“19. Musika,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2024).
“19. Musika,” Pangkalahatang Hanbuk.
19.
Musika
19.1
Layunin ng Musika sa Simbahan
Sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith, sinabi ng Panginoon, “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso; oo, ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin, at ito ay tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo” (Doktrina at mga Tipan 25:12). Sinabi rin niya, “Ang mabubuti ay … patutungo sa Sion, umaawit ng mga awit ng walang hanggang kagalakan.” (Doktrina at mga Tipan 45:71).
Ang sagradong musika ay nagpapalakas ng pananampalataya kay Jesucristo. Inaanyayahan nito ang Espiritu at nagtuturo ng doktrina. Ito rin ay nagdadala ng diwa ng pagpipitagan, pinagkakaisa ang mga miyembro, at nagbibigay ng paraan para sambahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
19.2
Musika sa Tahanan
Sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, hinikayat ng Panginoon ang mga indibiduwal at pamilya na gamitin ang nakasisiglang musika sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang pag-awit at pakikinig ng sagradong musika ay maaaring mag-anyaya ng diwa ng kagandahan at kapayapaan. May kakayahan din itong magpatibay ng pagmamahal at pagkakaisa sa mga miyembro ng pamilya. Ang mga himno ay makatutulong sa mga indibiduwal na magkaroon ng lakas ng loob at mapaglabanan ang tukso.
Ang mga nakarekord na musika ng Simbahan ay makukuha mula sa mga sumusunod:
-
Sacred Music app
-
Gospel Library app
-
Mga CD mula sa store.ChurchofJesusChrist.org
Ang Simbahan ay nagbibigay ng resources para tulungan ang mga indibiduwal at pamilya na matutuhan ang mga pangunahing kasanayan sa musika. Matatagpuan ang mga ito sa music.ChurchofJesusChrist.org (tingnan din sa 19.6). Ang pagkakaroon ng mga kasanayan sa musika ay nagdaragdag ng mga oportunidad na makapaglingkod ang mga miyembro sa tahanan at sa Simbahan.
19.3
Musika sa mga Miting ng Simbahan
Ang sagradong musika ay mahalagang bahagi ng sacrament meeting at iba pang mga miting sa Simbahan. May kapangyarihan itong anyayahan ang Espiritu, na mas naglalapit sa mga tao sa Diyos. “Ang ilan sa pinakamagagandang sermon ay naipahahayag sa pamamagitan ng pag-awit ng mga himno.” (Tingnan sa Mga Himno, ix.)
19.3.1
Pagpaplano ng Musika para sa mga Miting ng Simbahan
Ang mga ward at stake music coordinator ay nakikipagtulungan sa mga priesthood leader para sa pagpaplano ng musika para sa mga serbisyo sa pagsamba. Pumipili sila ng musika na nagpapaibayo sa diwa ng pagsamba sa mga pagpupulong.
Mga himno ang ginagamit sa lahat ng pag-awit ng kongregasyon sa mga serbisyo sa pagsamba. Ang mga himno o iba pang mga sagradong musika ay maaaring gamitin para sa pambungad at pangwakas na saliw ng musika, musika ng choir, at pagtatanghal ng isang tao o maliit na grupo. Lahat ng musika sa mga miting ng Simbahan ay dapat ialay sa diwa ng pagsamba sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at hindi bilang isang pagtatanghal upang magpakita ng talento sa musika.
Ang mga iba pang piniling musika ay dapat naaayon sa diwa ng pagsamba ng mga himno. Dapat itinuturo ng mga ito ang ebanghelyo nang may kapangyarihan at kalinawan.
Ang sagradong musikang isinulat o inaawit sa mga estilo ng musikang pangkultura ay maaaring makatulong na mapagkaisa ang mga kongregasyon. Maaaring gamitin ng mga music coordinator at mga priesthood leader ang iba-ibang naaangkop na estilo sa musika na kalugud-lugod para sa mga miyembro ng iba’t ibang pinagmulan.
19.3.2
Musika sa Sacrament Meeting
Nagtitipon ang mga miyembro sa sacrament meeting para alalahanin si Jesucristo sa pamamagitan ng pakikibahagi sa sakramento. Nagtitipon sila para magkaroon ng pananampalataya at patotoo at para sambahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Ang musika ay dapat piliin upang makatulong na makamit ang mga layuning ito.
