Library
Lesson 59: Mosias 12:18–14:12


Lesson 59

Mosias 12:18–14:12

Pambungad

Nang tanungin ni Haring Noe at ng kanyang mga saserdote si Abinadi, pinagsalitaan sila ng propeta na hindi nila itinuturo o sinusunod ang mga kautusan. Iniutos ni Haring Noe sa kanyang mga saserdote na patayin si Abinadi, ngunit pinrotektahan ng Diyos si Abinadi at binigyan siya ng lakas na maipagpatuloy ang kanyang mensahe. Nagpatotoo si Abinadi tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala gamit ang mga salita ni Isaias.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mosias 12:18–13:26

Pinagsalitaan ni Abinadi si Haring Noe at ang mga saserdote nito dahil sa hindi nila pagsunod at pagtuturo ng mga kautusan

Para masimulan ang lesson na ito, isulat sa pisara ang mga sumusunod na pahayag:

ALAM ko ang ibig sabihin ng ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.

IPINAMUMUHAY ko ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung gaano kaangkop sa kanila ang mga pahayag, gamit ang bilang 1 hanggang 10 (na ang 10 ay nagsasabing angkop na angkop sa kanila ang pahayag).

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang magawa nang taos-puso ang dalawang pahayag na ito?

Ipaliwanag na kapag tinalakay ng mga estudyante ang mga salita ni Abinadi, lalo nilang malalaman na mahalagang malaman at ipamuhay ang ebanghelyo. Ipaalala sa kanila na sa nakaraang lesson, tinalakay nila na ibinilanggo ni Haring Noe at ng kanyang mga saserdote si Abinadi dahil sa mga propesiya nito laban sa kanila (tingnan sa Mosias 12:1–17). Ibuod ang Mosias 12:18–24 na ipinapaliwanag na kalaunan ay iniharap si Abinadi kay Haring Noe at sa mga saserdote nito. Tinanong siya ng mga saserdote, tinatangkang lituhin siya sa pagsasabi ng isang bagay na magagamit nila laban sa kanya. At iniutos ng isa sa kanila na ipaliwanag niya ang isang banal na kasulatan.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 12:25–30, at alamin ang dahilan kung bakit pinagsalitaan ni Abinadi si Noe at ang mga saserdote nito. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong:

  • Sinabi ni Abinadi na inililigaw ni Noe at ng kanyang mga saserdote ang mga landas ng Panginoon (tingnan sa Mosias 12:26). Sa madaling salita, pinasama nila ang mga sagradong bagay at tumalikod sa matwid na pamumuhay. Paano nagkasala sina Noe at ang kanyang mga saserdote ng pagliligaw ng mga landas ng Panginoon?

Para matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, maaari mong ituro na sinabi ng mga saserdote na darating ang kaligtasan sa pamamagitan ng mga batas ni Moises (tingnan sa Mosias 12:32). Gayunman, hindi nila sinunod ang Sampung Utos, na bahagi ng batas, at hindi nila itinuro sa mga tao na sundin ang mga kautusan (tingnan sa Mosias 11:1–15; 12:27–29, 37; 13:25–26).

Ituro ang mga pahayag sa pisara.

  • Sa scale na 1 hanggang 10, sa inyong palagay gaano kaangkop kay Noe at sa kanyang mga saserdote ang bawat pahayag?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 12:31–33. Sabihin sa klase na tukuyin ang alituntuning itinuro ni Abinadi kay Noe at sa mga saserdote nito. (Itinuro niya na kung susundin natin ang mga kautusan ng Diyos, tayo ay maliligtas.)

Basahin ang mga sumusunod na halimbawa na ibinigay ni Elder F. Melvin Hammond ng Pitumpu. Hikayatin ang mga estudyante na pakinggan ang kahalagahan ng pag-alam at pagsunod sa mga kautusan.

“Maraming taon na ang nakararaan, isang returned missionary ang buong tapang na tumayo sa sacrament meeting at ipinahayag na nalaman niya sa kanyang pag-aaral ng mga banal na kasulatan na ang ebanghelyo ay totoo at ibibigay niya ang kanyang buhay para sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan. Dalawang linggo kalaunan naroon siya sa harapan ng bishop ng kanilang student ward, nahihiya at natatakot, habang ipinagtatapat na sa sandali ng kahinaan nalabag niya ang batas ng kalinisang-puri. Ang ipinahayag niyang katapatan sa Tagapagligtas ay nalimutan dahil sa silakbo ng kanyang damdamin. Bagama’t nag-aral ng salita ng Diyos, hindi niya naipamuhay araw-araw ang napag-aralan niya, nang may pagpapakumbaba, at tulad ng pamumuhay ni Cristo.

