Library
Lesson 66: Mosias 26


Lesson 66

Mosias 26

Pambungad

Sa pamamahala ni Mosias, marami sa bagong salinlahi o henerasyon—sila na mga maliliit na bata pa sa panahong nagbigay ng huling mensahe si Haring Benjamin—ang hindi naniwala sa mga turo ng Simbahan at tumangging manalangin sa Panginoon. Ang mga kabataang ito na hindi naniniwala ay nakaimpluwensya sa mga miyembro ng Simbahan sa paggawa ng mabibigat na kasalanan. Marami sa mga nagkasalang ito ang iniharap kay Alma, ang pinuno ng Simbahan. Sa una ay hindi alam ni Alma ang gagawin, ngunit sa huli ay nanalangin siya sa Panginoon na gabayan siya kung paano hahatulan ang mga miyembrong nagkasala. Inihayag ng Panginoon ang paraang susundin ni Alma para panagutin ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang mga kasalanan. Nalaman din ni Alma na maawain ang Diyos at handang patawarin ang mga magsisisi. Sinunod ni Alma ang payo ng Panginoon at naghatid ng kaayusan sa Simbahan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mosias 26:1–6

Marami sa bagong henerasyon ang hindi naniwala sa ebanghelyo at naimpluwensyahan ang iba na magkasala

Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

Paano ninyo ilalarawan ang inyong patotoo ngayon?

Sa paanong paraan ninyo gustong lumakas ang inyong patotoo?

Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga tanong na ito sa kanilang scripture study journal o notebook. Pagkatapos ng sapat na oras, ipaliwanag na nakatala sa Mosias 26 ang tungkol sa isang pangkat ng mga tao na hindi ginawa ang kinakailangan nilang gawin para mapalakas ang kanilang patotoo. Dahil dito, ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay hindi kailanman lumakas, at naimpluwensyahan nila ang maraming miyembro ng Simbahan na magkasala. Imungkahi na sa pag-aaral ng mga estudyante sa salaysay na ito, isipin nila ang itinuturo nito tungkol sa pagkakaroon at pagpapalakas ng kanilang patotoo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 26:1–3. Pagkatapos ay itanong sa klase:

  • Ano ang piniling gawin ng marami sa bagong henerasyon? (Pinili nilang hindi maniwala sa mga kaugalian ng kanilang mga magulang.)

  • Sa inyong palagay, bakit nakahahadlang ang kawalang-paniniwala ng mga tao sa kakayahan nilang “maunawaan ang salita ng Diyos”? (Mosias 26:3).

Ipaliwanag na ang paniniwala (o kahit na ang pagnanais na maniwala) ay humahantong sa pagkilos na nagpapalakas ng ating patotoo. Sa kabilang dako, kapag pinili ng mga tao na hindi maniwala, pinipili rin nila na hindi gawin ang mga tiyak na bagay na makatutulong sa kanila na magkaroon ng malakas na patotoo. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mosias 26:3–4, 6. Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na alamin ang hindi ginawa ng bagong henerasyon dahil sa kawalan nila ng paniniwala. Sabihin sa pangalawang grupo na alamin ang mga ibinunga ng kawalang-paniniwalang ito.

  • Ano ang hindi ginawa ng bagong salinlahi dahil sa kawalan nila ng paniniwala?

  • Ano ang mga epekto ng kawalan nila ng paniniwala?

Matapos masagot at matalakay ng mga estudyante ang mga tanong na ito, isulat sa pisara ang sumusunod: Para mapalakas at mapanatili ang patotoo, kailangan nating …

Pangulong Henry B. Eyring

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan ang paraan na kukumpleto sa pangungusap sa pisara.

