Lesson 54
Mosias 4
Pambungad
Naantig sa mga itinuro ni Haring Benjamin, ang mga tao ay nagsisi at tumanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan. Sila ay “napuspos ng kagalakan” at nagkaroon ng “katahimikan ng budhi” (Mosias 4:3). Patuloy silang tinuruan ni Haring Benjamin at tinulungan silang maunawaan kung ano ang dapat nilang gawin upang “[manatili] ang kapatawaran ng [kanilang] mga kasalanan” (Mosias 4:12). Sa paggawa nito, inihalintulad niya sila sa mga pulubi na umaasa sa Diyos para sa kaligtasan. Nagbabala rin siya sa kanila tungkol sa panganib ng pagpapabaya sa pagbabantay ng kanilang isipan, mga salita, at mga gawa.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mosias 4:1–8
Ang mga tao ni Haring Benjamin ay nakatanggap ng kapatawaran para sa kanilang mga kasalanan at napuspos ng kagalakan at kapayapaan
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:
-
Paano natin malalaman na napatawad na tayo sa ating mga kasalanan?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Harold B. Lee:
“Kung dumating ang panahon na nagawa mo na ang lahat ng makakaya mo para mapagsisihan ang kasalanan mo, sino ka man, saan ka man naroon, at kung nakapagbayad-pinsala at nakapagsauli ka na sa abot ng iyong makakaya; kung ito man ay isang bagay na makakaapekto sa katayuan mo sa Simbahan at nakausap mo na ang tamang mga awtoridad, nanaisin mo ang nagbibigay-katiyakang sagot na iyon kung tinanggap ka ng Panginoon o hindi. Sa iyong taimtim na pagninilay, kung hahangarin mo at matatagpuan ang kapayapaan ng budhi, dahil diyan ay malalaman mo na tinanggap na ng Panginoon ang iyong pagsisisi” (“Stand Ye in Holy Places,” Ensign, Hulyo 1973, 122).
Ipaalala sa mga estudyante na ibinahagi ni Haring Benjamin ang mga salita ng isang anghel tungkol sa paraan kung paano makatatanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan. Maaari mong ipaalala sa kanila lalo na ang mga salita ng anghel tungkol sa likas na tao na kaaway ng Diyos at tungkol sa mga mangyayari sa mga taong namatay na hindi nagsisi ng kanilang mga kasalanan (tingnan sa Mosias 3:19, 23–27).
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 4:1–2 at hanapin ang mga pariralang nagpapakita ng itinugon ng mga tao ni Haring Benjamin sa mga salita ng anghel. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga pariralang nahanap nila. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong para maunawaan ang pariralang “makamundong kalagayan,” ipaliwanag na ang salitang makamundo ay kasalungat ng espirituwal. Tumutukoy ito sa mga pisikal na naisin natin sa halip na sa espirituwal na hangarin natin na mas mapalapit sa Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 41:11 at pagkatapos ay ipaliwanag ang pariralang “makamundong kalagayan” sa sarili nilang salita. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pariralang “higit na mababa kaysa sa alabok ng lupa,” ipabasa sa kanila ang Helaman 12:4–8. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na ipaliwanag sa sarili nilang salita kung paano mailalarawan ang isang taong hindi sumusunod sa payo ng Panginoon bilang taong higit na mababa kaysa sa alabok ng lupa. Tiyakin na nauunawaan nila na hindi itinuturing ng Ama sa langit ang Kanyang mga anak na higit na mas mababa kaysa sa alabok ng lupa.
Ipaliwanag na kapag natanto ng mga tao ang kanilang kasamaan, nagsisisi sila na ipinahahayag ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 4:3. Sabihin sa klase na pagtuunan ng pansin kung paano nalaman ng mga tao na napatawad sila sa kanilang mga kasalanan.
-
Ayon sa Mosias 4:3, ano ang nadama ng mga taong napatawad ng Panginoon?
-
Ang mga tao ay nakatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan dahil sa “labis na pananampalataya nila kay Jesucristo.” Ano ang mga ginawa nila na nagpapakita ng kanilang pananampalataya? (Tingnan sa Mosias 4:1–2.)
