Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Nobyembre 16–22. Eter 6–11: “Upang ang Kasamaan ay Mawakasan”


“Nobyembre 16–22. Eter 6–11: ‘Upang ang Kasamaan ay Mawakasan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Nobyembre 16–22. Eter 6–11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

mga gabara ng mga Jaredita sa dagat

Muli Ko Kayong Ilalabas Mula sa Kailaliman, ni Jonathan Arthur Clarke

Nobyembre 16–22

Eter 6–11

“Upang ang Kasamaan ay Mawakasan”

Tandaan na ang mga talaang nasa Aklat ni Mormon ay isinulat para sa ating panahon. Habang naghahanda kang magturo, hanapin sa mga salaysay na ito sa banal na kasulatan ang mga alituntuning maaaring magpalakas sa mga miyembro ng klase na harapin ang mga hamon sa kanilang buhay.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para matulungan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na nakita nilang makabuluhan sa Eter 6–11, maaari mo silang anyayahang isipin na kunwari’y ginagawan ng pelikula ang mga kabanatang ito; anong parirala mula sa Eter 6–11 ang imumungkahi nila bilang pamagat? Bigyan sila ng oras na pag-isipan ito, at anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga pamagat at ipaliwanag kung bakit iyon ang pinili nila.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Eter 6:1–12

Gagabayan tayo ng Panginoon sa ating paglalakbay sa buhay.

  • Iminumungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na ikumpara ang paglalakbay ng mga Jaredita patawid ng dagat sa ating paglalakbay sa mortalidad. Hilingin sa mga miyembro ng klase na sinubukan ang aktibidad na ito sa bahay na ibahagi ang mga kabatirang natamo nila mula sa analohiyang ito. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na gumawa ng iba pang mga pagkukumpara sa klase, anyayahan silang tingnan sa Eter 6:1–12 ang mga detalye tungkol sa paglalakbay na maaaring may simbolikong kahulugan (tulad ng kumikinang na mga bato, mga gabara, at hangin) at ilista ang mga ito sa pisara. Pagkatapos ay maaaring mag-ukol ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para pag-aralan ang mga talata nang magkakapares o sa maliliit na grupo at talakayin kung ano ang maaaring isagisag ng mga simbolong ito sa ating buhay. Halimbawa, ano ang ating “lupang pangako”? (talata 8). Paano tayo ginagabayan ng Diyos sa ating paglalakbay?

  • Maaari mong gamitin ang Eter 6:1–12 para makahikayat ng isang talakayan tungkol sa kung paano tayo tinutulungan ng pagbaling sa Diyos na lumago mula sa ating mga pagsubok. Halimbawa, ang sipi sa “Karagdagang Resources” ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na ikumpara ang “malakas na hangin” na binanggit sa mga talata 5–8 sa mga paghihirap sa buhay. Ano ang ginawa ng mga Jaredita noong sila ay “napalilibutan … ng maraming tubig”? (talata 7). Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasan kung kailan nakatulong ang kanilang mga paghihirap para sila lumago. Paano nakatulong sa kanila ang paraan ng pagtugon nila sa kanilang mga pagsubok na makausad patungo sa kanilang “lupang pangako”? Paano sila tinulungan ng Panginoon na malagpasan ang kanilang mga pakikibaka? Hikayatin silang sumangguni sa mga salita at parirala mula sa Eter 6 habang ibinabahagi nila ang kanilang mga karanasan at iniisip.

    naglalakbay ang mga Jaredita na may kasamang mga hayop

    Paglalakbay ng mga Jaredita sa Buong Asia, ni Minerva Teichert

Eter 6:7–18, 30; 9:28–35; 10:1–2

Pinagpapala tayo ng Panginoon kapag mapagpakumbaba tayo.

  • Bagama’t halos buong kuwento ng mga Jaredita ay naglalarawan ng masasamang bunga ng kapalaluan at kasamaan, kabilang din dito ang mga panahon ng pagpapakumbaba at kasaganaan na maaari nating kapulutan ng aral. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa magagandang halimbawang ito, maaari mong hatiin ang klase sa dalawang grupo at ipabasa sa isang grupo ang Eter 6:7–18 at 30 samantalang babasahin naman ng kabilang grupo ang Eter 9:28–35 at 10:1–2. Hilingin sa kanila na hanapin sa mga talatang ito ang katibayan na ang mga Jaredita ay nagpakumbaba—o napakumbaba ng kanilang sitwasyon—at kung paano sila pinagpala ng Panginoon dahil dito. Kapag nabigyan na ng sapat na oras ang mga miyembro ng klase, anyayahan ang mga miyembro mula sa bawat grupo na ibahagi ang natutuhan nila. Paano tayo natutulungan ng pagpapakumbaba na mas mapalapit sa Diyos? Ang pagkanta o pakikinig sa isang himno tungkol sa pagpapakumbaba, tulad ng “Kailangan Ko Kayo” (Mga Himno, blg. 54), ay maaaring makaragdag sa aktibidad na ito.

Eter 7–11

Ginagabayan ng matwid na mga pinuno ang mga tao patungo sa Diyos.

