Mga Hanbuk at Calling
20. Mga Aktibidad


“20. Mga Aktibidad,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2024).

“20. Mga Aktibidad,” Pangkalahatang Hanbuk.

dalagitang may water blaster

20.

Mga Aktibidad

20.1

Mga Layunin

Pinagsasama-sama ng mga aktibidad ng Simbahan ang mga miyembro at iba pa bilang “mga kapwa mamamayan ng mga banal” (Efeso 2:19). Maaaring kabilang sa mga layunin para sa mga aktibidad ang mga sumusunod:

  • Bumuo ng pananampalataya kay Jesucristo.

  • Magkaroon ng mga pagkakataong magsaya at bumuo ng pagkakaisa.

  • Magkaroon ng mga pagkakataon para sa personal na pag-unlad.

  • Palakasin ang mga indibiduwal at pamilya.

  • Tulungan ang mga miyembro na makibahagi sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos (tingnan sa 1.2).

Narito ang ilang halimbawa ng mga aktibidad ng Simbahan:

  • Paglilingkod na magpapala sa iba at bubuo ng mga ugnayan sa komunidad.

  • Gawaing misyonero, gawain sa templo, at gawain sa family history.

  • Mga pagkakataong magkaroon ng self-reliance at mga kasanayan sa pamumuno.

  • Edukasyon at vocational training.

  • Mga aktibidad sa labas.

  • Mga pagkakataong maglinang ng mga talento at ng pagpapahalaga sa mga sining pangkultura.

  • Sports at kalusugan.

  • Pagdiriwang ng mga espesyal na okasyon, tulad ng mga pista-opisyal o makasaysayang mga pangyayari sa Simbahan o lokal na lugar.

Sa paggamit sa hanbuk na ito, ang katagang aktibidad ng Simbahan ay tumutukoy sa aktibidad na itinataguyod ng isang unit, korum, o organisasyon ng Simbahan.

20.2

Pagpaplano ng mga Aktibidad

Bago magplano ng isang aktibidad, isinasaalang-alang ng mga lider ang mga espirituwal at temporal na pangangailangan ng mga miyembro. Hinahangad ng mga lider ang patnubay ng Espiritu kapag nagpapasiya kung anong uri ng aktibidad ang makatutulong na matugunan ang mga pangangailangang iyon.

20.2.1

Responsibilidad sa Pagpaplano ng mga Aktibidad

Para sa impormasyon tungkol sa pagpaplano ng mga aktibidad sa stake at na multistake, tingnan ang 20.3.

Ang mga aktibidad ng ward ay maaaring planuhin sa alinman sa mga sumusunod na paraan, ayon sa mga lokal na pangangailangan:

  • Maaaring pamahalaan ng ward council ang pagpaplano.

  • Maaaring atasan ng ward council ang partikular na mga organisasyon na tumulong sa pagpaplano ng isa o higit pang mga aktibidad.

  • Kapag kailangan at kung saan may sapat na bilang ng mga miyembro, ang bishopric ay maaaring mag-organisa ng isang ward activities committee. Ang mga kabataan ay maaaring tawagin bilang mga miyembro ng komite. Ang komiteng ito ay kumikilos sa ilalim ng pamamahala ng ward council. Inaatasan ng ward council ang isa sa mga miyembro nito na regular na makipag-ugnayan sa activities committee.

Para sa impormasyon tungkol sa pagpaplano ng mga aktibidad ng mga kabataan sa ward, tingnan ang 10.2.1.3 at 11.2.1.3.

20.2.2

Anyayahan ang Lahat na Makibahagi

Dapat anyayahan ng mga nagpaplano ng mga aktibidad ang lahat, lalo na ang mga bagong miyembro, di-gaanong aktibong miyembro, kabataan, single adult, mga taong may kapansanan, at mga taong iba ang relihiyon. Ang mga nagpaplano ng mga aktibidad ay dapat maging sensitibo sa mga pisikal na limitasyon ng mga kalahok. Dapat maging sensitibo rin sila sa pagkakaiba-iba sa kultura at wika.

Ang mga nagpaplano ng mga aktibidad ay naghahanap ng mga paraan para makabahagi ang mga kalahok. Halimbawa, maaari nilang anyayahan ang mga miyembro at ang iba na gamitin ang kanilang mga kasanayan at talento sa aktibidad.

Bagama’t ang pagtitipon sa mga aktibidad ay maaaring maging pagpapala, hindi dapat ipadama sa mga miyembro na obligado silang dumalo sa bawat aktibidad. Ang mga aktibidad ay hindi dapat maging pabigat sa mga lider at mga miyembro.

20.2.3

Mga Pamantayan

Ang mga aktibidad ng Simbahan ay dapat na nakapagpapasigla at nagbibigay-diin sa mga bagay na “marangal, kaaya-aya, o magandang balita o maipagkakapuri” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13). Hindi dapat kasama sa mga aktibidad ang anumang bagay na salungat sa mga turo ng Simbahan. Hindi dapat gamitin sa mga aktibidad ang media o iba pang libangan na ginagawang katanggap-tanggap ang anumang bagay na hindi tama.

Ang mga sangkap na labag sa Word of Wisdom ay hindi pinahihintulutan sa mga aktibidad ng Simbahan o sa loob ng bakuran ng Simbahan. Ang mga taong nakainom ng alak o nasa impluwensiya ng droga ay hindi maaaring tanggapin sa mga aktibidad ng Simbahan. Kung magkaroon man ng ganitong sitwasyon, ang mga lider ay tumutugon nang may pagmamahal.

20.2.4

Balanse at Sari-Saring Aktibidad

Ang mga lider ay nagpaplano na magkaroon ng balanse sa mga idinaraos na aktibidad, kabilang na ang mga gawaing-paglilingkod, mga sining pangkultura, at pisikal na mga aktibidad (tingnan sa 20.1). Ang mga miyembro ay dapat magkaroon ng mga pagkakataong makilahok sa mga aktibidad na pumupukaw sa kanilang mga interes. Dapat din nilang suportahan ang iba sa kanilang mga interes.

Ang sumusunod na mga bahagi ay nagbibigay ng mga halimbawa ng magagandang aktibidad.

20.2.4.1

Gawaing-Paglilingkod

Ang mga gawaing-paglilingkod ay nagbibigay ng pagkakataong magpakita ng pagmamahal sa iba, madama ang kagalakan mula sa pagtulong sa kanila, at pagbutihin ang mga komunidad.

Maaaring kabilang sa mga aktibidad na ito ang pagbisita sa mga taong may sakit o nalulungkot, pagpapaganda sa mga gusali at bakuran ng Simbahan, at pakikibahagi sa mga proyekto sa komunidad. Sa mga lugar kung saan ito magagamit, ang JustServe.org ay nagmumungkahi ng mga pagkakataong maglingkod sa komunidad.