“Nakumpleto ng isang magandang dalagita ang mga kinakailangan at nakamtam ang Young Womanhood Recognition. Ang kanyang mga personal na mithiin ay pinag-isipang mabuti at isinulat sa kanyang journal. Determinado niyang isinulat na makikipagdeyt lamang siya sa mga karapat-dapat na binata at hahanapin ang espesyal na taong iyon na pakakasalan siya sa templo. Nang siya ay labingwalong taong gulang na, nalimutan niya ang kanyang mga mithiin; nagtanan siya kasama ang isang binata na hindi miyembro ng Simbahan. Napaluha nang husto ang mga taong lubos na nagmamahal sa kanya—ang kanyang mga magulang, mga titser, at mga kaibigan. Hindi niya naiugnay ang hinihingi ng batas at ang pagiging tunay na disipulo” (“Eliminating the Void between Information and Application,” CES satellite training broadcast, Ago. 2003, 17, si.lds.org).

  • Bakit hindi sapat na alam lang natin ang mga kautusan para tayo maligtas?

Si Abinadi sa Harap ni Haring Noe

Idispley ang larawang Si Abinadi sa Harap ni Haring Noe (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 75). Sabihin sa mga estudyante na ilarawan ang nangyayari sa larawan. (Iniutos ng hari na patayin si Abinadi. Pinrotektahan ng Panginoon si Abinadi.) Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang talang ito, maaari mong patayuin ang tatlong estudyante at sabihin sa kanila na basahin ito nang madula at nang may damdamin. Isang estudyante ang gaganap na tagapagsalaysay o narrator. Ang pangalawang estudyante ang magbabasa ng mga salita ni Haring Noe. Ang pangatlong estudyante ang magbabasa ng mga salita ni Abinadi. Una, ipabasa sa tagapagsalaysay at sa estudyanteng gumaganap na Noe ang mga bahagi nila sa Mosias 13:1–2. Pagkatapos ay sabihin sa estudyanteng gumaganap na Abinadi na sumagot gamit ang Mosias 13:3–4. Pagkatapos ay babasahin ng tagapagsalaysay ang Mosias 13:5–6. Pagkatapos ay magtatapos ang estudyanteng gumaganap na Abinadi sa Mosias 13:7–11.

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa Mosias 13:11.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng isulat sa inyong puso ang mga kautusan? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na para maisulat ang mga kautusan sa ating puso, dapat nating malaman at ipamuhay ang ebanghelyo.)

Ituro na bago hinangad ni Noe na patayin si Abinadi, sinimulang banggitin ni Abinadi ang isang scripture passage na malamang ay pamilyar sa hari at sa mga saserdote nito at katibayan ng kanilang kasamaan. Sabihin sa klase na basahin nang tahimik ang Mosias 12:34–36 para malaman kung pamilyar nga ang banal na kasulatan na binasa ni Abinadi kay Noe at sa mga saserdote nito. Tulungan sila na makita na sinimulang banggitin isa-isa ni Abinadi ang Sampung Utos.

Magdrowing sa pisara ng dalawang malaki at blankong tapyas na mga bato. Sabihin sa isang estudyante na sumulat ng isa sa Sampung Utos sa isa sa mga tapyas na batong ito. Pagkatapos ay sabihin sa estudyante na ipasa sa isa pang estudyante ang chalk para makasulat ng isa pa sa Sampung Utos. Ulitin ang paraang ito hanggang sa maisulat ng mga estudyante ang lahat ng naaalala nila. Sabihin sa kanila na tingnan ang mga sagot nila sa Mosias 12:34–36 at 13:12–24. Maaari mo silang hikayatin na markahan ang Sampung Utos sa mga talatang ito at sa Exodo 20:3–17 (isang scripture mastery passage).

blankong tapyas na bato
blankong tapyas na bato

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

“[Ang] Sampung Utos [ay] isinulat ng daliri ni Jehova sa mga tapyas na bato para sa kaligtasan at proteksyon, para sa kapanatagan at kaligayahan ng mga anak ni Israel, at para sa lahat ng mga henerasyon na susunod sa kanila” (“Our Solemn Responsibilities,” Ensign, Nob. 1991, 51).

Hikayatin ang mga estudyante na pag-aralang muli ang Sampung Utos at tahimik na pag-isipan ang kanilang sariling pagsisikap na sundin ang mga ito.

Mosias 13:27–14:12

Itinuro ni Abinadi ang kaligtasan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Isulat sa pisara ang sumusunod (maaari mo itong isulat bago magsimula ang klase). Sabihin sa mga estudyante na isipin ang maaaring ilagay sa patlang.

