Lesson 67
Mosias 27
Pambungad
Si Nakababatang Alma at ang mga Anak ni Mosias ay naghimagsik laban sa kanilang mga ama at sa Panginoon at tinangkang wasakin ang Simbahan ng Diyos. Ang kanilang pagtatangka ay natapos nang ang isang anghel, na isinugo bilang sagot sa mga panalangin ng mabubuti, ay pinagsabihan sila na magsisi. Dahil sa kamangha-mangahang pangyayaring ito, sila ay isinilang na muli sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at sila ay naglakbay sa lahat ng dako ng lupain ng Zarahemla upang ipangaral ang ebanghelyo at ayusin ang mga pinsalang nagawa nila.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mosias 27:1–22
Isang anghel ang nagsabi kay Nakababatang Alma at sa mga anak ni Mosias na magsisi
Para maibigay ang konteksto sa lesson na ito, ibuod ang Mosias 27:1–7 na ipinapaliwanag na marami sa mga hindi naniniwala sa Zarahemla ang nagsimulang usigin ang mga taong nabibilang sa Simbahan. Pagkatapos magpalabas si Haring Mosias ng isang pahayag na nagbabawal sa gayong mga pagkilos, sumunod ang karamihan sa mga tao at nanumbalik ang kapayapaan. Gayunman, may ilang taong patuloy na nagtangkang wasakin ang Simbahan. Lima sa mga taong iyon ay ang anak ni Alma na si Alma at ang mga anak ni Haring Mosias na sina Ammon, Aaron, Omner, at Himni. Ang anak ni Alma ay madalas tukuyin bilang Nakababatang Alma.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 27:8–10. Sabihin sa klase na hanapin ang mga salita o parirala na naglalarawan kay Nakababatang Alma at sa mga anak ni Mosias.
-
Anong bahagi ng paglalarawan kay Alma at sa mga anak ni Mosias ang napansin mo nang husto? Bakit? (Ilista sa pisara ang mga salita at parirala kapag nahanap ng mga estudyante ang mga ito. Mag-iwan ng espasyo sa pisara para sa pangalawang listahan kalaunan sa lesson.)
Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang sumusunod na tanong:
-
Kung naninirahan kayo sa Zarahemla sa panahong iyon, ano kaya ang magiging reaksyon ninyo sa mga ginagawa ni Alma at ng mga anak ni Mosias?
Idispley ang larawang Pagbabalik-loob ni Nakababatang Alma (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 77). Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mosias 27:11–13, na tala tungkol sa ipinakikita ng larawang ito. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 27:14. Sabihin sa klase na alamin ang mga dahilang ibinigay ng anghel sa pagpapakita kay Alma at sa mga anak ni Mosias.
-
Ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa paraan kung paano natin matutulungan ang ibang tao na nahihirapan? (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na sinasagot ng Panginoon ang matatapat na panalangin natin para sa ibang tao. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito at imungkahi sa mga estudyante na isulat ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 27:14. Maaari mo ring imungkahi sa kanila na magdagdag sila ng cross-reference sa Santiago 5:16. Ipaliwanag na sinasagot ng Panginoon ang ating mga panalangin hindi lamang para sa mga taong espirituwal na nahihirapan kundi para rin sa mga taong may iba pang uri ng mga pagsubok at pangangailangan.)
-
Kailan nakagawa ng kaibhan sa inyong buhay ang mga panalangin sa inyo ng ibang tao?
-
Kailan ninyo nadama na nakagawa ng kaibhan ang mga panalangin ninyo sa buhay ng isang tao?
Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na manalangin para sa iba. Magpatotoo na ang ulat tungkol kay Nakababatang Alma at sa mga Anak ni Mosias ay katibayan na naririnig ng Panginoon ang mga panalangin natin para sa iba. Hindi niya aalisin ang kalayaan ng mga taong ipinagdarasal natin, ngunit diringgin Niya ang ating mga panalangin, at Siya ay tutugon ayon sa Kanyang paraan at panahon.