Ang mga gawaing-paglilingkod ay dapat sumunod sa mga tuntunin sa kaligtasan (tingnan sa 20.7.6.1).

20.2.4.2

Sining Pangkultura

Ang mga aktibidad sa sining pangkultura ay nagbibigay ng mga pagkakataon sa mga miyembro na linangin at ibahagi ang kanilang mga talento at interes. Pinag-iibayo rin ng mga aktibidad na ito ang pagkamalikhain, pagtitiwala sa sarili, at kooperasyon. Maaaring kabilang sa mga ito ang arts and crafts display, talent show, o sayaw, musika, at teatro. Maaari ding kabilang dito ang pagdiriwang ng kultura, mga pista-opisyal, o lokal o pangkalahatang kasaysayan ng Simbahan.

babaeng nananahi

20.2.4.3

Paglilibang, Kalusugan, Lakas ng Pangangatawan, at Sports

Bilang mga indibiduwal, pamilya, at mga grupo sa Simbahan, ang mga miyembro ay hinihikayat na makibahagi sa mga aktibidad na magpapabuti sa kanilang kalusugan at lakas ng pangangatawan. Ang ilang mga aktibidad ng Simbahan na panlibangan ay maaaring planuhin upang makalahok nang sama-sama ang mga miyembro ng pamilya.

Para sa impormasyon tungkol sa mga aktibidad sa sports, tingnan ang 20.5.9.

20.2.5

Pag-iskedyul ng mga Aktibidad

Ang mga aktibidad ng Simbahan ay dapat planuhin nang maaga hangga’t maaari. Ipinaaalam ng mga lider sa mga magulang ang tungkol sa mga aktibidad para sa mga bata at kabataan.

Ang mga aktibidad ay dapat idaos sa praktikal na oras. Ang mga ito ay dapat matapos nang maaga upang ligtas na makauwi ang mga kalahok.

Kung ang aktibidad ay idaraos sa isang meetinghouse o sa iba pang pasilidad ng Simbahan, dapat maagang ipareserba ang pasilidad upang maiwasan ang mga problema sa pag-iskedyul.

Ang mga gabi ng Lunes ay nakalaan para sa mga aktibidad ng pamilya (tingnan sa 20.5.3).

20.2.6

Pagpopondo para sa mga Aktibidad

Karamihan sa mga aktibidad ay dapat simple at maliit lang ang gastos o walang gastos. Ang anumang mga gastusin ay dapat maagang aprubahan ng bishopric o stake presidency.

Ang mga miyembro ay karaniwang hindi dapat magbayad para makalahok sa mga aktibidad. Para sa mga patakaran at tuntunin sa pagpopondo ng mga aktibidad, tingnan ang 20.6.

20.3

Mga Aktibidad sa Stake, Multistake, at Area

20.3.1

Mga Pangkalahatang Tuntunin

Halos lahat ng aktibidad ng Simbahan ay ginaganap sa ward level. Ang mga lider ay hinihikayat na magdaos paminsan-minsan ng mga aktibidad sa stake at na multistake kapag ang gayong mga aktibidad ay makatutulong na maisakatuparan ang mga layunin sa 20.1.

Ang mga aktibidad sa stake at na multistake ay kapaki-pakinabang para sa mga kabataan, mga single na miyembro, at kababaihan, at lalo na sa mga lugar na kakaunti lang ang mga miyembro. Ang mga aktibidad sa stake at na multistake na maayos na pinlano ay maaaring makatulong sa mga miyembro na magkaroon ng mas maraming kaibigan. Tinutukoy ng mga lider ang mga pangangailangan ng mga taong pinaglilingkuran nila at isinasaalang-alang nila kung makatutulong ang gayong mga aktibidad na matugunan ang mga pangangailangang iyon. Pagkatapos ay nagrerekomenda ang mga lider na ito ng mga aktibidad sa stake presidency.

20.3.2

Mga Aktibidad sa Stake

Ang stake Young Men presidency, stake Young Women presidency, stake Relief Society presidency, at stake Primary presidency ang nagpapasimula sa proseso ng pagpaplano ng mga aktibidad sa stake para sa kanilang mga organisasyon.

Ang stake young single adult committee ang nagpapasimula sa proseso ng pagpaplano ng mga aktibidad sa stake para sa mga young single adult.

Kung mayroong inorganisang stake single adult committee, ang mga miyembro ng komite ang nagpapasimula sa proseso ng pagpaplano ng mga aktibidad para sa mga single adult.

Kung mayroong inorganisang stake activities committee, maaari silang magplano ng mga aktibidad sa stake at maglingkod bilang sanggunian ng mga organisasyon sa stake sa pagpaplano ng kanilang mga aktibidad gaya ng nakasaad sa 20.3.2.1.

Ang lahat ng aktibidad sa stake ay dapat aprubahan ng stake presidency. Ang mga pagsisikap para dito ay pinag-uugnay sa mga stake council meeting.

Maaga pa man ay inaabisuhan na ng mga lider ng stake ang mga lider ng ward tungkol sa mga aktibidad sa stake. Tinitiyak din nila na ang mga aktibidad sa stake ay pandagdag sa mga aktibidad sa ward at hindi nakikipagkumpetensya sa mga ito.

20.3.2.1

Stake Activities Committee

Ang stake presidency ay maaaring mag-organisa ng isang stake activities committee na tutulong sa stake council na magplano ng mga aktibidad sa stake. Ang stake activities committee ay binubuo ng isang committee chair (isang high councilor) at mga miyembro ng komite (tingnan sa 20.3.2.2 at 20.3.2.3). Maaari ding anyayahan ng stake presidency ang ibang miyembro na tumulong sa pagpaplano ng isa o higit pang mga aktibidad.

20.3.2.2

Stake Activities Committee Chair

Kung ang stake presidency ay nag-organisa ng isang stake activities committee, maaari nilang atasan ang isang high councilor na maging committee chair. Maaaring kabilang sa kanyang mga responsibilidad ang:

  • Pagpapanatili ng isang kalendaryo ng mga aktibidad sa stake.

  • Pamamahala sa mga miyembro ng komite sa pagpaplano ng mga aktibidad sa stake.

  • Pagrerekomenda sa stake presidency ng isang detalyadong budget para sa mga aktibidad sa stake bago magsimula ang bawat taon. Hindi kasama sa budget na ito ang mga aktibidad na para sa mga organisasyon sa stake.

  • Paglilingkod bilang sanggunian ng mga lider ng mga organisasyon sa stake kapag nagpaplano sila ng mga aktibidad.

20.3.2.3

Mga Miyembro ng Stake Activities Committee

Ang isang miyembro ng stake presidency o isang inatasang high councilor ay maaaring tumawag ng mga miyembro na maglilingkod sa stake activities committee. Naglilingkod sila sa ilalim ng pamamahala ng committee chair. Ang mga miyembro ng komite ay tumutulong sa pagpaplano at pag-oorganisa ng mga aktibidad sa stake.

