Pag-aaral ng Ingles
Apendise: Glossary ng mga Alituntunin ng Pagkatuto


“Apendise: Glossary ng mga Alituntunin ng Pagkatuto,” EnglishConnect 1 para sa mga Mag-aaral (2022)

“Glossary,” EnglishConnect 1 para sa mga Mag-aaral

Appendix

Principles of Learning Glossary

Glossary ng mga Alituntunin ng Pagkatuto

Agency

Kalayaan: Bilang mga anak ng Diyos, mayroon tayong kalayaan, o kapangyarihan, na gumawa ng sarili nating mga desisyon. Maaari tayong magpasiya kung ano ang ating paniniwalaan, gagawin, at kahihinatnan.

“Ang kalayaan ay ang kakayahan at pribilehiyong ibinibigay ng Diyos sa atin na pumili at kumilos para sa ating mga sarili” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Kalayaang Pumili at Pananagutan,” ChurchofJesusChrist.org).

“Dahil mahal Niya kayo, binigyan kayo ng Diyos ng kalayaan, o kalayaang gumawa ng mga desisyon. Ang inyong kalayaan ay binibigyan kayo ng kakayahang gumawa ng mabubuting pagpili na humahantong sa kaligayahan; pinananagot din kayo nito para sa masasamang pagpili, na humahantong sa kalungkutan nang agaran o kalaunan. Hindi makikialam ang Diyos sa inyong mga pagpili; tutulutan Niya kayong magdesisyon para sa inyong sarili at matuto mula sa mga resulta nito. Subalit nag-aalok Siya ng tulong sa huli na madaig ang mga pagkakamali at kasalanan—ang nakapagliligtas na kapangyarihan ni Jesucristo. Gaano man kasama ang inyong sitwasyon o gaano man karaming maling pagpili ang inyong nagawa, maaari ninyong piliin palagi na magbago at makasumpong ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo” (“God Is There for You,” ComeuntoChrist.org).

Agent

Kinatawan: Ang kinatawan ay isang tao na may kakayahan o kapangyarihang kumilos para sa kanyang sarili. Bilang mga anak ng Diyos, tayo ay mga kinatawan; mayroon tayong kalayaan, o kapangyarihan, na gumawa ng sarili nating mga desisyon. Maaari tayong magpasiya kung ano ang ating paniniwalaan, gagawin, at kahihinatnan.

Bible

Biblia: “Ang Biblia ay isang sagradong aklat na naglalaman ng salita ng Diyos. Sa lahat ng pahina nito, itinuturo sa Banal na Biblia na hindi tumitigil ang Diyos na mahalin ang Kanyang mga anak kailanman. …Ang pagsunod sa mga aral na matatagpuan sa Biblia ay makakatulong sa atin na makilala kung sino ang Diyos … at mas maunawaan kung paano Niya tayo gustong mamuhay. …”

“Si Jesucristo ang Anak ng Diyos na pumarito sa lupa upang iligtas tayo mula sa kasalanan, kalungkutan, kalumbayan, sakit, at iba pa. Nagturo ng magagandang aral si Jesus tungkol sa paglilingkod at pagmamahal at nagsagawa ng maraming himala noong narito Siya sa lupa. Sa Biblia, mababasa natin ang mga kuwentong ito at unti-unti nating malalaman kung paano natin madaraig ang mahihirap na bagay sa tulong ni Jesus” (“What Is the Holy Bible?,” ComeuntoChrist.org).

Book of Mormon

Aklat ni Mormon: “Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng mga sagradong sulat mula sa mga alagad ni Jesus. Kung nakipag-usap ang Diyos kina Moises at Noe sa Biblia, nakipag-usap din Siya sa mga tao sa mga lupain ng Amerika. Isinulat ng mga taong ito, na tinatawag na mga propeta, ang salita ng Diyos. Ang kanilang mga isinulat kalaunan ay tinipon sa isang aklat ng isang propetang nagngangalang Mormon. …

“Ang Aklat ni Mormon ay katibayan na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak at nakikibahagi Siya sa kanilang buhay. Nagsisilbi itong patotoo sa mga katotohanan sa Biblia at sa kabanalan at mga turo ni Jesucristo” (“What Is the Book of Mormon?,” ComeuntoChrist.org).

