“12. Primary,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2024).
“12. Primary,” Pangkalahatang Hanbuk.
12.
Primary
12.1
Layunin at Organisasyon
Ang organisasyon ng Primary ay tumutulong sa mga anak ng Diyos na maghandang bumalik sa Kanyang piling. Kapag tinanggap nila ang ebanghelyo ni Jesucristo, sila ay magiging “matatag at hindi natitinag, laging nananagana sa mabubuting gawa” (Mosias 5:15).
12.1.1
Mga Layunin
Tinutulungan ng Primary ang mga bata na:
-
Madama ang pagmamahal ng kanilang Ama sa Langit at matutuhan ang tungkol sa Kanyang plano ng kaligayahan.
-
Matutuhan ang tungkol kay Jesucristo at ang Kanyang papel sa plano ng Ama sa Langit.
-
Matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Madama, matukoy, at masunod ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo.
-
Maghandang gumawa at tumupad ng sagradong mga tipan.
-
Makibahagi sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos.
12.1.2
Tema ng Primary
Ang tema ng Primary ay isang paalala sa mga pagpapalang hatid ng paglilingkod sa Primary:
“At lahat ng iyong mga anak ay tuturuan ng Panginoon; at malaki ang magiging kapayapaan ng iyong mga anak” (Isaias 54:13; 3 Nephi 22:13).
12.1.3
Nursery
Tinutulungan ng nursery ang mga batang edad 18 buwan hanggang 3 taong gulang na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at matutuhan ang tungkol sa Kanyang plano ng kaligayahan.
Minamahal, tinuturuan, at pinaglilingkuran ng mga nursery leader ang mga bata. Tinitiyak din ng mga nursery leader ang kaligtasan at kapakanan ng mga bata.
Dapat ay tumawag ng hindi bababa sa dalawang tao para sa bawat klase sa nursery. Kung ang mga nursery leader ay hindi mag-asawa, dapat ay magkapareho sila ng kasarian.
Ang nursery ay tumatagal sa buong oras na naka-iskedyul para sa Primary. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang 12.1.4 at 12.3.5.
12.1.4
Mga Klase
Ang mga klase sa Primary ay tumutulong sa mga bata na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at matutuhan ang tungkol sa Kanyang plano ng kaligayahan. Ang mga lesson ay sumusunod sa kurikulum ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Sa ikalimang Linggo, hinihikayat ang mga guro na gamitin ang “Apendise B: Para sa Primary—Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos.”
Ang mga klase sa Primary ay inoorganisa ayon sa edad at sa bilang ng mga guro. Ang mga unit na may mas kakaunting bata o guro ay maaaring pagsamahin ang dalawa o higit pang age-group sa iisang klase. Sa mga mas malalaking unit, ang mga Primary leader ay maaaring bumuo ng mahigit sa isang klase para sa isang age-group at mahigit sa isang nursery.
Kapag may sapat na bilang ng mga bata, sila ay hahatiin sa mga klase batay sa kanilang edad noong Disyembre 31 ng nakaraang taon, tulad ng makikita sa susunod na chart:
Edad noong Disyembre 31 ng Nakaraang Taon |
Klase sa Enero 1 |
---|---|
Edad noong Disyembre 31 ng Nakaraang Taon 2 | Klase sa Enero 1 Nursery (ang mga bata ay dumadalo sa nursery sa edad na 18 buwan) |
Edad noong Disyembre 31 ng Nakaraang Taon 3 | Klase sa Enero 1 Sunbeam |
Edad noong Disyembre 31 ng Nakaraang Taon 4 | Klase sa Enero 1 CTR 4 |
Edad noong Disyembre 31 ng Nakaraang Taon 5 | Klase sa Enero 1 CTR 5 |
Edad noong Disyembre 31 ng Nakaraang Taon 6 | Klase sa Enero 1 CTR 6 |
Edad noong Disyembre 31 ng Nakaraang Taon 7 | Klase sa Enero 1 CTR 7 |
Edad noong Disyembre 31 ng Nakaraang Taon 8 | Klase sa Enero 1 Valiant 8 |
Edad noong Disyembre 31 ng Nakaraang Taon 9 | Klase sa Enero 1 Valiant 9 |
Edad noong Disyembre 31 ng Nakaraang Taon 10 | Klase sa Enero 1 Valiant 10 |
Ang mga bata ay karaniwang lumilipat mula sa Primary patungo sa Young Women o sa deacons quorum sa Enero ng taon kung kailan sila magiging 12 taong gulang. Sila ay maaaring tumanggap ng certificate of advancement [sertipiko ng pag-unlad]. Ang mga sertipikong ito ay makukuha mula sa Leader and Clerk Resources.