20.3.3

Mga Aktibidad na Multistake at sa Area

Sa mga lugar na may kakaunting kabataan, ang mga lider ay dapat magdaos paminsan-minsan ng mga multistake na aktibidad para sa mga kabataan, upang magkaroon sila ng mga karanasan sa pakikisalamuha sa mas malalaking grupo na kapaki-pakinabang para sa mga kabataan. Maaari ding magdaos paminsan-minsan ng mga aktibidad sa area para sa mga kabataan.

Dapat madalas magdaos ng mga multistake na aktibidad para sa mga young single adult kung ang pagdaraos nito ay hindi gugugol ng labis-labis na oras o gastos. Maaari ding magdaos paminsan-minsan ng mga aktibidad sa area para sa mga young single adult.

Para sa impormasyon tungkol sa mga multistake na aktibidad para sa mga miyembrong single o walang asawa, tingnan ang 14.2.1.3.

Ang mga multistake na aktibidad ay dapat simple at iba-iba.

Kung sa pakiramdam ng mga stake president ay makikinabang sa isang multistake na aktibidad ang mga miyembro ng kanilang mga stake, maaari silang humingi ng pahintulot mula sa Area Presidency. Bago magpanukala ng isang multistake na aktibidad, ang mga stake president ay nagpapasiya kung iyon ang pinakamainam na paraan upang matugunan ang mga pangangailangang natukoy nila. Isinasaalang-alang ng mga stake president ang gastos, oras, at paglalakbay na kakailanganin para sa aktibidad na ito. Isinasaalang-alang din nila ang kaligtasan (tingnan sa 20.7.6).

Ang mga miting para ayusin ang pagpaplano ng mga multistake na aktibidad ay maaaring idaos bago o pagkatapos ng mga area council meeting at coordinating council meeting (tingnan sa 5.2.3 at 5.2.4). Kung kinakailangan, maaaring anyayahang dumalo ang iba pang mga lider—kabilang na ang mga stake Relief Society president, stake Young Men president, at stake Young Women president.

Maaaring atasan ng Area Presidency ang mga stake president o mga Area Seventy na pamunuan ang mga komite na nagpaplano at nagsasagawa ng mga aktibidad na multistake o sa area. Maaaring tumawag ang mga stake president ng mga miyembro ng kanilang mga stake na maglingkod sa mga komiteng ito.

Ang pagpopondo sa karamihan sa mga multistake na aktibidad ay mula sa mga pondo ng budget ng mga makikibahaging stake. Ang pagpopondo para sa mga aktibidad sa area ay maaaring manggaling sa budget ng area o budget ng headquarters ng Simbahan kapag inaprubahan.

20.3.4

Pagsunod sa mga Patakaran sa Paglalakbay ng Simbahan

Ang mga aktibidad sa stake, na multistake, at sa area ay dapat sumunod sa mga patakaran sa paglalakbay ng Simbahan (tingnan sa 20.7.7). Ang paglalakbay para sa mga FSY conference ay dapat sumunod sa mga patakaran sa paglalakbay ng Simbahan maliban kung ang FSY administrator ay nagbigay ng ibang tagubilin sa mga lokal na lider.

mga taong nag-uusap

20.4

Youth Conference

Simula sa Enero ng taon na sila ay magiging 14 na taong gulang, ang mga kabataang lalaki at kabataang babae ay inaanyayahang sama-samang makibahagi sa isang youth conference. Karaniwang idinaraos ang mga youth conference isang beses kada taon sa ward o stake level. Maaari ding idaos ang mga ito nang multistake o sa area level. Sa taon na ang mga kabataan ay dadalo sa isang FSY conference, ang mga stake at ward ay hindi dapat magdaos ng youth conference.

Ang mga layunin ng mga youth conference ay upang tulungan ang mga kabataan na:

  • Magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo.

  • Palakasin ang kanilang mga patotoo.

  • Linangin ang kanilang mga talento.

  • Magkaroon ng mga bagong kaibigan.

  • Magsaya kasama ng mga kabataan na kapareho nila ang mga paniniwala at mga pamantayan.

Maaari ding matuto ang mga kabataan ng mga kasanayan sa pamumuno habang sila ay nagpaplano ng mga youth conference.

Ang mga ward youth conference ay pinaplano at isinasagawa ng ward youth council, sa ilalim ng pamamahala ng bishopric (tingnan sa 29.2.6). Hinihingi ng bishopric ang pag-apruba ng stake presidency para sa mga plano para sa isang ward youth conference.

Ang mga stake youth conference ay pinaplano at isinasagawa ng stake youth leadership committee (tingnan sa 29.3.9). Dapat anyayahan ang mga kabataan na tulungan ang komite hangga’t maaari.

Ang mga youth conference ay pinopondohan mula sa budget ng stake o ward. Hindi dapat hilingin sa mga miyembro na magbayad para sa mga youth conference (tingnan sa 20.6).

Habang pinaplano ng mga lider at kabataan ang isang youth conference, dapat nilang sundin ang mga patakaran sa kabanatang ito at ang mga sumusunod na tuntunin:

  • Pumili ng isang tema ng ebanghelyo, gaya ng isang talata mula sa banal na kasulatan, na magbibigay-inspirasyon sa mga kabataan at tutulungan silang maunawaan ang mga inaasahan sa kanila sa youth conference. Ang taunang tema ng Simbahan para sa mga kabataan ay maaaring gamitin bilang tema ng youth conference. Dapat aprubahan ng bishopric o stake presidency ang tema.

  • Magplano ng mga aktibidad na nakaayon sa tema.

  • Hingin ang pag-apruba ng bishopric o ng stake presidency para sa lahat ng tagapagsalita at aktibidad. Ang mga tagapagsalita ay dapat mga miyembro ng Simbahan na nagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu. Tingnan ang 38.8.18 para sa iba pang mga tuntunin hinggil sa mga tagapagsalita.

  • Kung ang isang aktibidad ay pinlano na isagawa sa araw ng Linggo, ito ay dapat na angkop sa araw ng Sabbath. Pinahihintulutan ang mga testimony meeting, talakayan kasama ng bishopric, o katulad na mga miting. Gayunman, hindi dapat magdaos ng mga sacrament meeting—at hindi dapat pangasiwaan ang sakramento—sa labas ng mga meetinghouse ng ward o stake. Ang anumang eksepsyon ay dapat para sa isang aktibidad na itinataguyod ng Simbahan at dapat aprubahan ng Area Presidency. Ang mga grupo ay hindi dapat maglakbay papunta o pabalik mula sa youth conference sa araw ng Linggo.

  • Tiyaking may sapat na bilang ng mga adult na magbabantay sa lahat ng oras (tingnan sa 20.7.1).

  • Sundin ang lahat ng tuntunin sa kaligtasan sa 20.7.6.