Kabilang sa musika sa sacrament meeting ang pag-awit ng kongregasyon ng mga himno sa pagsisimula at pagwawakas ng pulong at bago pangasiwaan ang sakramento. Ang mga himnong pangkongregasyon ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga miyembro na magkaisa habang aktibo silang sumasamba nang magkakasama. Ang himno para sa sakramento ay dapat na tumutukoy sa mismong sakramento o sa sakripisyo ng Tagapagligtas. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang “Mga Himno para sa mga Kongregasyon,” Mga Himno, 248–250.
Ang pambungad na saliw ng musika ay tinutugtog habang nagtitipon ang mga miyembro bago magsimula ang pulong. Ang layunin nito ay lumikha ng kapaligirang may diwa ng pagsamba na nag-aanyaya sa Espiritu. Pagkatapos ng pangwakas na panalangin, isang instrumental na musika ang tinutugtog habang nililisan ng mga miyembro sa pulong. Ang mga himno at iba pang sagradong musika ay maaaring piliin para sa pambungad at pangwakas na saliw ng musika.
Maaari ding kabilang sa sacrament meeting ang pag-awit ng isang karagdagang himnong pangkongregasyon sa gitna ng pulong—halimbawa, sa pagitan ng mga nagbibigay ng mensahe. Maaari din itong magkaroon ng isa o higit pang piniling musika. Ang mga ito ay maaaring awitin ng mga choir (tingnan sa 19.3.7), solong mang-aawit o tumutugtog ng instrumento, o maliliit na grupo. Ang mga sacrament meeting ay hindi dapat ipagkatiwala sa mga grupong manunugtog sa labas.
Ang piano, organ, o iba pang instrumentong inaprubahan ng bishopric ay maaaring gamitin sa pag-awit ng himno sa sacrament meeting (tingnan sa 19.3.6).
Sinisikap ng mga music coordinator at bishopric na magkaroon ng balanse sa paggamit ng pamilyar at di-gaanong pamilyar na mga himno. Ang pag-awit ng ward choir o ng iba pa ay maaaring makatulong sa mga miyembro na maging mas pamilyar sa mga himno na hindi gaanong kilala.
19.3.3
Musika sa mga Klase at Iba pang mga Miting ng Ward
Ang pag-awit ng mga himno ay maaaring maging mabisang paraan para maipakilala o mapagtibay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Hinihikayat ng mga lider ang mga guro na gamitin ang mga himno at iba pang sagradong musika para mapahusay ang kanilang pagtuturo.
Ang mga quorum meeting at mga klase sa araw ng Linggo ay hindi palaging nagsisimula sa isang pambungad na himno.
19.3.4
Musika sa Stake Conference
Ang musika para sa stake conference ay dapat planuhin upang magpalakas ng pananampalataya at patotoo. Dapat sinusunod nito ang mga alituntunin sa 19.3.1. Nirerebyu ng namumunong awtoridad ang lahat ng iminungkahing musika sa umpisa pa lamang ng pagpaplano.
Ang musika para sa stake conference ay karaniwang kinabibilangan ng pag-awit ng himnong pangkongregasyon at iba pang mga piniling musika na inaawit ng isang choir, solong mang-aawit, o maliliit na grupo. Ang kongregasyon ay karaniwang umaawit ng isang himno sa gitna ng pulong. Maaaring aprubahan ng mga stake presidency ang paggamit ng solong instrumento o iba pang instrumento maliban sa piano o organ (tingnan sa 19.3.6).
19.3.5
Iba pang Musika sa Loob ng Sacrament Hall
Ang sacrament hall ay maaaring gamitin paminsan-minsan para sa mga kaganapan para sa sining pangkultura na kinabibilangan ng sekular na musika, tulad ng mga konsiyerto, recital, at iba pang pagtatanghal. Bagama’t ang pagpalakpak ay hindi hinihikayat sa mga serbisyo sa pagsamba, maaaring angkop ito sa mga kaganapang ito.
