Library
Home-Study Lesson: Mosias 7–17 (Unit 12)


Home-Study Lesson

Mosias 7–17 (Unit 12)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Mosias 7–17 (unit 12) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Mosias 7–8)

Sa pag-aaral nila ng Mosias 7–8, nagtuon ang mga estudyante sa kaugnayan ng kasamaan at ng pagkaalipin. Natutuhan din nila mula sa mga salita ni Haring Limhi na ang pag-amin sa ating mga kasamaan at pagkakaroon ng kalumbayang mula sa Diyos para sa mga ito ay maaaring maghikayat sa atin na bumaling sa Panginoon para maligtas tayo. Tiniyak ni Ammon kay Limhi na naglalaan ang Panginoon ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag para tulungan ang sangkatauhan.

Day 2 (Mosias 9–10)

Marami pang nalaman ang mga estudyante kung paano nanirahan kasama ng mga Lamanita ang isang pangkat ng mga Nephita na tinatawag na mga tao ni Zenif. Ang sumusunod na katotohanan ay natukoy at nabigyang-diin nang makidigma si Zenif at ang kanyang mga tao laban sa mga Lamanita: Palalakasin tayo ng Panginoon kapag ginawa natin ang lahat ng ating makakaya at magtitiwala sa Kanya.

Day 3 (Mosias 11–14)

Inimpluwensyahan ni Haring Noe ang kanyang mga tao na gumawa ng mga karumal-dumal na bagay at ng kasamaan. Nalaman ng mga estudyante na nagsusugo ang Diyos ng mga propeta upang tulungan tayong magsisi, makaiwas sa paghihirap, at matamo ang kaligtasan. Sa mga itinuro ng propetang si Abinadi, natutuhan ng mga estudyante na kung susundin natin ang mga kautusan ng Diyos, tayo ay maliligtas. Natutuhan din nila na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pinagmumulan ng kaligtasan.

Day 4 (Mosias 15–17)

Bago ang kanyang pagkamatay, buong tapang na ipinahayag ni Abinadi na tinutugon ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang mga hinihingi ng katarungan para sa lahat ng naniniwala sa nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas, nagsisisi ng kanilang mga kasalanan, at sumusunod sa mga kautusan. Itinuro din ni Abinadi na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli. Sa pag-aaral ng mga doktrinang ito, napag-isipan ng mga estudyante ang kahalagahan ng pag-asa sa Tagapagligtas at pagiging tapat sa Diyos sa lahat ng sitwasyon.

Pambungad

Nakatala sa Mosias 7–17 ang mga paglalakbay at karanasan ng iba’t ibang indibiduwal at pangkat ng mga tao. Ang pasiya ni Zenif na pamunuan ang isang pangkat ng mga Nephita para manirahan sa lupain na kasama ang mga Lamanita ay nakaapekto sa dalawang bansa. Halimbawa, ang mga tao ni Zenif at ang kanilang mga inapo ay dumanas ng mga pagsubok, apostasiya, pagkaalipin, espirituwal na pagsilang na muli, at kalayaan. Ang unang bahagi ng lesson na ito ay magbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong marebyu ang mga pangalan, lokasyon, at pangyayari na napag-aralan nila sa linggong ito. Ang pangalawang bahagi ng lesson ay tutulong sa mga estudyante na malaman ang pangunahing tema ng mensahe ng propetang si Abinadi sa mga tao—si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala. Ito ang mensaheng handang ibigay ni Abinadi kahit ikamatay pa niya ito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mosias 7–17

Pagrerebyu ng mga pangyayari sa kasaysayan at doktrina

Para matulungan ka na maipaliwanag ang mga pangyayari sa lesson na ito, rebyuhin ang chart sa “Buod ng Mosias 7–24” sa unit 12, day 1 ng gabay sa pag-aaral ng mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mosias 7:1–2, at tukuyin ang dalawang lupain na nabanggit. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung bakit maraming pangkat ng mga Nephita ang gustong maglakbay sa iba’t ibang lupain.

Isulat ang mga pangalan ng dalawang lupain sa magkabilang panig ng pisara (o sa isang papel):

Lupain ng Zarahemla

Lupain ng Nephi (Lehi-Nephi)

Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa pagrerebyu ninyo ng mga estudyante mo ng mga pangyayari. Isulat sa pisara ang pangalan ng mga taong tinatalakay ninyo. Maaari mong itanong ang lahat o ilan lamang sa mga sumusunod na tanong, depende sa isinagot ng mga estudyante:

  • Bakit gustong umalis ni Zenif sa lupain ng Zarahemla? (Tingnan sa Mosias 9:1, 3.)

  • Ano ang kaugnayan sa isa’t isa nina Zenif, Noe, at Limhi? (Tingnan sa Mosias 7:9.)

  • Anong uri ng hari si Noe? (Tingnan sa Mosias 11:1–5, 11.)

  • Ano ang ginawa ng Diyos upang hikayatin si Noe at ang kanyang mga tao na talikuran ang kanilang matinding kasamaan at mga karumal-dumal na gawain? (Isinugo Niya ang Kanyang propetang si Abinadi para sabihan sila na magsisi.)

  • Ano ang masasabi ninyo tungkol kay Alma? (Maaaring kabilang sa mga sagot na siya ay isa sa mga saserdote ni haring Noe, siya ay naniwala at isinulat ang mga salita ni Abinadi, at tumakas upang hindi siya mapatay.)

