na tagapaglingkod sa ating Ama sa Langit dahil ang halaga ng mga pagpapalang ibinibigay Niya sa atin ay laging lubos na nakahihigit sa halaga ng paglilingkod na natatanggap niya mula sa atin.)
-
Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo kung saan nadama ninyong may pagkakautang kayo sa Diyos?
-
Bakit mahalagang maunawaan na tayo ay may “walang hanggang pagkakautang” sa Diyos? (Maaaring kasama sa mga sagot na kapag nauunawaan natin na tayo ay may pagkakautang sa Diyos, nadaragdagan ang ating pasasalamat, hangad nating sundin ang mga kautusan, at nais nating paglingkuran pa ang iba.)
[No translation] Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano nila “ibi[bi]gay sa [Ama sa Langit] ang lahat ng nasa [kanila] at ang [kanilang] sarili.” Magpatotoo na kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Diyos at hinahangad na makapaglingkod nang tapat, pagpapalain Niya tayo.
Mosias 2:29–41
Pinayuhan ni Haring Benjamin ang kanyang mga tao na maging masunurin sa Diyos
Isulat ang MAG-INGAT sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na magkuwento tungkol sa panahong nakakita sila ng isang babala na gumamit ng ganitong salita o ipinahiwatig ang ideyang ito. Ipaliwanag na ang mga babalang iyon ay magpoprotekta sa atin o magliligtas sa ating buhay.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 2:32–33, 36–38, at alamin kung ano ang sinabi ni Haring Benjamin na pag-ingatan ng kanyang mga tao. [No translation]
-
Anong mga babala ang ibinigay ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao?
-
Paano natin malalaman kung nagsisimula na tayong sumunod sa maling espiritu? Bakit mahalagang malaman ito nang maaga?
-
Ayon sa Mosias 2:38, ano ang mangyayari sa mga taong namatay nang hindi nagsisisi ng kanilang mga kasalanan?
Maaari mong bigyang-diin ang itinuro sa Mosias 2:36 na ang isang tao, sa pamamagitan ng kanyang mga gawa, ay mailalayo ang sarili sa Espiritu ng Panginoon. Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na mahalagang maramdaman natin kung lumalayo na ba tayo sa Espiritu:
“Dapat sikapin … nating malaman kung ‘inilalayo [natin] ang sarili sa Espiritu ng Panginoon, upang yaon ay mawalan ng puwang sa [atin] na [tayo] ay patnubayan sa mga landas ng karunungan nang [tayo] ay pagpalain, paunlarin, at pangalagaan’ (Mosias 2:36). …
“… Kung may iniisip, nakikita, naririnig, o ginagawa tayong naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, dapat tayong tumigil sa pag-iisip, pagtingin, pakikinig, o paggawa sa bagay na iyon. Kung ang layon ng isang bagay ay makalibang, halimbawa, [ngunit] naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, walang dudang hindi para sa atin ang libangang iyon. Dahil hindi nananatili ang Espiritu sa bagay na malaswa, lapastangan, o mahalay, malinaw na hindi para sa atin ang mga bagay na yaon. Dahil itinataboy natin ang Espiritu ng Panginoon kapag ginagawa natin ang mga aktibidad na alam nating dapat iwasan, at dahil dito’y talagang hindi para sa atin ang mga bagay na iyon” (“Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 30).
-
Ano ang sinabi ni Elder Bednar na magpapalayo sa atin sa Espiritu Santo?
-
Paano natin malalaman na nailayo na natin ang ating sarili sa Espiritu Santo?
Isulat sa pisara ang TANDAAN at ISAALANG-ALANG sa tabi ng MAG-INGAT.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 2:40–41. Sabihin sa klase na tukuyin ang nais ni Haring Benjamin na isaalang-alang at matandaan ng kanyang mga tao. Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, maaari mong bigyang-diin ang itinuro ni Haring Benjamin sa pagsulat sa pisara ng sumusunod na katotohanan: Kung susundin natin ang mga kautusan, tayo ay temporal at espirituwal na pagpapalain.
-
Kailan ninyo nasaksihan o naranasan ang kaligayahan na nagmumula sa pagiging masunurin sa mga kautusan ng Panginoon?
Patotohanan ang katotohanan ng mga bagay na natalakay ng mga estudyante sa araw na ito. Tapusin ang lesson na hinihikayat ang mga estudyante na magtakda ng mga partikular na mithiin na maging mas masunurin sa isang kautusan na nahihirapan silang sundin o sikaping mas mapagbuti pa ang isang larangan na nakalagay sa Pansariling Pag-unlad (para sa young women) o Tungkulin sa Diyos (para sa young men).