“Ang patotoo ay kailangang pangalagaan ng panalangin [nang may] pananampalataya, ng pagkagutom sa salita ng Diyos na nasa banal na kasulatan, at pagsunod sa katotohanang ating natanggap. Mapanganib ang pagpapabaya sa panalangin. Nanganganib ang ating patotoo sa kaswal na pag-aaral at pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Mahahalagang sangkap ito sa ating patotoo. …

“Ang pagpapakabusog sa salita ng Diyos, taos-pusong panalangin, at pagsunod sa mga utos ng Panginoon ay kailangang magawa lahat at patuloy upang ang inyong patotoo ay lumago at umunlad” (“Isang Buhay na Patotoo,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 127).

  • Anong mga gawi ang binanggit ni Pangulong Eyring na tutulong sa atin para mapalakas ang ating patotoo? (Kapag natukoy ng mga estudyante ang mga gawing ito, idugtong ang mga ito sa pangungusap na nasa pisara: Para mapalakas at mapanatili ang patotoo, kailangan nating magpakabusog sa salita ng Diyos, manalangin nang may pananampalataya, at sundin ang mga kautusan ng Panginoon.)

  • Paano nakaapekto ang mga gawing ito sa inyong patotoo?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 26:5–6, at alamin kung paano naimpluwensyahan ng mga kabataang hindi naniniwala ang mga miyembro ng Simbahan.

  • Isipin ang sumusunod na pahayag: “Naging kinakailangan na yaong mga nakagawa ng kasalanan, na nasa simbahan, ay nararapat paalalahanan ng simbahan” (Mosias 26:6). Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin nito? (Kinakailangang hatulan at panagutin ang mga miyembro ng Simbahan na nagkasala.)

Mosias 26:7–14

Si Alma ay humingi ng patnubay sa Panginoon kung paano hahatulan ang mga nagkasala

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay bishop sila ng ward na may mga miyembrong nakagawa ng mabibigat na kasalanan at hindi nagsisisi. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung ano ang gagawin nila sa sitwasyong ito. Paano nila gagawin ang kanilang responsibilidad na papanagutin ang mga miyembro sa kanilang mga kasalanan at matulungan silang magsisi? Ipaliwanag na si Alma, ang pinuno ng Simbahan, ay naharap sa gayon ding pagsubok.

Ibuod ang Mosias 26:7–12 na ipinapaliwanag na ang mga nagkasala ay iniharap kay Alma. Wala pang ganitong nangyari noon sa Simbahan, at hindi alam ni Alma ang dapat gawin. Nagpasiya siyang dalhin ang mga nagkasala kay Haring Mosias para mahatulan ang mga ito. Ibinalik sila ni Haring Mosias kay Alma, na mayhawak ng awtoridad mula sa Diyos upang hatulan ang mga miyembro ng Simbahan na nagkasala.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 26:13–14. Sabihin sa klase na alamin ang nadama ni Alma tungkol sa kanyang responsibilidad na hatulan ang mga nagkasala.

  • Nang mabagabag si Alma tungkol sa kanyang tungkulin na hatulan ang mga nagkasala, ano ang ginawa niya?

  • Bakit mahalagang malaman na humihingi at nakatatanggap ang mga bishop at branch president ng patnubay ng Panginoon kapag tinutulungan nila ang mga nagkasala?

Mosias 26:15–32

Inihayag ng Panginoon kay Alma kung paano pananagutin ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang mga kasalanan at inilahad ang mga kondisyon ng pagsisisi

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Mosias 26:15–32, ituro na ang mga talatang ito ay naglalaman ng sagot ng Panginoon sa tanong ni Alma hinggil sa dapat niyang gawin sa mga nagkasala. Kapag pinag-aralan ng mga estudyante ang sagot ng Panginoon, hikayatin sila na alamin ang mga alituntunin at doktrinang tutulong sa kanila na mas maunawaan ang tungkulin ng mga hukom na priesthood leader, tulad ng mga bishop at branch president (at, para sa mga may hawak ng Melchizedek Priesthood, mga stake, district, at mission president). Sabihin din sa kanila na alamin ang mga alituntunin at doktrina tungkol sa paghingi ng kapatawaran.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 26:17–28 at pansinin ang paggamit ng Panginoon sa salitang akin/ko o ako. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na lagyan ng marka ang mga salita sa tuwing makikita nila ang mga ito. Pagkatapos ay itanong sa klase:

  • Sa Mosias 26:17–28, ano ang ipinapahiwatig ng mga salitang ako at akin/ko tungkol sa bahagi ng Panginoon sa proseso ng pagsisisi? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga espesipikong parirala o talata na sumusuporta sa kanilang mga sagot.)

