Library
Pambungad sa Aklat ni Mosias


Pambungad sa Ang Aklat ni Mosias

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Sa kanilang pag-aaral ng aklat ni Mosias, mababasa ng mga estudyante ang mga nakaaantig na patotoo tungkol sa misyon ni Jesucristo. Mapag-aaralan din nila ang tungkol sa mga taong pinalaya ng Panginoon mula sa pagkaalipin sa kasalanan o mula sa pisikal na pagkaalipin. Bukod pa riyan, malalaman nila kung paano nagdala ng napakaraming pagpapala sa iba ang mabubuting ginawa ng mga indibiduwal tulad nina Haring Benjamin, Abinadi, at Alma. Kabaligtaran nito, malalaman ng mga estudyante kung paano nagdulot ng masasamang resulta sa kanilang sarili at sa kanilang mga tao ang maling pagpili ng mga indibiduwal tulad ni Zenif at ng kanyang anak na si Haring Noe.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Tinipon at pinaikli ni Mormon ang mga talaan ng ilan sa iba pang mga manunulat para mabuo ang aklat ni Mosias. Ang aklat ay ipinangalan kay Mosias, na anak ni Haring Benjamin. Si Mosias ay isang propeta, tagakita, tagapaghayag, at haring namuno sa Zarahemla mula noong mga 124 B.C. hanggang 91 B.C. Ang kanyang pangalan ay sinunod sa kanyang lolo na si Mosias, na hari din ng Zarahemla (tingnan sa Omni 1:12–13, 19).

Kumuha ng mga tala si Mormon mula sa maraming talaan para mabuo ang aklat ni Mosias. Pinaikli at sumipi siya mula sa talaang iningatan ni Mosias sa malalaking lamina ni Nephi, na nagbibigay ng detalyadong kasaysayan ng mga Nephita sa lupain ng Zarahemla (tingnan sa Mosias 1–7; 25–29). Kumuha rin siya ng tala mula sa talaan ni Zeniff, na naglalahad ng kasaysayan ng mga tao ni Zenif mula sa panahong nilisan nila ang Zarahemla hanggang sa makabalik sila dito (tingnan sa Mosias 7–22). Bukod pa riyan, sumipi si Mormon mula sa mga isinulat ni Alma at pinaikli ito, si Alma ang nagsulat ng mga salita ni Abinadi at nag-ingat ng isang talaan ng kanyang sariling mga tao (tingnan sa Mosias 17:4; 18; 23–24).

Para kanino isinulat ang aklat na ito at bakit?

Hindi sinabi ni Mormon kung para kanino ang aklat ni Mosias o kung bakit niya isinulat ang aklat na ito. Gayunman, ang aklat ni Mosias ay nag-ambag nang malaki sa mga pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon—ang magpatotoo na si Jesus ang Cristo at ipabatid ang mga tipan ng Panginoon (tingnan sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon). Kabilang sa aklat ni Mosias ang dalawang napakagandang mensahe tungkol sa misyon ni Jesucristo: ang mga salita ni Haring Benjamin sa Mosias 2–5 at ang mga salita ni Abinadi sa Mosias 12–16. Bukod pa riyan, ang aklat ni Mosias ay paulit-ulit na nagsasaad ng kahalagahan ng paggawa at pagtupad ng tipan sa Panginoon (tingnan sa Mosias 5:5–9; 18:5–10; 21:31–32; 24:13–15; 25:16–18; 26:20).

Kailan at saan ito isinulat?

Ang mga orihinal na talaan na pinagkuhanan ng ulat para sa aklat ni Mosias ay malamang na isinulat sa pagitan ng 200 B.C. at 91 B.C. Pinaikli ni Mormon ang mga talaang ito sa pagitan ng mga A.D. 345 at A.D. 385. Hindi binanggit ni Mormon kung nasaan siya nang tipunin niya ang aklat na ito.

Ano ang ilang kakaibang katangian ng aklat na ito?

