Library
Home-Study Lesson: Mosias 18–25 (Unit 13)


Home-Study Lesson

Mosias 18–25 (Unit 13)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga doktrina at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Mosias 18–25 (unit 13) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Mosias 18)

Pagkatapos ng kamatayan ni Abinadi, si Alma ay nagsisi at itinuro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga tao sa mga Tubig ng Mormon. Sa pag-aaral ng karanasang ito, natutuhan ng mga estudyante na matatanggap natin ang Espiritu ng Panginoon at ang pangako ng buhay na walang-hanggan sa paggawa at pagtupad ng tipan sa binyag at malalaking pagpapala ang darating sa mga taong tumutupad sa kanilang mga tipan sa binyag.

Day 2 (Mosias 19–20)

Pagkatapos hindi tanggapin ni Haring Noe at ng kanyang mga tao ang mga itinuro ni Abinadi at hinangad na patayin si Alma at ang kanyang mga tagasunod, sila ay sinalakay ng mga Lamanita. Si Noe ay pinatay ng kanyang mga tao, at ang kanyang anak na si Limhi ang naging hari. Sa pagbabasa ng mga estudyante kung paano naging alipin ng mga Lamanita ang mga tao ni Limhi, natutuhan nila na ang di-pagtanggap sa mga sinasabi ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ay nagdudulot ng pagdurusa at kalungkutan. Sila ay hinikayat na pag-isipan ang isang pagkakataon na nadama nila ang kapayapaan at espirituwal na kaligtasan dahil sa pagsunod sa payo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon.

Day 3 (Mosias 21–24)

Nalaman ng mga estudyante na si Alma at ang kanyang mga tao, bagama’t mabubuti, ay naging alipin din ng mga Lamanita. Ang mga estudyante ay gumawa ng chart sa kanilang scripture study journal na naghahambing sa pagkaalipin at paglaya ni Limhi at ng kanyang mga tao sa pagkaalipin at paglaya ni Alma at ng kanyang mga tao. Itinuturo ng tala tungkol sa mga tao ni Limhi na kapag tayo ay nagnanais na makipagtipan at tumupad sa mga tipang iyon, ang Panginoon ay maglalaan ng paraan para mailigtas tayo. Mula sa pangkat ni Alma, natutuhan ng mga estudyante na kapag matiyaga nating sinusunod ang kagustuhan ng Panginoon, tayo ay Kanyang palalakasin at palalayain mula sa ating mga pagsubok ayon sa Kanyang panahon.

Day 4 (Mosias 25)

Pagkatapos magsama-sama nang ligtas ang mga tao ni Limhi at ang mga tao ni Alma sa ilalim ng pamumuno ni Haring Mosias sa Zarahemla, ang kanilang mga talaan ay binasa sa lahat ng tao. Nalaman ng mga estudyante na sa pag-aaral ng mga talaan ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa tao, makadarama tayo ng kagalakan at pasasalamat sa kabutihan ng Diyos. Nang pag-isipan ng mga estudyante kung paano nahahalintulad ang mga miyembro ng Simbahan sa panahon ng mga Nephita sa mga miyembro ng Simbahan ngayon, natutuhan nila na kapag tinaglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at namuhay nang matwid, ibubuhos ng Panginoon ang Kanyang Espiritu sa atin. Isinulat ng mga estudyante kung paano nakagawa ng kaibhan ang kahandaan nilang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo.

Pambungad

Ang paghahambing ng mga karanasan ng mga tao ni Alma at ng mga tao ni Limhi ay makatutulong sa mga estudyante na matuklasan ang mahahalagang alituntunin hinggil sa pinanggagalingan ng ating mga pagsubok at kung paano tayo mapapalaya mula sa matinding kapighatian sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Tulungan ang mga estudyante na kapag sila ay nakipagtipan at tumutupad sa mga sagradong tipan, nagtitiwala sa Panginoon, at mapagkumbabang humihingi ng tulong sa Kanya, sila ay Kanyang palalakasin at palalayain mula sa kanilang matinding kapighatian sa Kanyang sariling paraan at sariling panahon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mosias 18