Inaanyayahan ang mga adult leader na dumalo sa kabuuan ng youth conference hangga’t maaari. Kabilang dito ang mga miyembro ng bishopric o stake presidency, ward o stake Young Women presidency, at stake Young Men presidency. Maaari ding anyayahang dumalo ang mga ward Young Women adviser at mga ward Young Men adviser.

20.5

Mga Patakaran at Tuntunin para sa Pagpili at Pagpaplano ng mga Aktibidad

Tinitiyak ng mga lider na nasusunod ang mga sumusunod na patakaran at tuntunin sa pagpili ng at pagpaplano sa mga aktibidad ng Simbahan.

20.5.1

Komersyal o Pulitikal na mga Aktibidad

Hindi pinahihintulutan ang pagdaraos ng mga aktibidad na para sa anumang komersiyal o pulitikal na layunin (tingnan sa 35.5.6.1 at 35.5.6.3).

20.5.2

Mga Sayawan at Musika

Sa lahat ng sayawan, ang pananamit, ayos, ilaw, mga estilo ng pagsasayaw, mga titik, at musika ay dapat mag-ambag sa isang kaaya-ayang kapaligiran kung saan makakapanahan ang Espiritu ng Panginoon (tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili).

Ginagamit ng mga lider ang Performance Contract form kapag nag-aarkila ng banda, orkestra, o disc jockey. Tumutulong ang kontratang ito na matiyak na angkop ang pagkilos at musika sa mga sayawan sa Simbahan. Ang mga lider ay gumagawa ng malinaw at nakasulat na kasunduan kung saan nangangako ang mga magpapatugtog ng musika na susundin nila ang mga pamantayan ng Simbahan sa mga aktibidad ng Simbahan.

20.5.3

Mga Gabi ng Lunes

Ang mga miyembro ay hinihikayat na magdaos ng mga aktibidad ng pamilya tuwing Lunes o sa ibang mga araw. Hindi dapat magdaos ng mga aktibidad ng Simbahan, mga miting, o mga serbisyo sa binyag paglampas ng alas-6:00 n.g. ng Lunes.

Tinitiyak ng mga lider na sarado ang mga gusali ng Simbahan at iba pang pasilidad sa mga gabi ng Lunes. Ang mga salu-salo at katulad na mga aktibidad ay hindi maaaring idaos sa mga pasilidad ng Simbahan sa mga gabi ng Lunes.

Bilang eksepsyon, ang mga young single adult ward at mga single adult ward ay maaaring magdaos ng mga aktibidad sa gabi ng Lunes, pati na sa mga gusali ng Simbahan. Maaari ding magbigay ng eksepsyon kapag ang bisperas ng Bagong Taon ay natapat sa araw ng Lunes (tingnan sa 20.5.4).

20.5.4

Mga Aktibidad sa Bisperas ng Bagong Taon

Kung ang isang ward o stake ay nagpaplano ng aktibidad para sa bisperas ng Bagong Taon, at kung ang bisperas ng Bagong Taon ay natapat sa araw ng Sabado, Linggo, o Lunes, dapat sundin ng mga lider ang mga sumusunod na tuntunin.

Sabado. Ang stake president ay maaaring pumili ng isa pang araw ng Linggo para sa araw ng pag-aayuno. Ang aktibidad ay maaaring lumampas ng hatinggabi. Gayunman, dapat itong matapos kaagad upang ang mga kalahok ay makadalo sa mga miting sa araw ng Linggo.

Linggo. Ang mga aktibidad ng Simbahan ay maaaring planuhin para idaos sa Sabado, Disyembre 30. Ang mga tuntunin sa naunang talata ay naaangkop. Ang mga pamilya ay maaaring hikayatin na ipagdiwang ang bisperas ng Bagong Taon sa kanilang mga tahanan. Ang mga aktibidad ay dapat angkop para sa araw ng Sabbath.

Lunes. Maaaring pahintulutan ng stake president o bishop ang paggamit sa mga gusali ng Simbahan sa gabi ng Lunes.

20.5.5

Mga Magdamagang Aktibidad

Kailangan ang pahintulot ng mga magulang o tagapag-alaga para sa lahat ng magdamagang aktibidad ng Simbahan na lalahukan ng mga kabataan (tingnan sa 20.7.4).

Ang mga magdamagang aktibidad ng Simbahan para sa pinagsamang mga kabataang lalaki at kabataang babae ay dapat aprubahan ng bishop at stake president. Angkop din ito sa mga aktibidad na para sa mga miyembrong lalaki at babae na single o walang asawa. Dapat bibihira lamang ang gayong mga aktibidad. Kabilang sa mga halimbawa nito ang mga youth conference, FSY conference, o pagbisita sa templo na nangangailangan ng paglalakbay nang malayo.

Dapat magkakahiwalay ang mga tulugan ng mga lalaki at babae na kalahok at lider. Gayunman, ang isang mag-asawa ay maaaring matulog sa iisang kwarto o tent. Bawat kabataan ay dapat mayroong sariling kama o sleeping bag.

Kung magkakasama ang mga adult leader at mga kabataan sa iba pang uri ng mga pasilidad para sa magdamagang aktibidad, tulad ng isang cabin o tent, kailangang mayroong hindi bababa sa dalawang adult sa bawat pasilidad, at sila ay dapat na kapareho ng kasarian ng mga kabataan.

Ang mga kabataan ay hindi maaaring manatili sa isang tent o kwarto kasama ang isang adult kung walang ibang adult na naroon. Gayunman, ang isang kabataan ay maaaring manatiling mag-isa sa isang tent o kwarto kasama ng kanyang magulang o tagapag-alaga.

Ang lahat ng magdamagang aktibidad ng Simbahan ay dapat mayroong hindi bababa sa dalawang adult leader.

Dapat mayroong sapat na bilang ng mga adult na mayhawak ng priesthood ang naroon sa lahat ng oras ng mga magdamagang aktibidad upang magbigay ng suporta at proteksyon. Para sa mga aktibidad ng Young Women, ang mga mayhawak ng priesthood ay dapat mamalagi sa mga pasilidad na hiwalay sa mga kabataang babae.

Kinukumpleto ng mga lider ang isang Event and Activity Plan form para sa mga magdamagang aktibidad.

Hindi inaaprubahan ang mga magdamagang aktibidad sa mga meetinghouse ng Simbahan o sa loob ng bakuran ng meetinghouse.

Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang “FAQs—What Should I Do?” sa ChurchofJesusChrist.org.

20.5.6

Pagganap sa Papel ng Diyos

Hindi dapat ganapin ang papel ng Diyos Ama at Espiritu Santo sa mga miting, drama, or musical na pagsasadula.

