Library
Lesson 62: Mosias 19–20


Lesson 62

Mosias 19–20

Pambungad

Pagkatapos makatakas si Alma at ang kanyang mga tao sa hukbo ni Haring Noe, nagsimulang maranasan ni Haring Noe at ng kanyang mga tao ang mga ibinunga ng kanilang kasamaan, tulad ng iprinopesiya ni Abinadi—sila ay sinalakay at ginawang alipin ng mga Lamanita, at si Haring Noe ay sinunog hanggang sa mamatay. Ang anak ni Noe na si Limhi ang naging hari nang mamatay si Noe. Nang dukutin ng mga dating saserdote ni Noe ang isang grupo ng mga anak na babae ng mga Lamanita, sinisi ng mga Lamanita ang mga tao ni Limhi at naghandang salakayin sila. Buong tapang na nakipaglaban ang mga tao ni Limhi, at nasugatan at nabihag nila ang hari ng mga Lamanita. Napayapa ni Limhi ang hari ng mga Lamanita, na humikayat sa kanyang mga tao na bumalik sa kanilang sariling lupain nang mapayapa.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mosias 19–20

Ang mga Nephita sa lupain ng Lehi-Nephi ay naranasan ang katuparan ng mga propesiya ni Abinadi

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na binalaan sila ng isang tao tungkol sa panganib na hindi nila nakikinita. Sabihin sa kanila na magkwento kung paano sila napagpala dahil sinunod nila ang babala. Tulungan ang mga estudyante na matalakay ang layunin ng mga babala sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Ano ang layunin ng babala? Sino ang nagbibigay sa inyo ng babala tungkol sa mga bagay na dapat ninyong iwasan o sa mga bagay na makapipinsala sa inyo?

  • Kanino ipinahahayag ng Diyos ang mga espirituwal na babala para sa Kanyang Simbahan?

Ipaalala sa mga estudyante na isinugo ng Panginoon si Abinadi para balaan ang mga Nephita sa mga ibubunga ng kanilang mga kasalanan. Para matulungan ang mga estudyante na marebyu ang mga propesiya ni Abinadi sa mga Nephita sa lupain ng Lehi-Nephi, isulat sa pisara ang sumusunod na chart. Siguraduhing may sapat na espasyo na pagsusulatan ang mga estudyante sa ilalim ng bawat grupo ng scripture reference.

Propesiya tungkol sa mga tao ni Haring Noe (Mosias 12:1–2; 17:17)

Katuparan (Mosias 19:10, 14–15; 20:20; 21:2–4)

Propesiya tungkol kay Haring Noe (Mosias 12:3; 17:18)

Katuparan (Mosias 19:18–20)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 12:1–2. Sabihin sa klase na tukuyin ang ipinropesiya ni Abinadi na mangyayari sa mga tao ni Haring Noe dahil hindi sila nagsisi. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga nangyaring ito sa kahon sa itaas sa kaliwang bahagi ng chart sa pisara. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 12:3. Sabihin sa klase na tukuyin ang ipinropesiya ni Abinadi na mangyayari kay Haring Noe. Ipasulat sa isang estudyante ang nangyaring ito sa chart.

Upang matulungan ang mga estudyante na maisip ang kahalagahan ng mga espirituwal na babala na natatanggap natin sa pamamagitan ng mga propeta, ibahagi ang sumusunod na kuwento ni Elder David R. Stone ng Pitumpu:

“Isang Linggo ng umaga, mahigit isang taon na ang nakararaan, isang magandang araw ang sumalubong sa aming paggising sa Santo Domingo sa Dominican Republic. Masikat ang araw sa Caribbean, at maaliwalas ang langit. Marahan ang ihip ng hangin, halos hindi nito mapagalaw ang mga dahon sa puno; payapa at tahimik ang araw na iyon. Ngunit sa laot ng karagatan, na hindi na halos maabot ng tanaw, papalapit ang nakamamatay na mangwawasak na walang patawad at ayaw papigil. Ang Hurricane Center, na responsibilidad na tuntunin at tantyahin ang dadaanan ng Hurricane Georges, ay palaging nagbibigay ng pinakabagong impormasyon na makikita sa internet. Sa tahimik at payapang umagang iyon, nakita ko sa pamamagitan ng satelayt, ang tinatayang dadaanan ng bagyo, na tila palasong nakaturo sa sentro ng Santo Domingo.