Sinasagot ng mga lokal na priesthood leader ang mga tanong tungkol sa mga aktibidad na pangkultura na idinaraos sa sacrament hall. Tingnan ang 35.5 para sa impormasyon tungkol sa angkop na paggamit ng mga meetinghouse.
19.3.6
Mga Instrumentong Pangmusika
Karaniwang ginagamit ang mga instrumentong pangmusika para sa pambungad at pangwakas na saliw ng musika at para sa pag-awit ng himno sa mga miting ng Simbahan. Ang organ at piano ang pamantayang instrumento kung mayroon nito at kung may mga miyembro na marunong tumugtog ng mga ito. Maaaring aprubahan ng mga bishopric ang paggamit ng iba pang instrumento para sa pag-awit ng kongregasyon, pambungad at pangwakas na saliw ng musika, at sa iba pang piniling musika.
Ang mga instrumentong pangmusika ay dapat magpamalas ng diwa ng pagsamba at angkop sa diwa ng pagpupulong.
Kung walang piano, organ, o accompanist, maaaring gumamit ng angkop na mga recording (tingnan sa 19.2).
19.3.6.1
Pagkuha ng mga Instrumentong Pangmusika
Ang mga gusali ng Simbahan ay karaniwang nilalagyan ng isang organ, mga piano, o mga electronic keyboard. Maaaring kontakin ng mga lider ang lokal na facilities manager para sa impormasyon tungkol sa pagkuha ng bago o kapalit na mga instrumento.
19.3.6.2
Pag-iingat sa mga Instrumentong Pangmusika
Ang mga piano ay regular na tinotono at ang mga organ ay regular na iniinspeksyon at kinukumpuni. Maaaring kontakin ng bishop o ng stake building representative ang facilities manager para sa mga katanungan. Kung kailangan, maaari din siyang magsumite ng kahilingan sa Facility Issue Reporting (FIR) upang inspeksyunin at kumpunihin ang mga piano at organ (tingnan sa 35.4.2).
19.3.7
Mga Choir
Simula pa noong panahon ng Lumang Tipan, ang mga anak ng Diyos ay umaawit sa mga choir upang magbigay ng papuri sa Kanya. Ang mga choir sa Simbahan ay naghahatid ng kaluwalhatian sa Diyos, pinagkakaisa at pinatitibay ang mga miyembro ng Simbahan, at nagdadala ng kagalakan sa mga kalahok at sa kongregasyon.
19.3.7.1
Mga Ward Choir
Kung saan mayroong sapat na bilang ng mga miyembro, ang mga ward ay maaaring mag-organisa ng mga choir na regular na aawit sa mga sacrament meeting. Ang bishopric ay maaaring tumawag ng isang choir director at choir accompanist (tingnan sa 19.4.3.3).
Maaaring magboluntaryo ang mga miyembro ng ward na maging bahagi ng choir. Ang mga miyembro at iba pa ay maaari ding anyayahang makibahagi. Hindi nagdaraos ng mga audition.
Hinihikayat ang mga choir na gamitin ang mga himno ng Simbahan. Ang pag-awit ng mga himno ay nag-aanyaya sa Espiritu at tumutulong sa mga miyembro ng choir at sa kongregasyon na matutuhan ang ebanghelyo (tingnan sa Mga Himno, 201–21). Kung gumamit ng iba pang sagradong musika, dapat sundin ang mga tuntunin sa 19.3.1.
Ang pag-eensayo ng choir ay kadalasang hindi lumalampas ng isang oras.
Kung kailangan ng ward choir ng sheet music, maaari itong bilhin gamit ang pondo ng budget ng ward (tingnan sa 19.7.1). Hinihikayat ang mga ward choir na magbahagi ng binili na musika sa iba pang mga choir sa stake. Ang paggawa ng kopya ng mga sheet music nang walang pahintulot mula sa may-ari ng karapatang-sipi ay salungat sa patakaran ng Simbahan (tingnan sa 38.8.11).
Bukod sa ward choir, maaari ding anyayahang umawit sa mga miting ng Simbahan ang mga pamilya at mga grupo ng kababaihan, kalalakihan, kabataan, o mga bata.
