“21. Ministering,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2024).
“21. Ministering,” Pangkalahatang Hanbuk.
21.
Ministering
21.0
Pambungad
Ang ibig sabihin ng ministering ay paglilingkod sa iba na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 20:26–28). Minahal, tinuruan, ipinagdasal, pinanatag, at pinagpala Niya ang mga taong nakapaligid sa Kanya (tingnan sa Mga Gawa 10:38). Bilang mga disipulo ni Jesucristo, hinahangad nating magminister sa mga anak ng Diyos.
Nais ng Panginoon na matanggap ng lahat ng miyembro ng Kanyang Simbahan ang gayong pangangalaga. Dahil dito, inaatasan ang mga mayhawak ng priesthood na maging mga ministering brother sa bawat member household. Ang mga ministering sister ay inaatasan para sa bawat adult na babae. Ang mga takdang-gawaing ito ay tumutulong para matiyak na naaalala at naaalagaan ang mga miyembro ng Simbahan (tingnan sa Moroni 6:4).
Ang ministering ay isang mahalagang paraan na masusunod natin ang mga kautusan na mahalin ang Diyos at mahalin ang ating kapwa (tingnan sa Mateo 22:36–40). Isa rin itong napakahalagang paraan para makatulong sa pagsasakatuparan ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos.
Tinutulungan ng elders quorum presidency at Relief Society presidency ang mga ministering brother at mga ministering sister na matutuhan kung paano magminister sa iba. Nagbibigay rin sila ng inspirasyon, patnubay, at suporta. Magagawa nila ito sa mga ministering interview (tingnan sa 21.3), sa mga miting sa araw ng Linggo, at sa mga personal na pag-uusap. Naghahangad sila ng inspirasyon mula sa mga banal na kasulatan, sa kabanatang ito, at sa ministering.ChurchofJesusChrist.org.
21.1
Mga Responsibilidad ng mga Ministering Sister at mga Ministering Brother
Kinakatawan ng mga ministering sister at mga ministering brother ang Panginoon. Tinutulungan din nila ang mga miyembro na madama ang pagmamahal at suporta ng bishop at mga lider ng Relief Society o korum. Dapat nilang “pangalagaan” ang mga miyembro ng Simbahan at “makapiling at palakasin sila” (Doktrina at mga Tipan 20:53).
Ang mga ministering sister at mga ministering brother ay may sumusunod na mga responsibilidad para sa mga indibiduwal at mga pamilyang naka-assign sa kanila:
-
Tulungan silang patibayin ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
-
Tulungan silang maghandang gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Diyos kapag tumatanggap sila ng mga ordenansa. Kung kinakailangan, tulungan ang mga magulang na ihanda ang kanilang mga anak na tumanggap ng mga ordenansa at tumupad ng mga tipan.
-
Alamin ang mga pangangailangan at magbigay ng pagmamahal, malasakit, at paglilingkod na tulad ng kay Cristo. Magbigay ng tulong at kapanatagan sa panahon ng espirituwal o temporal na pangangailangan. Talakayin ang mga pangangailangan sa mga ministering interview at sa iba pang mga pagkakataon.
-
Tulungan silang maging self-reliant sa espirituwal at temporal na aspekto ng buhay.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga responsibilidad ng mga ministering sister at mga ministering brother, tingnan ang Santiago 1:27, Mosias 23:18, at Doktrina at mga Tipan 20:47, 59.
Mapanalanging hinihingi ng mga ministering sister at mga ministering brother ang patnubay ng Espiritu. Nakikipagsanggunian din sila sa mga pinaglilingkuran nila para maunawaan kung paano sila pinakamainam na matutulungang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Iniaangkop ng mga ministering sister at mga ministering brother ang kanilang mga pagsisikap sa mga pangangailangan at kalagayan ng mga pinaglilingkuran nila. Ang mga personal na pagbisita ay hinihikayat, habang isinasaalang-alang ang mga bagay na tulad ng kaligtasan, distansya, at kaangkupan sa kultura. Ang mga ministering sister at mga ministering brother ay maaari ding makipag-ugnayan sa ibang paraan. Kabilang dito ang mga pagtawag sa telepono, mga video call, text, email, liham, social media, pakikipag-usap sa simbahan, at paglilingkod.