“Sa loob ng 48 oras, sinalanta ng nangangalit na bagyo ang pulo, at iniwang salanta, kalunus-lunos, at wala nang buhay ang maraming tao. …

“Bagama’t malaki ang pinsala, at pagkawasak at kamatayan ang iniiwan ng pisikal na bagyong ito, higit na kalagim-lagim ang idinudulot sa buhay ng mga tao ng mga espirituwal na bagyo. Ang nagngangalit na pwersang ito ay kadalasang higit pang nakakapinsala kaysa sa pisikal na bagyo, dahil winawasak nito ang ating mga kaluluwa at pinagkakaitan tayo ng pananaw at pangako na pangwalang-hanggan. …

“Subalit mayroon din tayong mga espirituwal na bantay laban sa bagyo, mga taong tinawag na magbantay at magbigay ng babala, at tinutulungan tayong umiwas sa espirituwal na kapinsalaan, pagkawasak, at maging kamatayan. Ang ating mga bantay sa tore ay kilala natin bilang mga apostol at propeta. Sila ang ating mga espirituwal na mata sa kalangitan, at alam nila, sa pamamagitan ng inspirasyon at kaalaman at dalisay na talino, ang maaaring daanan ng mga bagyong ito. Patuloy nila tayong binibigyan ng babala laban sa mga kalunus-lunos na bunga ng sadya at walang habas na paglabag sa mga utos ng Panginoon. Ang sadyang pagbabalewala ng kanilang babala ay humahantong sa paghihirap, lungkot, at kapinsalaan. Ang pagsunod sa mga ito ay pagsunod sa mga piniling tagapaglingkod ng Panginoon patungo sa espirituwal na pastulan ng kapayapaan at kasaganaan” (”Spiritual Hurricanes,” Ensign, Nob. 1999, 31–32).

  • Paano nauugnay ang kuwentong ito sa tungkulin ni Abinadi sa mga tao ni Haring Noe?

Sabihin sa mga estudyante na makatutulong sa kanila ang sumusunod na aktibidad para maging pamilyar sa mga pangyayari sa Mosias 19–20 at malaman ang katuparan ng mga propesiya ni Abinadi na nakatala sa mga kabanatang ito. Pagkatapos ng aktibidad na ito, kukumpletuhin ng mga estudyante ang kanang column ng chart na nasa pisara.

Isulat sa pisara ang sumusunod na 11 pahayag bago magklase, o gawin itong handout at ibigay sa mga estudyante. Ipabasa nang mabuti sa mga estudyante ang Mosias 19–20. Sa pagbabasa nila, palagyan ng numero ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa listahan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na makakatulong ang mga chapter summary.

Hinangad ni Gideon na patayin si Haring Noe.

Nagmakaawa ang mga kababaihan at mga batang Nephita sa mga Lamanita na huwag silang patayin.

Si Haring Noe ay sinunog hanggang sa mamatay.

Pumunta ang hukbo ng mga Lamanita sa mga hangganan ng Shemlon.

Dinukot ng mga saserdote ni Noe ang 24 na anak na babae ng mga Lamanita.

Nagmakaawa ang hari ng Lamanita sa kanyang hukbo na huwag patayin ang mga tao ni Limhi.

Tumakas si Noe at ang ilan sa kanyang mga tauhan mula sa mga Lamanita, at iniwan ang kanilang mga asawa at mga anak.

Iniutos ni Limhi sa kanyang mga tao na huwag patayin ang hari ng mga Lamanita.

Nagkaroon ng kapayapaan sa mga Nephita at mga Lamanita nang dalawang taon.

Ipinangako ni Limhi na magbabayad ang kanyang mga tao ng kalahati ng kanilang mga ari-arian sa mga Lamanita.

Napaatras ng mga Nephita ang mga Lamanita sa pagsalakay nito at nabihag ang hari ng mga Lamanita.

Bigyan ang mga estudyante ng 5 hanggang 10 minuto para makumpleto ang aktibidad na ito. Pagkatapos ay gamitin ang listahan para marebyu ang mga nangyari sa Mosias 19–20. (Ang tamang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari, simula sa itaas ng listahan ay ang sumusunod: 1, 4, 5, 2, 8, 11, 3, 10, 7, 6, 9.)