Ipinangaral ni Alma ang ebanghelyo sa mga tao ni Haring Noe, at marami ang nagsisi at nagnais na magpabinyag

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang sarili nilang binyag. Anyayahan sila na ibahagi ang ilan sa mga di-malilimutang pangyayari sa kanilang binyag. Pagkatapos ay ipakita, kung mayroon, ang larawang Nagbibinyag si Alma sa mga Tubig ng Mormon (06048; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 76), at sabihin sa kanila na alalahanin ang pangyayaring inilarawan sa Mosias 18:8–11. Itanong sa mga estudyante kung ano ang naunawaan nila tungkol sa layunin ng binyag at ng tipan sa binyag noong sila ay bininyagan.

Pagkatapos talakayin ng mga estudyante ang nakatala sa Mosias 18, ipatingin sa kanila ang day 1, assignment 1 sa kanilang scripture study journal, kung saan ginawan nila ng diagram ang itinuro ni Alma tungkol sa mga tipan sa binyag tulad ng ipinaliwanag sa Mosias 18:8–11. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang kanyang diagram o ibahagi ito sa klase, at tanungin ang ibang mga estudyante kung may idaragdag pa sila sa mga column na “Nangangako ako” at “Ipinapangako ng Diyos.” Pagkatapos ay isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara o sa isang papel: Natatanggap natin ang Espiritu ng Panginoon at ang pangako na buhay na walang-hanggan sa paggawa at pagtupad ng tipan sa binyag. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 18:8–11.

Itanong: Paano nakakaimpluwensya ang inyong pagkaunawa sa tipan sa binyag sa inyong hangaring tuparin ang tipang ito?

Mosias 19–24

Ang mga tao ni Limhi at mga tagasunod ni Alma ay napalaya mula sa pagkaalipin sa mga Lamanita

Ipabasa sa isang estudyante ang unang pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol sa lesson para sa day 3 ng unit na ito sa gabay sa pag-aaral ng mga estudyante. Itanong sa mga estudyante kung ano ang dalawang uri ng pagsubok na sinabi ni Elder Scott na mararanasan natin sa ating buhay. (Dapat nasalungguhitan nila ito sa kanilang manwal.) Isulat sa pisara ang Mga paghihirap na idinulot ng pagkakasala at Pagdadalisay na nagmumula sa pagsubok.

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang kanilang mga sagot sa day 3, assignment 1 sa kanilang scripture study journal. Pagkatapos ay isulat ang mga tao ni Limhi sa ilalim ng “Mga paghihirap na idinulot ng pagkakasala” (tingnan sa Mosias 19:10, 25–28; 20:20–21) at ang mga tao ni Alma sa ilalim ng “Pagdadalisay na nagmumula sa pagsubok” (tingnan sa Mosias 23:18–21). Sabihin sa mga estudyante na ilista sa pisara ang ilang halimbawa kung paano maaaring maranasan ng mga tao ngayon ang bawat isa sa mga ganitong uri ng pagsubok.

Kapag nirebyu mo ang mga sumusunod na alituntunin sa iyong mga estudyante, isulat ang mga ito sa pisara.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at ipabasa sa kanila ang Mosias 21:13–16. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga salita at parirala na nagtuturo na kapag nagpapakumbaba tayo, nananalangin sa Panginoon, at nagsisisi sa ating mga kasalanan, pakikinggan ng Diyos ang ating mga panalangin at pagagaanin ang bigat ng ating mga kasalanan sa sarili Niyang panahon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang naiisip nilang paraan kung paano maipamumuhay ang alituntuning ito kung nararanasan nila ang isa sa mga pagsubok na nakasulat sa pisara.

Ipabasa sa mga estudyante ang Mosias 21:31–32, 35 at ipabuod ang pagtakas ng mga tao ni Limhi sa Mosias 22 upang maipakita na kapag tayo ay nakipagtipan na paglilingkuran ang Diyos at susundin ang Kanyang mga kautusan, ang Panginoon ay maglalaan ng paraan para mailigtas tayo. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 21:31–35.