Maaaring may mga pangangailangan na hindi kayang tugunan ng mga ministering brother o mga ministering sister nang mag-isa. Sa gayong mga sitwasyon, sumasangguni sila sa isang miyembro ng Relief Society o elders quorum presidency.
21.2
Pag-oorganisa ng Ministering
Binigyan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo ng makabuluhang mga takdang-gawain (tingnan sa Lucas 10:1–17; tingnan din sa 4.2.6 ng hanbuk na ito). Bilang pagsunod sa huwarang ito, tayo ay inaatasang magminister sa partikular na mga indibiduwal at pamilya. Ang isang organisadong pamamaraan sa pangangasiwa sa ministering ay tutulong sa bawat tao na magkaroon ng mga pakakataong madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas.
21.2.1
Pagbibigay ng mga Ministering Assignment
Mapanalanging isinasaalang-alang ng elders quorum presidency at Relief Society presidency ang bawat ministering assignment para sa mga ministering brother at mga ministering sister. Isinasaalang-alang nila ang mga kakayahan at pangangailangan ng mga miyembro. Isinasaalang-alang din nila ang mga pangangailangan ng mga anak sa pamilya. Karaniwang inaatasan nila ang dalawang lalaki o dalawang babae na maging isang ministering companionship. Hinihingi nila ang pag-apruba ng bishop para sa mga ministering companionship at mga ministering assignment.
Isinasaalang-alang ng mga lider ang mga sumusunod kapag gumagawa ng ganitong mga desisyon:
-
Ang matatapat na mga ministering brother at mga ministering sister ay dapat i-assign sa mga miyembrong may pinakamalaking pangangailangan. Kabilang sa mga ito ang mga bagong miyembro, solong magulang, balo, at di-gaanong aktibong miyembro.
-
Ang mga kabataan ay maaaring maglingkod bilang companion ng mga adult ayon sa mga tuntunin sa 21.2.2.
-
Ang isang mag-asawa ay maaaring atasan na magkasamang magminister sa isang tao o pamilya.
-
Pinangangalagaan ng mga stake presidency at bishopric ang lahat ng miyembro ng stake o ward. Dahil dito, sila ay karaniwang hindi inaatasan na maging mga ministering brother. Ang stake president ang nagpapasiya kung ang mga high councilor at mga functioning patriarch ay aatasan na maging mga ministering brother.
Matapos magbigay ng pag-apruba ang bishop, isang miyembro ng elders quorum presidency ang magbibigay ng mga ministering assignment sa mga ministering brother, pati sa mga kabataang lalaki. Isang miyembro ng Relief Society presidency ang magbibigay ng mga ministering assignment sa mga ministering sister, pati sa mga kabataang babae.
Ang mga lider na ito ay sumasangguni sa mga ministering brother o mga ministering sister tungkol sa mga kakayahan, pangangailangan, at pagsubok ng mga taong kanilang pinaglilingkuran. Hinihikayat ng mga lider ang mga ministering brother o mga ministering sister na unawain ang mga pangangailangan ng mga taong naka-assign sa kanila, at pagkatapos ay maghangad ng inspirasyon kung paano pinakamainam na makapaglilingkod.
Ang mga ministering brother at mga ministering sister ay hindi tinatawag, sinasang-ayunan, o sine-set apart. Ang kanilang paglilingkod ay bahagi ng tipang ginawa nila sa binyag (tingnan sa Mosias 18:8–11).
21.2.2
Mga Ministering Assignment para sa mga Kabataan
Bago pa man sila tumanggap ng mga ministering assignment, ang mga kabataan ay nagmiminister sa ibang tao sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila na tulad ng ginawa ni Cristo. Ang paglilingkod ng isang kabataan bilang ministering sister o ministering brother ay maaaring maging mahalagang bahagi ng pagtulong sa pagsasakatuparan ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos.
