“Nobyembre 21–27. Jonas; Mikas: ‘Siya’y Nalulugod sa Awa,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Nobyembre 21–27. Jonas; Mikas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Nobyembre 21–27
Jonas; Mikas
“Siya’y Nalulugod sa Awa”
Habang itinatala mo ang iyong mga impresyon, pag-isipan kung paano nauugnay ang mga alituntunin sa Jonas at Mikas sa natututuhan mo sa mga banal na kasulatan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Si Jonas ay sakay ng isang barko papuntang Tarsis. Walang masama sa paglalayag papuntang Tarsis, maliban sa ito ay malayo sa Nineve, kung saan dapat magpunta si Jonas para ihatid ang mensahe ng Diyos. Kaya nang may makasagupang malakas na bagyo ang barko, alam ni Jonas na iyon ay dahil sa kanyang pagsuway. Sa paggigiit ni Jonas, inihagis siya ng mga kasama niyang nakasakay sa barko sa kailaliman ng dagat para patigilin ang bagyo. Tila ito na ang wakas ni Jonas at ng kanyang ministeryo. Ngunit hindi sinukuan ng Panginoon si Jonas—tulad ng hindi Niya sinukuan ang mga mamamayan ng Nineve at tulad ng hindi Niya pagsuko sa sinuman sa atin. Tulad ng itinuro ni Mikas, hindi nalulugod ang Panginoon sa pagsumpa sa atin, kundi “siya’y nalulugod sa awa.” Kapag bumabaling tayo sa Kanya, “Siya’y muling mahahabag sa atin; kanyang tatapakan ang ating kasamaan. Kanyang ihahagis ang lahat nating kasalanan sa mga kalaliman ng dagat” (Mikas 7:18–19).
Para sa maikling paliwanag tungkol sa mga aklat nina Jonas at Mikas, tingnan ang “Jonas” at “Mikas” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Ang Panginoon ay maawain sa lahat ng lumalapit sa Kanya.
Ipinapakita sa aklat ni Jonas, bukod sa iba pang mga bagay, kung gaano kamaawain ang Panginoon kapag tayo ay nagsisisi. Habang binabasa mo ang Jonas, hanapin ang mga halimbawa ng Kanyang awa. Pag-isipang mabuti kung paano mo nadama ang awa na iyon sa iyong buhay. Ano ang natututuhan mo na makatutulong sa iyo na maging mas maawain sa iba?
Ang pagsaksi sa awa ng Panginoon ay madalas na nakagaganyak ng damdamin ng pagmamahal at pasasalamat. Gayunman, si Jonas ay “nagdamdam nang labis” at “nagalit” (Jonas 4:1) nang ang Panginoon ay naawa sa mga mamamayan ng Nineve, na mga kaaway ng Israel. Bakit kaya ganito ang nadama ni Jonas? Nakaranas ka na ba ng ganitong damdamin? Ano sa palagay mo ang sinisikap ng Panginoon na ipaunawa kay Jonas sa kabanata 4?
Pagnilayan ang mga turo sa Mikas 7:18–19. Paano nakatulong kay Jonas ang mga katotohanang ito para mabago ang saloobin niya tungkol sa Panginoon at sa mga mamamayan ng Nineve?
Tingnan din sa Lucas 15:11–32; Jeffrey R. Holland, “Ang Katarungan at Awa ng Diyos,” Liahona, Set. 2013, 20–25.
Kailangang marinig ng lahat ng anak ng Diyos ang ebanghelyo.
Ang Nineve ay bahagi ng imperyo ng Asiria, na kaaway ng Israel na kilala dahil sa karahasan at kalupitan nito. Kay Jonas, tila hindi makatotohanan na ang mga tao sa Nineve ay handang tanggapin ang salita ng Diyos at magsisi. Ngunit, gaya ng itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Hindi tayo ang magpapasiya kung sino ang handa at hindi handa. Alam ng Panginoon ang nasa puso ng lahat ng Kanyang mga anak, at kung mananalangin tayo na bigyan tayo ng inspirasyon, tutulungan Niya tayong makahanap ng mga tao na alam Niya na ‘handa nang pakinggan ang salita’ (Alma 32:6)” (“Pagbabahagi ng Ipinanumbalik na Ebanghelyo,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 58–59). Ano ang natututuhan mo mula sa Jonas 3 na nakagaganyak sa iyo na ibahagi ang ebanghelyo kahit sa mga taong tila hindi handang magbago?