Sa ilang sitwasyon, ang isang 11-taong-gulang ay maaaring hindi pa handang lisanin ang Primary. Magkakasamang nagpapayuhan ang bishop, mga magulang, at ang bata tungkol sa panahon ng paglipat.
Hindi maaaring lisanin ng mga bata ang Primary bago ang Enero ng taon kung kailan sila magiging 12 taong gulang. Hindi rin maaaring iorden na deacon ang mga kabataang lalaki bago ang panahong iyon.
12.1.5
Oras ng Pag-awit
Ang oras ng pag-awit ay tumutulong sa mga bata na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at matutuhan ang tungkol sa Kanyang plano ng kaligayahan. Habang umaawit ang mga bata tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo, patototohanan ng Espiritu Santo ang katotohanan ng mga ito sa kanilang mga puso. Ang mga titik at musika ay mananatili sa puso at isipan ng mga bata sa buong buhay nila.
Ang oras ng pag-awit ay iba sa oras ng klase. Sa oras ng pag-awit, natututo ang mga bata habang aktibo silang nakikibahagi sa pag-awit. Itinuturo ng mga Primary music leader ang mga alituntunin ng ebanghelyo, at musika ang pangunahing paraan na ginagamit nila para magawa ito.
Ang Primary presidency at Primary music leader ay pumipili ng mga awitin para sa bawat buwan upang pagtibayin ang mga alituntunin ng ebanghelyo na natututuhan ng mga bata sa kanilang mga klase at tahanan. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay naglalaman ng mga mungkahing awitin na tumutulong na mapagtibay ang mga alituntuning ito.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang “Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting,” Tingnan din ang 12.1.6 at 12.3.4 ng hanbuk na ito.
12.1.6
Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting
Ang taunang pagtatanghal ng mga bata sa sacrament meeting ay idinaraos sa mga huling buwan ng taon. Ibinabahagi ng mga bata ang mga natutuhan nila sa tahanan at sa simbahan sa buong taon. Tinutulungan nila ang kongregasyon na magtuon sa Ama sa Langit, sa Tagapagligtas, at sa Kanilang mga turo.
Mapanalanging pinaplano ng Primary presidency at music leader ang pagtatanghal. Ang bishopric ang namamahala rito. Ang mga bata ay maaaring umawit, magbigay ng mga mensahe, at magbahagi ng mga kwento, banal na kasulatan, o patotoo.
Maaaring gamitin sa pagtatanghal ang lahat o bahagi ng oras pagkatapos ng sakramento. Maaaring anyayahan ng mga unit na may kakaunting bilang ng mga bata ang mga kapamilya ng mga bata na makibahagi.
Dahil sa kasagraduhan ng sacrament meeting, ang pagtatanghal ay hindi dapat magkaroon ng mga visual aid, costume, o media presentation.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang “Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.
12.1.7
Temple and Priesthood Preparation Meeting
Ang mga magulang ang may pangunahing responsibilidad sa pagtuturo sa kanilang mga anak tungkol sa templo at sa priesthood. Para suportahan sila, nagpaplano ang Primary presidency ng isang Temple and Priesthood Preparation meeting bawat taon. Ang bishopric ang namamahala rito. Ang miting na ito ay para sa mga bata sa klase ng Valiant 10. Inaanyayahan ang mga magulang na dumalo. Ang miting na ito ay may sumusunod na mga layunin:
-
Tulungan ang mga bata na maunawaan ang mga layunin, responsibilidad, at pagpapala ng priesthood.
-
Tulungan ang mga bata na makibahagi sa gawain sa templo at family history at maghandang gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan.
-
Tulungan ang mga batang lalaki na tanggapin ang Aaronic Priesthood.
-
Tulungan ang mga bata na maghandang tumanggap ng temple recommend.
Ang miting ay maaaring idaos sa oras ng Primary sa araw ng Linggo, sa ibang oras sa araw ng Linggo, o sa iba pang panahon. Isang miyembro ng bishopric ang nangangasiwa. Dumadalo ang kahit isang miyembro ng Primary presidency.
Kung kakaunti ang mga bata sa isang unit, ang miting ay maaaring idaos sa ilalim ng pamamahala ng stake presidency. Ang ilan o lahat ng mga ward sa stake ay sama-samang magtitipon.
Tingnan ang Temple and Priesthood Preparation sa ChurchofJesusChrist.org.
12.2
Pakikibahagi sa Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan ng Diyos
Inaanyayahan ng Diyos ang lahat na lumapit kay Cristo at tumulong sa Kanyang gawain sa pamamagitan ng:
-
Pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Pangangalaga sa mga nangangailangan.
-
Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo.
-
Pagbubuklod ng mga pamilya sa walang-hanggan.
Tumutulong ang Primary sa mga bata, pamilya, lider, at mga guro na makibahagi sa gawaing ito. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos, pag-aralan ang kabanata 1.
