Lumang Tipan 2022
Marso 7–13. Genesis 37–41: “Ang Panginoon ay suma kay Jose”


“Marso 7–13. Genesis 37–41: ‘Ang Panginoon ay suma kay Jose,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Marso 7–13. Genesis 37–41,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

si Jose ng Egipto na nasa bilangguan

Paglalarawan kay Jose ng Egipto na nasa bilangguan, ni Jeff Ward

Marso 7–13

Genesis 37–41

“Ang Panginoon ay suma kay Jose”

Anong mga katotohanan mula sa Genesis 37–41 ang kailangang mas maunawaan ng mga bata sa iyong klase? Pagtuunan ng pansin ang mga paramdam na dumarating sa iyo habang naghahanda kang magturo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Bigyan ang mga bata ng ilang minuto para idrowing ang isang bagay na natutuhan nila sa tahanan o sa simbahan tungkol sa ebanghelyo. Hilingin sa mga bata na ibahagi ang kanilang drowing at magsalita tungkol dito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Genesis 37

Kaya kong maging mabait sa aking pamilya.

Naiinggit at hindi mabuti ang pakikitungo ng mga kapatid ni Jose sa kanya. Paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan ang kahalagahan ng pagiging mabait sa ibang tao, lalo na sa mga kapamilya?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sa pagsasalaysay ng kuwento nina Jose at ng kanyang mga kapatid mula sa Genesis 37, maaari mong gamitin ang mga larawan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya o “Si Jose sa Egipto” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Anyayahan ang mga bata na tumulong sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga detalye ng nalalaman nila tungkol sa kuwento. Itanong sa kanila ang gaya ng, “Sa paanong paraan naging hindi mabait ang mga kapatid ni Jose sa kanya?” Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na dapat ay ginawa ng magkakapatid para magpakita ng pagmamahal kay Jose. Ano ang dapat nating gawin kapag nagagalit tayo sa ating mga kapamilya?

  • Ipakita ang larawan ng isang pamilya (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 112), o anyayahan ang mga bata na magdrowing ng larawan ng kanilang pamilya. Hilingin sa kanila na ibahagi kung paano sila magiging mabait na miyembro ng kanilang pamilya.

  • Sama-samang kantahin ang isang awit tungkol sa pagmamahal sa ating pamilya, tulad ng “Isang Masayang Pamilya” (Aklat ng mga Awit Pambata, 104). Ano ang magagawa natin para matulungan ang ating pamilya na maging masaya?

  • Pakulayan sa mga bata ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito, at sa inilaang patlang, magdrowing ng larawan ng mga miyembro ng pamilya na nagpapakita ng kabaitan.

Genesis 37:18–28; 39:20–23

Matutulungan ako ng Diyos kapag nangyayari ang masasamang bagay.

Maraming masasamang bagay ang nangyari kay Jose, ngunit pinili niyang sundin ang mga kautusan at ang Panginoon ay kasama niya. Matututuhan mula rito ng mga bata na nais ng Diyos na tulungan sila sa gitna ng mahihirap na panahon sa kanilang buhay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ilarawan ang ilan sa mahihirap na bagay na nangyari kay Jose (tingnan sa Genesis 37:23–28; 39:20; o sa “Si Jose” at sa “Si Jose sa Egipto,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Matapos ikuwento sa mga bata ang bawat paghihirap na naranasan ni Jose, anyayahan silang ulitin, “Ang Panginoon ay suma kay [o nakasama ni] Jose” (Genesis 39:2).

  • Ipakita ang larawan ng Tagapagligtas na tumutulong sa mga tao na nahaharap sa mga hamon (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 40–43). Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung paano tinulungan ng Tagapagligtas ang mga tao. Ibahagi ang iyong patotoo na matutulungan tayo ng Panginoon kapag may nangyayaring masama sa atin.

  • Kumanta ng isang awit tungkol sa mapagmahal na pagkalinga ng Tagapagligtas para sa atin, tulad ng “Si Jesus ay Mapagmahal na Kaibigan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 37). Magbahagi ng isang karanasan kung saan nadama mo ang pagmamahal ng Diyos sa isang panahong puno ng pagsubok. Magpakita ng larawan ni Jesus, at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nadarama nila para sa Kanya.

Genesis 41:15–36, 47–57

Mabibigyan ako ng babala ng Diyos kapag may panganib.

Tinulungan ng Diyos si Jose na maunawaan na ang mga panaginip ng Faraon ay isang babala para mapaghandaan ang darating na mahihirap na panahon sa hinaharap. Tulungan ang mga bata na maunawaan na mabibigyan sila ng babala ng Diyos kapag may panganib, kabilang na ang espirituwal na panganib.

si Jose sa bilangguan na nagbibigay-kahulugan sa mga panaginip

Joseph Interpreting the Butler and Baker’s Dreams [Binibigyang-Kahulugan ni Jose ang mga Panaginip ng Punong Katiwala at ng Magtitinapay], ni François Gérard

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikalat ang mga larawan ng pagkain sa paligid ng silid, at hilingin sa mga bata na tipunin nila ang mga ito at “ilagay” ang mga ito sa isang lalagyan. Gamitin ang aktibidad na ito para sabihin sa mga bata kung paano binalaan ng Diyos ang Faraon na maghanda para sa isang panahon na magkakaubusan ng pagkain (tingnan sa Genesis 41:15–36, 47–57). Magpadrowing sa mga bata ng mga larawan ng mga bagay na napanaginipan ng Faraon at pagkatapos ay gamitin ang kanilang mga larawan para maturuan ang kanilang pamilya sa bahay.