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa Mosias 26:20–21 tungkol sa ginagampanan ng mga tagapaglingkod ng Panginoon sa proseso ng pagsisisi? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang mga priesthood leader ay kumakatawan sa Panginoon at hinggil sa mabibigat na kasalanan, matutulungan tayo ng mga bishop at branch president na magsisi at makatanggap ng kapatawaran.)

  • Paano matutulungan ng bishop o branch president ang mga nahihirapan sa kasalanan at mga tukso?

Ipaliwanag na itinuro ng Panginoon kay Alma ang dapat gawin para makapagsisi ang mga taong naghahangad ng kapatawaran. Sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner at basahing mabuti ang Mosias 26:29–32 at tukuyin ang mga alituntunin na tutulong sa kanila na maunawaan kung ano ang hinihingi ng Panginoon sa atin kapag nagsisisi tayo.

Matapos ang sapat na oras na mapag-aralan ng mga estudyante ang mga talatang ito, sabihin sa kanila na isulat sa pisara, gamit ang kanilang sariling mga salita, ang mga alituntunin na natutuhan nila. Maaaring kabilang sa mga sagot nila ang mga sumusunod:

Ang pagtatapat ng mga kasalanan ay humahantong sa kapatawaran.

Patatawarin ng Panginoon ang mga nagsisisi nang taos sa puso.

Dapat nating patawarin ang iba para mapatawad din tayo ng Panginoon.

Para tulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang alituntuning ito, itanong ang ilan o lahat ng mga sumusunod:

  • Sa Mosias 26:29, ano ang ibig sabihin ng pariralang “magtatapat siya ng kanyang mga kasalanan sa iyo at sa akin”? (Maaari mong ipaliwanag na sa talatang ito, ang salitang iyo ay tumutukoy kay Alma.)

  • Kapag nakagawa ng mabigat na kasalanan ang isang tao, sa inyong palagay, bakit kaya iniuutos sa taong iyon na magtapat siya sa Panginoon at sa angkop na mga lider ng Simbahan? (Ang mabibigat na kasalanan, gaya ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri, ay maaaring maging dahilan ng pagkatiwalag ng isang miyembro sa Simbahan. Kaya, sa ganitong sitwasyon kailangang ipagtapat ng isang tao ang kanyang kasalanan kapwa sa Panginoon at sa Kanyang kinatawan sa Simbahan. Ang mga bishop at branch president ang mayhawak ng mga susi ng priesthood na tutulong sa mga nagkasala na mapatawad. Bagama’t ang Panginoon lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan, ang mga priesthood leader ay may responsibilidad na tulungan ang mga tao na matanggap ang kapatawarang iyon. Pinananatili nilang kumpidensyal ang lahat ng mga kasalanang ipinagtapat at tinutulungan ang mga nagtapat sa buong proseso ng pagsisisi.)

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng magsisi ang isang tao “nang taos sa kanyang puso”? (Mosias 26:29).

  • Sa inyong palagay, bakit iniuutos ng Panginoon na patawarin natin ang ibang tao? Paanong magkaugnay ang pagsisisi at pagpapatawad sa iba? (Tingnan sa 3 Nephi 13:14–15; D at T 64:8–11.)

  • Anong mga parirala sa mga talatang ito ang maaaring magbigay ng lakas-loob o kapanatagan sa isang taong nagnanais na magsisi pero hindi nadaramang mapapatawad siya?

