Mga Hanbuk at Calling
2. Pagsuporta sa mga Indibiduwal at Pamilya sa Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan ng Diyos


“2. Pagsuporta sa mga Indibiduwal at Pamilya sa Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan ng Diyos,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2024).

“2. Pagsuporta sa mga Indibiduwal at Pamilya,” Pangkalahatang Hanbuk.

retrato ng pamilya

2.

Pagsuporta sa mga Indibiduwal at Pamilya sa Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan ng Diyos

2.0

Pambungad

Bilang lider sa Simbahan ni Jesucristo, sinusuportahan mo ang mga indibiduwal at pamilya sa pagsasakatuparan ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos (tingnan sa 1.2). Ang tunay na layunin ng gawaing ito ay tulungan ang lahat ng mga anak ng Diyos na matanggap ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan at ganap na kagalakan.

Malaking bahagi ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos ay naisasagawa sa pamamagitan ng pamilya. Para sa lahat ng miyembro ng Simbahan, ang gawaing ito ay nakasentro sa tahanan. Ang kabanatang ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang:

  • Papel na ginagampanan ng pamilya sa plano ng Diyos.

  • Gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos sa tahanan.

  • Ugnayan sa pagitan ng tahanan at Simbahan.

2.1

Ang Papel na Ginagampanan ng Pamilya sa Plano ng Diyos

Ang pamilya ay inorden ng Diyos at nasa sentro ng Kanyang plano. Ang bawat isa sa atin “ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit [na] may banal na katangian at tadhana” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org). Tayo ay bahagi ng kanilang pamilya. Kapiling natin sila bago tayo isinilang sa mundo.

Bilang bahagi ng Kanyang plano, itinatag ng Ama sa Langit ang mga pamilya sa mundo. Nilayon Niya ang mga pamilya na magdala sa atin ng kaligayahan. Ang mga pamilya ay nagbibigay ng mga pagkakataong matuto, umunlad, maglingkod, magsisi, at magpatawad. Matutulungan nila tayong maghanda para sa buhay na walang hanggan.

Sa buhay na ito, maraming tao ang may limitadong pagkakataong magkaroon ng mapagmahal na relasyon sa pamilya. Walang pamilya ang malaya mula sa mga pagsubok, pasakit, at kalungkutan. Ang mga indibiduwal at pamilya ay nananampalataya sa Panginoon at sinisikap na mamuhay ayon sa mga katotohanang inihayag Niya hinggil sa pamilya. Nangako ang Tagapagligtas na tutulungan Niyang pasanin ang lahat ng pinapasan ng lahat ng lumalapit sa Kanya (tingnan sa Mateo 11:28–30).

Tinitiyak ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit na lahat ng Kanyang mga anak ay magkakaroon ng pagkakataong tanggapin ang Kanyang ebanghelyo at matanggap ang Kanyang pinakamalalaking pagpapala (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 137:7–10). Lahat ng gumawa ng at tumupad sa mga tipan sa Diyos ay makararanas ng galak at “kapayapaan sa buhay na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (Doktrina at mga Tipan 59:23; tingnan din sa Mosias 2:41).

Kasama sa pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan ang kasal na walang hanggan, mga anak, at lahat ng iba pang mga pagpapala ng walang-hanggang pamilya. Ang pangakong ito ay angkop din sa mga hindi pa kasal o walang pamilya sa Simbahan (tingnan sa 38.1.4). Ang mga pagpapalang ito ay tinitiyak sa lahat ng nagsisikap na mamuhay bilang mga disipulo ni Jesucristo.

2.1.1

Mga Walang-Hanggang Pamilya

Ang mga walang-hanggang pamilya ay nabubuo kapag gumagawa ng mga tipan ang mga miyembro ng Simbahan sa pagtanggap nila ng mga ordenansa ng pagbubuklod sa templo. Ang mga pagpapala ng walang-hanggang pamilya ay natatamo kapag tumutupad sa mga tipan ang mga miyembro at nagsisisi kapag sila ay nagkakamali. Ang mga lider ng Simbahan ay tinutulungan ang mga miyembro na maghandang tanggapin ang mga ordenansang ito at tuparin ang kanilang mga tipan.