  • Idispley ang retrato ng kasalukuyang propeta. Sabihin sa mga bata ang tungkol sa mga turo o babala na ibinigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan niya. Ipaliwanag na tayo ay pagpapalain at poprotektahan kapag sinusunod natin ang propeta. Anyayahan ang mga bata na isadula ang mga bagay na magagawa nila para masunod ang payo ng propeta.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Genesis 39:1–3, 20–23; 41:38

Kung ako ay tapat, tutulungan ako ng Diyos sa mahihirap na panahon.

Kahit na maraming mahihirap na pagsubok si Jose, nanatili siyang tapat at “ang Panginoon ay suma[kanya]” (Genesis 39:3). Ang kanyang mga karanasan ay makakatulong sa mga bata na magtiwala na tutulungan sila ng Diyos sa mga panahon ng pagsubok.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na hanapin ang mga salita o parirala sa Genesis 39:1–3, 20–23; 41:38 na nagpapakita na ang Diyos ay kasama ni Jose sa kanyang mga paghihirap. Kung maaari, anyayahan ang mga bata na gumawa ng isang maliit na karatula na nagpapakita ng isa sa mga pariralang nakita nila. Hikayatin silang iuwi ang kanilang mga karatula sa bahay para maipaalaala sa kanila na ang Panginoon ay makakasama nila sa kanilang mga pagsubok.

  • Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano sa palagay nila ang kahulugan ng pariralang “ang Panginoon ay suma kay Jose” (Genesis 39:2). Anyayahan silang magbahagi ng mga karanasan kung saan nadama nila na ang Panginoon ay kasama nila o ng kanilang mga pamilya sa isang mahirap na panahon. Magbahagi ng katulad na mga karanasan sa iyong buhay.

Genesis 37:3–28

Kaya kong maging masaya kapag nangyayari ang mabubuting bagay sa iba.

Inggit ang nagtulak sa mga kapatid ni Jose na gumawa ng mga napakasamang pagpili. Ang kanilang mga maling pagpili ay nakasakit kay Jose at dumurog sa puso ng kanilang ama. Ang kuwentong ito ay makakatulong sa mga bata na piliing maging maligaya kapag ang iba ay pinagpapala ng Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na rebyuhin ang Genesis 37:3–11 at idrowing ang tunika ni Jose at ang kanyang dalawang panaginip. Ano ang nadarama para kay Jose ng kanyang mga kapatid? Paano nila siya dapat pinakitunguhan? Paano sila dapat tumugon sa ibang paraan? Talakayin kung bakit mahalagang maging masaya kapag nangyayari ang mabubuting bagay sa ibang tao.

  • Hilingin sa mga bata na magbahagi ng ilang sitwasyon kung saan maaaring mainggit ang isang tao sa iba. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagpapakita ng pagmamahal sa ibang tao, tulad ng “Mahalin ang Bawat Isa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 74). Bigyang-diin na matutulungan tayo ng Ama sa Langit na palitan ng pagmamahal ang nadarama nating inggit.

Genesis 39:7–12

Sa tulong ng Panginoon, magagawa kong tumakas sa tukso.

Sa pagharap ng mga batang tinuturuan mo sa tukso sa buong buhay nila, maaari silang makakuha ng lakas na umiwas sa tukso mula sa halimbawa ni Jose.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan ni Jose at ng asawa ni Potiphar (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 11), at ibahagi ang kuwento sa Genesis 39:7–12. Paano napaglabanan ni Jose ang tukso? Tulungan ang mga bata na hanapin ang mga salita sa Genesis 39:7–12 na sumasagot sa tanong na ito—halimbawa, nalalaman ni Jose na ang pagsama sa asawa ni Potiphar ay isang “kasalanan laban sa Dios” (talata 9).

  • Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng mga sitwasyon kung saan maaaring matuksong gumawa ng maling pagpili ang mga batang kaedad nila. Hilingin sa kanila na isadula kung paano nila masusunod ang halimbawa ni Jose sa mga sitwasyong ito—halimbawa, ano ang ilang paraan na maaalala natin ang Diyos kapag tayo ay tinutukso?

  • Magpakita ng dalawang magnet, na kumakatawan sa Diyos at kay Satanas, at ng isang maliit na bagay na metal tulad ng paper clip, na kumakatawan sa atin. Gamitin ang mga magnet para maipakita na kapag mas malapit tayo sa Diyos, mas malakas ang Kanyang impluwensya sa atin, at totoo rin ito kapag lumalapit tayo kay Satanas. Ano ang magagawa natin para mapalapit tayo sa Diyos? Paano tayo matutulungan ng Espiritu Santo?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga paraan para kumpletuhin ang sumusunod na pangungusap: “Matutularan ko si Jose sa pamamagitan ng .” Hilingin sa kanila na ibahagi sa kanilang pamilya kung paano nila kinumpleto ang pangungusap.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Mag-anyayang magbahagi. Habang tinatalakay mo ang mga alituntunin ng ebanghelyo, hilingin sa mga bata na ibahagi ang kanilang mga iniisip, nadarama, at karanasan. Matutuklasan mo na sila ay may maraming makabuluhang ideya.