Lesson 50
Jarom at Omni
Pambungad
Ang mga aklat nina Jarom at Omni ay naglalaman ng mga huling isinulat sa maliliit na lamina ni Nephi. Tinanggap ni Jarom ang mga lamina mula sa kanyang amang si Enos, at itinala ang 60 taong paghihirap at pagpapala ng mga Nephita. Pagkatapos ay ipinasa niya ang mga lamina sa kanyang anak na si Omni. Ang Aklat ni Omni ay naglalaman ng mga isinulat ng limang magkakaibang tagapag-ingat ng mga talaan ng mga Nephita at sumasaklaw sa humigit-kumulang 230 taon. Si Amaleki, ang huling manunulat sa aklat ni Omni, ay tinapos ang kanyang talaan sa paanyayang “lumapit kayo kay Cristo … at ialay ang inyong buong kaluluwa bilang handog sa kanya” (Omni 1:26).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Jarom 1:1–15
Inilarawan ni Jarom kung paano umuunlad ang mga Nephita kapag sinusunod nila ang mga kautusan ng Panginoon
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan. Kung maaari, magdispley ng larawan ni Pangulong Uchtdorf habang nagbabasa ka:
“Naaalala ko noong naghahanda akong magsanay bilang fighter pilot. Ginugol namin ang malaking oras ng pangunang military training sa pag-eehersisyo. Hindi ko pa tiyak kung bakit itinuring na napakahalagang bahagi ng paghahanda sa pagkapiloto ang walang-katapusang pagtakbo. Gayunman, tumakbo kami nang tumakbo nang tumakbo.
“Habang tumatakbo ako napansin ko ang isang bagay na totoong nakabalisa sa akin. Paulit-ulit akong nilagpasan ng mga lalaking naninigarilyo, umiinom, at gumagawa ng lahat ng bagay na taliwas sa ebanghelyo at, lalo na, sa Word of Wisdom.
“Naaalala ko na inisip ko, ‘Sandali lang! Hindi ba dapat ay makatakbo ako nang hindi napapagod?’ Pero napagod ako, at nalagpasan ako ng mga taong talagang hindi sumusunod sa anumang may kaugnayan sa Word of Wisdom. Inaamin ko na nabalisa ako rito noon. Tinanong ko sa aking sarili, totoo ba ang pangako o hindi?” (“Patuloy na Magtiyaga,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 58).
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung nadama rin ba nila ang ganoon, iniisip kung o paano tutuparin ng Panginoon ang Kanyang pangako na pagpapalain sila sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan.
[No translation] Ipaliwanag na si Jarom, na anak ni Enos, ay gumamit ng salitang napatunayan nang isulat niya ang tungkol sa pangakong ibinigay sa kanyang mga ninuno. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Jarom 1:9, at ipatukoy ang pangako ng Panginoon na napatunayan. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pangakong ito sa kanilang banal na kasulatan.) Alamin kung natukoy ng mga estudyante ang pahayag na “Habang inyong sinusunod ang aking mga kautusan kayo ay uunlad sa lupain.”
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference at tanong. (Para makatipid sa oras, maaari mong isulat ang mga ito sa pisara bago magsimula ang klase.)
Ano ang ilang halimbawa ng pagiging masunurin ng mga Nephita at paano sila pinagpala? | |
Paano tinulungan ng mga pinuno at mga propeta ang mga Nephita na maging masunurin at umunlad? | |
Paano napatunayan kalaunan ang pangako ng Diyos sa naiibang paraan? |
Hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-tatatlong estudyante. I-assign ang isa sa mga scripture reference na nasa pisara sa isang estudyante sa bawat grupo. Ipabasa sa mga estudyante ang naka-assign na mga scripture passage sa kanila, at sabihin sa kanila na alamin ang mga sagot sa mga kaugnay na tanong. Pagkatapos ay magbigay ng isa o dalawang minuto para maibuod ng bawat estudyante sa grupo ang nabasa niya at masagot ang naka-assign na tanong. Sabihin sa isa o dalawang estudyante na ibuod para sa klase ang katotohanang natutuhan nila mula sa pag-aaral at pagtalakay sa mga banal na kasulatang ito. Kapag nagbigay ng sagot ang mga estudyante, tiyakin na nauunawaan nila na kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Diyos, tayo ay uunlad.
-
Batay sa natutuhan ninyo mula sa karanasan ng mga Nephita, ano ang ilang paraan na pagpapalain ng Diyos ang mga taong sumusunod sa Kanyang mga kautusan?