Kung gaganapin ang papel ng Tagapagligtas, ito ay dapat gawin nang may buong pagpipitagan at dignidad. Mga lalaki lamang na may mabuting pagkatao ang dapat isaalang-alang para sa papel na ito. Ang taong gumaganap na Tagapagligtas ay hindi dapat umawit o sumayaw. Kapag nagsasalita, mga tuwirang pananalita lamang na hango sa mga banal na kasulatan na binigkas ng Tagapagligtas ang dapat niyang gamitin. Pagkatapos ng pagtatanghal, dapat kaagad niyang palitan ang kanyang kasuotan ng regular na damit.

Hindi dapat gumanap na Tagapagligtas ang mga bata sa isang pagsasadula maliban sa tagpo ng Kanyang kapanganakan.

20.5.7

Mga Panalangin at Debosyonal sa mga Aktibidad

Lahat ng aktibidad ay dapat umpisahan at, kung naaangkop, tapusin sa pamamagitan ng panalangin. Maaaring kabilang sa aktibidad ang isang himno, isang maikling espirituwal na mensahe (spiritual thought), o mensahe ng isang lider o kalahok.

20.5.8

Pagpapapanatiling Banal ng Araw ng Sabbath

Hindi maaaring mag-iskedyul ng camping ng Simbahan, aktibidad sa sports, o mga aktibidad sa paglilibang sa araw ng Linggo. Hindi rin dapat maglakbay ang mga grupo ng kabataan at ang iba pa papunta o pabalik mula sa mga camping o youth conference sa araw ng Linggo.

Bilang eksepsyon, kung ang kaligtasan at gastos sa pagbibiyahe ay magiging mabigat na suliranin, ang ilang aktibidad ng mga kabataan ay maaaring idaos kaagad pagkatapos ng mga pulong sa pagsamba sa araw ng Linggo. Ang mga aktibidad na ito ay hiwalay sa mga naka-iskedyul na mga miting sa araw ng Linggo. Ang mga ito ay dapat naaayon sa diwa ng Sabbath. Kailangan itong aprubahan ng bishop at stake president.

20.5.9

Sports

Ang mga aktibidad sa sports ng Simbahan ay nagbibigay ng mga oportunidad para sa pag-eehersisyo at pakikipagkapatiran. Binibigyang-diin ng mga ito ang pakikibahagi, pagiging mabuting manlalaro, at pagpapaunlad ng mga kasanayan. Kapag bahagi ng aktibidad ang pakikipagpaligsahan, dapat ay gawin ang lahat upang maiwasan ang pagtatalo. Lahat ng miyembro ng mga koponan ay dapat magkaroon ng patas na oportunidad na maglaro, anuman ang antas ng kanilang kasanayan.

Ang stake presidency ang namamahala sa mga aktibidad sa sports na ginagawa sa kanilang stake. Nagtatatag din sila ng mga tuntunin na (1) magtatakda ng edad ng mga manlalaro na makikibahagi sa mga sports sa Simbahan at (2) tutukoy sa kwalipikasyon ng mga manlalaro. Ang gayong mga desisyon ay dapat gawin bago pa magsimula ang palaro.

Kung magdaraos ng mga multistake sports activity, ang Area Presidency o mga inatasang Area Seventy ang mamamahala sa mga ito. Ang mga aktibidad na ito ay pinangangasiwaan ng mga sports specialist na tinawag ng mga agent stake president na itinalaga ng Area Presidency. Hindi inaaprubahan ang mga area sports tournament.

Hindi kailangang mga miyembro ng Simbahan ang mga kalahok sa mga aktibidad sa sports ng Simbahan. Gayunman, sila ay dapat nakatira sa mga lugar na sakop ng unit at nangangakong susunod sa mga pamantayan at patakaran ng Simbahan sa mga aktibidad.

Kung ang mga koponan ay gagamit ng uniporme, ang mga ito ay dapat na simple, hindi mahal, at angkop sa aktibidad. Ang mga de-kolor na T-shirt o pullover shirt ay karaniwang sapat na. Dapat bayaran ang mga uniporme mula sa budget ng stake o ward.

Hindi hinihikayat ang pagbibigay ng mga award o tropeo sa mga koponan o indibiduwal.

mga lalaking naglalaro ng soccer

20.5.10

Mga Pagbisita sa Templo

Ang mga pagbisita sa templo ay inoorganisa ng ward o stake na sakop ng nakatalagang temple district.

Hindi hinihikayat na mag-organisa ang mga ward at stake ng pagbista sa mga templo sa labas ng kanilang itinalagang temple district. Ang gayong mga pagbisita ay kailangang aprubahan ng stake presidency. Ang mga magdamagang pagbisita sa templo ay kailangan ding aprubahan ng stake presidency.

Ang mga pagbisita sa templo ay dapat sumunod sa mga patakaran sa paglalakbay sa 20.7.7. Ang mga magdamagang pagbisita sa templo ay dapat ding sumunod sa mga patakaran sa 20.5.5.

20.5.11

Mga Aktibidad na Hindi Inaaprubahan

Hindi maaaring itaguyod ng mga unit ng Simbahan ang mga aktibidad na hindi nakaayon sa mga tuntunin sa kabanatang ito. Kabilang dito ang:

  • Mga aktibidad na may malaking posibilidad na masaktan o magkasakit ang mga kalahok (tingnan sa 20.7.6).

  • Mga aktibidad na nangangailangan ng di-karaniwang gastos o paglalakbay (tingnan sa 20.7.7).

  • Mga programa sa pag-eehersisyo na ang musika, mga titik ng mga kanta, pananamit, o iba pang mga elemento ay hindi nakaayon sa mga pamantayan ng Simbahan.

Kung ang isang bishop ay may tanong tungkol sa kaangkupan ng isang aktibidad, tinatanong niya ang stake president. Maaaring iparating ng mga stake president ang mga tanong sa Area Presidency.

20.6

Mga Patakaran at Tuntunin para sa Pagpopondo ng mga Aktibidad

Tinitiyak ng mga lider na nasusunod ang mga sumusunod na patakaran at tuntunin sa pagpopondo ng lahat ng aktibidad ng Simbahan.

20.6.1

Mga Aktibidad na Binabayaran Gamit ang Pondo ng Budget ng Ward o Stake

Dapat gamitin ang pondo ng budget ng ward o stake para bayaran ang lahat ng aktibidad—maliban sa mga posibleng eksepsyon na nakalista sa 20.6.2.

Hindi dapat magbigay ang mga miyembro ng mga materyales, kagamitan, bayad sa pag-arkila o pagpasok, o bumiyahe nang malayo sa sarili nilang gastos. Ang mga miyembro ay maaaring magbigay ng pagkain kung hindi ito magiging pabigat sa kanila.