Patayuin ang isang estudyante sa harap ng klase at ipabasa nang malakas ang Mosias 27:15–16. Ipaliwanag na ito ang mga sinabi ng anghel kay Alma at sa mga anak ni Mosias. Bigyang-diin na ang anghel ay nangusap “katulad ng tinig ng kulog, na naging dahilan upang mayanig ang lupang kanilang kinatatayuan” (Mosias 27:11).
-
Ano ang tumimo sa isipan ninyo sa ginawa at sinabi ng anghel? Bakit tumimo ito sa inyong isipan?
Ibuod ang Mosias 27:19–22 na ipinapaliwanag na matapos maibahagi ng anghel ang kanyang mensahe, hindi na makapagsalita si Alma, naging mahina, at binuhat na nanghihina at dinala sa kanyang ama (tingnan sa Mosias 27:19). Nang marinig ng ama ni Alma ang nangyari, siya ay “nagsaya, sapagkat nalalaman niya na ito ang kapangyarihan ng Diyos” (Mosias 27:20). Tinipon niya ang mga tao “upang masaksihan nila kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa kanyang anak” (Mosias 27:21). Pinatipon niya rin ang mga saserdote, at sila ay nag-ayuno at nanalangin upang muling lumakas at makapagsalita ang kanyang anak (tingnan sa Mosias 27:22).
Mosias 27:23–31
Si Nakababatang Alma ay nagsisi at isinilang na muli
Balikan ang listahan na naglalarawan kay Alma at sa mga anak ni Mosias na isinulat mo sa pisara. Lagyan ng pamagat na Noon ang listahan. Pagkatapos ay isulat ang Ngayon sa kabilang bahagi ng pisara. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mosias 27:23–24, 28–29, at hanapin ang mga salita at parirala na nagpapakita kung paano nagbago si Alma. Bigyan ng pagkakataon ang ilang estudyante na maisulat sa pisara ang mga salita at pariralang ito.
-
Ayon sa Mosias 27:24 at 28, ano ang ginawa ni Alma na humantong sa pagbabagong ito? Ano ang ginawa ng Panginoon? Kapag hinangad nating magbago at sundin ang Tagapagligtas, bakit mahalagang maunawaan ang dapat nating gawin? Bakit mahalagang maunawaan ang gagawin para sa atin ng Panginoon?
-
Paano makatutulong sa isang taong nag-iisip na hindi na siya mapapatawad ang pag-aaral tungkol sa karanasan ni Alma?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 27:25–26. Sabihin sa klase na tukuyin ang doktrinang itinuro ng Panginoon kay Alma. (Magkakaibang salita man ang gamitin ng mga estudyante, tiyakin na nauunawaan nila na: kailangan tayong maisilang na muli sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo… Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng isilang na muli ay ang matanggap ang Espiritu ng Panginoon na nagdudulot ng malaking pagbabago sa puso ng isang tao kung kaya’t wala na siyang hangarin pang gumawa ng masama kundi ang hanapin ang mga bagay ng Diyos (tingnan sa Mosias 5:2).
Maaari mo ring ipaliwanag na bagama’t ang malaking pagbabago ng puso ay malinaw na nangyari agad kay Alma at sa mga anak ni Mosias, karamihan sa atin ay nagbabago nang dahan-dahan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala. Ito ay isang proseso at hindi minsanang pangyayari. Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawan ang doktrinang ito, ipabasa sa isa sa kanila ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Dapat tayong mag-ingat na hindi tayo manghina at mawalan ng pag-asa habang tayo ay nagsisikap na higit na maging katulad ni Cristo. Ang hangaring maging katulad ni Cristo ay pinagsisikapan habambuhay at kadalasan ay kinapapalooban ng mabagal at halos hindi napapansing pag-unlad at pagbabago. Nakatala sa mga banal na kasulatan ang mga pambihirang kwento tungkol sa mga kalalakihan na nagbago ang buhay, sa isang iglap: si Nakababatang Alma, si Pablo sa daan patungong Damasco, si Enos na nagdasal nang buong araw, at si Haring Lamoni. Ang gayong mga kahanga-hangang halimbawa ng kapangyarihang baguhin maging ang mga taong lubog na sa kasalanan ay nagbibigay ng katiyakan na matutulungan ng Pagbabayad-sala maging ang mga taong lubos nang nawawalan ng pag-asa.