12.2.1
Pagsasabuhay ng Ebanghelyo ni Jesucristo
12.2.1.1
Mga Papel na Ginagampanan ng mga Magulang at Lider
Ang mga magulang ay may responsibilidad na ituro sa kanilang mga anak ang ebanghelyo at tulungan silang ipamuhay ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28). Sinusuportahan ng mga Primary leader ang mga magulang sa responsibilidad na ito sa pamamagitan ng:
-
Pagtiyak na ang mga aralin, oras ng pag-awit, at mga gawaing-paglilingkod at aktibidad ay makatutulong sa mga bata na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas.
-
Pagtulong sa mga bata na maghanda para sa binyag at kumpirmasyon.
-
Pagtulong sa mga batang lalaki na maghanda para maorden sa priesthood.
-
Pagtulong sa mga bata na maghandang tumanggap ng temple recommend at mga ordenansa sa templo.
-
Pagtuturo sa mga bata tungkol sa mga pagpapala ng pagbabahagi ng ebanghelyo, kabilang na ang paglilingkod bilang full-time missionary.
Ang mga lider ay dapat maging sensitibo sa mga batang kulang sa suporta ng pamilya sa pagsasabuhay ng ebanghelyo.
Ang mga magulang at mga lider ay nagsisikap na maging mabubuting halimbawa sa mga bata. Ginagabayan nila ang mga bata sa kanilang mga pagsisikap na maging higit na katulad ni Jesucristo. Ang programang Mga Bata at Kabataan ay isang sanggunian na makatutulong sa mga batang edad 8–11 (tingnan ang ChildrenandYouth.ChurchofJesusChrist.org).
12.2.1.2
Pag-aaral ng Ebanghelyo
Hinihikayat ng mga lider at guro sa Primary ang mga bata at kanilang mga pamilya na pag-aralan ang ebanghelyo sa tahanan. Dapat pag-aralan ng mga lider at gurong ito ang ebanghelyo at ibahagi sa mga bata ang natutuhan nila. Inaanyayahan nila ang mga bata na ibahagi sa simbahan ang kanilang natututuhan sa tahanan.
Ang mga Primary meeting sa araw ng Linggo ay tumutulong sa mga bata na maisakatuparan ang mga layunin ng Primary (tingnan sa 12.1.1). Isang miyembro ng Primary presidency ang nangangasiwa sa pambungad na bahagi ng klase. Ang music leader ang nangangasiwa sa oras ng pag-awit. Ang mga Primary teacher ang nagtuturo sa mga bata sa oras ng klase.
Ang mga Primary meeting para sa mga batang edad 3–11 ay idinaraos tuwing Linggo sa loob ng 50 minuto habang ang mga adult at mga kabataan ay dumadalo sa kani-kanilang mga klase. Ang iskedyul ay gaya ng sumusunod:
Bahagi ng Miting |
Haba |
---|---|
Bahagi ng Miting Pambungad (panalangin, banal na kasulatan o Saligan ng Pananampalataya, at mensahe—mga bata ang gagawa ng mga ito) | Haba 5 minuto |
Bahagi ng Miting Oras ng pag-awit | Haba 20 minuto |
Bahagi ng Miting Pagpunta sa mga klase | Haba 5 minuto |
Bahagi ng Miting Mga klase at pangwakas na panalangin | Haba 20 minuto |
Sa ward na may maraming bata, maaaring hatiin ng mga Primary leader ang mga bata sa dalawang grupo. Ang isang grupo ay nagkaklase habang ang isang grupo naman ay dumadalo sa oras ng pag-awit. Pagkatapos ay magpapalitan ang dalawang grupo. Maaaring baguhin ng mga lider ang oras kung kinakailangan.
Ang Nursery para sa mga batang edad 18 buwan hanggang 3 taon ay tumatagal nang 50 minuto. Ang Masdan ang Inyong mga Musmos ay nagbibigay ng mungkahi sa iskedyul. Ang mga bata ay maaaring magsimulang dumalo sa nursery kapag sila ay 18 buwang gulang na.
12.2.1.3
Paglilingkod at mga Aktibidad
Maaari nang dumalo sa mga aktibidad ng Primary ang mga bata simula sa Enero ng taon kung kailan sila magiging 8 taong gulang. Para sa pangkalahatang mga tuntunin ng mga aktibidad, tingnan ang kabanata 20.
Ang mga Primary activity leader ay nagpaplano ng mga gawaing-paglilingkod at aktibidad na tutulong na sa mga bata na makibahagi sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos. Ang gawaing-paglilingkod at mga aktibidad ay dapat maging masaya at nakakaengganyo. Ang mga ito ay bumubuo ng mga patotoo, nagpapalakas sa mga pamilya, at nagtataguyod ng personal na pag-unlad.