Ang Mosias ang unang aklat sa Aklat ni Mormon na pinaikli mula sa malalaking lamina ni Nephi. Nakasaad dito ang mga turo hinggil sa mga kakayahan ng isang tagakita (tingnan sa Mosias 8:13–18; 28:10–17). Bukod pa riyan, ang aklat ni Mosias ay kakaiba sa pagsasalaysay nito sa mga karanasan at paglalakbay ng magkakahiwalay na pangkat ng mga Nephita—silang mga nasa lupain ng Zarahemla; silang mga pinamumunuan nina Zenif, Noe, at Limhi sa lupain ng Nephi; at silang mga nakatakas mula sa lupain ng Nephi kasama ni Alma. Para malaman pa ang tungkol sa mga pangkat na ito, maaari mong tingnan ang buod ng mga paglalakbay sa Mosias 7–24, matatagpuan sa apendiks sa katapusan ng manwal na ito.

Nakatala sa aklat ni Mosias ang panahon na nakiisa ang mga taong pinamunuan nina Limhi at Alma sa mga Nephita sa lupain ng Zarahemla (tingnan sa Mosias 25:1–13). Nakatala rin dito ang mga detalye tungkol sa pangangasiwa ng Simbahan ni Jesucristo sa buong lupain ng Zarahemla (tingnan sa Mosias 25:14–24; 26). At ang huli ay ipinakilala sa aklat ni Mosias ang pamamahala ng mga hukom (tingnan sa Mosias 29).

Outline

Mosias 1–5 Itinalaga ni Haring Benjamin ang kanyang anak na si Mosias bilang kanyang kahalili at nagbigay ng ulat tungkol sa kanyang pamamahala. Itinuro ni Benjamin ang tungkol kay Jesucristo at inanyayahan ang kanyang mga tao na makipagtipan sa Diyos.

Mosias 6–8 Sinimulan ni Mosias ang kanyang pamamahala bilang hari. Hinanap ni Ammon at ng kanyang 15 kasama ang mga inapo ng mga tao ni Zenif sa lupain ng Nephi. Nakaharap ni Ammon si Haring Limhi, ang apo ni Zenif, at nalaman kung paano naging alipin ang mga tao.

Mosiah 9–17 Inilahad ang kasaysayan ng mga tao ni Zeniff. Pagkamatay ni Zenif, ang kanyang anak na si Noe ay namuno sa kasamaan. Nagpatotoo si Abinadi tungkol kay Jesucristo at pinayuhan si Haring Noe at ang kanyang mga tao na magsisi. Si Abinadi ay sinunog hanggang sa mamatay.

Mosias 18–20 Si Alma, isang saserdote ni Haring Noe, ay nagsisi. Itinuro niya ang ebanghelyo at tumakas kasama ang kanyang mga tagasunod papunta sa ilang. Sinalakay ng mga Lamanita ang mga Nephita sa lupain ng Nephi at sila ay inalipin. Si Noe ay pinatay ng kanyang mga tao at ang kanyang anak na si Limhi ang humalili sa kanya bilang hari.

Mosiah 21–22 Nagsisi si Limhi at ang kanyang mga tao. Pinalaya sila ng Panginoon mula sa pagkaalipin at dinala sila ni Ammon sa lupain ng Zarahemla.

Mosias 23–24 Itinatag ni Alma at ng kanyang mga tagasunod ang lunsod ng Helam. Sila ay ginawang alipin ng mga Lamanita at inusig ni Amulon at ng kanyang mga kapatid na mga dating saserdote ni Haring Noe. Pinalaya ng Panginoon si Alma at ang kanyang mga tao at pinatnubayan sila papunta sa lupain ng Zarahemla.

Mosias 25–29 Nagkaisa ang mga Nephita sa ilalim ng pamumuno ni Mosias, at si Alma ang nangasiwa sa Simbahan. Nagbalik-loob ang anak ni Alma na si Alma (madalas tawaging Nakababatang Alma) at ang mga anak ni Mosias. Bago siya mamatay, pinasimulan ni Mosias ang pamamahala ng mga hukom.