Library
Lesson 61: Mosias 18


Lesson 61

Mosias 18

Pambungad

Pagkatapos mamatay ni Abinadi, palihim na itinuro ni Alma sa mga tao ang mga sinabi ni Abinadi. Ang mga naniwala sa kanya ay sama-samang nagtipon sa mga Tubig ng Mormon para mas matuto pa. Ipinangaral ni Alma ang mensahe tungkol sa “pagsisisi, at pagtubos, at pananampalataya sa Panginoon” (Mosias 18:7). Ang mga taong tumanggap ng kanyang mga itinuro at nagsisi sa kanilang mga kasalanan ay pumasok sa tipan ng binyag. Ang mga tao ay tapat sa tipang ito, at tinulungan nila ang isa’t isa sa temporal at espirituwal na paraan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mosias 18:1–16

Tinuruan at bininyagan ni Alma ang mga tao

Idispley ang larawang Si Abinadi sa Harap ni Haring Noe (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 75). Ituro ang mga saserdote na nasa larawan. Ipaliwanag na nakatala sa Mosias 18 ang karanasan ni Alma, na isa sa mga saserdote noon ni Haring Noe.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 18:1, 3–6. Sabihin sa klase na alamin ang ginawa ni Alma pagkatapos marinig ang patotoo ni Abinadi. Kapag nasabi na ng mga estudyante ang nalaman nila, sabihin sa kanila na tingnan ang kanilang mga diagram na nagpapakita ng buod ng mga paglalakbay sa Mosias 7–24. Sabihin sa kanila na idrowing ang Mga Tubig ng Mormon sa tamang lokasyon nito. (Para sa kumpletong diagram, tingnan ang apendiks sa katapusan ng manwal na ito.)

mga paglalakbay sa Mosias 7–24

Ipaliwanag na ang layunin ni Alma sa pagtuturo ay ihanda ang mga tao sa binyag. Sabihin sa mga estudyante na isipin sandali ang kanilang binyag. Upang matulungan ang mga estudyante na maisip mabuti ang kahalagahan sa kanila ng kanilang binyag, maaari mong itanong ang ganito:

  • Ano ang mga naaalala ninyo sa inyong binyag?

  • Paano kayo tinulungan ng inyong mga magulang, titser, at mga lider na maghanda para sa binyag?

  • Ano ang mas napapahalagahan ninyo ngayon sa binyag kaysa noong bininyagan kayo?

Ipaliwanag na ang salaysay tungkol sa pagtuturo at pagbibinyag ni Alma sa mga tao sa Mga Tubig ng Mormon ay makatutulong sa atin na mas malalim na maunawaan ang tipan sa binyag.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 18:2, 7, at alamin ang itinuro ni Alma sa mga tao habang inihahanda niya sila para sa binyag.

  • Ayon sa mga talatang ito, anong mga doktrina at mga alituntunin ang binigyang-diin ni Alma?

  • Sa inyong palagay, paano makatutulong sa paghahanda ng isang tao para sa binyag ang pag-unawa sa mga katotohanang ito?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang gagawin nila para matupad nila ang tipan sa binyag, at mapahalagahan ang mga pagpapalang matatanggap nila dahil dito, isulat sa pisara ang sumusunod na chart. Huwag isulat ang mga pahayag o scripture reference na nasa bandang ibaba ng chart.

Handa akong …

Ipinangako ng Diyos …

Magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan (tingnan sa Mosias 18:8).

Makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati (tingnan sa Mosias 18:9).

Aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw (tingnan sa Mosias 18:9).

Tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar (tingnan sa Mosias 18:9).

Paglingkuran ang Diyos at sundin ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa Mosias 18:10).

Na ako ay matutubos ng Diyos (tingnan sa Mosias 18:9).

Na ako ay mapapabilang sa unang pagkabuhay na mag-uli (tingnan sa Mosias 18:9).

Na ako ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Mosias 18:9).

Kanyang ibubuhos ang Kanyang Espiritu sa akin (tingnan sa Mosiah 18:10).

Ipaliwanag na bago anyayahan ang mga tao na magpabinyag, nagsalita si Alma sa kanila tungkol sa pag-uugali at ginagawa nila na nagpapakita na handa na silang makipagtipan at tuparin ang tipang ito sa Panginoon. (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang tipan ay isang kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng tao, subalit ang Diyos at ang tao ay “hindi pantay sa kasunduan. Ang Diyos ang siyang nagbibigay ng mga batayan para sa tipan, at ang mga tao ang sumasang-ayong isagawa ang hinihingi niya na gawin nila. Sa gayon pinangangakuan ng Diyos ang mga tao ng mga pagpapala dahil sa kanilang pagiging masunurin” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tipan,” scriptures.lds.org]. Para sa paliwanag tungkol sa mga kailangang gawin ng mga nabinyagan, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37.)

