Lumang Tipan 2022
Abril 4–10. Exodo 14–17: “Magpakatatag Kayo, at Masdan Ninyo ang Pagliligtas ng Panginoon”


“Abril 4–10. Exodo 14–17: ‘Magpakatatag Kayo, at Masdan Ninyo ang Pagliligtas ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Abril 4–10. Exodo 14–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

Dagat na Pula

Ang Dagat na Pula

Abril 4–10

Exodo 14–17

“Magpakatatag Kayo, at Masdan Ninyo ang Pagliligtas ng Panginoon”

Habang binabasa mo ang Exodo 14–17, itala ang mga espirituwal na impresyong natatanggap mo. Ang mga impresyong ito ay makakatulong sa iyo na magplanong ituro sa mga bata ang mga katotohanang natutuhan mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang Exodo 14–17 ay puno ng mga di-malilimutang kuwento. Anyayahan ang ilan sa mga bata na magbahagi ng isang kuwento na nalalaman nila mula sa mga kabanatang ito, kabilang ang isang bagay na natutuhan nila mula rito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Exodo 14:5–22

Iniligtas ng Panginoon si Moises at ang kanyang mga tao.

Ang paghahati ng Dagat na Pula ay isang himala na nagpakita kay Moises at sa mga Israelita kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng Panginoon. Ang kaalaman tungkol sa Kanyang kapangyarihan ay makakatulong sa mga bata na magtiwala sa Kanya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Mag-isip ng mga paraan para maibahagi ang kuwento ng pagtawid ng mga Israelita sa Dagat na Pula sa isang kawili-wili at di-malilimutang paraan. Halimbawa, ikaw o ang isa pang miyembro ng ward ay maaaring magbihis na katulad ni Moises para isalaysay ang kuwento mula sa Exodo 14:5, 9–10, 13–16, 19–22. Ang mga bata ay maaaring magkunwari na ang mga silya ay ang Dagat na Pula, at maaari nilang sundan ang taong gumaganap bilang Moises habang ginagawa niya ang isang landas sa pagitan ng mga silya. O ang mga bata ay maaaring magkunwaring sila ay tubig at sila ay maghihiwalay sa dalawang panig ng silid habang hinahati sila ni Moises. Bigyang-diin na binigyan ng Panginoon si Moises ng kapangyarihang hatiin ang dagat para mapalaya ang mga Israelita mula sa pagkabihag.

  • Anyayahan ang mga bata na kulayan ang mga pahina ng aktibidad habang nirerebyu mo sa kanila ang kuwento mula sa Exodo 14:5–22. Pagkatapos ay maaari silang magtulungan para isalaysay ang kuwento gamit ang mga pahina ng aktibidad.

Exodo 15:23–25; 16:14–15; 17:1–6

Tutustusan ng Panginoon ang aking mga pangangailangan.

Ang mga kuwento ng pagbibigay ng Panginoon ng pagkain at tubig sa mga Israelita sa ilang ay nagtuturo sa atin na kayang tustusan ng Panginoon ang ating mga pangangailangan. Pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa mo para makilahok ang mga bata sa pag-aaral ng mga kuwentong ito.

babaeng nangongolekta ng manna

Ang manna mula sa Diyos ay bumusog sa pisikal na katawan ng Israel; kailangan din natin araw-araw ng espirituwal na pagkain. Fresco ni Leopold Bruckner

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na isadula ang mga pangyayari sa Exodo 15:23–25; 16:14–15; 17:1–6, na nagkukunwaring sila si Moises o ang mga Israelita. Kung maaari, magdala ng isang bagay na makakatulong sa pagsasalaysay ng bawat kuwento, tulad ng isang sanga (para pagalingin ang tubig sa Mara), isang garapon o palayok (na pupunuin ng manna), at isang patpat at bato (para sa tubig sa Horeb). Paano inalagaan ng Diyos ang mga Israelita? Paano Niya tayo inaalagaan sa bawat araw?

  • Ibahagi nang maikli ang kuwento sa Exodo 15:23–25; 16:14–15; 17:1–6 (tingnan din sa “Ang mga Israelita sa Ilang,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Habang nagbabahagi ka, anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng bawat kuwento. Ano ang natututuhan natin tungkol sa Diyos mula sa mga talatang ito?

Exodo 17:8–16

Kaya kong suportahan ang ating propeta.

Ang kuwento tungkol sa pagtataas nina Aaron at Hur ng mga kamay ng propetang si Moises ay maihahambing sa ating pagsisikap na suportahan ang ating buhay na propeta.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang tatlong bata na tumayo sa harapan ng silid para kumatawan kina Moises, Aaron, at Hur habang isinasalaysay mo ang kuwento mula sa Exodo 17:8–16. Ano ang magagawa natin ngayon para matulungan ang ating propeta, tulad ng pagtulong nina Aaron at Hur sa propetang si Moises?

  • Magdispley ng larawan ng buhay na propeta, at itanong sa mga bata kung sino siya. Tulungan ang mga bata na maalaala ang ilan sa mga bagay na itinuro sa atin ng propeta kamakailan. Hilingin sa mga bata na ibahagi ang ilan sa mga paraan na sinusunod nila ang propeta. Sama-samang kantahin ang ilang talata ng “Propeta’y Sundin,” pati na ang huling talata (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59).