Mosias 26:33–39

Sinunod ni Alma ang payo ng Panginoon, hinatulan ang mga nagkasala at itinatag ang kaayusan sa Simbahan

Ipaliwanag na inilahad sa Mosias 26:33–37 kung paano sinunod ni Alma ang mga tagubilin ng Panginoon, hinatulan ang mga miyembro ng Simbahan na nagkasala, at itinatag ang kaayusan sa Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mosias 26:34–37, at alamin ang ibinunga ng pagsisikap ni Alma na sundin ang payo ng Panginoon. Ibahagi ang iyong patotoo na kapag nagsisi tayo at namuhay nang matwid, magkakaroon tayo ng kapayapaan sa ating puso at uunlad sa aspetong espirituwal.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mosias 26:29–30. Ang mga kinakailangan sa pagsisisi

Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga kinakailangan sa pagsisisi:

“Napakahusay ng sinabi ni Spencer W. Kimball tungkol sa kapatawaran sa pamamagitan ng pagsisisi. Maraming tao na ang natulungan nito na makabalik sa tamang landas. [Tinukoy] niya ang limang bagay na kailangan sa pagsisisi.

Kalungkutan para sa nagawang kasalanan. Alamin at isiping mabuti para malaman ninyo kung gaano kabigat sa Panginoon ang nagawa ninyong kasalanan. Magdudulot iyan ng lungkot at hinagpis na hahantong sa paggaling. Magdudulot din iyan ng tunay na hangarin na magbago at kahandaang gawin ang lahat ng kinakailangan para mapatawad. …

Pagtalikod sa kasalanan. Ito ay matibay at matatag na pasiyang hindi na uulitin ang kasalanan. Sa pagtupad sa pangakong ito, ang pait na dulot ng kasalanang iyon ay hindi na kailangang maranasan pang muli. …

Pagtatapat ng kasalanan. Kailangang lagi ninyong ipagtapat ang inyong mga kasalanan sa Panginoon. Kung ang mga ito ay mabibigat na kasalanan, gaya ng imoralidad, kailangan itong ipagtapat sa bishop o stake president. Mangyaring maunawaan na ang pagtatapat ay hindi pagsisisi. Ito ay kinakailangang gawin, ngunit hindi ito sapat. Ang bahagyang pagtatapat na binabanggit lamang ang maliliit na kasalanan ay hindi makatutulong sa inyo na maresolba ang mas mabigat at hindi ipinagtapat na kasalanan. Kinakailangan sa kapatawaran ng kasalanan ang kusa at lubos na pagtatapat sa Panginoon at, kung kailangan, sa Kanyang priesthood leader na hahatol sa lahat ng inyong ginawa. …

Pagsasauli para sa nagawang kasalanan. Dapat ninyong isauli hangga’t makakaya ninyo ang lahat ng ninakaw, napinsala, o nasira. Ang kahandaang magsauli ay matibay na ebidensya sa Panginoon na kayo ay determinadong gawin ang lahat para makapagsisi.

Pagsunod sa lahat ng kautusan. Ang lubusang pagsunod ay naghahatid ng ganap na kapangyarihan ng ebanghelyo sa inyong buhay na nagbibigay sa inyo ng lakas na lubusang matalikuran ang mga kasalanan. Kabilang dito ang mga bagay na maaaring sa simula ay hindi ninyo itinuturing na bahagi ng pagsisisi, tulad ng pagdalo sa mga miting, pagbabayad ng ikapu, paglilingkod, at pagpapatawad sa iba. …

“Idaragdag ko ang pang-anim na hakbang: Pagkilala sa Tagapagligtas. Higit sa lahat ng mga kinakailangang hakbang sa pagsisisi, pinatototohanan ko na ang pinakamahalaga para sa inyo ay magkaroon ng matibay na pananalig na ang kapatawaran ay dumarating dahil sa Manunubos. Mahalagang malaman na sa Kanyang mga kondisyon lamang kayo mapapatawad” (“Finding Forgiveness,” Ensign, Mayo 1995, 76).