Hatiin sa dalawang grupo ang klase. Sabihin sa unang grupo na basahin ang Mosias 18:8–11 para malaman ang itinuro ni Alma na dapat handa nating gawin kapag nabinyagan tayo. Sabihin sa pangalawang grupo na basahin din ang scripture passage na iyon at alamin ang ipinangako ng Panginoon kung tutuparin natin ang ating tipan. Matapos ang sapat na oras para mapag-aralan ng mga estudyante ang mga talata, palapitin sa pisara ang ilan sa kanila at ipasulat sa angkop na column ang nalaman nila.

Upang matulungan ang mga estudyante na mapahalagahan ang kanilang tipan sa binyag, itanong:

  • Ano ang kahulugan sa inyo ng mga ginagawa at pag-uugali sa unang column?

  • Bakit mahalaga sa inyo ang mga pangakong nakalista sa pangalawang column?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 18:12–16, at alamin kung paano pinagpala si Alma at ang kanyang mga tao nang makipagtipan sila na paglilingkuran ang Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong ipaliwanag na napuspos si Alma ng Espiritu ng Panginoon habang naghahanda siyang binyagan si Helam at kapwa napuspos ng Espiritu sina Alma at Helam nang matapos ang binyag, na nagpapakita na sinimulan na ng Panginoon na tuparin ang Kanyang tipan na ibubuhos ang Kanyang Espiritu sa mga tao.

Ibahagi ang iyong patotoo na natatanggap natin ang Espiritu ng Panginoon at ang pangako ng buhay na walang-hanggan sa paggawa at pagtupad ng tipan sa binyag.

Mosias 18:17–30

Itinatag ni Alma ang Simbahan ni Jesucristo sa mga tao

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

“Mula sa araw ng binyag hanggang sa mahahalagang espirituwal na pangyayari sa ating buhay, nangangako tayo sa Diyos at nangangako rin Siya sa atin. Siya ay laging tumutupad sa Kanyang mga pangako sa pamamagitan ng Kanyang mga binigyang-karapatang tagapaglingkod, ngunit ang pinakamahalagang pagsubok ng ating buhay ay kung gagawin at tutuparin natin ang mga tipan natin sa Kanya” (“Witnesses for God,” Ensign, Nob. 1996, 30).

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa chart na nakasulat sa pisara. Ipaliwanag na malalaman nila ngayon kung paano namuhay ang mga tao ni Alma ayon sa tipan sa binyag at kung paano sila pinagpala sa paggawa nito. Hatiin ang mga estudyante sa dalawang grupo. Sabihin sa unang grupo na pag-aralan ang Mosias 18:17–23 at sa pangalawang grupo ang Mosias 18:24–30. Sa kanilang pagbabasa, sabihin sa dalawang grupo na alamin ang ilan sa mga paraang itinuro ni Alma kung paano dapat mamuhay para matupad nila ang tipan sa binyag. Sabihin sa isang estudyante mula sa bawat grupo na ibahagi ang nalaman nila sa pipiliin nilang kapartner sa kabilang grupo. O sabihin sa kinatawan ng bawat grupo na ibahagi nila sa buong klase ang nalaman nila.

  • Paano nakakaimpluwensya ang iyong tipan sa binyag sa ginagawa mo sa araw-araw? (Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na sagutin ang tanong na ito sa pagkukuwento ng naging impluwensya ng kanilang tipan sa binyag sa paraan ng pakikitungo nila sa kanilang pamilya, sa pagpili ng libangan, o sa pakikihalubilo sa ibang kabataan.)

Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Mosias 18:17, 22, 29 at hanapin ang mga salita at mga pariralang naglalarawan kung paano pinagpala ang mga tao sa pagtupad nila sa kanilang mga tipan. Isulat sa pisara ang mga pagpapalang ito sa ibaba ng chart ng tipan sa binyag. (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang pariralang “mga anak ng Diyos” [Mosias 18:22] ay tumutukoy sa pagiging mga tagapagmana natin ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo [tingnan sa Mosias 5:6–8, 15].)

Upang matulungan ang mga estudyante na makita na dumarating ang mga dakilang pagpapala sa mga tumutupad sa tipan sa binyag, ituon ang pansin ng mga estudyante sa chart na nakasulat sa pisara, at itanong:

  • Paano pinagpala ang inyong mga kaibigan, pamilya, o mga miyembro ng ward dahil tinupad nila ang kanilang mga tipan?

  • Paano kayo pinagpala ng Panginoon dahil tinupad ninyo ang inyong mga tipan sa binyag?

Magpatotoo kung paano pinagpala ang iyong buhay dahil sa pagtupad mo sa iyong mga tipan.