Doctrine and Covenants

Doktrina at mga Tipan: “Ang Doktrina at mga Tipan ay isang aklat ng banal na kasulatan na naglalaman ng mga paghahayag mula sa Panginoon kay Propetang Joseph Smith at sa ilang iba pang mga propeta sa mga huling araw. Kakaiba ang banal na kasulatang ito dahil hindi ito pagsasalin ng mga sinaunang dokumento.

“Ang Doktrina at mga Tipan ay isa sa apat na aklat ng banal na kasulatan na ginagamit sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (ang tatlo pa ay ang Biblia, ang Aklat ni Mormon, at ang Mahalagang Perlas)” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Doktrina at mga Tipan,” ChurchofJesusChrist.org).

Faith

Pananampalataya: “Ang pananampalataya ay alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan. Sa tuwing nagsisikap tayo na maabot ang isang matwid na mithiin, nagpapakita tayo ng pananampalataya. Ipinapakita natin ang ating pag-asa para sa isang bagay na hindi pa natin nakikita. …

“Ang ibig sabihin ng magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ay lubos na umasa sa Kanya—magtiwala sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, katalinuhan, at pagmamahal. Kasama rito ang paniniwala sa Kanyang mga turo. Ibig sabihin nito ay pananalig na kahit hindi natin nauunawaan ang lahat ng bagay, nauunawaan Niya ang mga iyon. Dahil naranasan Niya ang lahat ng ating pasakit, paghihirap, at sakit, alam Niya kung paano tayo tutulungan na makayanan ang ating mga problema sa araw-araw. … (tingnan sa Alma 7:11–12; Doktrina at mga Tipan 122:8).”

“Ang pananampalataya ay hindi lamang pananalig na walang ginagawa. Ipinapakita natin ang ating pananampalataya sa gawa—sa paraan ng ating pamumuhay. …”

“Ang pananampalataya ay kaloob mula sa Diyos, ngunit kailangan nating alagaan ang ating pananampalataya upang mapanatili itong malakas. Ang pananampalataya ay tulad ng kalamnan. Kung may ehersisyo, lalakas ito. Kung hindi ito gagamitin, manghihina ito” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pananampalataya kay Jesucristo,” ChurchofJesusChrist.org).

God/Heavenly Father

Diyos/Ama sa Langit: “Ang Diyos Ama ang Kataas-taasang Nilalang na pinaniniwalaan, sinasamba, at dinadasalan natin. Siya ang pinakadakilang Tagapaglikha, Pinuno, at Tagapangalaga ng lahat ng bagay. Siya ay perpekto, nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan, at nakaaalam ng lahat ng bagay” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Diyos Ama,” ChurchofJesusChrist.org).

“Ang Diyos ay ang ating mapagmahal na Ama sa Langit. … Siya ang ama ng [ating] espiritu. … Mahal ng [Ama sa Langit] ang lahat ng Kanyang mga anak, pati na kayo. … Nais Niyang magkaroon ng kaugnayan sa inyo” (“God’s Love,” ComeuntoChrist.org).

Sa mga banal na kasulatan, ang salitang Diyos ay madalas gamitin para tumukoy sa Ama sa Langit o kay Jesucristo dahil nagkakaisa sila sa layunin. Nagdarasal tayo sa ating Ama sa Langit.

Holy Spirit

Banal na Espiritu: “Ang Banal na Espiritu, o Espiritu Santo, ay isang saksi sa Diyos at kay Jesucristo. … Ang Banal na Espiritu ay nagbibigay sa atin ng kapanatagan, tinutulungan tayong makilala ang katotohanan, at nagpapatotoo kay Jesus. … Ang isa sa mga paraan na nangungusap ang Diyos sa atin ay sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang Banal na Espiritu ay nangungusap sa ating isipan at sa ating puso sa pamamagitan ng mga ideya at damdamin” (“The Holy Spirit,” ComeuntoChrist.org).