Ang bawat tao ay maaaring magkaroon ng ilang mga papel sa isang walang-hanggang pamilya. Lahat ng papel sa pamilya ay sagrado at mahalaga. Maaaring kabilang sa mga papel na ito ang ina at ama, anak na babae at anak na lalaki, kapatid, tita at tito, at lola at lolo. Ang pagganap sa mga papel na ito nang may pagmamahal ay tumutulong sa mga anak ng Diyos na sumulong tungo sa buhay na walang hanggan.

Isang karagdagang aspekto ng pagtatatag ng mga walang-hanggang pamilya ay ang pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo na nagtutulot sa mga miyembro na mabuklod sa kanilang mga yumaong ninuno.

Dahil nauunawaan ng mga miyembro ang plano ng Diyos, hinahangad nila ang mga pagpapala ng isang walang-hanggang pamilya.

2.1.2

Mag-asawa

Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 49:15). Ang mag-asawang lalaki at babae ay nilayong umunlad nang magkasama tungo sa buhay na walang hanggan (tingnan sa 1 Corinto 11:11).

Isa sa mga kailangan upang matamo ang buhay na walang hanggan ay ang pagpasok ng isang lalaki at isang babae sa tipan ng selestiyal na kasal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4). Ginagawa ng mag-asawa ang tipang ito kapag tinanggap nila ang ordenansa ng pagbubuklod sa templo. Ang tipang ito ang saligan ng walang-hanggang pamilya. Kapag tapat na sinunod, tinutulutan nito ang kanilang kasal na magtagal magpakailanman. Sa huli, sila ay magiging katulad ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:19–20).

Ipinag-utos ng Diyos sa mga mag-asawa na pumisan sa isa’t isa (tingnan sa Genesis 2:24; Doktrina at mga Tipan 42:22). Sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang pumisan ay maging ganap na mapagmahal at tapat sa isang tao. Pumipisan sa isa’t isa ang mga mag-asawa sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa isa’t isa.

Kasama rin sa pagpisan ang lubos na katapatan sa pagitan ng mag-asawa. Ang pisikal na intimasiya sa pagitan ng mag-asawa ay nilayong maging maganda at sagrado. Ito ay inorden ng Diyos para sa paglikha ng mga anak at sa pagpapadama ng pagmamahalan ng mag-asawa. Paggiliw at paggalang—hindi kasakiman—ang dapat gumabay sa kanilang matalik na ugnayan.

Iniutos ng Diyos na ang seksuwal na intimasiya ay dapat gawin lamang sa loob ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Ang pagpapanatiling dalisay ng puri bago ikasal at katapatan sa loob ng kasal ay tumutulong sa mga indibiduwal na tunay na lumigaya at maiwasan ang espirituwal, emosyonal, at pisikal na kapahamakan. Ang mga magulang at lider ng Simbahan ay hinihikayat na gawin ang lahat ng makakaya nila upang pagtibayin ang turong ito. (Tingnan sa 38.6.5.)

Hinahangad ng mag-asawa na magkaisa sa pagtatatag ng kanilang pamilya (tingnan sa Genesis 2:24). Ang pagkakaroon ng pagkakaisa sa pagsasama ay nangangailangan ng pagiging magkatuwang sa lahat ng bagay, na naghahati sa mga responsibilidad. Ang mag-asawa ay pantay sa paningin ng Diyos. Hindi dapat mangibabaw ang isa sa isa pa. Ang kanilang mga desisyon ay dapat gawin nang may pagkakaisa at pagmamahal, na may buong pakikibahagi ng kapwa mag-asawa.