Ang mga aktibidad sa Primary ay hindi ginaganap sa mga araw ng Linggo o Lunes ng gabi. Tumutulong ang mga adult leader na masigurong ligtas ang mga aktibidad (tingnan sa safety.ChurchofJesusChrist.org; tingnan din sa 20.7 ng hanbuk na ito). Dapat ay mayroong hindi bababa sa dalawang responsableng adult sa lahat ng aktibidad (tingnan sa 12.5.1).
Ang sumusunod na mga tuntunin ay maaaring iangkop sa lokal na mga sitwasyon:
-
Ang mga aktibidad sa Primary ay ginaganap dalawang beses sa isang buwan kung maaari. Ang mga ito ay maaaring ganapin nang mas madalas o mas madalang. Dapat isaalang-alang ng mga lider ang mga sitwasyon ng pamilya, layo at gastos sa paglalakbay, at kaligtasan.
-
Karaniwang inoorganisa ang mga bata ayon sa kanilang mga edad o age-group. Ang mga batang lalaki at batang babae ay karaniwang may magkahiwalay na mga aktibidad. Gayunman, maaari silang magsama sa ilang partikular na mga aktibidad o sa mga lugar kung saan kakaunti lamang ang mga bata.
-
Maaaring piliin ng mga lider na magplano at magdaos ng mga taunang day camp para sa mga bata sa Primary edad 8–11. Ang mga aktibidad sa Primary, pati na ang mga day camp, ay hindi ginaganap nang magdamagan.
Lahat ng mga kagamitan at mga aktbidad, kabilang na ang mga day camp, ay binabayaran gamit ang budget ng ward. Hindi dapat labis ang paglalakbay o paggastos.
Sinisiguro ng bishopric na sapat at makatarungan ang budget at ang mga aktibidad para sa mga batang babae at batang lalaki. Ang budget ay inilalaan ayon sa bilang ng mga bata.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang ChildrenandYouth.ChurchofJesusChrist.org. Tingnan din ang JustServe.org kung saan mayroon. Ang mga resource na ito ay nagbibigay ng mga ideya para sa mga gawaing-paglilingkod at mga aktibidad.
12.2.1.4
Personal na Pag-unlad
Sa kanilang pagisikap na maging higit na katulad ng Tagapagligtas, ang mga bata—simula sa taon na sila ay magiging 8 taong gulang—ay inaanyayahang magtakda ng mga mithiin para umunlad sa mga aspektong espirituwal, pakikipagkapwa, pisikal, at intelektuwal (tingnan sa Lucas 2:52). Sa tulong ng mga magulang, ang mga bata ay naghahangad ng inspirasyon upang malaman kung ano ang kanilang pagtutuunan. Sila ay gumagawa ng mga plano, kumikilos ayon sa kanilang mga plano, at pinagninilayan ang mga natutuhan nila. Ang mga lider ay nagbibigay ng suporta kapag kinakailangan. Gayunman, hindi nila dapat subaybayan ang mga mithiin at progreso ng mga bata.
Simula sa taon kung kailan sila magiging 8 taong gulang, ang mga bata ay hinihikayat na kumpletuhin ang kahit isang mithiin para sa bawat isa sa apat na aspekto bawat taon. Maaari nilang gamitin ang Pansariling Pag-unlad: Gabay na Aklat para sa mga Bata para magtakda at magtala ng mga mithiin.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang ChildrenandYouth.ChurchofJesusChrist.org.
12.2.2
Pangangalaga sa mga Nangangailangan
Ang mga bata ay dapat magkaroon ng regular na mga pagkakataon upang makapaglingkod sa at kasama ng kanilang pamilya at sa mga aktibidad ng Primary. Ang mga ideya para sa gawaing-paglilingkod ay matatagpuan sa ChildrenandYouth.ChurchofJesusChrist.org. Sa mga lugar kung saan ito magagamit, ang JustServe.org ay nagmumungkahi ng mga pagkakataong maglingkod sa komunidad.
12.2.3
Pag-anyaya sa Lahat na Tanggapin ang Ebanghelyo
Maraming paraan para maanyayahan ng mga bata ang lahat ng tao na tanggapin ang ebanghelyo. Ang ilan sa mga paraang ito ay nakalista sa ibaba:
-
Magpakita ng mabuting halimbawa bilang mga disipulo ni Jesucristo.
-
Magbahagi ng kanilang patotoo sa mga kaibigan at kapamilya.
-
Magminister sa mga di-gaanong aktibong miyembro ng klase.
-
Anyayahan ang mga kaibigan na dumalo sa simbahan, sa mga aktibidad, o sa mga binyag o maturuan ng mga missionary.
-
Anyayahan ang mga kaibigan na makibahagi sa programang Mga Bata at Kabataan. Ang mga lider ay nakikipagtulungan sa mga magulang ng mga batang ito upang matulungan silang maunawaan ang programa at makapagpasiya kung paano sila at ang kanilang mga anak ay makababahagi.