Para maituro nang mas mabuti ang mga alituntuning ito, ipaalala sa klase ang karanasan ni Pangulong Uchtdorf nang maisip niya kung mapatutunayan ang ipinangko ng Panginoon sa Word of Wisdom. Pagkatapos ay basahin ang nalalabi sa kanyang pahayag:
“Hindi kaagad dumating ang sagot. Ngunit kalaunan nalaman ko na ang mga pangako ng Diyos ay hindi laging natutupad [kaagad] o sa paraang inaasahan natin; dumarating ang mga ito ayon sa Kanyang panahon at paraan. Ilang taon pagkaraan, nakikita ko na ang malinaw na katunayan ng mga temporal na pagpapalang dumarating sa mga yaong sumusunod sa Word of Wisdom—bukod pa sa mga espirituwal na pagpapalang dumarating kaagad mula sa pagsunod sa anumang batas ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw, natitiyak ko na ang mga pangako ng Panginoon, [marahil ay] hindi man laging mabilis, [ngunit] laging tiyak” (“Patuloy na Magtiyaga,” 58).
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:
-
Kailan ka pinagpala ng Panginoon, o pinaunlad, dahil sinunod mo ang Kanyang mga kautusan? Mula sa iyong naranasan, anong patotoo ang maibabahagi mo tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako?
Omni 1:1–30
Isinalaysay muli ng mga tagapag-ingat ng talaan ang kasaysayan ng mga Nephita
Maikling ipakilala ang Aklat ni Omni na ipinapaliwanag na ito ay isinulat ng mga inapo ni Jarom at sumasaklaw sa humigit-kumulang 230 taon. Sabihin sa mga estudyante na mabilis na basahin ang aklat ni Omni at alamin ang mga pangalan ng mga lalaki na nag-ingat sa maliliit na lamina pagkatapos ni Jarom. Para matulungan ang mga estudyante na mabilis na mahanap ang mga pangalan, maaari mong ibigay ang mga sumusunod na scripture reference: Omni 1:1, 4, 8, 10, 12, 25.
Ipaliwanag na ang aklat ni Omni ay naglalarawan ng ilang mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mga tao sa Aklat ni Mormon. Nabanggit dito ang mga tao ng Zarahemla (kilala rin bilang mga Mulekita) at si Coriantumer (ang huling Jaredita), at nakatala rin nang maikli rito kung paano napunta ang mga Nephita sa Zarahemla at nakiisa sa mga Mulekita. Maaari mong patingnan sa mga estudyante ang cronolohiya sa bookmark ng Aklat ni Mormon (aytem bilang 10458) at tulungan silang matukoy ang pagsasama ng mga Nephita at ng mga Mulekita. Sabihin din sa mga estudyante na hanapin sa bookmark ang pangalang Coriantumer sa ilalim ng heading na “Mga Jaredita.”
Sa pisara, idrowing ang mapang makikita sa pahinang ito, pero huwag isama ang mga arrow. Hikayatin ang mga estudyante na kopyahin ang mapa sa kanilang scripture study journal o notebook.
Ipaalala sa mga estudyante na sa panahon ni Nephi, ang mga Nephita ay humiwalay sa mga Lamanita at nanirahan sa lugar na tinawag nilang lupain ng Nephi. Sa mapa, gumuhit ng arrow mula sa unang lupaing mana papunta sa lupain ng Nephi. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Omni 1:12–13 at alamin kung paano napunta ang mga Nephita sa lupain ng Zarahemla. Kapag nasabi na ng mga estudyante ang nalaman nila, gumuhit ng arrow mula sa lupain ng Nephi papunta sa lupain ng Zarahemla. Ipaliwanag na itinuro sa Omni 1:12–13 na pinapatnubayan ng Panginoon ang mabubuti.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Omni 1:14–19. Sabihin sa klase na hanapin ang mga pagkakatulad at mga pagkakaiba ng mga Nephita at ng mga taong natuklasan nila sa lupain ng Zarahemla. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ibuod ang Omni 1:20–22 na ipinapaliwanag na nakilala ng mga tao ng Zarahemla si Coriantumer, na isa sa huling dalawang natira sa bansa ng mga Jaradita (ang isa ay ang propetang si Eter). Sa mapa, ituro ang lupain ng Kapanglawan, at ipaliwanag na ito ang lugar sa lupaing pahilaga kung saan ang “mga buto [ng mga Jaredita] ay nakakalat” matapos silang malipol (Omni 1:22). Sabihin sa mga estudyante na malalaman nila ang tungkol sa mga Jaredita kapag pinag-aralan nila ang aklat ni Eter. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang mga Jaredita sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Omni 1:20–22.