Jesus Christ

Jesucristo: “Si Jesus ang Tagapagligtas ng sanlibutan at ating sakdal na halimbawa. Kapag sinusunod natin Siya, nakasusumpong tayo ng higit na kapayapaan at kagalakan sa buhay. …”

“Si Jesus ang Anak ng Diyos. Isinugo ng ating Ama sa Langit ang Kanyang Anak na si Jesucristo para pasanin ang mga kasalanan ng lahat ng mabubuhay sa lupa upang tayo ay mapatawad. …”

“Si Jesus ay namuhay ng perpektong buhay para ipakita sa atin ang daan pabalik sa ating Ama sa Langit. …”

“Si Jesus ay nagdusa at namatay para sa ating mga kasalanan. Ang misyon ni Jesus sa pagparito sa lupa ay para iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Handa Siyang magdusa at isakripisyo ang Kanyang sarili para pagbayaran ang ating mga pagkakamali upang makapagsisi tayo at mapatawad. …”

“Si Jesus ay nabuhay na mag-uli upang lahat tayo ay mabuhay na muli. Tatlong araw pagkamatay Niya, bumangon si Jesus mula sa libingan at nagpakita sa marami sa Kanyang mga kaibigan at alagad. Siya ang unang nabuhay na mag-uli, ibig sabihin ay muling sumanib ang Kanyang espiritu sa Kanyang naging perpektong pisikal na katawan pagkatapos mamatay. Dahil nagapi ni Jesus ang kamatayan, lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli balang-araw” (“Following Jesus Christ, Our Perfect Example,” ComeuntoChrist.org).

Prayer

Panalangin: Ang panalangin ay “isang mapitagang komunikasyon sa Diyos kung kailan nagpapasalamat at humihiling ng mga pagpapala ang isang tao. Ipinararating ang mga panalangin sa ating Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Panalangin,” ChurchofJesusChrist.org).

“Ang Diyos ay ang iyong mapagmahal na Ama sa Langit, at nais Niyang makarinig mula sa iyo” (“How to Pray,” ComeuntoChrist.org).

Prophet

Propeta: “Ang propeta ay isang taong tinawag ng Diyos upang magbigay ng patnubay sa buong mundo. Mula kina Abraham at Moises hanggang sa mga buhay na propeta ngayon, sumusunod ang Diyos sa isang pattern ng paggabay sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga propeta” (“God Speaks to Us through Prophets,” ComeuntoChrist.org).

Savior

Tagapagligtas: “Isang nagliligtas. … Ang ‘Tagapagligtas’ ay isang pangalan at titulo ni Jesucristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tagapagligtas,” ChurchofJesusChrist.org).

Si Jesucristo ay ating Tagapagligtas dahil nagbuwis Siya ng Kanyang buhay at nabuhay na mag-uli upang madaig natin ang mga epekto ng kasalanan at kamatayan at makapiling nating muli ang Diyos.

“Si Jesus ay nagdusa at namatay para sa ating mga kasalanan. Ang misyon ni Jesus sa pagparito sa lupa ay para iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Handa Siyang magdusa at isakripisyo ang Kanyang sarili para pagbayaran ang ating mga pagkakamali upang makapagsisi tayo at mapatawad. …”

“Si Jesus ay nabuhay na mag-uli upang lahat tayo ay mabuhay na muli. Tatlong araw pagkamatay Niya, bumangon si Jesus mula sa libingan at nagpakita sa marami sa Kanyang mga kaibigan at alagad. Siya ang unang nabuhay na mag-uli, ibig sabihin ay muling sumanib ang Kanyang espiritu sa Kanyang naging perpektong pisikal na katawan pagkatapos mamatay. Dahil nagapi ni Jesus ang kamatayan, lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli balang-araw” (“Following Jesus Christ, Our Perfect Example,” ComeuntoChrist.org).

Scripture

Banal na Kasulatan: “Kapag nagsusulat o nagsasalita ang mga banal na kalalakihan ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kanilang mga salita ang ‘magiging mga banal na kasulatan, ang magiging kalooban ng Panginoon, ang magiging kaisipan ng Panginoon, ang magiging salita ng Panginoon, ang magiging tinig ng Panginoon, at ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan’ (Doktrina at mga Tipan 68:4). …

“Ang pangunahing layunin ng mga banal na kasulatan ay para patotohanan si Cristo at gabayan ang mga anak ng Diyos upang sila ay makalapit sa Kanya at makatanggap ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Juan 5:39; 20:31; 1 Nephi 6:4; Mosias 13:33–35)” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Scriptures,” ChurchofJesusChrist.org).