-
Anyayahan ang mga kaibigan at kapamilya na dumalo sa taunang pagtatanghal ng mga bata sa sacrament meeting.
12.2.4
Pagbubuklod ng mga Pamilya sa Walang-Hanggan
Maraming paraan para makatulong ang mga bata na mabuklod ang mga pamilya sa walang-hanggan. Ang ilan sa mga paraang ito ay nakalista sa ibaba:
-
Igalang ang kanilang mga magulang at magpakita ng halimbawa ng pamumuhay na katulad ng kay Cristo sa kanilang tahanan.
-
Maghandang magkaroon ng sarili nilang walang-hanggang pamilya.
-
Magsikap na maging karapat-dapat na tumanggap ng temple recommend sa tamang edad.
-
Maghandang gumawa at tumupad ng mga tipan at tumanggap ng mga ordenansa sa templo, kabilang na ang kasal na walang hanggan.
-
Alamin ang tungkol sa kanilang mga kamag-anak at mga ninuno (tingnan sa Ang Aking Pamilya: Mga Kuwentong Nagbibigkis sa Atin).
-
Tukuyin ang mga ninuno na nangangailangan ng mga ordenansa sa templo (tingnan sa FamilySearch.org).
-
Maghandang makibahagi sa mga pagbibinyag at kumpirmasyon para sa mga patay.
-
Makibahagi sa indexing kasama ang isang kapamilya (tingnan sa FamilySearch.org/indexing).
12.3
Pamunuan ng Primary sa Ward
12.3.1
Bishopric
Ang pangunahing responsibilidad ng bishop ay sa bagong henerasyon sa kanyang ward. Ang bishop o ang naatasang counselor ay regular na nakikipagpulong sa Primary president.
Ang bishop at ang kanyang mga counselor ay kaagad na tumutugon sa mga rekomendasyon mula sa Primary presidency para sa mga tatawagin na maglingkod sa Primary. Nakikipagtulungan ang bishopric sa presidency para masiguro na palaging mayroong mga guro at music leader. Kapag posible, ang mga miyembro sa mga calling na ito ay dapat na maglingkod nang may sapat na haba ng panahon para makabuo ng mga ugnayang may pagmamahal at pagtitiwala sa mga bata. Ang gayong mga ugnayan ay tumutulong na magtanim at magpalago ng mga patotoo sa puso ng mga bata.
Ang bishop at ang kanyang mga counselor ay regular na dumadalo sa Primary. Inaalam din nila ang mga pangalan at sitwasyon sa tahanan ng bawat bata sa ward.
12.3.2
Primary Presidency
Ang bishop ay tumatawag at nagse-set apart ng isang adult na babae para maglingkod bilang ward Primary president. Kung sapat ang laki ng unit, magrerekomenda ang ward Primary president ng isa o dalawang adult na babae na tatawagin bilang kanyang mga counselor (tingnan sa kabanata 30). Isinasaalang-alang ng bishopric ang kanyang rekomendasyon at ibinibigay ang mga calling.
Tumatanggap ang Primary presidency ng paliwanag tungkol sa kanilang tungkulin at patuloy na suporta mula sa stake Primary presidency.
Sa isang maliit na unit, maaaring ang Primary president lamang ang tawaging lider sa Primary. Sa ganitong sitwasyon, nakikipagtulungan siya sa mga magulang upang ihanda ang mga aralin, oras ng pag-awit, at mga aktibidad. Tinitiyak din niya na mayroong hindi bababa sa dalawang responsableng adult sa lahat ng mga miting at aktibidad. Kung sapat ang laki ng unit, ang karagdagang mga calling ay maaaring punan sa ganitong pagkakasunud-sunod: mga counselor, music leader, mga guro at mga nursery leader, secretary, at mga activity leader.
Kung ang isang branch ay walang Primary president, maaaring tumulong ang Relief Society president sa mga magulang na mag-organisa ng pagtuturo para sa kanilang mga anak hanggang sa makatawag ng isang Primary president.
Tinutulungan ng Primary Presidency ang mga magulang na ihanda ang mga bata na pumasok at umunlad sa landas ng tipan. Isa ito sa kanilang pinakamahahalagang responsibilidad.
Upang maisagawa ito, maaaring atasan ng Primary president ang isang miyembro ng presidency na tulungan ang mga magulang na ihanda ang kanilang mga anak na mabinyagan at makumpirma. Maaaring atasan ng Primary president ang isa pang miyembro ng presidency na tulungan ang mga magulang na ihanda ang kanilang mga anak para sa templo at sa priesthood.
