Library
Home-Study Lesson: Mga Salita ni Mormon–Mosias 6 (Unit 11)


Home-Study Lesson

Mga Salita ni MormonMosias 6 (Unit 11)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Mga Salita ni Mormon–Mosias 6 (unit 11) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Mga Salita ni MormonMosias 2)

Sa pag-aaral ng karanasan ni Mormon sa pagsunod sa Espiritu at pagsama ng maliliit na lamina ni Nephi sa kanyang talaan, nalaman ng mga estudyante na nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay. Itinuro ni Haring Benjamin na kung walang banal na kasulatan ang mga Nephita, sila sana ay nasadlak sa kawalang paniniwala at ang pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa atin na malaman at masunod ang mga kautusan. Itinuro niya sa kanyang mga tao ang mahahalagang alituntunin tulad ng: Kapag naglilingkod tayo sa ating kapwa, naglilingkod tayo sa Diyos. Kapag nadarama nating may pagkakautang tayo sa Diyos, gusto nating paglingkuran ang iba at lalo tayong nagpapasalamat. Kung susundin natin ang mga kautusan, pagpapalain tayo kapwa sa aspetong temporal at espirituwal.

Day 2 (Mosias 3)

Inilahad ni Haring Benjamin ang mga salita ng isang anghel, na nagdala ng “mabubuting balita ng malaking kagalakan” tungkol sa pagparito ng Panginoon sa mortalidad. Nalaman ng mga estudyante na ipinropesiya mahigit 100 taon bago naganap ang mga pangyayari na magdurusa si Jesucristo upang maligtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Maliligtas tayo mula sa ating mga kasalanan kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at nagsisi. Kung bibigyang-daan natin ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu, madadaig natin ang likas na tao sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Day 3 (Mosias 4)

Napuspos ng Espiritu ng Panginoon ang mga tao ni Haring Benjamin dahil sa kanyang mensahe. Natutuhan ng mga estudyante na kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at taos-pusong nagsisi, tatanggap tayo ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao na kung tayo ay magpapakumbaba ng ating sarili sa harapan ng Diyos at magsisikap na magkaroon ng mga katangian ni Cristo, mapapanatili natin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.

Day 4 (Mosias 5–6)

Nang mabasa nila ang tungkol sa nangyaring pagbabago sa mga tao ni Haring Benjamin, natutuhan ng mga estudyante na kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at tinanggap ang Banal na Espiritu, makararanas tayo ng malaking pagbabago sa puso. Nakipagtipan ang mga tao ni Haring Benjamin na gagawin nila ang kalooban ng Panginoon at susundin ang Kanyang mga kautusan, nagpapakita na tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga sagradong tipan.

Pambungad

Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga anak at sa kanyang mga tao tatlong taon bago siya mamatay. Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao kung paano matatanggap at mapananatili ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Salita ni Mormon

Ipinahayag nina Nephi at Mormon ang kanilang tiwala sa Diyos

Ipabasa sa isang estudyante ang 1 Nephi 9:2–3 para ipaalala sa mga estudyante na iniutos kay Nephi na gumawa ng dalawang uri ng mga lamina. Tulungan silang maunawaan na sa scripture passage na ito, ang pariralang “ang mga laminang ito” ay tumutukoy sa maliliit na lamina ni Nephi, na naglalaman higit sa lahat ng tala tungkol sa mga sagradong bagay. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 9:4. Sabihin sa klase na alamin ang layunin ng malalaking lamina (ulat ng pamamahala ng mga hari at mga digmaan ng mga tao).

Ipaalaala sa mga estudyante na noong pinaiikli ni Mormon ang malalaking lamina ni Nephi, nakita niya ang maliliit na lamina sa iba pang mga talaan. Siya ay nabigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo na isama sa talaang pinaiikili niya ang natuklasan niya sa maliliit na lamina, bagama’t hindi niya alam ang dahilan (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:7).

Hatiin sa dalawang grupo ang klase at sabihin sa unang grupo na basahin ang I Nephi 9:5–6 at alamin kung bakit iniutos kay Nephi na gumawa ng maliliit na lamina. Sabihin sa pangalawang grupo na basahin ang Mga Salita ni Mormon 1:6–7 at alamin kung bakit nagpasiya si Mormon na isama ang maliliit na lamina sa kanyang pagpapaikli. Pagkatapos magbahagi ang mga estudyante, itanong sa kanila kung ano ang itinuturo sa kanila ng mga scripture passage na ito mula kina Nephi at Mormon tungkol sa Panginoon. (Maaaring iba-ibang salita ang magamit ng mga estudyante, ngunit tiyaking naunawaan nila na nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay.)

  • Ano ang tinutukoy nina Nephi at Mormon na “matalinong layunin”? (Alam ng Panginoon na noong 1828, ang maliliit na lamina ang hahalili sa nawalang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon. Tingnan sa unit 6, day 1 sa gabay sa pag-aaral ng mga estudyante.)

  • Dahil nauunawaan ninyo na nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay na mangyayari sa hinaharap, paano ito nagbibigay sa inyo ng pananampalataya na sundin ang mga espirituwal na pahiwatig na natatanggap ninyo?

Kung nadarama mo na kailangan mo pang mag-ukol ng mas maraming oras sa bahaging ito ng lesson, itanong sa mga estudyante kung maaari nilang ibahagi ang mga karanasan nila nang hikayatin sila Espiritu na gawin ang isang bagay at nalaman na lang nila kalaunan ang mga dahilan kung bakit ito ipinagagawa sa kanila.

