Lesson 60
Mosias 15–17
Pambungad
Habang patuloy na nangangaral si Abinadi kay Haring Noe at sa mga saserdote nito, pinatotohanan niya ang tungkuling ginagampanan ni Jesucristo bilang Manunubos. Isa sa mga saserdote ni Noe, na si Alma, ay naniwala kay Abinadi. Pinalayas ni Haring Noe si Alma mula sa kanyang palasyo at iniutos sa kanyang mga tagapagsilbi na patayin siya, ngunit nakatakas si Alma at isinulat ang mga turong narinig niya mula kay Abinadi. Matapos maihayag ni Abinadi ang mensaheng nais ng Panginoon na sabihin niya, pinagbantaan siya ni Haring Noe at ng mga saserdote nito na siya ay papatayin kung hindi niya babawiin ang kanyang mga sinabi. Tumangging ikaila ang kanyang patotoo, siya ay “nagdanas ng kamatayan sa pamamagitan ng apoy” at “[pinagtibay] ang katotohanan ng kanyang mga salita sa pamamagitan ng kanyang kamatayan” (Mosias 17:20).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mosias 15–16
Itinuro ni Abinadi ang tungkol sa tungkuling gagampanan ni Jesucristo bilang Manunubos
Bigyan ng dalawang minuto ang mga estudyante para hanapin ang mga salitang tutubusin, tinubos, at pagtubos sa Mosias 15–16. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga salitang ito. Ipaliwanag na kapag ang magkakaibang banghay o anyo ng iisang salita ay inulit-ulit sa isang scripture block, maaaring ipinapahiwatig nito na ang salita ay mahalaga sa mensahe ng taong sumulat. Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang mga turo ni Abinadi tungkol sa pagtubos sa lesson ngayon.
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang tungkulin ni Jesucristo bilang Manunubos, iguhit sa pisara ang sumusunod na diagram:
Ituro ang figure o larawan na may nakasulat na “Nagkasala,” at sabihin sa mga estudyante na kunwari ay nakagawa sila ng krimen. Sila ay nahatulang magbayad ng malaking multa bilang kaparusahan, at walang legal at tamang paran para maiwasan nila ang pagbabayad ng multa sa sarili nilang pagsisikap. Itanong sa mga estudyante kung ano ang madarama nila sa pagbabayad ng multang iyon. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na kunwari ay may isang kapamilya o kaibigan na nagsabing babayaran nila ang multa para sa kanila.
-
Ano ang madarama ninyo para sa taong ito?
Ipaliwanag na sa pagbabayad ng multa, matutubos sila ng kapamilya o kaibigan mula sa kaparusahan. Ang ibig sabihin ng salitang tubusin ay sagipin sa pagkakautang o palayain sa pamamagitan ng pagbabayad ng halagang pangtubos. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang kahulugan sa tabi ng isa sa mga talata sa Mosias 15 na may salitang tinubos sa iba’t ibang anyo o banghay nito.
Isulat ang Tayo sa ilalim ng Nagkasala. Isulat ang Katarungan sa ilalim ng Kaparusahan. Ipaliwanag na dahil tayo ay nagkasala at lumabag sa mga batas ng Diyos, dapat tayong maparusahan. Sa madaling salita, dapat nating panagutan ang mga hinihingi ng katarungan. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang ilang ibubunga ng paglabag sa mga batas ng Diyos:
“Hinihiling … ng katarungan na mabigyang-katwiran ang bawat nalabag na batas. Kapag sinusunod ninyo ang mga batas ng Diyos, kayo ay pagpapalain, ngunit hindi kayo makaiipon ng dagdag na merito na makatutumbas sa mga batas na nilabag ninyo. Kung hindi pagsisisihan, magagawang miserable ng mga nilabag na batas ang inyong buhay at ito ang hahadlang sa pagbalik ninyo sa Diyos” (“Matitiyak ng Pagbabayad-sala ang Inyong Kapayapaan at Kaligayahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 42).
-
Ayon kay Elder Scott, ano ang ilan sa mga ibubunga ng paglabag sa mga batas ng Diyos?