Para marebyu ang isang alituntuning natutuhan ng mga estudyante mula sa pag-aaral ng tungkol sa mga tao ni Alma, ipabuod sa isang estudyante ang tala kung paano naging alipin ng mga Lamanita ang mga tao ni Alma (tingnan sa Mosias 23:25–24:11). Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mosias 24:12–17. Sabihin sa kanila na tukuyin ang mga salita at pariralang nagtuturo na kapag matiyaga nating sinusunod ang kagustuhan ng Panginoon, tayo ay Kanyang palalakasin at palalayain mula sa ating mga pagsubok ayon sa Kanyang panahon. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mahahalagang salita o parirala sa talatang ito.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na chart o gawin itong handout. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano nila magagamit ang mga katotohanang natutuhan nila mula sa pag-aaral ng tungkol sa mga tao ni Limhi at mga tao ni Alma para matulungan ang tao sa bawat halimbawa.

  1. Napag-isip-isip ng isang kaibigan na kailangan niyang magsisi. Labis siyang nakadarama na hindi siya karapat-dapat at pinanghihinaan na siya ng loob, iniisip kung maaari pa kayang mapaglabanan ang mga tukso at mga kasalanan. Paano ninyo magagamit ang nangyari sa mga tao ni Limhi para mabigyan ng lakas ng loob at pag-asa na magsisi ang inyong kaibigan? (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na tukuyin ang mga partikular na talata sa Mosias 21 na maibabahagi nila sa kanilang kaibigan. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung bakit sa palagay nila ay makatutulong ang pinili nilang talata sa kanilang kaibigan.)

  2. Isang kaibigan ang mahilig lumabas at makihalubilo sa iba at nagsisikap na ipamuhay ang mga pamatayan ng ebanghelyo. May mga taong ayaw makihalubilo sa taong ito, sinasabing siya ay “hindi nababagay” para sa kanila. Paano ninyo magagamit ang nangyari sa mga tao ni Alma para matulungan ang inyong kaibigan na magtiwala sa Panginoon at magkaroon ng lakas at kapanatagan sa pagsubok na ito? (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na tukuyin ang mga partikular na talata sa Mosias 24 na maibabahagi nila sa kanilang kaibigan. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung bakit sa palagay nila ay makatutulong ang pinili nilang mga talata.)

Sabihin sa mga estudyante na magkuwento ng mga pangyayari kung saan nasaksihan nila sa buhay nila o sa buhay ng mga taong kilala nila ang kapangyarihang magpalaya ng Panginoon. (Mag-ingat na hindi mahikayat o mapahintulutan ang mga estudyante na magbahagi sa klase ng tungkol sa mga nagawa nilang kasalanan noon.) Hikayatin ang mga estudyante na tuparin ang kanilang mga tipan, humingi ng tulong sa Panginoon, at magtiwala sa kapangyarihan Niyang magpalaya mula sa anumang pagsubok na dinaranas nila sa kanilang buhay. Tapusin ang lesson na pinatototohanan ang kapangyarihan ng Panginoon na palayain tayo mula sa mga pagsubok at paghihirap, dulot man ito ng sarili nating pagkakasala o pagsubok sa atin upang dalisayin tayo.

Susunod na Unit (Mosias 26Alma 4)

Sa susunod na linggo, matututuhan ng mga estudyante ang tungkol sa isang anghel na isinugo para pigilin angsi Nakababatang Alma sa pagwasak sa Simbahan. Pag-aaralan nila ang nangyari kay Alma pagkatapos ng karanasang ito at babasahin nila ang ilan sa pinakamahahalagang turo tungkol sa espirituwal na pagsilang na muli na matatagpuan sa banal na kasulatan. Nang mamatay si Haring Mosias, si Alma ang napili na maging pinuno ng mga Nephita. Si Amlici, isang masamang tao, ay nagtangkang pabagsakin siya. Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang ginawa ni Alma para maanyayahan ang kapangyarihang magligtas ng Panginoon sa sitwasyong ito.