Ituon muli ang pansin ng mga estudyante sa chart na nasa pisara. Hatiin ang klase sa dalawang grupo. Ipabasa sa isang grupo ang Mosias 19:10, 14–15; 20:20; 21:2–4 para malaman kung paano natupad ang mga propesiya ni Abinadi tungkol sa mga tao ni Haring Noe. Ipabasa sa pangalawang grupo ang Mosias 19:18–20 para malaman kung paano natupad ang mga propesiya ni Abinadi tungkol kay Haring Noe. Sabihin sa isang estudyante mula sa bawat grupo na ibuod kung paano natupad ang mga propesiya ni Abinadi. Sabihin sa isa pang estudyante na isulat ang kanilang mga buod sa chart.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mosias 20:21.

  • Ayon kay Gedeon, ano ang dahilan ng pagdurusa ng mga tao?

Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag sa sarili nilang salita kung ano ang nais ni Gedeon na maunawaan ng mga tao. Bagama’t maaaring magkakaibang salita ang gamitin nila, dapat makita sa mga estudyante na naunawaan nila na ang di-pagtanggap sa mga sinasabi ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ay nagdudulot ng pagdurusa at kalungkutan. (Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Sabihin sa mga estudyante na ang Panginoon ay nagbigay ng gayon ding babala sa mga huling araw sa mga taong hindi nakikinig sa Kanyang tinig. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:70–72. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang scripture reference na ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 20:21.

  • Ano ang ilang bagay na itinuturo ng mga propeta at mga apostol sa ating panahon na tutulong sa atin para makaiwas tayo sa pagdurusa at kalungkutan? Ano ang mga itinuturo nila na makapagdudulot sa atin ng kapayapaan at kaligayahan at makatutulong sa atin na makabalik sa piling ng Diyos? (Maaari mong ipakita sa mga estudyante ang huling edisyon ng pangkalahatang kumperansya sa Liahona at banggitin ang ilan sa mga pamagat ng mga mensahe na ibinigay ng mga propeta.)

Sabihin sa kanila na ikuwento ang mga pagkakataong sila ay napagpala dahil sinunod nila ang payo ng mga lider ng Simbahan.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pakikinig sa mga salita ng mga propeta ay nagdudulot sa atin ng kapayapaan at tumutulong sa atin na makabalik sa piling ng Diyos, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Robert D. Hales

“Ang ating espirituwal na kaligtasan ay nakasalalay sa pakikinig sa malinaw na tinig ng ating buhay na propeta. Kung tayo ay makikinig sa kanyang tinig at susundin ang kanyang payo, makapamumuhay tayo ayon sa nais ni Cristo at makapagtitiis hanggang wakas upang balang-araw, kasama ang ating pamilya, ay makababalik tayo sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo” (“Hear the Prophet’s Voice and Obey,” Ensign, Mayo 1995, 17).

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa kapayapaan at espirituwal na kaligtasang dumarating dahil sa pagsunod sa payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon.

scripture mastery iconPagrebyu ng Scripture Mastery

Kung may oras pa, maaari mong rebyuhin ang scripture mastery passage na naituro mo na sa taon na ito upang matulungan ang mga estudyante na maalaala ang mahahalagang salita o key word sa bawat scripture mastery passage.

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na marebyu ang mga scripture mastery passage na napag-aralan na nila sa school year na ito. Papuntahin ang isang estudyante sa harapan ng klase na dala ang kanyang banal na kasulatan. Ipabuklat sa estudyante ang isa sa mga scripture mastery passage nang hindi ito ipinapakita sa iba. (Kung may scripture mastery cards, ipagamit ito sa estudyante.) Sabihin sa estudyante na sumulat ng isang salita sa pisara mula sa scripture mastery passage. (Hikayatin ang estudyante na pumili ng mahahalagang salita o key word mula sa scripture passage at huwag ang mga salitang tulad ng at o ang.) Sabihin sa klase na hanapin sa kanilang banal na kasulatan kung saang scripture mastery passage nagmula ang salita. Kung walang makahanap sa tamang scripture mastery passage gamit ang isang salita, sabihin sa estudyante na sumulat sa pisara ng isa pang salita na mula sa scripture mastery passage. Ulitin ang prosesong ito hanggang sa may estudyanteng makahanap ng tamang scripture mastery passage. Ipabuklat sa buong klase ang scripture mastery passage na ito, at ipabigkas ito sa mga estudyante nang sabay-sabay. Pagkatapos ay ulitin ang aktibidad na ito na iba naman ang estudyanteng magsusulat at scripture mastery passage na gagamitin.