Mga Hanbuk at Calling
28. Mga Ordenansa sa Templo para sa mga Patay


“28. Mga Ordenansa sa Templo para sa mga Patay,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2024).

“28. Mga Ordenansa sa Templo para sa mga Patay,” Pangkalahatang Hanbuk.

baptismal font

28.

Mga Ordenansa sa Templo para sa mga Patay

28.0

Pambungad

Ang pagbubuklod ng mga pamilya sa walang-hanggan ay bahagi ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos (tingnan sa 1.2). Ginagawang posible ng mga ordenansang isinasagawa sa mga templo na magkasama-sama sa walang-hanggan ang mga pamilya at maranasan ang ganap na kagalakan sa piling ng Diyos.

Para makabalik ang mga anak ng Ama sa Langit sa Kanyang piling, bawat isa sa kanila ay dapat magsisi, maging karapat-dapat na tanggapin ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan, at tuparin ang mga tipang nauugnay sa bawat ordenansa. Ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan ay:

  • Binyag.

  • Kumpirmasyon at kaloob na Espiritu Santo.

  • Paggawad ng Melchizedek Priesthood at ordinasyon sa isang katungkulan (para sa kalalakihan).

  • Ang endowment sa templo (kabilang ang initiatory).

  • Pagbubuklod sa templo.

Alam ng Ama sa Langit na marami sa Kanyang mga anak ang hindi matatanggap ang mga ordenansang ito sa kanilang mortal na buhay. Naglaan Siya ng isa pang paraan para matanggap nila ang mga ordenansa at makipagtipan sa Kanya. Sa mga templo, ang mga ordenansa ay maaaring isagawa sa pamamagitan ng proxy. Ang ibig sabihin nito ay isang buhay na tao ang tatanggap ng mga ordenansa para sa isang taong pumanaw na. Sa daigdig ng mga espiritu, maaaring piliin ng mga yumaong tao na tanggapin o tanggihan ang mga ordenansang isinagawa para sa kanila (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:19, 32–34, 58–59).

Ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan ay hindi kailangan o isinasagawa para sa mga taong walang pananagutan sa buhay na ito (tingnan sa 18.1, 28.3.2, at 28.3.3).

Hinihikayat ang mga miyembro ng Simbahan na tukuyin ang mga yumaong kamag-anak nila na hindi pa nakakatanggap ng mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan. Pagkatapos ay isinasagawa ng mga miyembro ang mga ordenansa para sa mga kamag-anak na iyon. (Tingnan sa Malakias 4:5–6; 1 Corinto 15:29; Doktrina at mga Tipan 2:1–3; 128:15–18; tingnan din sa 25.1 ng hanbuk na ito.)

Kung hindi pa nakakapaghanda ang mga miyembro ng mga pangalan ng kanilang mga kapamilya para sa gawain sa templo (tingnan sa 28.1.1), sila ay bibigyan sa templo ng mga pangalan ng mga taong yumao na nangangailangan ng mga ordenansa.

Hinihikayat ang mga miyembro na dumalo sa templo nang madalas hangga’t maaari, nagsasagawa man sila ng mga proxy na ordenansa para sa sarili nilang mga kamag-anak o para sa mga taong ang pangalan ay galing sa templo.

Pinagpapala ang mga miyembro ng Simbahan kapag nagsasagawa sila ng mga ordenansa sa templo para sa mga patay. Habang nagsasagawa ng mga proxy na ordenansa, napagninilayan nila ang sarili nilang mga tipan sa templo at ang kanilang pangako na tuparin ang mga tipang iyon.

Tinutulungan ng mga stake president at mga bishop ang mga miyembro na maghandang magkaroon ng mga positibong karanasan sa pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagtuturo ng pinagbabatayang doktrina ng gawain sa templo at pagsisiguro na nauunawaan ng mga miyembro ang lahat ng tuntunin para sa gawaing ito. Tingnan ang kabanata 25 para sa karagdagang impormasyon.

28.1

Mga Pangkalahatang Tuntunin sa Pagsasagawa ng mga Proxy na Ordenansa

Maaaring magsagawa ng mga proxy na ordenansa para sa mga taong namatay sa edad na 8 pataas. Maliban kung nakasaad sa 28.3, ang mga proxy na ordenansa ay maaaring isagawa para sa lahat ng taong yumao 30 araw magmula sa araw ng kanilang pagpanaw kung angkop ang alinman sa mga sumusunod:

  • Isinusumite ng isang malapit na kamag-anak ng yumao (hindi diniborsiyo na asawa, adult na anak, magulang, o kapatid) ang pangalan nito para sa mga ordenansa sa templo.

  • Ang pahintulot na isagawa ang mga ordenansa ay natanggap mula sa malapit na kamag-anak ng yumao (hindi diniborsiyo na asawa, adult na anak, magulang, o kapatid).

Kung hindi naaangkop ang alinman sa mga kondisyong nabanggit sa itaas, ang mga proxy na ordenansa sa templo ay maaaring isagawa 110 taon matapos isilang ang taong yumao na.

Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang sumusunod na mga artikulo sa FamilySearch.org (kailangang mag-log in sa FamilySearch.org para ma-access ang mga artikulo):

28.1.1

Paghahanda ng mga Pangalan ng mga Patay na Tao para sa mga Ordenansa sa Templo

Maraming resources ang makatutulong sa mga miyembro na matukoy ang mga yumaong kamag-anak na nangangailangan ng mga ordenansang isasagawa para sa kanila (tingnan sa 25.4 at 28.3). Tinutulungan ng sumusunod na mga lider ang mga miyembro na matutuhan kung paano ihahanda ang mga pangalan ng mga yumaong kapamilya para sa mga ordenansa sa templo:

  • Elders quorum presidency at ward Relief Society presidency (tingnan sa 25.2.2)

  • Ang ward temple and family history leader (tingnan sa 25.2.3)

  • Mga ward temple and family history consultant (tingnan sa 25.2.4)

Kung maaari, ang impormasyong tumutukoy sa mga yumaong kapamilya ay dapat ipasok sa FamilySearch.org bago isagawa ang mga ordenansa sa templo (tingnan sa 25.4.2).

28.1.1.1

Pagsusumite ng mga Pangalan ng mga Kapamilya

Kapag nagsusumite ng mga pangalan para sa mga proxy na ordenansa sa templo, ang mga miyembro ay karaniwang nagsusumite lamang ng mga pangalan ng mga taong may kaugnayan sa kanila.

28.1.1.2

Pagsusumite ng mga Pangalan ng mga Kilalang Tao at mga Hindi Awtorisadong Grupo

Ang mga miyembro ng Simbahan ay hindi karaniwang nagsusumite ng mga pangalan sa FamilySearch.org mula sa sumusunod na mga grupo:

  • Mga bantog na tao

  • Mga pangalang tinipon mula sa mga hindi inaprubahang extraction project

  • Mga Biktima ng Jewish Holocaust

Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang sumusunod na artikulo sa FamilySearch: “Maaari ba akong magsagawa ng gawain sa templo para sa mga biktima ng Jewish Holocaust?

28.1.2

Sino ang Maaaring Makibahagi sa mga Ordenansa para sa mga Patay

Lahat ng miyembrong mayroong current temple recommend ay maaaring makibahagi sa mga binyag at kumpirmasyon para sa mga patay. Ang mga miyembrong nakatanggap na ng endowment at may current temple recommend ay maaaring makibahagi sa lahat ng ordenansa para sa mga patay. Tingnan sa 26.3.

28.1.3

Pakikibahagi ng mga Miyembrong May Mga Kapansanan sa Katawan o Pag-iisip

Ang mga miyembrong may kapansanan ay maaaring gumawa ng gawain sa templo para sa mga patay kung sila ay:

  • Mayroong current temple recommend (tingnan sa 28.1.2).

  • Mayroong sapat na kakayahan sa pag-iisip na maunawaan ang ordenansa.

  • Mayroong kakayahang alagaan ang kanilang sarili o may kasamang kamag-anak o kaibigan na kapareho nila ng kasarian na mayroong temple recommend at makapagbibigay ng tulong kung kailangan.

Tingnan sa 27.1.3 at 27.2.1.3.

28.1.4

Pag-iskedyul

Maaaring kailangang magpa-iskedyul ng mga miyembro para makapagsagawa ng mga ordenansa para sa patay. Tingnan ang temples.ChurchofJesusChrist.org para sa contact information ng bawat templo at para sa mga kinakailangan para sa pag-iskedyul.

28.1.5

Tulong sa Pagsasalin o Interpretasyon

Tingnan sa 27.1.4.

28.1.6

Damit na Isusuot sa Pagpunta sa Templo

Tingnan sa 27.1.5.

28.1.7

Pag-aalaga sa mga Bata

Tingnan sa 27.1.6.

28.2

Pagsasagawa ng mga Ordenansa para sa mga Patay na Tao

Ipinaliliwanag sa sumusunod na mga bahagi ang mga ordenansang isinasagawa sa pamamagitan ng proxy sa mga templo para sa mga taong yumao na. Kapag nagsasagawa ng mga proxy na ordenansa, ang isang miyembro ay maaari lamang maging proxy para sa isang patay na tao na ang birth sex o kasarian nito noong ito ay isinilang o ay kapareho ng sa miyembro.

Ang mga ordenansa sa templo para sa mga yumao na ay karaniwang isinasagawa ayon sa sumusunod na pagkakasunud-sunod:

  • Binyag

  • Kumpirmasyon

  • Ordinasyon sa Melchizedek Priesthood (para sa kalalakihan)

  • Initiatory

  • Endowment

  • Mga Pagbubuklod

Kung ang mga ordenansa para sa mga yumao na ay nakumpleto nang hindi ayon sa pagkakasunud-sunod na ito, hindi na kailangang isagawang muli ang mga ito. Nagiging epektibo ang mga ito kapag nakumpleto na ang mga kailangang ordenansa.

28.2.1

Mga Binyag at Kumpirmasyon para sa mga Patay

Ang sinumang miyembro na may current temple recommend ay maaaring anyayahang maglingkod sa isa o higit pang mga gawain sa bautismuhan. Maaaring kabilang sa ilan sa mga gawain ang:

  • Pagkilos bilang proxy para sa mga pagbibinyag.