Ang isang kabataang babae ay maaaring maglingkod bilang ministering companion ng isang Relief Society sister kapag ang kabataang babae ay handa at may kakayahang gawin ito. Maaari siyang magsimulang maglingkod sa taon na siya ay magiging 14 na taong gulang. Ang Relief Society presidency ay sumasangguni sa kabataang babae, sa kanyang mga magulang, at sa Young Women presidency habang pinag-iisipan nila ang mga ministering assignment.
Kadasalan ay isang pagpapala para sa isang babae na magkaroon ng isang kabataang babae na magmiminister sa kanya. Maaari din itong maging pagpapala sa kabataang babae.
Ang isang kabataang lalaki ay naglilingkod bilang ministering companion sa isang mayhawak ng Melchizedek Priesthood kapag siya ay inordenan na sa katungkulan ng teacher o priest. Ang bishop ang nagpapasiya kung ang kabataang lalaki ay karapat-dapat at handang maordenan. (Tingnan sa 10.1.3.2.) Ang elders quorum presidency ay sumasangguni sa kabataang lalaki, sa kanyang mga magulang, at sa bishopric habang pinag-iisipan nila ang mga ministering assignment.
Sa ilang pagkakataon, ang isang kabataan ay maaaring atasan na maging ikatlong miyembro ng isang ministering companionship. Maaaring atasan ng mga lider ang mga kabataan na tumulong sa pagmiminister sa ilan o sa lahat ng indibiduwal at pamilyang naka-assign sa ministering companionship.
Ang mga kabataan ay hindi binibigyan ng sarili nilang mga ministering brother o mga ministering sister. Tumatanggap sila ng pangangalaga ng ministering mula sa mga ministering brother ng kanilang pamilya. Ang kanilang class o quorum presidency at mga adult leader ay nagmiminister din sa kanila. Kung ang kanilang mga magulang ay hindi miyembro ng Simbahan ngunit bukas sa pagtanggap ng ministering, maaaring bigyan ng elders quorum presidency ng mga ministering brother ang pamilya. Gayundin, maaaring bigyan ng Relief Society presidency ng mga ministering sister ang ina.
Ang tuntunin ng Simbahan na dalawang responsableng adult ang makakasama ng mga kabataan ay hindi angkop sa mga ministering companion. Gayunman, ang mga lider ay dapat na maging matalino at humingi ng inspirasyon kapag inaatasan ang mga kabataan na maging companion ng mga adult. Humihingi din sila ng patnubay mula sa bishop. Kapag inatasan ang isang kabataan na maging companion ng isang tao na hindi niya magulang, tinitiyak muna ng mga lider na hindi tutol dito ang kanyang mga magulang.
Dapat iwasan ng mga adult na companion ang mga sitwasyon na maaaring mabigyan ng maling interpretasyon. Nag-iingat sila sa mga sitwasyon kung saan silang dalawa lang ng kabataan ang magkasama at walang ibang tao sa paligid. Tinutulungan nila ang mga kabataan na magkaroon ng ligtas at makabuluhang karanasan sa ministering.
21.2.3
Mga Full-Time Missionary
Kung inaprubahan ng mission president, maaaring tumulong sa ministering ang mga full-time missionary. Maaaring hingin ng mga lider ng ward ang kanyang pag-apruba sa pamamagitan ng stake president. Ang mga full-time missionary ay karaniwang inaatasan na magminister sa mga bagong miyembro, mga miyembro na hindi miyembro ang buong pamilya, at mga di-gaanong aktibong miyembro.
21.3
Mga Ministering Interview
Ang Tagapagligtas ay nagkaroon ng simple ngunit malalim na interbyu kay Pedro tungkol sa pagpapakain sa Kanyang mga tupa (tingnan sa Juan 21:15–17). Ang mga ministering interview ay maaaring maging isang pagkakataong tulad nito. Tinutulungan ng mga ito ang mga lider na magpakita ng halimbawa ng ministering.