“Matapos ang lahat ng ating pagsunod at mabubuting gawa, hindi tayo maliligtas sa kamatayan o sa mga epekto ng ating kani-kanyang mga kasalanan nang walang …”

Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks:

“Matapos ang lahat ng ating pagsunod at mabubuting gawa,hindi tayo maliligtas sa kamatayan o sa mga epekto ng ating kani-kanyang mga kasalanan nang walang biyayang hatid ng pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nililinaw ito ng Aklat ni Mormon. Itinuturo nito na ang ‘kaligtasan ay hindi darating sa pamamagitan ng batas lamang’ (Mosias 13:28). Sa madaling salita, hindi dumarating ang kaligtasan sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa mga kautusan. … Kahit ang mga taong nagsisikap na sundin at paglingkuran ang Diyos nang kanilang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas ay ‘hindi kapaki-pakinabang na mga tagapaglingkod’ (Mosias 2:21). Hindi matatamo ng tao ang kaligtasan sa kanyang sariling pagsisikap” (“Another Testament of Jesus Christ,” Ensign, Mar. 1994, 67).

Kumpletuhin ang sumusunod na pahayag sa pisara sa pagsusulat ng biyayang hatid ng pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pagkatapos ay sabihin sa ilang estudyante na magsaIitan sa pagbasa nang malakas ng Mosias 13:28, 32–35. Ipahanap sa klase ang mga salita at mga parirala na may kaugnayan sa pahayag ni Elder Oaks. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nahanap nila. (Kabilang sa mga posibleng sagot ang “pagbabayad-sala,” “pagtubos ng Diyos,” “pagparito ng Mesiyas,” at ang pangako na “ang Diyos na rin ang bababa sa mga anak ng tao.”)

Ipaliwanag na ang pahayag ni Abinadi tungkol sa “batas” sa Mosias 13:28 at 32 ay tumutukoy sa mga batas ni Moises, na kinapapalooban ng mahihigpit na kautusan kabilang ang pag-aalay ng mga hain, mga piging, at iba pang gawain. Ang batas ay ibinigay upang tulungan ang mga Israelita na maalala ang Diyos at umasa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa paglipas ng panahon, hindi naunawaan ng maraming Israelita ang ginagampanan ni Jesucisto bilang kanilang Tagapagligtas, inaakalang maliligtas sila sa pagsunod lamang sa batas ni Moises.

  • Nagpatotoo si Abinadi na Walang maliligtas kung wala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 13:28, 32). Bakit mahalagang maunawaan natin ang katotohanang ito?

Ipaliwanag na noong magsalita si Abinadi kay Noe at sa mga saserdote, binanggit niya ang ilan sa mga propesiya ni Isaias tungkol kay Jesucristo. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mosias 14:3–12. Ipahanap sa mga estudyante ang mga salita o parirala na naglalarawan sa ginawa ng Tagapagligtas upang maisagawa ang kanilang kaligtasan.

Matapos pag-aralan ng mga estudyante ang mga talatang ito nang ilang minuto, sabihin sa kanila na ibahagi ang nahanap nila. Maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Upang matulungan ang mga estudyante na maisip ang kapighatian at kalungkutan na pinasan ng Tagapagligtas para sa kanila at upang matulungan silang maisip ang Kanyang pagdurusa dahil sa kanilang mga kasalanan, basahin ang sumusunod na pahayag sa kanila. Sabihin sa kanila na kumpletuhin ang mga pahayag na ito sa kanilang isipan:

Dinala ni Jesucristo ang aking mga kalungkutan, tulad ng …

Si Jesucristo ay nasugatan at nabugbog dahil sa aking mga kasalanan, tulad ng …

Tanungin ang mga estudyante kung ano ang ibig sabihin sa kanila ng pahayag na: “sa pamamagitan ng kanyang mga latay tayo ay gumaling” (Mosias 14:5). Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang mga salitang mga latay ay tumutukoy sa mga sugat na nagmarka sa katawan ng Tagapagligtas nang Siya ay bugbugin, o hampasin (tingnan sa Juan 19:1). Karaniwan, ang mga salitang iyon ay tumutukoy sa lahat ng Kanyang pagdurusa.

Matapos maibahagi ng mga estudyante ang kanilang nadama sa mga pahayag na ito, magpatotoo na sa pamamagitan ng pagdurusa ng Tagapagligtas at sa pagsisikap nating sundin ang mga kautusan, makatatanggap tayo ng kapayapaan at kapatawaran sa buhay na ito at kaligtasan sa buhay na darating (tingnan sa D at T 59:23; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3). Hikayatin ang mga estudyante na ipakita ang kanilang pagmamahal at pasasalamat sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mosias 13:34. “Ang Diyos na rin ang bababa”