19.3.7.2
Mga Stake at Multistake Choir
Sa pag-apruba ng mga lider ng stake o area, maaaring mag-organisa ng mga stake o multistake choir para sa mga stake conference at iba pang mga okasyon, tulad ng mga kaganapan sa komunidad. Pagkatapos ng pulong o kaganapan, ang choir ay binubuwag hanggang sa magkaroong muli ng iba pang mga okasyon.
19.4
Pamumuno sa Musika sa Ward
19.4.1
Bishopric
Ang bishop ang responsable para sa musika sa ward. Maaari niyang iatas ang responsibilidad na ito sa isa sa kanyang mga counselor. Ang mga bishopric ay may sumusunod na mga responsibilidad:
-
Tumawag at mag-set apart ng mga miyembro na maglilingkod sa mga calling na may kinalaman sa musika na inilarawan sa 19.4.2 at 19.4.3 kung kailangan.
-
Makipagtulungan sa ward music coordinator para magplano ng musika para sa mga sacrament meeting (tingnan sa 19.3.1).
-
Ituro sa mga miting ang kahalagahan ng pagsamba sa pamamagitan ng musika. Hikayatin ang mga miyembro na makibahagi sa pag-awit ng kongregasyon. Hikayatin ang mga miyembro, lalo na ang mga kabataan, na gumamit ng nagbibigay-inspirasyong musika araw-araw sa kanilang personal na buhay (tingnan sa 19.2).
-
Magpasiya kung ang mga instrumento maliban sa piano o organ ay maaaring gamitin sa mga miting ng Simbahan (tingnan sa 19.3.6).
-
Suportahan ang ward choir sa pamamagitan ng paghikayat sa mga miyembro na makibahagi rito.
19.4.2
Ward Music Coordinator
Ang ward music coordinator ay naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng bishopric. Responsibilidad niya ang mga sumusunod:
-
Maging sanggunian ng bishopric at ng iba pang lider ng ward sa mga usaping may kinalaman sa musika. Dumalo sa ward council meeting kapag inanyayahan ng bishop na tumulong sa pag-oorganisa ng musika sa ward.
-
Makipagtulungan sa bishopric sa pagpaplano ng musika para sa mga sacrament meeting (tingnan sa 19.3.1 at 19.3.2).
-
Magrekomenda ng at pangasiwaan ang pagsasanay sa musika sa ward (tingnan sa 19.6). Tulungan ang mga miyembro na makahanap ng mga pagkakataong mapaunlad at magamit ang kanilang mga talento sa musika sa ward.
-
Kapag hiniling ng bishopric, magrekomenda ng mga miyembro na maglilingkod sa mga calling sa ward na may kinalaman sa musika. Magbigay ng oryentasyon sa mga naglilingkod sa mga calling na ito, nagbibigay ng suporta, pagtuturo, at pagsasanay kung kailangan.
-
Maglingkod sa iba pang mga calling sa ward na may kinalaman sa musika kung walang tinawag na ibang maglilingkod.
-
Makipagsanggunian sa stake music coordinator para sa pagsasanay at suporta kung kailangan.
19.4.3
Karagdagang mga Calling
Sa ward na may maraming miyembro, ang bishopric ay maaaring tumawag ng mga miyembro na maglilingkod sa mga sumusunod na calling. Ang mga kabataan at ang mga tao na iba ang relihiyon ay maaaring tawaging maglingkod. Maaaring i-angkop ng mga bishopric ang mga calling na ito kung kailangan upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang ward.
19.4.3.1
Ward Music Leader
Ang music leader ang kumukumpas sa pag-awit ng mga himnong pangkongregasyon sa mga sacrament meeting at iba pang mga pulong ng ward ayon sa kahilingan.
19.4.3.2
Ward Accompanist
Ang ward accompanist ang naglalaan ng pambungad at pangwakas na saliw ng musika at saliw para sa mga himno sa sacrament meeting at sa iba pang mga pulong ng ward ayon sa kahilingan. Kapag kailangan, maaari ding tumugtog ang accompanist para sa choir o maglingkod bilang Primary pianist.
Kapag walang sinuman sa ward ang marunong tumugtog ng piano o organ, maaaring gamitin ang mga sumusunod na opsiyon:
-
Maaaring tumugtog ang isang miyembro ng isang alternatibong instrumento na inaprubahan ng bishop (tingnan sa 19.3.6).