-
Sa inyong sariling mga salita, ano ang matututuhan natin mula sa Mosias 4:1–3 tungkol sa pagtanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan? (Ang isang posibleng sagot ay kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at taos-pusong nagsisi, tatanggap tayo ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mahahalagang salita at parirala sa Mosias 4:1–3 na nagbibigy-diin sa alituntuning ito.)
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, na nagsasabi ng dapat nating gawin para makatanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan:
“Kapag taos[-puso] nating ipinagtapat ang ating mga kasalanan, ibinalik ang kaya nating ibalik sa taong nasaktan, at tinalikuran ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos, nasa proseso tayo ng pagtanggap ng kapatawaran. Sa paglipas ng panahon, madarama nating nababawasan ang hapis ng ating kalumbayan, [inaalis] ‘ang pagkakasala sa ating mga puso’ (Alma 24:10) at nagkakaroon tayo ng ‘katahimikan ng budhi’ (Mosias 4:3).
“Para sa mga tunay na nagsisisi ngunit tila hindi nakadarama ng kapanatagan: patuloy na sundin ang mga kautusan. Nangangako ako sa inyo, mapapanatag kayo sa takdang panahon ng Panginoon. Nangangailangan din ng panahon ang paghilom” (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 42).
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang scripture study journal o notebook ang natutuhan nila tungkol sa pagsisisi nang talakayin nila ang Mosias 4:1–3. Sabihin din sa kanila na isulat kung paano nila magagamit ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo kapag humihingi sila ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan.
Ipaliwanag na matapos makitang nagsisisi ang mga tao, ipinaalala sa kanila ni Haring Benjamin ang pag-asa nila sa Panginoon. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mosias 4:4–8. Sabihin sa klase na alamin ang nais ni Haring Benjamin na maunawaan ng kanyang mga tao pagkatapos nilang makatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan.
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang tanging “mga hinihingi kung paano [tayo] ay maliligtas”?
Matapos sagutin ng mga estudyante ang tanong na ito, sabihin sa kanila na basahing muli nang tahimik ang Mosias 4:4–8 at hanapin ang mga pariralang naglalarawan sa mga tao na nakatanggap ng kaligtasan. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga pariralang ito. Maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “[maging] masigasig sa pagsunod sa mga kautusan [ng Panginoon]”?
-
Ano ang ilang gawa na nagpapakita na ang isang tao ay “[n]agbibigay ng pagtitiwala niya sa Panginoon”?
-
Sa anong mga paraan ninyo nakita ang “kabutihan ng Diyos” at ang Kanyang “di mapapantayang kapangyarihan”?
Ituro na ang pagsisisi at pagsunod ay nangangailangan ng ating matinding paggawa at pagsisikap. Gayunman, sa kabila ng lahat ng pagsisikap natin, hindi natin kailanman matatanggap ang kapatawaran sa ating mga kasalanan at ang kaloob na kaligtasan kung wala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Mosias 4:9–30
Itinuro ni Haring Benjamin kung paano mapananatili ang kapatawaran ng mga kasalanan
Isulat sa pisara ang mapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan. Sabihin sa mga estudyante na matapos matanggap ng mga tao ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, itinuro sa kanila ni Haring Benjamin kung paano mapananatili ang malinis at dalisay na kalagayang iyon.
-
Bakit mahalaga ring malaman ito ng bawat isa sa atin?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 4:9–11 at alamin kung ano ang dapat nating gawin para mapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Maaaring kabilang sa mga sagot ang kailangang maalaala natin ang kadakilaan ng Diyos, magpakumbaba ng ating sarili, manalangin araw-araw, at manatiling matatag sa pananampalataya.
Maaaring itanong ang mga sumusunod para matulungan ang mga estudyante na mas mapalalim ang kanilang pag-unawa at maipamuhay ang kanilang nabasa:
-
Itinuro ni Haring Benjamin na dapat tayong “maniwala sa Diyos” (Mosias 4:9). Binanggit din ni Haring Benjamin ang tungkol sa pagtikim sa pag-ibig ng Diyos at palaging pag-alaala sa “kadakilaan ng Diyos” (Mosias 4:11). Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo na malaman na buhay at makapangyarihan ang Diyos at mahal Niya kayo?
