Lesson 55
Mosias 5–6
Pambungad
Nakatala sa Mosias 5 ang katapusan ng mensahe ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao na nagsimula sa Mosias 2. Dahil sa pagtitiwala nila sa mga sinabi ni Haring Benjamin, nakadama ng malaking pagbabago sa kanilang mga puso ang mga tao. Nakipagtipan sila sa Diyos at tinaglay sa kanilang mga sarili ang pangalan ni Jesucristo. Tulad ng nakatala sa Mosias 6, ipinasa ni Haring Benjamin ang pamamahala niya sa kanyang kaharian sa anak niyang si Mosias, at si Mosias ay namuno ayon sa halimbawang ipinakita ng kanyang ama.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mosias 5:1–4
Inilarawan ng mga tao ni Haring Benjamin ang malaking pagbabagong naranasan nila sa pamamagitan ng Espiritu
Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:
Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga tanong na ito sa kanilang scripture study journal o notebook. Pagkatapos ay basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kaakibat ng pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo ang isang pangunahin at permanenteng pagbabago ng ating likas na pagkatao na ginawang posible ng ating pag-asa sa ‘kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas’ (2 Nephi 2:8). Sa pagpili nating sundin ang Guro, pinipili nating magbago—na espirituwal na isilang na muli” (“Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 20).
Maaari mong imungkahi na isulat ng mga estudyante ang sumusunod na pahayag sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 5:2 o sa kanilang scripture study journal: “Sa pagpili nating sundin ang Guro, pinipili nating magbago” (Elder David A. Bednar).
-
Sa paanong mga paraan natin pinipiling magbago kapag pinipili nating sundin si Jesucristo?
Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na mabasa ang Mosias 2–4. Maaari mong imungkahi na basahin nila ang mga chapter summary. Itanong kung ano ang naaalaala nila tungkol sa nilalaman ng mga kabanatang ito. Pagkatapos ay ipabasa nang tahimik sa kanila ang Mosias 5:1.
-
Ano ang nais malaman ni Haring Benjamin mula sa kanyang mga tao?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 5:2–5 at alamin ang tugon ng mga tao sa tanong ni Haring Benjamin. Bago magbasa ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na sa talata 2, ang salitang hangarin ay tumutukoy sa katangian ng isang tao—kanyang mga ninanais at ugali. Pagkatapos nilang magbasa, itanong ang mga sumusunod upang matulungan sila na mapag-isipang mabuti ang mga talatang ito:
-
Ano ang sinabi ng mga tao tungkol sa kanilang hangarin?
-
Ano ang nagpabago sa kanilang hangarin? (Naniwala sila sa mga itinuro ni Haring Benjamin tungkol kay Jesucristo at sa Pagbabayad-sala, at binago ng Espiritu ang kanilang puso.)
Bigyang-diin na ang pagbabago ng puso ay higit pa sa pagbabago lamang ng ugali. Kapag nakaranas tayo ng pagbabago ng puso, tayo ay nagiging bagong tao, nabago sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Hindi lamang ang pag-iwas, paggapi, at paghugas ng kasalanan at masasamang impluwensiya sa buhay natin ang sinasakop ng ebanghelyo ni Jesucristo; nangangahulugan din ito ng paggawa ng kabutihan, pagiging mabuti, at maging mas mabuti pa. … Ang malaking pagbabagong ito ay hindi lamang resulta ng pagiging masipag natin o pagkakaroon ng mahusay na disiplina sa sarili. Bagkus, ito ay bunga ng mahalagang pagbabago sa ating mga pagnanais, hangarin, at [ugali] na nangyari sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo ang Panginoon. Ang ating espirituwal na layunin ay ang mapaglabanan kapwa ang kasalanan at ang pagnanais na magkasala, ang dungis pati na ang pagpapahirap ng kasalanan” (“Malilinis na Kamay at Dalisay na Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 81).
-
Sa palagay ninyo bakit kailangan natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo para tunay na makapagbago?
Ituon ang pansin ng mga estudyante sa pariralang “dahil sa Espiritu ng Panginoong Makapangyarihan” sa Mosias 5:2.
-
Ano ang matututuhan natin mula sa Mosias 5:2–4 tungkol sa paraan kung paano natin mararanasan ang malaking pagbabago sa ating buhay?
Kapag sinagot at tinalakay ng mga estudyante ang tanong na ito, tiyaking naunawaan nila na kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at tinanggap ang Banal na Espiritu, makararanas tayo ng malaking pagbabago ng puso.