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Exodo 14:5–22

Mapag-aaralan kong sundin palagi ang Espiritu.

Nalaman ni Moises sa pamamagitan ng paghahayag kung paano pamunuan ang mga Israelita patawid sa Dagat na Pula (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2–3). Paano makakatulong ang kuwentong ito sa mga batang tinuturuan mo na matutuhang kumilos ayon sa personal na paghahayag?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan ni Moises nang hatiin niya ang Dagat na Pula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Hilingin sa mga bata na rebyuhin ang Exodo 14:5–22 at ibahagi ang isang bagay na nalalaman nila tungkol sa kuwento. Ano ang idinaragdag ng Doktrina at mga Tipan 8:2–3 sa pagkaunawa natin sa kuwento? Ikuwento ang isang karanasan nang may sinabi sa iyo ang Espiritu Santo sa iyong isipan o puso, at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

  • Ipaalala sa mga bata ang kuwento ng pagsunod ni Nephi sa Espiritu nang humayo siya para kunin ang mga laminang tanso (tingnan sa 1 Nephi 4:1–6). Tulungan ang mga bata na makita na kailangan ding sundin ni Moises ang Espiritu nang pamunuan niya ang kanyang mga tao patawid ng Dagat na Pula. Tulungan ang mga bata na sumulat ng isang bagong talata ng “Ang Katapangan ni Nephi” (Aklat ng mga Awit Pambata, 64–65) na tungkol sa paglalaan ng Panginoon kay Moises ng paraan nang siya ay nagpakita ng tapang at sumunod sa Espiritu. Sama-samang awitin ang bagong talata.

Exodo 15:23–25; 16:14–15; 17:1–6

Tutustusan ng Panginoon ang aking mga pangangailangan.

Kung babaling tayo kay Jesucristo, matutulungan Niya tayo sa mahihirap na panahon ng ating buhay, tulad ng pagtulong niya sa mga anak ni Israel.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hatiin ang klase sa maliliit na grupo, at atasan ang bawat grupo na basahin ang isa sa mga sumusunod na sipi: Exodo 15:23–25; 16:14–15; 17:1–6. Hilingin sa mga bata sa bawat grupo na gumuhit ng mga larawan na kakatawan sa nabasa nila sa mga talatang ito, at pagkatapos ay hilingin sa iba pang mga bata sa klase na hulaan ang idinrowing nila. Tulungan ang mga bata na tukuyin kung ano ang itinuturo ng mga kuwentong ito tungkol kay Jesucristo. Ano ang mga pagsubok sa mga tao ngayon? Paano tayo tinutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa ating mga pagsubok?

  • Habang nirerebyu ninyo ang mga kuwentong ito, itanong sa mga bata kung bakit napakahalaga ng tinapay at tubig sa mga anak ni Israel. Ano kaya ang maaaring mangyari kung nawalan sila ng mga bagay na ito? Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang tinapay at tubig ng sakramento ay kailangan natin sa aspetong espirituwal (tingnan sa Juan 4:13–14; 6:35, 48–51). Maaari mong hilingin sa mga bata na ibahagi ang nararamdaman nila tungkol sa sakramento.

Exodo 17:8–16

Tayo ay pinagpapala kapag sinasang-ayunan natin ang mga lider natin sa Simbahan.

Ang mga anak ni Israel ay nagwagi lamang sa digmaan laban kay Amalec nang itaas ni Moises ang kanyang mga kamay. Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagsuporta sa ating mga lider mula sa kuwentong ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Para matulungan ang mga bata na rebyuhin ang kuwento sa Exodo 17:8–16, isulat sa pisara: Sino ang tumulong kay Moises habang nagaganap ang digmaan? Ano ang ginawa nila? Ano ang naging resulta? Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga sagot sa mga talatang ito. Ano ang itinuturo ng kuwentong ito tungkol sa mga paraan na makakatulong tayo na gawing matagumpay ang kaharian ng Diyos? Ano ang maaari nating gawin para suportahan, sang-ayunan, at sundin ang mga lider ng ating Simbahan?

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang Exodo 17:8–16 at idrowing ang nabasa nila. Hikayatin sila na isulat sa kanilang drowing ang isang mensaheng natutuhan nila mula sa kuwento. Bakit isang mahalagang mensahe ito para sa atin ngayon?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na pumili ng isa sa mga kuwento na tinalakay ninyo ngayon. Tulungan silang mag-isip ng isang bagay na magagawa nila sa susunod na linggo para maipamuhay ang itinuturo sa kuwentong iyon.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gustung-gusto ng mga bata ang mga kuwento. Mas mauunawaan ng mga bata ang mga alituntunin ng ebanghelyo kapag nakikita nila ang mga ito sa buhay ng mga totoong tao. Habang ibinabahagi mo ang mga kuwento sa mga banal na kasulatan, maaari mong ibahagi ang mga karanasan mo sa buhay na nagtuturo ng mga alituntunin ring iyon. Maaari mo ring anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga karanasan.