“Ngunit dapat na maging maingat tayo sa pagtalakay sa mga kahanga-hangang halimbawang ito. Bagama’t tunay at nakaaantig ang mga ito, bihira itong mangyari. Hindi tulad nila Pablo, Enos, at Haring Lamoni, daan-daan at libu-libong tao ang nakatutuklas na ang bunga ng pagsisisi ay mas mahirap mahalata at mapansin. Araw-araw ay mas napapalapit sila sa Panginoon nang hindi natatanto na ang kanilang buhay ay nagiging mas katulad ng sa Diyos. Nabubuhay sila nang tahimik sa kabutihan, paglilingkod, at katapatan” (“A Mighty Change of Heart,” Ensign, Okt. 1989, 5).
Pagkatapos maibahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila mula sa pahayag na ito, bigyan sila ng ilang minuto na sagutin ang isa sa mga sumusunod na tanong at ipasulat ang mga sagot sa kanilang scripture study journal. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito bago magklase, gawin handout at ibigay sa klase, o dahan-dahang basahin ang mga tanong para maisulat ng mga estudyante ang mga ito sa kanilang scripture study journal.)
-
Paano ka nagbago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala nang magsisi ka at ginawa ang lahat ng iyong makakaya para sundin ang Tagapagligtas?
-
Ano ang isang bagay na magagawa mo upang mas lubos na mapalapit sa Tagapagligtas nang sa gayon ay mabago ka sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala?
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila at ilahad ang mga pagbabagong maaaring mangyari sa atin kapag tayo ay nagsisi at sumampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. (Paalalahanan ang mga estudyante na hindi nila kailangang magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong bagay. Tiyaking naunawaan nila na hindi nila dapat banggitin ang mga nagawa nilang kasalanan noon.)
Mosias 27:32–37
Si Nakababatang Alma at ang mga anak ni Mosias ay naglakbay sa buong lupain, sinisikap na isaayos ang mga pinsalang nagawa nila noon at pinalakas ang Simbahan
Ipaliwanag na ang tunay na pagsisisi ay pagbabago ng puso, hindi lamang determinasyon na itigil ang paggawa ng isang bagay na mali. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 27:32–37. Sabihin sa klase na alamin ang ginawa ni Alma at ng mga anak ni Mosias bukod pa sa pagtigil lamang ng ginagawa nilang mali.
-
Anong katibayan ang nakita ninyo na talagang nagbago si Alma at ang mga anak ni Mosias?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa kanilang halimbawa?
Maaaring kabilang sa sagot ng mga estudyante ang mga sumusunod:
Kahit ang mga naghimagsik laban sa Panginoon at sa Kanyang mga turo ay patatawarin.
Upang tunay na makapagsisi, kailangang gawin ng isang tao ang lahat para maayos ang pinsalang nagawa niya. (Maaari mong ipaliwanag na kung minsan ay ginagamit natin ang salitang pagsasauli para tukuyin ang pagsasaayos sa mga pinsalang nagawa natin at pagtatama sa mga maling nagawa natin.)
Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong magbago tungo sa kabutihan.
Tapusin ang lesson na nagpapatotoo na ang salaysay tungkol kay Alma at sa mga anak ni Mosias ay isang halimbawa ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na mabago tayo. Patotohanan na nais ng Tagapagligtas na patawarin ang lahat ng sumasampalataya sa Kanya at nagsisikap na sundin Siya, tulad ng mga kabataang lalaking ito.