Ipaliwanag na ang malaking pagbabago ng puso ay nangyayari habambuhay, at hindi nang minsanan lang. Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Ang pagiging katulad ni Cristo ay pinagsisikapan habambuhay at kadalasan ay kinapapalooban ng mabagal at halos hindi napapansing pag-unlad at pagbabago. …
“… Ang tunay na pagsisisi ay kinapapalooban ng pagbabago ng puso at hindi lang pagbabago ng ugali. “… Halos lahat ng pagsisisi ay walang nakamamangha o biglaang mga pagbabago, bagkus ito ay paisa-isang hakbang, matatag, at tuluy-tuloy na pag-unlad tungo sa kabanalan” (“A Mighty Change of Heart,” Ensign, Okt. 1989, 5).
Para matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang alituntuning ito at masuri ang kanilang pag-unlad sa malaking pagbabago ng kanilang puso, sabihin sa kanila na sagutin sa kanilang scripture study journal ang mga sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito bago magklase, gawin handout at ibigay sa klase, o dahan-dahang basahin ang mga tanong para maisulat ng mga estudyante ang mga ito sa kanilang scripture study journal.)
-
Paano nagbago ang inyong hangarin nang sundin ninyo ang Tagapagligtas?
-
Ano ang kailangan ninyong gawin para patuloy kayong matulungan ng Panginoon na maranasan ang pagbabagong ito?
Bigyan ng pagkakataon ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga tanong na ito. Tiyakin na nauunawaan nila na hindi nila kailangang magbahagi ng mga karanasan o ideya na napakapersonal o napakapribado.
Mosias 5:5–15
Ang mga tao ni Haring Benjamin ay nakipagtipan sa Diyos at binigyan ng bagong pangalan
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 5:5. Sabihin sa klase na alamin ang handang gawin ng mga tao ni Haring Benjamin dahil nagbago ang kanilang puso.
-
Ano ngayon ang handang gawin ng mga tao dahil nabago ang kanilang hangarin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Para matulungan ang mga estudyante na lalo pang maunawaan ang tungkol sa mga tipan, bigyan sila ng ilang minuto na indibiduwal na pag-aralan ang paksa. Maaari mong imungkahi na pag-aralan nila ang paksa sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o sa Tapat sa Pananampalataya o maghanap ng mga banal na kasulatan tungkol sa paksa sa indeks ng Aklat ni Mormon o sa iba pang aklat ng banal na kasulatan. Pagkatapos ng sapat na oras, pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin na ipaliwanag nila sa isa’t isa ang mga tipan gamit ang sarili nilang salita.
-
Anong mga salita o parirala sa Mosias 5:5 ang nagpapakita ng katapatan ng hangarin ng mga tao na makipagtipan at tuparin ang tipan sa Diyos? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang “gawin ang kanyang kalooban,” “sa lahat ng bagay,” at “sa lahat ng nalalabi naming mga araw.”)
-
Anong mga salita o parirala sa Mosias 5:5 ang nagpapaalala sa inyo ng mga pangakong pinapanibago natin tuwing tumatanggap tayo ng sakramento?
-
Sa inyong palagay, paano nakatutulong sa atin ang paggawa at pagtupad ng mga tipan para patuloy nating madama ang pagbabago ng puso?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mosias 1:11. Sabihin sa klase na alamin ang isang dahilan kung bakit tinipon nang sama-sama ni Haring Benjamin ang mga tao. (Para bigyan sila ng pangalan.) Ipaliwanag na nakatala sa Mosias 5:7–15 ang paliwanag ni Haring Benjamin tungkol sa pangalan na ipinangako niyang ibibigay sa kanyang mga tao. Bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na mabasa nang mabilis ang Mosias 5:7–14 at mahanap ang mga salitang pangalan at itatawag/tatawagin. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salitang iyon kapag nakita nila ito.
Anyayahan ang ilang estudyante na sabihin kung bakit gayon ang ipinangalan sa kanila. Halimbawa, maaari mong itanong sa kanila kung bakit nagpasiya ang kanilang mga magulang na ipangalan iyon sa kanila, o kung may partikular na kahulugan ang kanilang mga pangalan. Pagkatapos ay itanong sa klase:
-
Ano ang kahalagahan ng isang pangalan? (Sa pisara, ibuod ang mga sagot ng mga estudyante sa tanong na ito. Maaaring kabilang sa mga sagot ay sa pangalan tayo nakikilala, nauugnay ito sa ating identidad, paraan ito para makilala tayo mula sa iba, at madalas taglay nito ang reputasyon at ekspektasyon dahil sa pamilyang kaugnay nito.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 5:7–8. Sabihin sa klase na alamin ang pangalang ibinigay ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao. Sabihin sa kanila na hanapin ang mga salita at mga parirala na nagpapakita ng kahalagahan ng pangalang iyon. Maaari mo silang hikayatin na markahan ang mga salita at mga pariralang ito.