  • Bakit mahalaga sina Moises at Isaias sa mga kabanatang ito, kahit nabuhay na sila noong sinauna pa bago ang panahon ni Abinadi at nanirahan sa ibang panig ng mundo?

  • Bakit isinugo ni Limhi ang 43 sa kanyang mga tao patungo sa ilang? (Si Limhi at ang kanyang mga tao ay naging alipin ng mga Lamanita at naghanap para humingi ng tulong mula sa mga tao ng Zarahemla.) Sa halip na Zarahemla, ano ang nahanap nila? (Natagpuan nila ang isang nawasak na sibilisasyon at ang 24 na laminang ginto na may mga nakaukit sa mga ito.)

  • Ano ang ginawa ni Ammon at ng 15 kalalakihan? (Isinugo sila ni Mosias upang alamin ang nangyari sa mga tao ni Zenif. Nakita nila ang mga inapo ng mga taong iyon na nasa pagkaalipin. Si Limhi na apo ni Zenif ang kanilang hari.)

  • Sino ang naglilingkod bilang hari sa Zarahemla at bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag? (Si Mosias.) Bakit ang ginagampanan niya bilang tagakita ay mahalaga kay Limhi? (Nalaman ni Limhi na maisasalin ni Mosias ang nakasulat sa 24 na laminang ginto.)

Ipaliwanag na mga 80 taon na ang lumipas mula noong lisanin ni Zenif at ng kanyang mga tao ang Zarahemla nang dumating si Ammon at ang kanyang mga kasama sa lupain ng Nephi.

Pagkatapos mong matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga nangyari sa kasaysayan, ipaalala sa kanila na may isa pang tao na napag-aralan nila sa linggong ito na ang pangalan ay wala pa sa pisara.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mosias 16:6–8 at tukuyin ang pangalan ng taong ito. Sabihin sa mga estudyante na bagama’t ang bahaging ito ng Aklat ni Mormon ay naglalaman ng maraming kasaysayan, binibigyang-diin din nito ang doktrina ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo.

Para mabigyang-diin ang kahalagahan ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo, isulat sa pisara ang sumusunod na chart o gawin itong handout. Sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner sa pag-aaral ng mga scripture reference na nakalista sa chart at talakayin ang nalaman nila. Dahil ang mga tanong sa pagsasagawa o application question ay napakapersonal, maaaring magpasiya ang mga estudyante na sabihin ang sagot sa isa’t isa, isulat ang mga sagot sa kanilang scripture study journal, o tahimik na pag-isipan ang kanilang sagot.

Banal na Kasulatan

Ano ang Hahanapin

Mga Tanong sa Pagsasagawa [Application Question]

Mosias 7:33

Paraan para mapalaya tayo sa espirituwal at pisikal na pagkaalipin.

Sa tatlong bagay na binigyang-diin ni Limhi, alin sa mga bagay na ito ang sa palagay ninyo ay dapat ninyong palakasin sa panahong ito?

Mosias 13:11

Dahilan kung bakit hindi naunawaan ni Haring Noe at ng marami sa kanyang mga tao ang misyon ni Jesucristo.

Ano ang mga katibayan sa inyong buhay na nakasulat sa inyong puso ang mga kautusan? Paano ninyo pag-aaralan at ituturo ang kabutihan?

Mosias 14:3–7

Mga makahulugang salita at parirala tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas at hindi pagtanggap sa Kanya.

Paano hinahamak at itinatakwil ng mga tao ngayon ang Tagapagligtas? Paano maitatago ng isang tao ang kanyang mukha mula sa Kanya? Paano magagawa ng isang tao ang kabaliktaran nito?

Mosias 15:6–9, 11

Ang “nakalag” ni Jesucristo at ang “napagtagumpayan” Niya; gayon din, ang natamo natin dahil sa pagsasakripisyo ng Tagapagligtas.

Sa paanong mga paraan namagitan ang Panginoon para sa inyo nitong mga nakaraang araw? Paano Siya namagitan sa inyo at sa mga hinihingi ng katarungan?

Para matulungan ang mga estudyante na pag-isipang mabuti ang napag-aralan nila sa scripture activity na ito at sa kanilang mga lesson sa linggong ito, itanong: Paano nakatulong sa inyo ang mga alituntunin at doktrina na napag-aralan ninyo sa linggong ito para umasa sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan?

Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magpatotoo tungkol kay Jesucristo.

Ang isang paraan para matapos ninyo ang lesson sa araw na ito ay basahin ang Mosias 16:13–15 at ibahagi ang inyong patotoo na kailangan natin ang Tagapagligtas. Ang isa pang paraan ay bigyang-diin sa inyong mga estudyante ang dalawang doktrina o alituntunin na natutuhan nila sa linggong ito: na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay pinagmumulan ng kaligtasan at tinugon ni Jesucristo ang mga hinihingi ng katarungan para sa lahat ng magsisisi.

Susunod na Unit (Mosias 18–25)

Nakatala sa Mosias 18–25 kung paano nakalaya ang dalawang pangkat sa pagiging alipin ng mga kaaway at nakabalik nang ligtas sa Zarahemla. Malalaman ninyo kung paano ginabayan ng Diyos ang bawat pangkat upang makatakas. Sinunod ng isang pangkat ang plano ni Gedeon na lasingin ang mga tagapagbantay, at nakatakas naman ang isang pangkat sa pagsunod kay Alma habang tulog ang mga Lamanita. Sino ang nagpatulog sa mga Lamanita?