Sina Adan at Eva ay nagpakita ng halimbawa para sa mga mag-asawa. Magkasama silang nagtrabaho, nanalangin, at sumamba (tingnan sa Moises 5:1, 4). Itinuro nila sa kanilang mga anak ang ebanghelyo at magkasamang nagdalahamhati sa mga pagsubok (tingnan sa Moises 5:12, 27). Kaisa nila ang isa’t isa at ang Diyos.

2.1.3

Mga Magulang at mga Anak

Ang unang utos ng Diyos kina Adan at Eva bilang mag-asawa ay magkaroon ng mga anak (tingnan sa Genesis 1:28). Itinuro ng mga propeta sa mga huling araw na “ang kautusan ng Diyos sa Kanyang mga anak na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 49:16–17).

Isang sagradong pribilehiyo at responsibilidad para sa isang mag-asawa na alagaan ang mga anak na isinilang sa kanila o inampon nila. Ang mga magulang na nag-ampon ay may kaparehong mga pagpapala at responsibilidad tulad ng mga natural na mga magulang.

Ang mapagmahal na mag-asawa ay magkasamang makapagbibigay ng pinakamabuting kapaligiran para sa pagpapalaki at pag-aaruga ng mga anak. Ang indibiduwal na mga kalagayan ay maaaring pigilan ang mga magulang na magkasamang palakihin ang kanilang mga anak. Gayunman, pagpapalain sila ng Panginoon habang hinihingi nila ang Kanyang tulong at nagsisikap na sundin ang kanilang mga tipan sa Kanya.

Mayroong mahalagang responsibilidad ang mga magulang na tulungan ang kanilang mga anak na maghanda na tanggapin ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. Tinuturuan nila ang kanilang mga anak na mahalin at paglingkuran ang Diyos at ang iba (tingnan sa Mateo 22:36–40). Itinuturo nila sa mga ito na manalangin sa Ama sa Langit at pag-aralan ang salita ng Diyos (tingnan sa Alma 37:36–37, 44–46). Tinutulungan nila ang kanilang mga anak na maunawaan ang doktrina ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, at kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25). Tinutulungan din nila ang kanilang mga anak na maghandang gumawa ng mga tipan kapag tinanggap nila ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan.

“Ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan ng mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”). Kung walang asawang lalaki o ama sa tahanan, ang ina ang mamumuno sa pamilya.

Ang pamumuno sa pamilya ay ang responsibilidad na tulungang gabayan ang mga miyembro ng pamilya na makabalik at manirahang muli sa piling ng Diyos. Ito ay naisasagawa sa pamamagitan ng paglilingkod at pagtuturo nang may kahinahunan, kaamuan, at dalisay na pagmamahal, na sinusunod ang halimbawa ni Jesucristo (tingnan sa Mateo 20:26–28). Kasama sa pamumuno sa pamilya ang pangunguna sa regular na panalangin ng pamilya, pag-aaral ng ebanghelyo, at iba pang mga aspekto ng pagsamba. Ang mga magulang ay magkasamang nagsisikap na magampanan ang mga responsibilidad na ito.

“Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga ng kanilang mga anak” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”). Ang ibig sabihin ng pag-aruga ay pangangalaga, pagtuturo, at pagsuporta, na sinusunod ang halimbawa ng Tagapagligtas (tingnan sa 3 Nephi 10:4). Kaisa ng kanyang asawa, ang isang ina ay tumutulong sa kanyang pamilya na matutuhan ang mga katotohanan ng ebanghelyo at magkaroon ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Magkasama silang lumilikha ng isang kapaligiran ng pagmamahalan sa pamilya.

“Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”). Mapanalangin silang nagpapayuhan nang magkasama at kasama ang Panginoon.

tatay na nagtuturo sa pamilya

2.2

Ang Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan ng Diyos sa Tahanan

Sinabi ng Unang Panguluhan, “Ang tahanan ang batayan ng matwid na pamumuhay” (liham ng Unang Panguluhan, Peb. 11, 1999). Sa kanilang mga tahanan, ang mga indibiduwal at pamilya ay tumutulong sa Diyos sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan.