Ipinaaalam ng mga miyembro ng presidency na ito sa mga magulang ang resources sa Gospel Library na makakatulong. Halimbawa, tingnan ang “Paghahanda sa Inyong mga Anak sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Ang mga miyembro ng presidency ay maaaring makipagtulungan sa mga ministering brother at mga ministering sister, mga guro, at iba pa para suportahan ang mga magulang.
Ang Primary president ay may mga sumusunod na karagdagang responsibilidad. Tinutulungan siya ng kanyang mga counselor.
-
Maglingkod sa ward council. Naglilingkod siya bilang (1) miyembro ng ward council na tumutulong na matugunan ang mga pangangailangan sa ward at makahanap ng mga solusyon at (2) isang kinatawan ng Primary. Tinutulungan niya ang ward council na malaman ang pangalan at sitwasyon sa tahanan ng bawat bata upang mapahusay ang ministering sa mga bata at pamilya. Tingnan sa 29.2.5.
-
Regular na magdaos ng mga Primary presidency meeting at makipagpulong sa bishop o sa kanyang inatasang counselor.
-
Magsumite ng mga rekomendasyon sa bishopric para sa mga adult na lalaki at babae na maglilingkod sa Primary.
-
Tulungan ang ward council na malaman kung sinong mga bata ang mabibinyagan sa susunod na taon (tingnan sa 18.7.1.1).
-
Tumulong sa pagpaplano ng mga serbisyo sa binyag para sa mga child of record kapag hinilingan (tingnan sa 18.7.2).
-
Planuhin at pangasiwaan ang pambungad na bahagi ng mga Primary meeting sa araw ng Linggo.
-
Maglingkod sa bawat bata, guro, at lider sa Primary.
-
Turuan ang mga lider at guro sa Primary ukol sa kanilang mga responsibilidad at suportahan sila sa mga responsibilidad na iyon sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa kanila ng kanilang mga tungkulin (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2016], 38).
-
Tulungan ang mga lider at guro sa Primary sa oras ng klase, oras ng pag-awit, at pagpunta ng mga bata sa kani-kanilang klase.
-
Bisitahin ang mga klase sa Primary at mag-iskedyul para makadalo ang mga guro sa mga teacher council meeting.
-
Tumulong na ipakilala ang programang Mga Bata at Kabataan sa mga batang magiging 8 taong gulang at sa kanilang mga magulang. Ito ay maaaring gawin sa kanilang tahanan o sa klase sa Primary (tingnan sa 12.5.7).
-
Pamahalaan ang mga talaan, report, budget, at pananalapi ng Primary.
12.3.3
Secretary
Kung sapat ang laki ng unit, ang Primary president ay magrerekomenda sa bishopric ng isang adult na babae na maglilingkod bilang secretary. Siya ay may mga sumusunod na responsibilidad:
-
Tulungan ang Primary presidency na maghanda ng mga agenda o talaan ng pag-uusapan para sa mga presidency meeting. Dumadalo siya sa mga miting na ito, isinusulat ang mga pinag-uusapan, at sinusubaybayan ang mga takdang-gawain.
-
Nakikipagtulungan sa mga guro at lider para mapanatiling tumpak ang mga attendance record.
-
Gamit ang LCR, makipagtulungan sa elders quorum secretary at Relief Society secretary upang mag-ingat ng mga attendance record para sa mga adult na naglilingkod sa Primary.
-
Tinitiyak na alam ng Primary presidency ang:
-
Mga bagong bata at mga bisita.
-
Mga batang pumapasok sa nursery at mga batang lumilipat sa Sunbeam class mula sa nursery.
-
Mga batang kwalipikado para sa binyag.
-
Mga batang lilisan na sa Primary.
-
-
Atasan ang mga bata na magbigay ng panalangin, magbahagi ng mga banal na kasulatan, at magbigay ng mensahe sa pambungad na bahagi ng mga Primary meeting sa araw ng Linggo (sa ilalim ng pamamahala ng presidency). Ipinapaalam din niya ito sa mga magulang.
-
Tulungan ang Primary presidency na maghanda ng budget, magtala ng mga gastusin, at subaybayan ang mga materyal para sa Mga Bata at Kabataan.
12.3.4
Music Leader at Pianist
Tinuturo ng music leader at pianist ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga bata sa pamamagitan ng musika sa oras ng pag-awit. Pinagtitibay ng musika ang lingguhang pag-aaral ng mga banal na kasulatan na nakasaad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Maaaring gamitin ang sumusunod na resources:
-
Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting
-
Primary Music Collections sa ChurchofJesusChrist.org
-
“Pagkanta sa Primary—Makakapagturo ng Doktrina ang Musika” (MediaLibrary.ChurchofJesusChrist.org)
Kailangang aprubahan ng bishopric ang paggamit ng anumang iba pang musika sa Primary.