-
Ang ilang meetinghouse ay mayroong digital piano o organ na may nakaprogram na mga himno (tingnan sa 19.3.6.1).
-
Maaaring gamitin ng mga miyembro ang mga recording mula sa mga sumusunod:
-
Sacred Music app
-
Gospel Library app
-
Mga CD mula sa store.ChurchofJesusChrist.org
-
19.4.3.3
Choir Director at Choir Accompanist
Ang ward choir director ang nagrerekomenda ng musikang aawitin ng choir, namamahala sa mga pag-eensayo ng choir, at kumukumpas sa pag-awit ng choir sa sacrament meeting (tingnan sa 19.3.7).
Ang ward choir accompanist ang tumutugtog para sa pag-eensayo ng choir at kapag umaawit ang choir sa sacrament meeting.
Ang karagdagang impormasyon tungkol sa pagkumpas sa pag-awit ng choir ay nasa Conducting Course manual, mga pahina 73–83.
19.4.3.4
Primary Music Leader at Primary Pianist
Tingnan sa 12.3.4.
19.4.3.5
Mga Music Specialist
Ang bishopric ay maaaring tumawag ng mga specialist na tutulong sa pagsasanay sa musika sa ward (tingnan sa 19.6).
19.5
Pamumuno sa Musika sa Stake
19.5.1
Stake Presidency
Ang stake president ang namamahala sa musika sa stake. Maaari niyang iatas ang sumusunod na mga responsibilidad sa isa sa kanyang mga counselor o sa isang miyembro ng high council:
-
Tumawag at mag-set apart ng mga miyembro na maglilingkod sa mga calling na may kinalaman sa musika tulad na inilarawan sa 19.5.2 at 19.5.3 kung kailangan.
-
Sumangguni sa stake music coordinator para magplano ng musika para sa stake conference at iba pang mga kaganapan sa stake (tingnan sa 19.3.1, 19.3.4, at 19.3.7.2).
-
Ituro sa mga miting ang kahalagahan ng pagsamba sa pamamagitan ng musika. Hikayatin ang mga miyembro na makibahagi sa pag-awit ng kongregasyon. Hikayatin ang mga miyembro na gumamit ng nagbibigay-inspirasyong musika araw-araw sa kanilang personal na buhay (tingnan sa 19.2).
-
Magpasiya kung ang mga instrumento maliban sa piano o organ ay maaaring gamitin sa mga miting ng stake (tingnan sa 19.3.6).
19.5.2
Stake Music Coordinator
Sa ilalim ng pamamahala ng stake presidency, ang stake music coordinator ay may sumusunod na mga responsibilidad:
-
Maglingkod bilang sanggunian ng stake presidency at ng iba pang mga lider ng stake sa mga usaping may kinalaman sa musika.
-
Sumangguni sa stake presidency para magplano ng musika para sa stake conference at iba pang mga kaganapan sa stake (tingnan sa 19.3.1, 19.3.4, at 19.3.7.2).
-
Magrekomenda ng at pangasiwaan ang pagsasanay sa musika sa stake (tingnan sa 19.6).
-
Kapag hiniling ng stake presidency, magrekomenda ng mga miyembro na maglilingkod sa mga calling sa stake na may kinalaman sa musika. Magbigay ng oryentasyon sa mga naglilingkod sa mga calling na ito. Magbigay ng suporta, pagtuturo, at pagsasanay kung kailangan.
-
Magbigay ng pagsasanay at suporta sa mga ward music coordinator kung kailangan.
-
Maglingkod bilang music leader at choir director sa mga miting ng stake kung walang ibang tinawag na maglingkod sa mga calling na ito.
19.5.3
Mga Stake Music Specialist
Maaaring tumawag ng mga stake music specialist kung kailangan. Maaaring kabilang sa mga ito ang stake choir director, stake music leader, at stake accompanist. Maaari ding atasan ang mga stake music specialist na magbigay ng pagsasanay sa musika (tingnan sa 19.6).