-
Anong pangalan ang ibinigay ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao?
-
Anong mga salita at mga parirala ang nahanap ninyo? Ano ang itinuturo sa inyo ng mga salita at mga pariralang iyon tungkol sa pangalan ni Cristo?
-
Kailan natin tinaglay sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo? (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo kapag gumagawa at tinutupad natin ang mga sagradong tipan.)
Kapag tinalakay ng mga estudyante ang mga talatang ito, maaaring kailangang tulungan sila na maunawaan ang doktrina na maaari tayong maging “mga anak ni Cristo” (Mosias 5:7). Maaari mong ipaliwanag na ang isang ama ay nagbibigay ng buhay sa isang anak. Tayo ay mga espiritung anak ng Ama sa Langit. Tayo rin ay mga anak ng ating mga ama sa lupa, na, kasama ang ating mga ina, ay nagbigay sa atin ng pagkakataon na mabuhay sa mundo sa ating pisikal na katawan. Tinutukoy ang Mosias 5:7, itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na si Jesucristo rin ay “naging ating Ama” dahil Siya ang “nagkaloob sa atin ng buhay, buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng pagbabayad-sala na ginawa niya para sa atin.” Ipinaliwanag ni Pangulong Smith, “Tayo ay naging mga anak, mga anak na lalaki at mga anak na babae ni Jesucristo, sa pamamagitan ng ating mga tipan ng pagsunod sa kanya” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 1:29).
Ituon ang pansin ng mga estudyante sa mga salita na nasa pisara na naglalarawan ng kahalagahan ng pangalan.
-
Paano makatutulong ang mga salitang nasa pisara para maunawaan natin ang kahalagahan ng pagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 5:9–13 at alamin ang iba pang ipinayo ni Haring Benjamin tungkol sa pagtataglay ng pangalan ni Jesucristo sa ating sarili. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na basahin ang mga talatang ito na para bang personal silang kinakausap ni Haring Benjamin. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa kanila na pag-usapan at sagutin ang mga sumusunod na tanong batay sa nabasa nila. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito o gawin itong handout at ibigay sa kanila.)
-
Isipin ang kahalagahan ng pagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Cristo. Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng isulat sa inyong puso ang pangalan ni Cristo? Ano ang mga pagpapalang dumarating sa mga taong nakasulat sa kanilang puso ang pangalan ni Cristo?
-
Mag-isip ng mga taong kilala ninyo na iginagalang ang pangalan ni Cristo. Ano ang ginagawa ng mga taong ito para ipakita ang kanilang pagpipitagan at pagmamahal sa pangalan ni Cristo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 5:15. Sabihin sa klase na alamin ang mga ginagawa ng mga taong tumutupad sa kanilang mga tipan.
-
Ano ang ilan sa mga bagay na itatanong natin sa ating sarili para malaman natin kung gaano natin tinataglay sa ating sarili ang pangalan ni Cristo?
Ibahagi ang nadarama mo tungkol sa ibig sabihin ng taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Patotohanan ang kahalagahan nito sa iyong buhay.
Mosias 6:1–7
Sinimulan ni Mosias ang kanyang pamumuno bilang hari
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 6:1–3 at alamin ang ginawa ni Haring Benjamin bago niya pinauwi ang mga tao.
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang itala ang mga pangalan ng lahat ng nakipagtipan? Bakit nagtalaga si Haring Benjamin ng mga saserdote sa mga tao?
Ipaliwanag na matapos magsalita sa mga tao, ibinigay ni Haring Benjamin ang kaharian sa anak niyang si Mosias. Pagkaraan ng tatlong taon, namatay si Haring Benjamin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 6:6–7. Sabihin sa klase na hanapin ang mga salita at mga parirala na nagpapakita na tinularan ni Mosias ang halimbawa ng kanyang ama at tinulungan ang kanyang mga tao na patuloy na makaranas ng malaking pagbabago sa kanilang puso.