20.6.2

Pagpopondo para sa mga Youth Camp

Kung ang budget ng ward o stake ay walang sapat na pondo para sa mga aktibidad na nakalista sa ibaba, maaaring hilingin sa mga lider sa mga kalahok na bayaran ang bahagi nito o ang lahat ng ito:

  • Isang pinalawig na taunang Aaronic Priesthood camp o katulad na aktibidad

  • Isang pinalawig na taunang Young Women camp o katulad na aktibidad

Hindi dapat labis-labis ang mga gastusin o paglalakbay para sa taunang camping. Ang kawalan ng personal na pondo ay hindi dapat maging dahilan para hindi makalahok ang isang miyembro.

Kung ang pondo mula sa budget ng ward at stake at mula sa mga kalahok ay hindi sapat para sa mga camping, maaaring pahintulutan ng bishop ang isang ward fundraising event bawat taon. Ang fundraising event na ito ay dapat sumunod sa mga tuntunin sa 20.6.5.

Para sa impormasyon tungkol sa pagpopondo ng malalaking multistake o area event para sa mga young single adult, tingnan ang 14.2.1.3.

20.6.3

Pagpopondo para sa mga FSY Conference

Maaaring hilingan ang mga kabataan na magbayad para makadalo sa mga For the Strength of Youth (FSY) conference. Kung ang halaga ng bayad ay magiging dahilan para hindi makadalo ang isang kabataan, maaaring gamitin ng bishop ang pondo ng budget ng ward para bayaran ang kabuuan o bahagi nito. Tingnan sa FSY.ChurchofJesusChrist.org.

20.6.4

Pagpopondo Para sa mga Kagamitan at Supply

Kung maaari, ang mga kagamitan at supply na kailangan ng ward para sa mga taunang youth camp ay dapat bilhin gamit ang pondo ng budget ng ward. Kung hindi sapat ang pondong ito, maaaring pahintulutan ng bishop ang isang ward fundraising event bawat taon. Ang aktibidad na ito ay dapat sumunod sa mga tuntunin sa 20.6.5.

Ang mga kagamitan at suplay na binili gamit ang pondo ng budget ng ward o perang nalikom sa pamamagitan ng isang fundraising event ay gagamitin lamang para sa mga layunin ng Simbahan. Hindi ito para sa personal na paggamit.

20.6.5

Mga Fundraising Event

Ang mga gastusin para sa mga aktibidad ng stake at ward ay karaniwang binabayaran gamit ang pondo ng budget. Gayunman, maaaring pahintulutan ng stake president o bishop ang isang fundraising event bawat taon para sa mga sumusunod na layunin lamang:

  • Para makatulong na mabayaran ang mga aktibidad na nakalista sa 20.6.2 at 20.6.3.

  • Para makatulong sa pagbili ng mga kagamitang kailangan ng unit para sa taunang camping gaya ng nakasaad sa 20.6.4.

Kung magdaraos ng isang fundraising event, ito ay dapat na makabuluhan o nagbibigay-serbisyo.

Tinitiyak ng mga lider na ang mga nalikom na pondo ay pantay-pantay na naipamamahagi. Ang budget para sa mga Aaronic priesthood quorum ay nakabatay sa bilang ng mga kabataang lalaki sa ward. Ang budget para sa young women ay nakabatay sa bilang ng mga kabataang babae sa ward.

Ang mga kontribusyon sa mga fundraising event ay hindi sapilitan. Tinitiyak ng mga lider na hindi madarama ng mga miyembro na obligado silang magbigay ng kontribusyon.

Ang mga unit na nagdaraos ng mga fundraising event ay hindi dapat ito ianunsyo o mangalap ng pondo sa labas ng kanilang mga nasasakupan. Hindi rin sila dapat magbahay-bahay upang magbenta ng mga produkto o mag-alok ng serbisyo.

Kabilang sa mga halimbawa ng mga fundraising activity na hindi inaaprubahan ang:

  • Mga aktibidad na ang malilikom na pera ay maaaring patawan ng buwis.

  • Mga aktibidad na ginagawa sa pamamagitan ng pagkontrata sa serbisyo ng ibang tao, mga empleyado man o mga taong nangongontrata.

  • Pagtatanghal kung saan babayaran ng stake o ward ang mga magtatanghal para sa kanilang serbisyo.

  • Pagbebenta ng mga produkto o serbisyo mula sa isang negosyo.

  • Mga game of chance o sugal, gaya ng pa-raffle, loterya, at bingo.

  • Mga aktibidad na hindi ligtas.

Anumang eksepsyon sa mga tagubiling ito ay dapat aprubahan ng Area Presidency.

20.7

Mga Patakaran at Tuntunin sa Kaligtasan para sa mga Aktibidad

Tinitiyak ng mga lider na nasusunod ang mga sumusunod na patakaran at tuntunin para sa kaligtasan sa lahat ng aktibidad ng Simbahan.

20.7.1

Pagbabantay ng Adult

Dapat ay mayroong hindi bababa sa dalawang adult sa lahat ng aktibidad ng Simbahan na dinadaluhan ng mga bata at kabataan. Maaaring kailanganin ang karagdagang mga adult depende sa laki ng grupo, sa mga kasanayang kailangan sa aktibidad, at iba pang mga kadahilanan. Ang mga magulang ay hinihikayat na tumulong.

Ang lahat ng naglilingkod sa mga bata at kabataan ay dapat na kumpletuhin ang children and youth protection training. Tingnan sa ProtectingChildren.ChurchofJesusChrist.org.

20.7.2

Mga Panuntunan sa Edad para sa Pakikibahagi sa mga Aktibidad ng Kabataan

Sa pagsang-ayon ng kanilang mga magulang, ang mga kabataan ay maaaring dumalo sa mga magdamagang camp simula sa Enero ng taong magiging 12 taong gulang sila. Maaari silang dumalo sa mga sayawan, youth conference, at FSY conference simula sa Enero ng taong magiging 14 na taong gulang sila.

20.7.3

Insurance

20.7.3.1

Personal Automobile Insurance

Tingnan sa 20.7.7.

20.7.3.2

Personal Health and Accident Insurance

Sa maraming bahagi ng mundo, ang health and accident insurance coverage ay ibinibigay ng kumpanyang pinapasukan ng isang tao o ng mga programa ng pamahalaan. Kung ang mga miyembrong mayroong ganitong insurance coverage ay nasaktan sa isang aktibidad ng Simbahan, dapat muna nilang gamitin ang lahat ng makukuhang benepisyo bago humingi ng tulong mula sa Church activity insurance (tingnan sa 20.7.3.4).

20.7.3.3

Personal Liability Insurance

Pinapayuhan ng Simbahan ang mga miyembro at lider na namamahala sa mga aktibidad ng Simbahan na protektahan ang kanilang sarili, kung maaari, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng liability insurance na may makatwirang halaga. Ang gayong insurance ay maaaring makuha sa pamamagitan ng homeowners insurance o iba pang mga policy. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang “FAQs—What Should I Do?” sa ChurchofJesusChrist.org.