Kapag natukoy ng mga estudyante ang mga ibubunga ng paglabag sa mga batas ng Diyos, burahin ang salitang Multa sa pisara. Isulat kapalit nito ang salitang Kalungkutan at Hindi makapapasok sa kinaroroonan ng Diyos. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mosias 15:1, 8–9. Maaari mong itanong ang mga sumusunod para matulungan sila na maunawaan ang ilan sa mga doktrina sa mga talata na iyon:
-
Ang salitang mamagitan ay tumutukoy sa isang tao na namagitan sa dalawang tao o mga grupo ng mga tao upang tulungan sila na magkasundo. Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng dumating si Jesucristo upang “mamagitan” sa atin?
-
[No translation.] Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng tumayo ang Tagapagligtas “sa pagitan [natin] at [ng] katarungan”? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng matugunan “ang mga hinihingi ng katarungan”?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na hinihingi ng katarungan na tayo ay maparusahan para sa ating mga kasalanan. Hindi inalis ng Tagapagligtas ang mga hinihingi ng katarungan; Siya ay nakatayo sa pagitan natin at ng katarungan upang matugunan ang mga hinihingi ng katarungan sa pamamagitan ng pag-ako ng kaparusahan para sa atin. Binayaran Niya ang halaga upang matubos tayo—upang mapalaya tayo mula sa kaparusahan. Sa pisara, idikit ang larawan ng Tagapagligtas (tulad ng larawan na ang Panginoong Jesucristo [64001]) sa pagitan ng nagkasala at ng kaparusahan.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 15:5–7, na iniisip ang kabayarang ibinayad ni Jesucristo upang matubos sila—namagitan sa kanila at sa mga hinihingi ng katarungan.
Isulat sa pisara ang sumusunod:
Mga taong nagpatubos |
Mga taong tumangging matubos |
---|---|
Hatiin sa dalawang grupo ang klase. Sabihin sa unang grupo ng mga estudyante na basahin ang Mosias 15:11–12, at alamin ang mga katangian ng mga taong nagpatubos. Sabihin sa pangalawang grupo na basahin ang Mosias 16:2–5, 12, at alamin ang mga katangian ng mga taong tumangging matubos. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa unang grupo ng mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ayon sa Mosias 15:11–12, sino ang matutubos mula sa kanilang mga kasalanan? (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na tinugunan ni Jesucristo ang mga hinihingi ng katarungan para sa mga yaong makikinig sa mga salita ng mga propeta, maniniwala sa Kanyang kapangyarihang tumubos, at magsisisi ng kanilang mga kasalanan.)
Ipaliwanag na ang kabayarang ibinayad ng Tagapagligtas ay isang personal na kaloob para sa sinumang pipiliin na maging karapat-dapat sa pagtubos sa pamamagitan ng pagsisisi at pagsisikap na sundin ang mga kautusan at tuparin ang kanilang mga tipan sa Panginoon.
Para mabigyang-diin na ang Pagbabayad-sala ay para sa bawat tao, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 15:10. Pagkatapos ay ituon ang pansin ng mga estudyante sa pariralang “makikita niya ang kanyang binhi” sa talata na iyan. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang pariralang ito. Ipaliwanag na sa talatang ito, ang salitang binhi ay tumutukoy sa mga anak.
-
Kailan natin natutuhan ang tungkol sa pagiging “mga anak ni Cristo”? (Ipaalala sa mga estudyante ang mga salita ni Haring Benjamin tungkol sa paksang ito na matatagpuan sa Mosias 5. Tingnan din sa lesson 55.)
Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na gawing personal ang Mosias 15:10 sa pamamagitan ng pagsulat ng kanilang pangalan na kahalili ng pariralang “kanyang binhi.” Sabihin sa kanila na pag-isipang mabuti nang ilang sandali ang kahulugan nito sa kanila.
-
Paano nakaimpluwensya sa pagkaunawa ninyo sa Pagbabayad-sala ang turong ito?
Sabihin sa mga estudyanteng nagbasa ng Mosias 16:2–5, 12 na ibahagi ang nalaman nila tungkol sa mga taong tumangging matubos. Para mabigyang-diin ang panganib ng pagtangging matubos, ipabasa nang tahimik sa lahat ng estudyante ang Mosias 16:5.
-
Ano ang mangyayari sa diagram sa pisara kung ang nagkasala ay patuloy sa paggawa ng kasalanan at hindi nagsisisi? (Sa pagsagot ng mga estudyante, alisin ang larawan ni Jesucristo sa diagram. Maaari mong bigyang-diin na para sa taong iyon, “para bang walang ginawang pagtubos.”)
Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 19:16–17 para malaman nila kung ano ang mangyayari sa mga taong hindi magsisisi at hindi tatanggapin ang pagtubos ng Tagapagligtas. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang D at T 19:16–17 sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 16:5.
Idikit muli ang larawan ng Tagapagligtas sa pisara.
-
Anong mga katotohanan ang natutuhan ninyo ngayon tungkol sa inyong Manunubos?
Matapos sagutin ng mga estudyante ang tanong na ito, ipaliwanag na bukod sa itinuro ni Abinadi na tinubos tayo ng Tagapagligtas mula sa kaparusahan ng ating mga kasalanan, itinuro din ni Abinadi na tinubos tayo ng Tagapagligtas mula sa kamatayan. Sabihin sa ilang estudyante na magsaIitan sa pagbasa nang malakas ng Mosias 16:6–11. Ibahagi ang iyong patotoo na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli. Maaari mo ring ituro na ang mabubuti ay mabubuhay na mag-uli sa kalagayan ng kaligayahan.
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang scripture study journal o notebook ang nadarama nila para sa kanilang Manunubos at ang gagawin nila para matanggap ang pagtubos na ibinibigay Niya.
Mosias 17
Naniwala si Alma kay Abinadi at siya ay pinalayas; si Abinadi ay sinunog
Itanong sa mga estudyante:
-
Nakakita ka na ba ng isang taong naninindigan sa tama kahit mahirap sa kanya na gawin iyon? Ano ang nangyari?
Ipakita ang larawang Si Abinadi sa Harap ni Haring Noe (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 75). Ibuod ang Mosias 17:1–6 na ipinapaliwanag na nang tapusin ni Abinadi ang kanyang mensahe, isa sa mga saserdote na nagngangalang Alma ang nagsikap na kumbinsihin ang hari na totoo ang sinabi ni Abinadi at dapat itong palayain. Pinalayas ng hari si Alma at pinasundan sa kanyang mga tagapagsilbi para patayin. Nagtago si Alma at isinulat ang mga salita ni Abinadi. Pagkaraan ng tatlong araw, hinatulan ng hari at ng kanyang mga saserdote ng kamatayan si Abinadi.
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na pag-aralan ang mga sumusunod na scripture passage kasama ang kanilang kapartner: Mosias 17:7–10, na tungkol sa piniling gawin ni Abinadi, at Mosias 17:11–12, na tungkol sa piniling gawin ni Haring Noe. Sabihin sa kanila ikumpara ang mga piniling gawin ni Abinadi sa mga piniling gawin ni Haring Noe. Sabihin sa kanila na sagutin at talakayin ang mga sumusunod na tanong. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito.)
-
Sa inyong palagay, bakit ganoon ang epekto kay Haring Noe ng mga sinabi ni Abinadi? (Tingnan sa Mosias 17:11.) Paano nakaimpluwensya kay Haring Noe ang kanyang mga saserdote? (Tingnan sa Mosias 17:12–13.)
-
Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Abinadi? (Ang isang sagot na maibibigay ng mga estudyante ay maaari tayong maging tapat sa Diyos sa lahat ng sitwasyon.)
Kung maaari, bigyan ang mga estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Maging matatag—na panindigan ang tama. Nabubuhay tayo sa panahong puno ng kompromiso. … Sa mga sitwasyon na nakakaharap natin araw-araw, alam natin kung ano ang tama. … Kailangan tayong magkaroonna sundin ang ating pinaniniwalaan” (“Building Your Tabernacle,” Ensign, Nob. 1992, 52).
Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang Magiging tapat ako sa Diyos sa lahat ng sitwasyon sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 17:9–12. Ituon ang pansin ng mga estudyante sa huling sinabi ni Abinadi, na matatagpuan sa Mosias 17:19—“O Diyos, tanggapin ang aking kaluluwa.” Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 17:20.
-
Ano ang hinangaan ninyo sa huling sinabi ni Abinadi?
Ipasagot sa mga estudyante ang sumusunod na tanong sa kanilang scripture study journal:
-
Ano ang gagawin mo para maging tapat sa Diyos sa lahat ng sitwasyon?
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Tanungin din kung sino sa mga estudyante ang gustong magbahagi ng kahalagahan sa kanila ng ebanghelyo at kung ano ang nagawa nila noon na nagpakita ng katapatan sa Panginoon sa panahon ng paghihirap. Tapusin ang lesson na nagpapatotoo.