19.6
Pagsasanay at Resources sa Musika
Ang pag-aaral ng mga pangunahing kasanayan sa musika ay tumutulong sa mga miyembro na maghandang gamitin ang kanilang mga talento upang maglingkod sa Simbahan. Ang sumusunod na resources ay makatutulong sa mga may calling na may kinalaman sa musika. Matutulungan din ng mga ito ang lahat ng miyembro na interesadong magkaroon ng kasanayan sa musika.
Ang mga materyal para sa basic music training ay nasa bahaging “Paggamit ng Himnaryo” sa Mga Himno at sa bahaging “Paggamit ng Awit Pambata” sa Aklat ng mga Awit Pambata.
Maaari ding makatulong ang sumusunod na resources:
-
Ang isang koleksyon ng sheet music at mga music recording na magagamit sa tahanan at sa simbahan ay makukuha sa Sacred Music app at online sa music.ChurchofJesusChrist.org. Ang pakikinig sa mga recording ay makatutulong sa mga miyembro na maging mas pamilyar sa mga himno.
-
Ang interactive na music player sa ChurchofJesusChrist.org ay makatutulong sa mga naghahangad na matuto ng bagong musika o magkaroon ng kasanayan sa musika.
-
Ang Basic Music Course ay makatutulong sa mga miyembro na matuto kung paano magbasa at tumugtog ng musika. Kabilang dito ang Conducting Course Kit at Keyboard Course Kit. Ang mga ito ay mabibili sa store.ChurchofJesusChrist.org.
-
Isang Music Education Fund ang naitatag sa headquarters ng Simbahan upang magbigay ng mga keyboard, training material, at pagtuturo para sa mga miyembrong naghahangad na magkaroon ng kasanayan sa musika. Para sa impormasyon tungkol sa pondong ito, pumunta sa musicfund.ChurchofJesusChrist.org.
Ang mga stake at ward music coordinator ay maaaring mag-organisa ng mga basic music training course para sa mga music leader, choir director, o accompanist. Maaaring kabilang sa mga kalahok ang mga kasalukuyang naglilingkod sa mga calling na may kinalaman sa musika at iba pang mga interesadong adult, kabataan, at mga bata. Ang mga music coordinator o specialist ay maaaring magturo ng mga kursong ito. Ang mga music coordinator ay maaari ding magrekomenda ng mga kwalipikadong tagapagturo na magbibigay ng training.
Kung saan mayroong sapat na bilang ng mga miyembro, ang mga music coordinator ay maaaring sumangguni sa mga priesthood leader at irekomendang mag-organisa ng mga stake o multistake training workshop. Walang sinisingil na bayad sa pagsasanay na itinataguyod ng Simbahan.
19.7
Mga Karagdagang Patakaran at Tuntunin
19.7.1
Pagkuha at Paggamit ng Musika
Ang supply ng mga himnaryo ay ibinibigay sa mga bagong meetinghouse. Ang mga karagdagang himnaryo, musikang pang-choir, at iba pang musika ay mabibili gamit ang pondo sa budget ng stake o ward.
19.7.2
Paggamit ng mga Instrumento sa Meetinghouse para sa Pagsasanay, Pribadong Pagtuturo, at mga Recital
Kapag walang makatuwirang alternatibo, maaaring pahintulutan ng mga priesthood leader ang paggamit ng mga piano at organ sa meetinghouse para sa pagsasanay, pribadong pagtuturo na may bayad, at mga recital na kasali ang mga miyembro ng mga unit na gumagamit ng meetinghouse. Ang awtorisasyon na ito ay isang eksepsyon na inilarawan sa 35.5.6.1. Walang bayad na dapat singilin para sa pagdalo sa mga recital.
19.7.3
Mga Choir ng Komunidad
Ang Simbahan ay hindi nagtataguyod o nag-iisponsor ng mga choir ng komunidad na pangmatagalan na pinamamahalaan ng at karamihan ng kasapi ay mga miyembro ng Simbahan. Hindi dapat gamitin ng mga choir na ito ang mga pantukoy sa Simbahan sa kanilang mga pangalan.
Kung aaprubahan ng stake presidency, maaaring gamitin ng mga choir ng komunidad ang mga gusali ng Simbahan para sa mga pag-eensayo at pagtatanghal. Dapat nilang sundin ang mga pamantayan at patakaran ng Simbahan na may kinalaman sa mga meetinghouse (tingnan sa 35.5).