-
Paano nakakaimpluwensya sa atin ang pag-alaala sa kapangyarihan, kabutihan, at pagmamahal ng Diyos sa ating kagustuhang sundin Siya?
Basahin nang malakas ang Mosias 4:12 sa mga estudyante. Sabihin sa kanila na tukuyin sa talatang ito ang mga pagpapalang dumating sa mga taong gumawa ng mga itinuro sa Mosias 4:5–11.
Ipaliwanag na ang Mosias 4:13–16 ay naglalaman ng paglalarawan ni Haring Benjamin sa mga taong napanatili ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Hatiin ang klase sa tatlong grupo. Sabihin sa unang grupo na basahin ang Mosias 4:13, sa pangalawang grupo naman ay ang Mosias 4:14–15, at sa pangatlong grupo ang Mosias 4:16. Sabihin sa bawat estudyante na basahin ang naka-assign na talata o mga talata sa kanila at tukuyin ang mga ugali at mga katangiang inilarawan ni Haring Benjamin na taglay ng mga taong nagsisikap na mapanatili ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natukoy nila. Kapag nagawa na nila ito, bigyang-diin ang katotohanan na kung tayo ay magpapakumbaba ng ating sarili sa harapan ng Diyos at magsisikap na magkaroon ng mga katangian ni Cristo, mapapanatili natin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan. Tulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang kanilang natutuhan sa pamamagitan ng pagtatanong ng isa o lahat ng mga sumusunod kapag nabanggit ang bawat ugali o katangian:
-
Sa inyong palagay, bakit makatutulong ang ugali (o katangian) na ito sa pagpapanatili ng kapatawaran ng ating mga kasalanan?
-
Kailan kayo nakakita ng ganitong mga halimbawa ng ugali (o katangian)?
Gumamit si Haring Benjamin ng isang matinding analohiya na makatutulong sa mga estudyante na pahalagahan ang mga pagpapalang natanggap nila mula sa Panginoon at mahikayat silang magkaroon ng mga katangiang napag-aralan nila sa Mosias 4:13–16. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mosias 4:16–23.
-
Ayon kay Haring Benjamin, paanong lahat tayo ay mga pulubi?
-
Paano makatutulong sa atin ang pagkaunawang ito na maging mas mahabagin sa ibang tao?
-
Para sa mga hindi makapagbigay sa mga pulubi, o para sa mga kakaunti ang maibibigay, anong payo ang ibinigay ni Haring Benjamin sa Mosias 4:24–26?
-
Sa Simbahan ngayon, paano nakatutulong sa atin ang pagbibigay ng mga handog-ayuno para masunod ang payo sa Mosias 4:26? Paano maaaring makibahagi ang mga kabataan sa mga handog-ayuno? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang makapag-aayuno sila, makapagbibigay ang ilan sa kanila ng mga handog-ayuno, at kinakalap ng mga mayhawak ng Aaronic Priesthood sa ilang dako ng mundo ang mga handog-ayuno mula sa mga miyembro ng ward o branch.)
Ituro na sa lahat ng mabubuting bagay na ipinagagawa sa atin, maaaring kung minsan ay mahirap na mabalanse ang ating buhay. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 4:27.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng gawin ang lahat ng bagay nang may “karunungan at kaayusan”?
-
Paano makatutulong ang payo na ito sa inyo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 4:29–30. Ituro na ang Mosias 4:30 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang scripture mastery passage na ito sa paraang madali nila itong mahahanap.
-
Paano nagkakaugnay ang ating isipan, mga salita, at mga gawa,? Ano ang magagawa natin para mabantayan ang ating sarili? Paano natin matutulungan ang isa’t isa?
Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na maisulat sa kanilang scripture study journal kung paano makatutulong sa kanila ang mga alituntunin sa Mosias 4:9–30 habang sinisikap nilang mapanatili ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Patotohanan ang pagmamahal ng Panginoon para sa bawat isa sa kanila at ang hangarin Niya para sa kanila na magsisi at panatilihin ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.