Kung walang pianist o piano, maaaring gamitin ng mga lider ang mga recording mula sa mga sumusunod na sources:
-
Sacred Music app
-
Gospel Library app
-
Mga CD mula sa store.ChurchofJesusChrist.org
Maaari ding umawit ang mga bata nang walang saliw ng musika.
Maaaring tumulong ang music leader sa musika ng nursery kapag inanyayahan. Maaaring tumawag ng isa pang music leader kung kailangan.
Ang music leader ay nakikipagtulungan sa Primary presidency para tulungan ang mga bata na maghanda para sa taunang pagtatanghal ng mga bata sa sacrament meeting (tingnan sa 12.1.6).
Tingnan ang Singing Time sa ChurchofJesusChrist.org para sa karagdagang mga ideya at resources.
12.3.5
Mga Guro at mga Nursery Leader
Ang pagtuturo sa mga bata ay isang sagradong pribilehiyo. Itinuro ni Jesucristo, “Masdan ang inyong mga musmos” at “pakainin mo ang aking mga kordero” (3 Nephi 17:23; Juan 21:15). Sa pagsunod sa mga paanyayang ito, minamahal at tinuturan ng mga Primary leader ang mga bata sa paraan ng Tagapagligtas.
Ang Primary presidency ay nagrerekomenda sa bishopric ng mga lalaki at babae na maglilingkod bilang mga Primary teacher at nursery leader. Isinasaalang-alang ng bishopric ang mga rekomendasyong ito at ibinibigay ang mga calling. Ang mga miyembrong ito ay tinatawag na magturo at maglingkod sa isang partikular na age-group ng mga bata.
Ang mga guro sa Primary ay nagtuturo mula sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin (edad 3–11). Sa ikalimang Linggo, sila ay hinihikayat na magturo ng mga lesson mula sa “Apendise B: Para sa Primary—Paghahanda sa Inyong mga Anak sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos.”
Ang mga Nursery leader ay nagtuturo mula sa Masdan ang Inyong mga Musmos.
Sinusunod ng mga guro at nursery leader ang mga alituntunin sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas at sa kabanata 17 ng hanbuk na ito.
Kapag nagtuturo ang mga adult sa mga bata sa Simbahan, dapat ay may hindi bababa sa dalawang responsableng adult na naroon. Ang dalawang adult na ito ay maaaring dalawang babae, dalawang lalaki, o mag-asawa. Kung hindi ito posible, dapat pagsamahin ng mga lider ang mga klase. Dapat kumpletuhin ng mga lider at guro ang training sa ProtectingChildren.ChurchofJesusChrist.org. (Tingnan sa 12.5.1.)
Hindi maaaring magturo ang mga kabataan sa Primary, kahit na bilang mga substitute teacher.
Ang mga Primary teacher at mga nursery leader ay nananatiling kasama ang mga bata sa buong oras ng Primary, kabilang na sa oras ng pag-awit at pagpunta ng mga bata sa kani-kanilang klase. Sa oras ng pag-awit, nakikibahagi ang mga guro kasama ng kanilang mga klase. Dapat manatili ang mga guro na kasama ng mga bata pagkatapos ng Primary hanggang sa sunduin sila ng kanilang kapamilya.
Ang mga guro at mga nursery leader ay dumadalo sa mga teacher council meeting na idinaraos bawat quarter (tingnan 13.4).
12.3.6
Mga Activity Leader
Ang mga Primary activity leader ay naglilingkod sa mga bata habang sila ay nagpaplano ng mga gawaing-paglilingkod at mga aktibidad simula sa Enero ng taon kung kailan magiging 8 taong gulang ang mga bata (tingnan 12.2.1.3). Ang mga gawaing-paglilingkod at mga aktibidad ay nakatuon sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos. Ang mga ito ay masaya at kaakit-akit. Ang mga ito ay bumubuo ng mga patotoo, nagpapalakas sa mga pamilya, at nagtataguyod ng personal na pag-unlad.
Ang mga Primary teacher ng mga bata ay maaaring maging mga Primary activity leader. Sila ay maaari ding ibang miyembro na inirekomenda ng Primary presidency at tinawag ng bishopric. Dapat mayroong hindi bababa sa dalawang lider na dumadalo sa bawat aktibidad. Ang mga lider ay maaaring dalawang babae, dalawang lalaki, o mag-asawa. Dapat kumpletuhin ng mga lider ang training sa ProtectingChildren.ChurchofJesusChrist.org. (Tingnan sa 12.5.1.)
12.4
Mga Stake Primary Leader
Ang stake presidency ay tumatawag ng isang adult na babae para maglingkod bilang stake Primary president. Kung sapat ang laki ng stake, nagrerekomenda ang stake Primary president ng isa o dalawang adult na babae na maglilingkod bilang mga counselor at isa pa na maglilingkod bilang secretary. Ang mga kababaihang ito ay tinatawag at sine-set apart ng isang miyembro ng stake presidency o ng isang inatasang high councilor. Para sa impormasyon tungkol sa mga responsibilidad ng stake Primary presidency at secretary, tingnan ang 6.7.1, 6.7.1.3, at 6.7.3.