Maaaring makatulong na ikumpara ang ugali ni Jonas (tingnan sa Jonas 1; 3–4) sa damdamin ni Alma at ng mga anak ni Mosias (tingnan sa Mosias 28:1–5; Alma 17:23–25).
Tingnan din sa 3 Nephi 18:32.
Binanggit ni Jesucristo ang mga isinulat ni Mikas.
Alam ng marami na binanggit ng Tagapagligtas si Isaias at ang Mga Awit. Alam mo ba na maraming beses din Niyang binanggit si Mikas? Isipin ang sumusunod na mga halimbawa, at pagnilayan kung bakit naging mahalaga ang mga talatang ito sa Tagapagligtas. Bakit mahalaga ang mga ito sa iyo?
Mikas 4:11–13 (tingnan sa 3 Nephi 20:18–20). Ikinumpara ng Panginoon ang pagtitipon sa mga huling araw sa pag-ani ng trigo (tingnan din sa Alma 26:5–7; Doktrina at mga Tipan 11:3–4). Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng pagkukumparang ito tungkol sa pagtitipon ng Israel?
Mikas 5:8–15 (tingnan sa 3 Nephi 21:12–21). Ano ang iminumungkahi ng mga talatang ito sa iyo tungkol sa mga tao ng Diyos (“ang labi ng Jacob”) sa mga huling araw?
Mikas 7:5–7 (tingnan sa Mateo 10:35–36). Ayon sa mga talatang ito, bakit mahalagang “[tumingin muna] sa Panginoon”? Bakit mahalaga ang payo na ito ngayon?
“Ano ang itinakda ng Panginoon sa iyo?”
Inaanyayahan tayo ng Mikas na isipin kung ano ang pakiramdam ng “[lumapit] sa harapan ng Panginoon, at [yumukod] sa harap ng Diyos sa kaitaasan” (Mikas 6:6). Ano ang iminumungkahi sa iyo ng mga talata 6–8 tungkol sa kung ano ang mahalaga sa Panginoon kapag sinusuri Niya ang iyong buhay?
Tingnan din sa Mateo 7:21–23; 25:31–40; Dale G. Renlund, “Gumawa nang may Katarungan, Umibig sa Kaawaan, at Lumakad na may Kapakumbabaan na Kasama ng Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 109–12.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Jonas 1–4.Maaaring masiyahan ang inyong mga anak sa paggawa ng mga aksiyon na nagkukuwento tungkol kay Jonas, gaya ng pagkukunwaring tumatakas, paggaya sa tunog ng maunos na dagat, o pagkukunwaring nilulon ng malaking isda (tingnan sa “Jonas na Propeta,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Tanungin ang mga kapamilya kung ano ang natututuhan nila mula sa karanasan ni Jonas. Para sa halimbawa ng isang aral mula kay Jonas, tingnan sa talata 7 ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58).
-
Jonas 3.Ano ang natutuhan ni Jonas tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo? Sino ang kilala natin na mapagpapala sa pamamagitan ng pakikinig sa mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo?
-
Mikas 4:1–5.Ayon sa mga talatang ito, ano ang maghahatid ng kapayapaan at kaunlaran sa mga tao ng Panginoon? Ano ang magagawa natin upang matupad ang propesiyang ito sa ating tahanan?
-
Mikas 5:2.Maaari mong idispley ang larawan ni Jesus noong bata pa Siya kasama ang Kanyang ina (tingnan sa Aklat ng Sining ng ebanghelyo, blg. 33) sa isang panig ng silid at ang larawan ng mga Pantas na Lalaki sa kabilang panig. Sama-samang basahin ang Mikas 5:2 at Mateo 2:1–6. Paano nakatulong ang propesiya ni Mikas sa mga Pantas na Lalaki para mahanap si Jesus? Maaaring ilipat ng mga kapamilya ang larawan ng mga Pantas na Lalaki sa tabi ng larawan ni Jesus. Maaari ding masiyahan ang inyong pamilya sa panonood ng video na “The Christ Child: A Nativity Story” (ChurchofJesusChrist.org).
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Tutungo Ako Saanman,” Mga Himno, blg. 171.