Mosias 1

Iniutos ni Haring Benjamin na magtipon ang mga tao

Ipaliwanag na ang maliliit na lamina ni Nephi ay naglalaman ng kasaysayan ng mga Nephita mula sa ministeryo ni Lehi hanggang sa panahong ipinagkaisa ni Haring Mosias ang mga tao nina Nephi at Zarahemla at nang pamunuan ng anak ni Mosias na si Benjamin ang kaharian sa kabutihan. Ipinagkatiwala kay Haring Benjamin ang mga sagradong talaan. (Tingnan sa Omni 1:23, 25.)

Sa nalalapit na pagwawakas ng buhay ni Haring Benjamin, iniutos niya sa kanyang anak na si Mosias na tipunun ang mga tao. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mosias 1:10–11 at alamin ang dahilan kung bakit gustong magsalita ni Haring Benjamin sa mga tao. (Gusto niyang ipahayag sa kanila na si Mosias ang susunod na hari at para bigyan ng pangalan ang mga tao.)

Mosias 2–6

Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao ang tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas

Ipakita sa mga estudyante ang larawang Nagtatalumpati si Haring Benjamin sa Kanyang mga Tao (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 74). Basahin ang Mosias 2:12–19 sa klase. Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang kamay kapag narinig nila ang mga pariralang tumutukoy sa pagkatao ni Haring Benjamin. Kapag nagtaas ng kamay ang mga estudyante, tumigil sa pagbabasa at sabihin sa kanila na ipaliwanag ang natukoy nila at ano ang inihahayag nito tungkol sa pagkatao ni Haring Benjamin.

Maaari mong itanong sa mga estudyante ang natutuhan nila tungkol sa paglilingkod sa Mosias 2:17. (Dapat makita sa sagot ng mga estudyante na nauunawaan nila na kapag naglilingkod tayo sa ating kapwa, naglilingkod tayo sa Diyos.) Maaari mo ring sabihin sa klase na bigkasin muli nang walang kopya ang Mosias 2:17, isang scripture mastery passage. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano nila pinaglingkuran ang Diyos nitong mga huling araw sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba.

Isulat sa pisara o sa papel ang mga sumusunod na scripture passage. Huwag isama ang mga sagot na nasa mga panaklong. Mag-assign ng isang rerebyuhing scripture passage sa bawat estudyante. Ipaalala sa kanila na nakatuon ang mensahe ni Haring Benjamin sa temang ito: “Ang kaligtasan ay mapapasa mga anak ng tao, tanging kay at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo, ang Panginoong Makapangyarihan” (Mosias 3:17). Bawat isa sa mga scripture passage ay nagtuturo tungkol sa temang ito.

  1. Mosias 2:20–25, 34. (Kapag natatanto natin ang pagkakautang natin sa Diyos, lalo tayong nagpapasalamat.)

  2. Mosias 3:7–11, 17–18. (Si Jesucristo ay nagdusa upang maligtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Kung sasampalataya tayo kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsisisi, maliligtas tayo mula sa ating mga kasalanan.)

  3. Mosias 3:12–16, 19–21. (Kung bibigyang-daan natin ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu, madadaig natin ang likas na tao at magiging banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)

  4. Mosias 4:5–8, 19–21, 26. (Kung tayo ay magpapakumbaba ng ating sarili sa harapan ng Diyos at magsisikap na magkaroon ng mga katangian ni Cristo, mapapanatili natin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.)

Pagkatapos mabigyan ng sapat na oras ang mga estudyante, pahintulutan silang ibahagi sa klase o sa maliliit na grupo ang natutuhan nila. Pagkatapos ay sabihin sa ilang estudyante na pumili ng isa sa mga alituntunin at ipaliwanag kung paano nila ito maipamumuhay.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 4:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano tumugon ang mga tao sa mga sinabi ni Haring Benjamin. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Mosias 5:1–2, 5–8. Sabihin sa klase na alamin kung paano natin matataglay sa ating sarili ang pangalan ng Panginoon. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante ang alituntuning ito: Tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo kapag gumagawa at tinutupad natin ang mga sagradong tipan. Maaaring kailangan mong ipaalala sa mga estudyante na ang isa sa mga dahilan kung bakit tinipon ni Haring Benjamin ang mga tao ay upang ituro sa kanila ang tungkol sa pakikipagtipan. Itinalaga rin niya ang kanyang anak na si Mosias na maging hari ng mga tao (tingnan sa Mosias 6:3).

Tapusin ang lesson na itinatanong sa mga estudyante kung sino sa kanila ang gustong magbahagi ng nadarama nila tungkol sa pagtataglay nila ng pangalan ni Jesucristo sa kanilang sarili. Sabihin sa kanila na pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano ninyo personal na maipamumuhay ang mga alituntunin na mula sa mensahe ni Haring Benjamin?

  • Ano ang ibig sabihin ng taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Jesucristo?

Maaari mo ring patotohanan na dumarating ang kagalakan sa pamamagitan ng pananalig kay Jesucristo at pag-asa sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Susunod na Unit (Mosias 7–17)

Itanong sa mga estudyante: Maninindigan ba kayo para kay Jesucristo kahit mangahulugan ito ng kamatayan ninyo? Sabihin sa mga estudyante na sa susunod na linggo, pag-aaralan nila ang mga turo ng propetang si Abinadi. Hikayatin silang alamin ang mensaheng handang ibigay ni Abinadi sa mga Nephita, kahit alam niya na papatayin siya.