Pambungad sa Ang Aklat ni Omni
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Sa pag-aaral nila ng aklat ni Omni, malalaman ng mga estudyante na pinrotektahan ng Panginoon ang mabubuting Nephita at ginabayan sila patungo sa lupain ng Zarahemla (tingnan sa Omni 1:7, 12–13). Malalaman din nila ang tungkol sa iba pang mga pangkat—ang mga Mulekita (o mga tao ni Zarahemla) at ang mga Jaredita—na ginabayan ng Panginoon patungo sa lupang pangako.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Ang Aklat ni Omni ay isinulat ng limang lalaki: sina Omni, Ameron, Chemis, Abinadom, at Amaleki. Si Omni ay anak ni Jarom at kaapuapuhan nina Lehi at Saria. Inilarawan ni Omni ang sarili na “isang masamang tao” na “hindi … sinunod … ang mga kautusan ng Panginoon” (Omni 1:2). Bawat isa kina Ameron (anak ni Omni) Chemis (kapatid ni Ameron) at Abinadom (anak na lalaki ni Chemis) ay nagdagdag ng maiikling tala. Ang anak ni Abinadom na si Amaleki ang sumulat ng pinakamalaking bahagi sa aklat ni Omni at ang huling taong sumulat sa maliliit na lamina ni Nephi. Ipinagkatiwala niya ang mga lamina kay Haring Benjamin.
Para kanino isinulat ang aklat na ito at bakit?
Sinabi ni Omni na siya ay “inutusan ng [kanyang] ama, si Jarom, na dapat [siyang] magsulat … upang mapangalagaan ang [kanilang] talaangkanan” (Omni 1:1). Ipinahihiwatig ng pahayag na ito na sumulat si Omni para sa kapakanan ng kanyang mga inapo. Walang sinabi ang sumunod na tatlong manunulat sa aklat ni Omni kung para kanino o kung ano ang layunin ng kanilang pagsulat. Ngunit ang paanyaya ni Amaleki sa lahat ng tao na “lumapit kay Cristo … at makibahagi sa kanyang kaligtasan” (Omni 1:26) ay nagpapahiwatig na nag-aalala siya hinggil sa kaligtasan ng mga taong magbabasa ng kanyang mga salita.
Kailan at saan ito isinulat?
Ang aklat ni Omni ay isinulat ng iba’t ibang may-akda sa pagitan ng mga 361 B.C. at 130 B.C. Isinulat ito ng unang apat na may-akda sa lupain ng Nephi. Ginawa ni Amaleki ang kanyang talaan sa lupain ng Zarahemla.
Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng aklat na ito?
Ang aklat ni Omni ang huling aklat sa maliliit na lamina ni Nephi. Mas mahaba ang sakop na panahon ng aklat ni Omni kaysa sa iba pang mga aklat sa maliliit na lamina. Sa buong Aklat ni Mormon, ang mga aklat lamang ng 4 Nephi at ni Eter ang may mas mahabang panahong sakop kaysa sa aklat ni Omni.
Ang aklat ni Omni ay nagbibigay din ng mga detalye tungkol sa pamamahala ng unang Haring Mosias, na ama ni Haring Benjamin at lolo ng pangalawang Haring Mosias. Dinala ng unang Haring Mosias ang mabubuting Nephita palabas sa lupain ng Nephi at nakiisa sila sa mga tao ni Zarahemla (tingnan sa Omni 1:12–23). Nakatala sa aklat ni Omni na ginabayan ng Panginoon ang mga tao ni Zarahemla (kilala rin bilang mga Mulekita) mula sa Jerusalem patungo sa lupang pangako hindi pa natatagalan pagkatapos lisanin ni Lehi at ng kanyang pamilya ang Jerusalem (tingnan sa Omni 1:15).
Ang Omni ang unang aklat sa Aklat ni Mormon na bumanggit sa mga Jaredita. Binanggit din dito na lumisan ang ilang Nephita sa Zarahemla para bumalik sa lupain ng Nephi, tinutukoy ang mga pangyayaring isinalaysay sa Mosias 7–24. Sa huli, ipinakilala sa aklat ni Omni si Haring Benjamin at ipinaliwanag dito kung bakit ipinagkatiwala sa kanya ni Amaleki ang mga sagradong talaan (tingnan sa Omni 1:25).
Outline
Omni 1:1–3 inilarawan ni Omni ang mga panahon ng kapayapaan at digmaan sa pagitan ng mga Nephita at mga Lamanita.
Omni 1:4–11 Sumulat sina Ameron, Chemis, at Abinadom sa maliliit na lamina ni Nephi. Sa panahong ito, ang mga Nephita ay nag-aapostasiya na.
Omni 1:12–30 Itinala ni Amaleki ang mahahalagang pangyayari na naganap sa panahon ng pamamahala nina Haring Mosias at Haring Benjamin. Inanyayahan niya ang lahat ng tao na lumapit kay Cristo.