Ang salitang Diyos ay karaniwang tumutukoy sa ating Ama sa Langit, ngunit sa Mosias 13:34, tumutukoy ito kay Jesucristo. Ang mga Banal sa panahon ng Lumang Tipan ay kilala si Jesucristo bilang Jehova at bilang ang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob. Itinuro ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol na tinutulungan tayo ng mga banal na kasulatan na maunawaan ang kabanalan ni Jesucristo at ang Kanyang pagiging Diyos:

“Ipinapahayag namin ang katotohanan sa banal na kasulatan na si Jesucristo ang Diyos na Tagapaglikha noon at ngayon, ang Diyos na nagpakita ng Kanyang sarili kina Adan, Enoc, at sa lahat ng mga patriyarka at propeta bago dumating ang malaking baha hanggang kay Noe; ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob; ang Diyos ng nagkakaisang Israel, at ang Diyos nina Ephraim at Juda pagkatapos ng kaguluhan sa bansang Hebreo; ang Diyos na naghayag ng Kanyang sarili sa mga propeta mula kay Moises hanggang kay Malakias; ang Diyos ng Lumang Tipan; at ang Diyos ng mga Nephita. Pinagtitibay namin na si Jesucristo ang Jehova noon at ngayon, ang Walang Hanggan” (Jesus the Christ, ika-3 ed. [1916], 32).

Mosias 13:27–35. Ang batas ni Moises at si Jesucristo

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano nauugnay ang batas ni Moises sa ebanghelyo ni Jesucristo:

“Hindi dapat ituring ng mga mambabasa ang batas ni Moises—sa sinauna o sa makabagong panahon—bilang mga nakababagot na ritwal lamang na sinusunod nang walang pagtatanong (at kung minsan nang may labis na kasigasigan) ng mga taong matitigas ang leeg na hindi tinanggap si Cristo at ang kanyang ebanghelyo. Ang makasaysayang tipang ito, na mismong kamay ng Diyos ang nagbigay at pangalawa lamang sa kabuuan ng ebanghelyo bilang daan patungo sa kabutihan, ay dapat ituring bilang isang hindi matutumbasang koleksyon ng mga halimbawa, anino, simbolo, at mga pagkakahawig ng mga bagay na patungkol kay Cristo. Dahil sa kadahilanang iyan, ito ay naging gabay noon (at hanggang ngayon, sa kahalagahan at kadalisayan nito) sa espirituwalidad, isang pasukan patungo kay Cristo, isang landas ng mahigpit na pagsunod sa mga kautusan na, sa pamamagitan ng mga batas ng tungkulin at kagandahang-asal, ay humahantong sa mas matataas na batas ng kabanalan patungo sa imortalidad at buhay na walang hanggan. …

“… Mahalagang maunawaan na ang batas ni Moises ay nakasalig sa, at sa gayon kinapapalooban ng, maraming mahahalagang bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo, na umiral na bago ito. Hindi ito kailanman ihihiwalay at tiyak din na hindi ito isang bagay na kumakalaban sa ebanghelyo ni Jesucristo. … Ang layunin nito ay hindi kailanman naiba sa mas mataas na batas. Ang layunin ng mga ito ay dalhin ang mga tao kay Cristo” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 136–37, 147; tingnan din sa 2 Nephi 11:4; Mosias 16:14–15).

Mosias 14:5. Paggaling sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala

Pinatotohanan ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagpapagaling na matatanggap natin dahil sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Kanyang Pagbabayad-sala:

“Mapayapa at nakapapanatag ang kaaliwang dulot ng dakilang kaloob na ito na dulot sa atin ng mapagmahal na biyaya ni Jesucristo, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan. …

“… Kahit ang Kanyang buhay ay dalisay at walang kasalanan, binayaran Niya ang kahuli-hulihang kaparusahan para sa mga kasalanan—ang sa inyo, sa akin, at sa lahat ng nabuhay at mabubuhay dito sa mundo. Ang pagdurusa ng Kanyang isipan, damdamin, at kaluluwa ay napakabigat kung kaya’t lumabas sa maliliit na butas ng Kanyang balat ang dugo (tingnan sa Lucas 22:44; D at T 19:18). Gayunman si Jesus ay kusang nagdusa nang sa gayon lahat tayo’y magkaroon ng oportunidad na mahugasan at maging malinis—dahil sa ating pananampalataya sa kanya, pagsisisi sa ating mga kasalanan, pagkabinyag sa wastong awtoridad ng priesthood, sa pagtanggap sa nakadadalisay na kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng kumpirmasyon, at pagtanggap sa lahat ng iba pang mahahalagang ordenansa. Kung walang Pagbabayad-sala ng Panginoon, hindi natin matatanggap ang kahit isa sa mga biyayang ito, at hindi tayo magiging karapat-dapat at handang bumalik upang makapiling ang Diyos” (“Ang Pagbabayad-sala at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 84–85).