Mosias 18:31–35

Ang mga kabilang sa Simbahan ay tumakas sa pang-uusig ni Haring Noe

Ibuod ang Mosias 18:31–33 na ipinapaliwanag na isang araw, nang nagtitipon si Alma at ang kanyang mga tao upang makinig ng salita ng Panginoon, sila ay natagpuan ng mga tagapagsilbi ni Haring Noe. Ipinadala ng hari ang kanyang hukbo upang sila ay lipulin.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 18:34. Sabihin na itinuturo ng footnote a ang mga mambabasa sa Mosias 23:1. (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang footnote na ito.) Ipaliwanag na ang tala sa Mosias 18:34 ay nagpatuloy sa Mosias 23:1, pagkatapos maitala sa kabanata 19–22 ang mga nangyari sa mga tao ni Limhi. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 23:1–2.

  • Paano “nalaman” ni Alma ang panganib na makakaharap ng kanyang mga tao?

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Mabibigyang-babala ng Panginoon ang mabubuti kapag nasa panganib sila. (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa margin sa tabi ng Mosias 18:34.) Para mailarawan ang katotohanang ito, basahin nang malakas ang sumusunod na kuwento ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Bilang special agent ng FBI, inimbestigahan ng kaibigan ko ang isang malaking grupo ng sindikato na nagdadala ng bawal na gamot sa Estados Unidos.

“Minsan, pinuntahan nila ng kasama niyang agent ang isang apartment na pinaniwalaan nilang lugar kung saan namamahagi ng cocaine ang isang kilalang dealer ng droga. Inilarawan ng kaibigan ko ang nangyari:

“‘Kumatok kami sa pintuan ng dealer ng droga. Binuksan ng suspek ang pinto, at pagkakita sa amin, sinubukan niyang humarang sa harapan namin para di namin makita ang buong silid. Pero huli na, nakita na namin ang cocaine sa kanyang mesa.

“‘Mabilis na iniligpit ng isang lalaki at babae na nasa mesa ang cocaine. Kailangang hadlangan namin silang sirain ang ebidensya, kaya mabilis kong itinulak sa isang tabi ang suspek na nakaharang sa pinto. Sa pagtulak ko sa kanya, nagkatitigan kami. Nakapagtataka, hindi siya mukhang galit o takot. Nakangiti siya sa akin.

“‘Ang mga mata at kalugud-lugod na ngiti niya ang nagpaisip sa akin na hindi siya mananakit, kaya mabilis ko siyang iniwan at lumibot sa mesa. Nasa likod ko na ngayon ang suspek. Sa pagkakataong iyon, [pumasok sa isipan ko ang isang] malinaw at napakalakas na mensahe. “Mag-ingat sa kasamaan sa likod ng nakangiting mga mata.”

“‘Bigla kong binalingan ang suspek. Nasa malaking bulsa niya sa harapan ang kamay niya. Bigla kong naisip na hablutin ang kanyang kamay sa pagkakapamulsa. Noon ko lang nakita, na hawak niya nang mahigpit ang isang baril na handa nang paputukin. Nag-agawan kami sa baril at nakuha ko iyon sa kanya.’ …

“… Binigyang-babala ng Espiritu Santo ang kaibigan ko sa pisikal na panganib; bibigyang-babala rin kayo ng Espiritu Santo sa espirituwal na panganib” (“Mag-ingat sa Kasamaan sa Likod ng Nakangiting mga Mata,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 46–47).

Patotohanan na madalas balaan ng Panginoon ang mabubuti sa nakaambang panganib, pero huwag nating isipin na hindi tayo mabuti kung hindi natin nadarama ang babala mula sa Espiritu Santo tuwing nahaharap tayo sa mga mapanganib na sitwayon.

  • Kailan ninyo nadama na binalaan kayo ng Panginoon sa pisikal o espirituwal na panganib? (Kapag nakapagbahagi na ng mga karanasan ang mga estudyante, maaari mong ibahagi ang sarili mong karanasan.)

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mosias 18:8–11. Pag-unawa sa kapangyarihan ng tipan sa binyag

Sinabi ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Natutuhan ko sa buong buhay ko na kapag naunawaan nang lubos ng mga tao ang mga pangako at ang kapangyarihan ng kanilang mga tipan sa binyag, sila man ay bago o matagal nang miyembro ng Simbahan, malaking kagalakan ang dumarating sa kanilang buhay kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin sa kaharian nang may nakakahawang sigla” (“Alma the Elder: A Role Model for Today,” sa Heroes from the Book of Mormon [1995], 84).

Mosias 18:12–18. Bakit inilubog ni Alma ang kanyang sarili sa tubig nang binyagan niya si Helam?

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na “sa Aklat ni Mosias malinaw na nakasaad roon na mayroon siyang awtoridad [tingnan sa Mosias 18:13].” Ipinaliwanag ni Pangulong Smith na “kung may awtoridad [si Alma] na magbinyag, katibayan iyan na siya ay nabinyagan [na].” Kaya, ipinaliwanag pa niya, nang si Alma ay magtungo sa tubig kasama si Helam, “hindi [ito] tungkol sa pagbibinyag ni Alma sa kanyang sarili, kundi bilang tanda lamang sa Panginoon ng kanyang pagpapakumbaba at taimtim na pagsisisi” (Answers to Gospel Questions, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo [1957–66], 3:203).