Isang counselor sa stake presidency ang may responsibilidad para sa Primary sa stake. Siya ay may responsibilidad rin sa gawain ng stake Primary presidency. Tinuturuan din niya ang mga bishop sa kanilang mga responsibilidad sa Primary.
Inaatasan ng stake presidency ang isang high councilor na makipagtulungan sa stake Primary presidency (tingnan sa 6.5).
12.5
Mga Karagdagang Tuntunin at Patakaran
12.5.1
Pangangalaga sa mga Bata
Kapag nakikipag-ugnayan ang mga adult sa mga bata sa Simbahan, dapat ay may naroong hindi bababa sa dalawang responsableng adult. Maaaring kailanganing pagsamahin ang mga klase para maging posible ito.
Ang lahat ng adult na naglilingkod sa mga bata ay dapat kumpletuhin ang children and youth protection training sa loob ng isang buwan mula nang sila ay sang-ayunan (ProtectingChildren.ChurchofJesusChrist.org). Inuulit nila ang training kada tatlong taon mula noon.
12.5.2
Mga Batang May mga Natatanging Pangangailangan
Kapag ang isang bata ay may pangmatagalang karamdaman, kapansanan, o espesyal na pangangailangan, kinakausap ng mga Primary leader ang mga magulang at ang bishopric. Sama-sama silang gumagawa ng plano para suportahan ang pamilya at tulungan ang bata na makibahagi sa Primary.
Karaniwang dumadalo sa mga regular na klase sa Primary ang mga batang may kapansanan. Kung kailangan, maaaring tumawag ng karagdagang mga guro upang tumulong.
Ang mga batang may kapansanan o iba pang mga natatanging pangangailangan ay karaniwang nililisan ang Primary simula sa Enero ng taon kung kailan magiging 12 taong gulang sila. Ang ilang bata ay maaaring hindi lisanin ang Primary ayon sa iskedyul na ito. Magtutulungan ang bishop at mga magulang sa pagpapasiya kung ano ang pinakamainam para sa bawat bata.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang disability.ChurchofJesusChrist.org; tingnan din ang 38.8.27 ng hanbuk na ito.
12.5.3
Mga Kalalakihang Naglilingkod sa Primary
Dapat isaisip ng bishopric at Primary presidency ang positibong impluwensya ng mga karapat-dapat na kalalakihan na naglilingkod sa Primary. Ang mga kalalakihan ay maaaring maglingkod bilang mga guro, nursery leader, music leader at pianist, at Primary activity leader.
12.5.4
Kaligtasan sa Banyo (CR)
Dapat hikayatin ng mga lider at guro ang mga magulang na dalhin sa banyo ang kanilang mga anak bago magsimula ang Primary. Sa oras ng Primary, ang isang maliit na bata ay dapat samahan sa banyo ng kanyang magulang o legal na tagapag-alaga. Hindi dapat samahan ng lider o guro ang mga bata sa banyo.
12.5.5
Mga Dula-dulaan
Ang mga lider at guro ay dapat maging maingat kapag isinasadula sa Primary ang mga sagradong pangyayari. Walang sinoman ang dapat gumanap sa papel ng Ama sa Langit at ng Espiritu Santo. Ang papel ng Tagapagligtas ay maaari lamang ganapin ng mga bata sa tagpo ng Kanyang Kapanganakan. Para sa karagdagang mga tuntunin, tingnan ang 20.5.6.
12.5.6
Mga Singsing na PAT (CTR)
Kapag ang mga bata ay nagsimula nang dumalo sa klase ng CTR 4, sila ay papaalalahanan ng Primary presidency at ng kanilang guro sa Primary na “piliin ang tama.” Binibigyan din ng mga lider na ito ang bawat bata ng berdeng singsing na PAT.
12.5.7
Pagpapakilala sa Programang Mga Bata at Kabataan
Sa simula ng bawat taon, ang bishop, isa sa kanyang mga counselor, o mga miyembro ng Primary presidency ay bibisita sa tahanan o sa klase sa Primary ng bawat bata na magiging 8 taong gulang sa taong iyon. Ipakikilala nila sa mga bata at kanilang mga magulang ang programang Mga Bata at Kabataan. Ang bawat bata ay tatanggap ng sagisag ng pagiging kabilang at isang kopya ng Pansariling Pag-unlad: Gabay na Aklat para sa mga Bata. Ang mga resource na ito ay mabibili sa store.ChurchofJesusChrist.org.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang ChildrenandYouth.ChurchofJesusChrist.org.