  • Kahit ang mga hindi pa nakahawak ng pormal na katungkulan sa pamumuno ay maaaring matuto mula sa mga halimbawa ng mga matwid at masamang haring Jaredita; ang mga salaysay na ito ay matutulungan tayong maging mas mahuhusay na pinuno sa ating tahanan, sa ating komunidad, at sa simbahan. Maaari mo sigurong simulan ang isang talakayan tungkol sa paksang ito sa paghiling sa mga miyembro ng klase na mag-isip ng isang tao na itinuturing nilang mahusay na pinuno. Anyayahan silang ibahagi nang maikli ang ilan sa mga katangian ng taong iyon, at gumawa ng listahan sa pisara. Pagkatapos ay maaari mong atasan ang bawat miyembro ng klase na mag-aral tungkol sa isa sa mga Jaredita sa Eter 7–11. (Matatagpuan ang isang listahan ng mga hari, na may mga reperensya sa banal na kasulatan na naglalarawan sa kanilang panunungkulan, sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.) Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang natutuhan nila mula sa mga haring ito tungkol sa pamumuno, na idinaragdag sa listahang nasa pisara ang iba pang mga katangiang nakita nila. Ang iba pang mga katangian ng mahusay na pamumuno ay nakalista sa “Karagdagang Resources.” Paano tayo magkakaroon ng mga katangiang ito at magiging mga pinuno, kahit wala tayong partikular na tungkulin sa pamumuno?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para mapukaw ang interes ng mga miyembro ng klase sa pagbabasa ng Eter 12–15, maaari mong banggitin na sa mga kabanatang ito ay ipinahayag ni Moroni sa Panginoon ang ilan sa mga kawalan niya ng kapanatagan tungkol sa talaang itinatago niya. Makakatulong sa atin ang tugon ng Panginoon kapag mayroon tayong gayon ding damdamin ng kakulangan.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Ang ating mga pagsubok ay inihahanda tayong tumanggap ng buhay na walang hanggan.

Nang magsalita siya sa isang pangkalahatang kumperensya noong mahihirap na taon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sinabi ni Elder Charles A. Callis ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sinabihan tayo na nang humayo ang mga Jaredita sakay ng kanilang mga gabara patungo sa lupang pangakong ito, nagkaroon ng matindi at nakakatakot na mga bagyo. Umihip ang hangin at nanganib sila sa delikadong paglalakbay na iyon. Inalalayan sila ng Diyos. At mababasa natin na kahit nagpatuloy ang malalakas na hangin at bagyo, na nagsanhi ng pagkawasak, patuloy na umihip ang hangin patungo sa Lupang Pangako. At ang dinaranas nating mga paghihirap na ito, ang nakakatakot na mga digmaang ito at lahat ng kakila-kilabot na bagay na nangyayari, ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos. Mapipigil Niya ang mga ito kung gusto Niya, kapag natupad na ang Kanyang mga banal na layunin. Ngunit huwag nating kalimutan na sa pagdaan sa dagat-dagatang ito ng problema, ang ating mga paghihirap, ang mga karanasang pinagdaraanan natin at gagamitin ng Diyos para sa ating ikabubuti, kung susundin natin Siya—lahat ng ito ay hinihipan tayo patungo sa ligtas na lugar, sa isang maluwalhating kinabukasan, sa buhay na walang hanggan” (sa Conference Report, Abr. 1943, 62).

Mga katangian ng matwid na mga pinuno.

“Sa kaharian ng Diyos, ang kadakilaan at pamumuno ay nangangahulugan ng pagtingin sa iba kung sino sila talaga—gaya ng pagtingin ng Diyos sa kanila—at pagtulong at paglilingkod sa kanila. Ibig sabihin nito ay magalak na kasama ng mga taong maligaya, lumuhang kasama ng nagdadalamhati, pasiglahin ang mga nababalisa, at mahalin ang ating kapwa gaya ng pagmamahal sa atin ni Cristo. …

“… Ang pamumuno sa Simbahan ay hindi lahat tungkol sa paggabay sa iba kundi tungkol din ito sa ating kahandaang gabayan ng Diyos” (Dieter F. Uchtdorf, “Ang Pinakadakila sa Inyo,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 79–80).

“Mabubuting tao lamang ang may kakayahang magpasigla at maghikayat sa isa’t isa sa higit na paglilingkod, tagumpay, at kalakasan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 286).

“Itinuturo ng mundo na kailangang maging makapangyarihan ang mga pinuno; itinuturo ng Panginoon na kailangan ay mapagpakumbaba sila. Ang mga makamundong pinuno ay nagtatamo ng kapangyarihan at impluwensya sa pamamagitan ng kanilang talento, kasanayan, at yaman. Ang mga pinunong katulad ni Cristo ay nagtatamo ng kapangyarihan at impluwensya ‘sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig’ [D at T 121:41]” (Stephen W. Owen, “Ang Pinakadakilang mga Pinuno ay ang Pinakadakilang mga Alagad,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 75).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maghikayat ng isang kapaligirang may paggalang. Nadarama mo ba na lahat ng nasa klase ay komportable sa pagpapahayag ng kanilang mga iniisip at nadarama? “Ipaunawa sa mga miyembro ng klase mo na naaapektuhan ng bawat isa sa kanila ang nadarama ng klase. Hikayatin sila na tulungan kang magtaguyod ng tapat, mapagmahal, at magalang na kapaligiran upang madama ng lahat na ligtas nilang maibabahagi ang kanilang mga karanasan, tanong, at patotoo” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 15).