20.7.3.4

Church Activity Medical Assistance Program

Sa Estados Unidos at Canada, ang Church Activity Medical Assistance (CAMA) program ay nagbibigay ng pangalawang tulong medikal at dental para sa mga pinsalang natamo habang nakikibahagi sa isang aktibidad ng Simbahan. Nagbibigay rin ito ng tulong sa paglilibing kung kinakailangan. Ang programang ito ay dinisenyo bilang pandagdag, hindi kapalit, para sa sariling health and accident insurance ng isang tao. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang “FAQs—What Should I Do?” sa ChurchofJesusChrist.org.

Kung may nangyaring insidente sa isang kaganapang itinataguyod ng Simbahan, magpapasiya ang mga lider kung kakailanganin ang CAMA. Sinumang lider ay maaaring mag-report ng isang insidente sa Global Incident Reporting system sa incidents.ChurchofJesusChrist.org. Kung natukoy ng lider na inaasahan ang panggagamot na higit pa sa paunang lunas o first aid, ang bishop ay aabisuhan at tatanggap ng impormasyon tungkol sa enrollment sa programa. Isinasaalang-alang ng bishop ang kakayahan ng isang tao na mabayaran ang mga gastusin sa pagpapagamot sa ibang paraan, tulad ng personal na insurance coverage o iba pang mga resource. Maaari niyang iawtorisa ang paggamit ng pondo ng CAMA kung sa palagay niya ay naaangkop ito.

Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang Church Activity Medical Assistance Handbook. Para makuha ang hanbuk na ito, kontakin ang:

Deseret Mutual Benefit Administrators

P.O. Box 45530

Salt Lake City, UT 84145-0530

Telepono: 1-801-578-5650 o 1-800-777-1647

Email: churchactivity@dmba.com

Website: dmba.com/churchactivity

20.7.3.5

Mga Certificate of Insurance

Ang Simbahan ay madalas hinihingan ng katibayan ng pagkakaroon ng insurance para sa mga aktibidad. Ang mga kahilingang ito ay nagmumula sa mga kasunduan sa pag-arkila, mga kontrata, o mga permit na nauugnay sa mga aktibidad.

Sa Estados Unidos at Canada, ang mga lider ay maaaring makakuha ng katibayan ng pagkakaroon ng insurance sa InsuranceCertificates.ChurchofJesusChrist.org. Sa labas ng Estados Unidos at Canada, dapat kontakin ng mga lider ang nakatalagang area office. Dapat kabilang sa mga kahilingan ang:

  • Pangalan at address ng organisasyon na humihingi ng katibayan ng pagkakaroon ng insurance.

  • Paglalarawan at lokasyon ng pasilidad, kung aarkilahan ang isang pasilidad.

  • Kailangang liability limit.

  • Iba pang mahalagang impormasyon tungkol sa aktibidad.

Dapat maagang magplano ang mga lider upang magkaroon sila ng sapat na panahon na hintayin ang mga insurance certificate.

20.7.4

Pahintulot ng Magulang

Ang mga bata at kabataan ay hindi maaaring dumalo sa isang aktibidad ng Simbahan kapag hindi nagbigay ng pahintulot ang kanilang mga magulang o tagapag-alaga. Kailangan ang nakasulat na pahintulot para sa mga aktibidad ng Simbahan na magdamagan, kinabibilangan ng mahabang paglalakbay, o may mas mataas na antas ng panganib kaysa sa karaniwang mga aktibidad. Ang ilang aktibidad ay maaaring mangailangan ng karagdagang pagpaplano para mabawasan ang mga panganib. Dapat na maging mahalagang bahagi ng pagpaplano ang pagsasaalang-alang sa kaligtasan. Tingnan sa 20.7.6.1.

Ibinibigay ng mga magulang at tagapag-alaga ang pahintulot na ito sa pamamagitan ng paglagda sa Permission and Medical Release form. Dapat hawak ng taong mamumuno sa aktibidad ang nilagdaang form para sa bawat kalahok.

20.7.5

Mga Ulat ng Pang-aabuso

Ang anumang pang-aabuso na nangyari sa isang aktibidad ng Simbahan ay dapat isumbong sa mga awtoridad ng pamahalaan. Dapat kaagad na kontakin ang bishop. Ang mga tagubilin para sa mga miyembro ay nasa 38.6.2.7. Ang mga tagubilin para sa mga bishop ay nasa 38.6.2.1.

Para sa mga kahulugan ng pang-aabuso, tingnan ang 38.6.2.3 at 38.6.2.4.

20.7.6

Mga Pag-iingat, Pag-tugon sa Aksidente, at Pagrereport ng Aksidente

20.7.6.1

Mga Pag-iingat

Maingat na sinusuri ng mga lider at mga kalahok ang mga aktibidad upang matiyak na maliit ang posibilidad na may masaktan o magkasakit. Dapat maliit lang din ang posibilidad na may mapinsalang ari-arian sa mga aktibidad. Sa mga oras ng aktibidad, ginagawa ng mga lider ang lahat upang matiyak ang kaligtasan. Sa pamamagitan ng mabisang pagpaplano at pagsunod sa mga panuntunan ng pag-iingat, maaaring mabawasan ng mga lider ang posibilidad na magkaroon ng mga aksidente.

Kabilang dapat sa mga aktibidad ang angkop na pagsasanay at pagbabantay. Dapat naaangkop din ang mga ito sa edad, kakayahan, at kahustuhan ng isipan ng mga kalahok.

Tinuturuan ng mga lider ang lahat ng kalahok tungkol sa mga pag-iingat na gagawin para sa aktibidad. Kapag kailangan sa isang aktibidad ang partikular na pisikal na kasanayan o karanasan, maaaring kailanganing kumuha ng espesyal na training o gumamit ng mga propesyonal na gabay.

Dapat maging handa ang mga lider para sa mga emergency. Maaga pa lamang ay dapat alam din nila kung paano kontakin ang lokal na pulisya at emergency services. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang “FAQs—What Should I Do?” sa ChurchofJesusChrist.org.

grupong naghuhukay sa lupa

20.7.6.2

Pagtugon sa Aksidente

Kung may nangyaring aksidente o may nasaktan sa loob ng pag-aari ng Simbahan o sa isang aktibidad ng Simbahan, dapat sundin ng mga lider ang mga sumusunod na tuntunin, kung naaangkop:

  • Magbigay ng paunang lunas o first aid. Kung kailangan ng isang tao ng karagdagang pangangalagang medikal, kontakin ang emergency medical services. Kontakin din ang magulang, tagapag-alaga, o iba pang kamag-anak at ang bishop o stake president.

  • Kung may taong nawawala o namatay, kontakin kaagad ang pulisya. Makipagtulungan nang lubusan sa kanila.

  • Magbigay ng emosyonal na suporta.

  • Huwag hikayatin kapwa ang pagsasampa o hindi pagsasampa ng kaso. Huwag gumawa ng anumang pangako para sa Simbahan.