Upang masuportahan ang mga miyembro sa paggawa ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos sa tahanan, hinihikayat sila ng mga lider ng Simbahan na magtatag ng isang tahanan kung saan naroon ang Espiritu. Hinihikayat din nila ang mga miyembro na igalang ang araw ng Sabbath, pag-aralan at matutuhan ang ebanghelyo sa tahanan, at magdaos ng lingguhang home evening. Binibigyan ng espesyal na pagtutuon ng mga lider ang pagsuporta sa mga taong walang natatanggap na tulong o panghihikayat mula sa mga miyembro ng kanilang pamilya.

2.2.1

Isang Tahanan Kung Saan Naroon ang Espiritu

Hinihikayat ang mga miyembro ng Simbahan na gawing lugar ng espirituwal na lakas at kagalakan ang kanilang mga tahanan. Maaanyayahan nila ang Espiritu ng Panginoon sa kanilang tahanan sa pamamagitan ng simpleng mga pagsisikap.

2.2.2

Paggalang sa Araw ng Sabbath

Iniutos ng Diyos sa Kanyang mga anak na “alalahanin … ang araw ng Sabbath, upang ingatan itong banal.” (Exodo 20:8). Nagtitipon ang mga miyembro ng Simbahan sa araw ng Sabbath upang makibahagi sa sakramento bilang pag-alaala kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:12). Ang Sabbath ay araw ng pagkatuto at pagtuturo ng ebanghelyo sa simbahan at sa tahanan. Mapalalakas ang mga miyembro sa araw ng Sabbath kapag sila ay nakibahagi sa mga gawaing tulad ng:

  • Personal na pagsamba sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.

  • Pag-aaral at pagkatuto ng ebanghelyo.

  • Pagminister at paglilingkod sa iba.

  • Family history.

  • Masayang pagsasama-sama ng pamilya.

  • Iba pang angkop na mga pagtitipon.

2.2.3

Pag-aaral at Pagkatuto ng Ebanghelyo sa Tahanan

Ang pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo ay nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan. Hinihikayat ng mga lider ng Simbahan ang lahat ng miyembro na pag-aralan ang ebanghelyo sa tahanan sa araw ng Sabbath at sa buong linggo. Pinalalakas ng pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan ang mga indibiduwal at pamilya. Ito ay nagpapalalim ng pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at Panginoong Jesucristo.

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan gaya ng nakasaad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ang iminumungkahing paraan ng pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan.

Ang mga indibiduwal at pamilya ay naghahangad ng inspirasyon sa pagpili nila ng pag-aaralan na pinakamakatutugon sa kanilang mga pangangailangan. Bukod pa sa mga talatang iminungkahi sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, maaari din nilang mapanalanging pag-isipan ang pag-aaral ng:

  • Ang Aklat ni Mormon at iba pang mga banal na kasulatan.

  • Mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya.

  • Mga magasin ng Simbahan at iba pang bagay na nagbibigay-inspirasyon.

2.2.4

Home Evening at Iba Pang mga Aktibidad

Pinayuhan ng mga propeta sa mga huling araw ang mga miyembro ng Simbahan na magdaos ng lingguhang home evening. Ito ay sagradong oras para sa mga indibiduwal at pamilya na matutuhan ang ebanghelyo, mapalakas ang patotoo, magkaroon ng pagkakaisa, at masiyahan sa isa’t isa.

Ang home evening ay maiaangkop ayon sa mga kalagayan ng mga miyembro. Ito ay maaaring gawin sa araw ng Sabbath o sa iba pang mga araw at oras. Maaari itong kapalooban ng:

  • Pag-aaral at patuturo ng ebanghelyo (maaaring gamitin ang mga materyal ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin kung nais).

  • Paglilingkod sa iba.