Gumuhit ng arrow mula sa lupain ng Zarahemla papunta sa lupain ng Nephi, at pagkatapos pabalik sa Zarahemla. Gumuhit ng isa pang arrow mula sa lupain ng Zarahemla papunta sa isang direksyon patungo sa lupain ng Nephi. Itanong sa mga estudyante kung maipapaliwanag nila ang ibig sabihin ng sinasagisag ng dalawang arrow. Kung kailangan nila ng tulong, ibuod ang Omni 1:27–30 na ipinapaliwanag na tinangka ng dalawang grupo mula sa Zarahemla na bumalik sa lupain ng Nephi. Ang unang grupo ay nabigo at bumalik sa Zarahemla. Sa pagtatapos ni Amaleki sa kanyang talaan, binanggit niya na hindi niya alam ang nangyari sa pangalawang grupo. Sabihin sa mga estudyante na malalaman nila ang tungkol sa grupong ito, ang mga tao ni Zenif, sa pag-aaral nila ng Aklat ni Mosias. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang mga tao ni Zenif sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Omni 1:29–30.
Ipaliwanag na hindi ipinapahayag ng Aklat ni Mormon na nilalaman nito ang kasaysayan ng lahat ng mga taong nanirahan sa sinaunang Amerika. Bukod sa mga Jaredita, mga Mulekita, at grupo ni Lehi, may iba pang mga grupo ng tao na nagsipunta sa lupalop ng Amerika.
Ipaliwanag na nang tinatapos na ni Amaleki ang kanyang tala, sumulat siya ng isang mahalagang paanyaya sa mga taong magbabasa ng kanyang mga salita. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang paanyaya sa Omni 1:25–26, at hanapin ang isang ideya na tatlong beses niyang inulit. (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang nahanap nila.)
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng lumapit kay Cristo?
Bigyang-diin na bilang bahagi ng paanyaya ni Amaleki na lumapit kay Cristo, pinayuhan niya tayo na gumawa ng mga partikular na bagay. Isulat sa pisara ang sumusunod:
Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Omni 1:25–26. Anyayahan ang ilan sa kanila na kumpletuhin ang pangungusap sa pisara gamit ang mga parirala mula sa mga talatang ito.
-
Ayon sa Omni 1:26, paano tayo mapagpapala sa paggawa ng mga bagay na ito? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kung tayo ay lalapit kay Cristo at magtitiis hanggang wakas, tayo ay maliligtas. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga parirala sa pisara. Sabihin sa kanila na magsulat o gumawa ng outline sa kanilang scripture study journal ng maikling mensahe na maaaring ibigay nila sa sacrament meeting tungkol sa gagawin nilang paglapit kay Cristo sa ganoong paraan. Imungkahi na maaaring isama sa kanilang mensahe ang: (1) pagbabasa ng Omni 1:25–26 at ipaliwanag sa sarili nilang mga salita ang mga pariralang pinili nila, (2) pagbabasa ng mga karagdagang banal na kasulatan na naglilinaw o nagdaragdag ng kahulugan sa parirala, (3) pagbabahagi ng karanasan mula sa buhay nila o sa buhay ng isang taong kilala nila na may kaugnayan sa parirala, o (4) pagbabahagi ng kanilang mga iniisip, nadarama, at patotoo. (Maaari mong isulat sa pisara ang mga mungkahing ito, gawing handout at ibigay sa kanila, o basahin nang malakas para maisulat ng mga estudyante ang mga ito sa kanilang scripture study journal.)
Bigyan ang mga estudyante ng anim hanggang pitong minuto para maihanda ang kanilang mensahe. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mensahe sa harap ng klase. (Kung wala nang oras para magawa ito, maaari mong anyayahan ang ilan na ibahagi ang kanilang mensahe sa simula ng susunod na lesson o bilang bahagi ng mga debosyonal ng klase sa hinaharap. Maaari mo rin silang hikayatin na ibahagi ang kanilang mensahe sa family home evening o sa pakikipag-usap sa pamilya o mga kaibigan.) Para tapusin ang lesson na ito, ibahagi ang iyong patotoo na kung lalapit tayo kay Cristo at magtitiis hanggang wakas, tayo ay maliligtas.