  • Tipunin at itabi ang mga pangalan ng mga saksi, kanilang mga contact information, mga tala ng nangyari, at mga larawan.

  • I-report ang aksidente (tingnan 20.7.6.3).

20.7.6.3

Pagrereport ng Aksidente

Ang mga sumusunod na sitwasyon ay dapat i-report online sa incidents.ChurchofJesusChrist.org. Ang bishop, stake president, o miyembro na inatasan niya na alam ang tungkol sa insidente ay kaagad itong inirereport.

  • May naaksidente o nasaktan sa loob ng pag-aari ng Simbahan o sa isang aktibidad ng Simbahan.

  • Nawawala ang isang taong kalahok sa isang aktibidad ng Simbahan.

  • May napinsalang ari-arian na pribado, pampubliko, o pag-aari ng Simbahan sa isang aktibidad ng Simbahan.

  • May banta ng o inaasahan ang pagsasampa ng kaso.

Kung may taong malubhang nasaktan, namatay, o nawawala dahil sa isang pangyayari, gagawin kaagad ng stake president, bishop, o isang taong inatasan niya ang isa sa mga sumusunod:

  • Sa Estados Unidos o Canada, inaabisuhan niya ang Risk Management Division sa headquarters ng Simbahan (1-801-240-4049 o 1-800-453-3860, extension 2-4049; matapos ang oras na may opisina o kapag Sabado’t Linggo, tumawag sa 1-801-240-1000 o 1-800-453-3860, at agad na kokontakin ng operator ang isang tao). Pagkatapos ay kontakin ang Area Presidency.

  • Sa labas ng Estados Unidos at Canada, abisuhan ang area office.

Inirereport din ng stake president o bishop sa facilities manager ng Simbahan ang tungkol sa mga nasaktan at pinsala sa mga pasilidad o ari-arian ng Simbahan.

Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang “FAQs—What Should I Do?” sa ChurchofJesusChrist.org.

20.7.6.4

Insurance at mga Tanong

Kung may nasaktan sa isang kaganapan sa Simbahan, tinutukoy ng mga lider kung naaangkop ang Church Activity Medical Assistance program (tingnan sa 20.7.3.4).

Sa ilang pagkakataon, maaaring may mga tanong ang stake president o bishop tungkol sa kaligtasan o sa mga paghahabol laban sa Simbahan. Isinasangguni ng stake president (o ng isang bishop na nasa ilalim ng kanyang pamamahala) ang mga tanong na ito sa Risk Management Division o sa area office.

20.7.7

Paglalakbay

Dapat aprubahan ng bishop o stake president ang paglalakbay para sa mga aktibidad ng Simbahan. Hindi dapat maging pabigat sa mga miyembro ang paglalakbay na ito.

Ang mga kalahok ay hindi dapat maglakbay nang malayo (mahigit sa ilang oras) para sa mga aktibidad. Ang anumang eksepsyon ay nangangailangan ng pag-apruba ng Area Presidency. Kapag inaprubahan ng Area Presidency ang gayong paglalakbay, hindi dapat magbayad ang mga miyembro para dito (tingnan sa 20.6).

Ang mga gawi sa paglalakbay at ang pagpapatupad ng mga tuntunin sa bahaging ito ay dapat na magkakapareho sa mga unit na nasa iisang coordinating council. Maaaring talakayin at magkaisa ang mga stake president tungkol sa mga gawi sa paglalakbay sa mga coordinating council meeting.

Pinupunan ng mga lider ang isang Event and Activity Plan form para sa mga aktibidad na may kasamang malayuang paglalakbay.

Kapag ang isang aktibidad ng Simbahan para sa mga kabataan ay kinabibilangan ng malayuang paglalakbay o magdamagang paglagi sa isang lugar, ang mga magulang o tagapag-alaga ay dapat magbigay ng nakasulat na pahintulot para makalahok ang kanilang mga anak (tingnan sa 20.7.4). Dapat mayroong mga responsableng adult na magbabantay (tingnan sa 20.7.1).

Kapag maaari, ang mga grupo sa Simbahan ay dapat gumamit ng komersyal na transportasyon para sa malayuang paglalakbay. Ito ay dapat lisensyado at protektado ng liability insurance.

Kapag naglalakbay ang mga grupo ng Simbahan sa mga pribadong sasakyan, ang bawat sasakyan ay dapat nasa ligtas na kondisyon. Ang bawat tao ay dapat gumamit ng seat belt. Bawat nagmamaneho ay dapat na lisensyado at responsableng adult. Ang lahat ng sasakyan at nagmamaneho ay dapat na sakop ng automobile liability insurance sa makatwirang halaga. Dapat gumawa ng mga plano upang matiyak na mananatiling alerto ang mga nagmamaneho. Hangga’t maaari, ang isang adult ay hindi dapat maiwang mag-isa kasama ang isang kabataan sa isang sasakyan maliban kung ang kabataan ay kanyang anak.

Hindi dapat magmay-ari o bumili ng sasakyan o bus ang mga organisasyon ng Simbahan para sa paglalakbay bilang isang grupo.

Ang isang lalaki at isang babae ay hindi dapat maglakbay na sila lamang ang magkasama para sa mga aktibidad, pulong, o takdang-gawain sa Simbahan maliban kung sila ay kasal sa isa’t isa o parehong walang asawa.

Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang “FAQs—What Should I Do?” sa ChurchofJesusChrist.org.

20.8

Mga Patakaran sa Pangangasiwa sa mga Aktibidad

Tinitiyak ng mga lider na nasusunod ang mga sumusunod na patakaran at tuntunin kapag pinangangasiwaan ang lahat ng aktibidad ng Simbahan.

20.8.1

Mga Materyal na may Karapatang-sipi

Tingnan sa 38.8.11.

20.8.2

Pag-arkila ng mga Pasilidad na Hindi Pag-aari ng Simbahan para sa mga Aktibidad

Kapag ang mga pasilidad ng Simbahan ay hindi sapat para sa isang stake o multistake na aktibidad, maaaring umarkila ng mga pasilidad kapag inaprubahan ng stake president. Ang gayong mga kahilingan ay pinangangasiwaan ng facilities manager ng Simbahan.

Ang mga lokal na unit ay maaaring hilingang magpakita ng katibayan na mayroon silang liability insurance kapag umaarkila o gumagamit ng mga pasilidad na hindi pag-aari ng Simbahan. Para sa impormasyon tungkol sa kung paano makakuha ng certificate of insurance, tingnan ang 20.7.3.5.

20.8.3

Mga Aktibidad na Maaaring Patawan ng Buwis

Tinitiyak ng mga lider na ang mga aktibidad ay hindi ilalagay sa alanganin ang tax-exempt status ng Simbahan. Para sa mga tuntunin, tingnan ang 34.8.1.