Iniinterbyu ng elders quorum president at ng kanyang mga counselor ang mga ministering brother. Iniinterbyu ng Relief Society president at ng kanyang mga counselor ang mga ministering sister. Ang mag-asawang inatasang maglingkod nang magkasama ay kinakausap ng mga lider ng elders quorum o ng mga lider ng Relief Society, o pareho.
Ang mga interbyu na ito ay ginagawa kahit minsan sa bawat quarter. Ang mga ito ay ginagawa anumang oras sa loob ng quarter. Hangga’t maaari, ginagawa ang mga interbyu nang personal at magkasama ang bawat magkompanyon. Kung maaari, dapat kasama rin ang mga kabataang may mga ministering assignment.
Ang mga ministering interview ay hindi kailangang maging mahaba para maging epektibo. Ang mga layunin ng mga ito ay:
-
Talakayin ang mga kakayahan, pangangailangan, at pagsubok ng mga indibiduwal at pamilyang naka-assign sa kanila.
-
Talakayin ang mga paraan para matulungan ang mga indibiduwal na maghandang tumanggap ng mga ordenansa kung kinakailangan.
-
Talakayin kung paano makatutulong ang elders quorum, Relief Society, ward council, at iba pa.
-
Mag-minister sa mga ministering brother at mga ministering sister. Magpakita ng pagmamahal at pagpapahalaga. Turuan at hikayatin sila. Tulungan silang umunlad sa kanilang kapasidad na tumanggap at kumilos ayon sa paghahayag sa kanilang paglilingkod.
Sa pagitan ng mga interbyu, ang mga ministering brother at mga ministering sister ay nakikipag-ugnayan sa mga lider kung kailangan. Maaari silang direktang magbahagi ng kumpidensyal na impormasyon sa bishop.
Ginagamit ng mga lider ang Leader and Clerk Resources para ireport ang mga ministering interview.
21.4
Pag-uugnay ng mga Pagsisikap sa Ministering
Ang Relief Society at elders quorum ay magkabahagi sa gawain ng ministering. Ginagawa nila ang gawaing ito nang may pagkakaisa.
Ang Relief Society presidency at elders quorum presidency ay nagpupulong nang magkakasama kahit minsan bawat quarter. Nirerebyu nila ang mga natutuhan nila sa mga ministering interview (tingnan sa 21.3). Pinag-uugnay din nila ang mga ministering assignment. Ang dalawang president ay naghahati sa responsibilidad ng pag-organisa at pangangasiwa sa miting.
Sa mga unit na may kakaunting aktibong miyembro, maaaring mapagdesisyunan ng Relief Society presidency at elders quorum presidency na hindi bigyan ang ilang miyembro ng kapwa mga ministering sister at mga ministering brother. Sama-samang ginagawa ng mga lider ang desisyong ito at hinihingi ang pag-apruba ng bishop. Kung ang isang babae ay binigyan ng mga ministering sister ngunit hindi binigyan ng mga ministering brother, tinitiyak ng mga lider na mayroon siyang mahihingan ng basbas ng priesthood.
Ang Relief Society president at elders quorum president ay nakikipagpulong kasama ang bishop kahit isang beses bawat quarter. Tinatalakay nila ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng ward. Pinag-uusapan din nila ang mga posibleng pagbabago sa mga ministering assignment.
Kapag kailangan, tinatalakay ng Relief Society president at elders quorum president sa ward council ang impormasyong ibinahagi ng mga ministering sister at mga ministering brother. Sa paggawa nila nito, iginagalang nila ang kahilingan ng mga miyembro na panatilihing kumpidensyal ang impormasyon. Sa pamumuno ng bishop, ang ward council ay gumagawa ng mga plano para mapaglingkuran at pagpalain ang mga miyembro ng ward. Tinatalakay din ng ward youth council ang ministering (tingnan sa 29.2.6).