  • Pag-awit o pagtugtog ng mga himno at awitin sa Primary (tingnan sa kabanata 19).

  • Pagsuporta sa mga miyembro ng pamilya sa pag-unlad sa Mga Bata at Kabataan.

  • Family council upang magtakda ng mga mithiin, lutasin ang mga problema, at pagtugmain ang mga iskedyul.

  • Mga gawaing panlibangan.

Ang mga miyembrong walang asawa at iba pa ay maaaring magtipon sa mga grupo sa labas ng karaniwang oras ng pagsamba sa araw ng Sabbath upang makibahagi sa home evening at palakasin ang isa’t isa sa pamamagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay maaaring gamiting sanggunian para sa mga nagnanais na mag-aral nang magkakasama.

Upang makapaglaan ng oras para magkasama-sama ang mga pamilya, dapat panatilihing bakante ng mga lider ang Lunes ng gabi mula sa mga miting at aktibidad ng Simbahan.

Hinihikayat ng mga lider ang mga miyembro na regular na magdaos ng home evening at magsama-sama bilang mga pamilya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 64:33). Maaaring kabilang dito ang pagkain nang magkakasama, paggawa at paglilingkod nang magkakasama, at mga gawaing panlibangan.

2.2.5

Pagsuporta sa mga Indibiduwal

Tinutulungan ng mga lider ng Simbahan ang mga miyembro na nangangailangan ng karagdagang suporta. Tinutulungan ng mga lider ang mga miyembrong ito at ang kanilang pamilya na magkaroon ng mga pagkakataon para sa pakikipagkaibigan, makabuluhang mga karanasan sa pakikipagkapwa, at espirituwal na pag-unlad. Hinihikayat at tinutulungan sila ng mga lider sa kanilang pagsisikap na matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Binibigyan din sila ng mga lider ng mga pagkakataong maglingkod sa Simbahan.

magkasintahang nagtatawanan

2.3

Ang Ugnayan sa pagitan ng Tahanan at Simbahan

Ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos ay nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan. Ang sumusunod na mga alituntunin ay angkop sa ugnayan sa pagitan ng tahanan at Simbahan.

  • Ang mga lider at guro ay iginagalang ang papel na ginagampanan ng mga magulang at tinutulungan sila. Ang mga lider at guro ay nagtatatag at nagpapanatili ng mabisang pakikipag-ugnayan sa mga magulang.

  • Ang ilang miting sa Simbahan ay lubos na mahalaga sa bawat ward o branch. Kabilang dito ang sacrament meeting at mga klase at mga quorum meeting na idinaraos sa araw ng Sabbath. Maraming iba pang mga miting, aktibidad, at programa ang hindi gaanong mahalaga. Kung kinakailangan, inoorganisa ng mga lider ang mga ito upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga indibiduwal at pamilya. Isinasaalang-alang ng mga lider ang lokal na kalagayan at resources.

  • Isinasaalang-alang ng mga indibiduwal at pamilya ang kanilang kalagayan kapag gumagawa ng desisyon tungkol sa pakikibahagi sa mga programa ng Simbahan na hindi gaanong mahalaga.

  • Pagpapalain ng Panginoon ang mga miyembro habang sila ay naglilingkod at nagsasakripisyo sa Kanyang Simbahan. Gayunman, ang oras na ibinibigay sa paglilingkod sa Simbahan ay hindi dapat humadlang sa kakayahan ng mga miyembro na gampanan ang kanilang mga responsibilidad sa tahanan, sa trabaho, at iba pa. Ang mga lider at miyembro ay hindi dapat malunod sa dami ng mga tungkulin sa Simbahan. Hindi sila dapat pakiusapan na magsakripisyo nang labis upang suportahan ang mga programa o aktibidad ng Simbahan.

Habang sinusunod ng mga miyembro ang alituntuning ito at ang mga pahiwatig ng Espiritu, pagpapalain ng Ama sa Langit ang mga pagsisikap nila.