  • Pagkilos bilang saksi para sa mga proxy na binyag.

  • Pagkilos bilang proxy para sa mga kumpirmasyon.

  • Pagtulong sa mga patron.

  • Pamamahagi ng mga damit at tuwalya.

  • Pagtulong sa pagtatala ng mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon sa computer system.

Kung nais nila, ang mga miyembro na magiging proxy ay maaaring piliing magsagawa ng binyag lamang o kumpirmasyon lamang.

Ang mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood at mga priest sa Aaronic Priesthood ay maaaring anyayahang magsagawa ng mga pagbibinyag para sa mga patay. Maaari ding anyayahan ang mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood na pangasiwaan ang mga kumpirmasyon para sa mga patay.

Tanging mga kalalakihang nakatanggap na ng endowment lamang ang maaaring anyayahang:

  • Maglingkod bilang recorder sa bautismuhan.

  • Maglingkod bilang recorder ng mga kumpirmasyon.

Ang mga organisadong grupo, tulad ng mga pamilya, ward, at stake na nais makibahagi sa mga ordenansa sa bautismuhan ay karaniwang maagang nagpapa-iskedyul sa templo (tingnan sa 28.1.4). Ang mga grupong ito ay dapat samahan ng isa o higit pang mga adult na mayroong current temple recommend.

28.2.2

Endowment (Kabilang ang Initiatory)

Kapag nagsasagawa ng mga proxy na endowment para sa mga patay, ang initiatory na bahagi ng endowment ay hiwalay na isinasagawa at itinatala (tingnan sa 27.2). Ang sinumang miyembrong tumanggap na ng endowment na mayroong current temple recommend ay maaaring maging proxy para matanggap ang mga ordenansang ito.

28.2.3

Pagbubuklod sa Asawa at Pagbubuklod ng mga Anak sa mga Magulang

Sa templo, ang mga patay na tao ay maaaring mabuklod sa kanilang asawa kung kanino sila ikinasal noong sila ay nabubuhay pa (tingnan ang 38.4.1.3 kung ang isa sa mag-asawa ay nabubuhay pa at ang 38.4.1.8 kung ang parehong mag-asawa ay patay na). Maaari ding ibuklod sa mga patay na tao ang kanilang mga nabubuhay o namatay na mga anak (tingnan sa 38.4.2.2). Ang isang miyembrong nakatanggap na ng endowment na mayroong current temple recommend ay maaaring magsilbing proxy para sa mga ordenansa ng pagbubuklod.

Ang mga ordenansa ng binyag, kumpirmasyon, initiatory, at endowment ay karaniwang isinasagawa, sa buhay man na tao o sa pamamagitan ng proxy, bago ibuklod ang isang patay na tao sa kanyang asawa o sa kanyang mga magulang (tingnan sa 28.2). Gayunman, ang isang taong namatay bago umabot sa edad na 8 o walang pananagutan sa buhay na ito ay hindi kailangang tumanggap ng anumang iba pang ordenansa bago mabuklod sa kanyang mga magulang (tingnan sa 18.1, 28.3.2, at 28.3.3).

sealing room

28.3

Mga Espesyal na Sitwasyon

Ipinaliliwanag ng bahaging ito ang mga sitwasyon kung saan ang ilan sa mga tuntunin sa 28.1 ay maaaring hindi naaangkop.

28.3.1

Mga Batang Namatay Bago Isinilang (Mga Stillborn at Nalaglag na Bata)

Hindi na kailangang isagawa ang mga ordenansa sa templo para sa mga batang namatay bago isilang. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang 38.7.3.

28.3.2

Mga Batang Namatay Bago Sumapit sa Edad na Walong Taong Gulang

Ang maliliit na bata ay tinubos na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at “ligtas sa kahariang selestiyal ng langit” (Doktrina at mga Tipan 137:10). Dahil dito, walang isinasagawang binyag o endowment para sa isang batang namatay bago naging 8 taong gulang. Gayunman, ang pagbubuklod sa mga magulang ay maaaring isagawa para sa mga batang hindi isinilang sa tipan o hindi pa natanggap ang ordenansang iyon noong nabubuhay pa sila (tingnan sa 18.1).

28.3.3

Mga Taong Yumao na Nagkaroon ng mga Kapansanan sa Pag-Iisip

Ang mga ordenansa sa templo ay maaaring isagawa para sa mga patay na tao na kilalang may pananagutan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:71). Ang mga ordenansa sa templo ay maaari ding isagawa para sa mga taong hindi alam kung may pananagutan sila o wala.

Kung malinaw na napag-alaman na ang patay na tao ay mayroong mga kapansanan sa pag-iisip at walang pananagutan, ang tanging ordenansa na isasagawa ay ang pagbubuklod sa mga magulang (tingnan sa 38.2.4). Ginagawa lamang ito kung ang tao ay hindi isinilang sa loob ng tipan o hindi pa nabuklod sa kanyang mga magulang habang nabubuhay. Ang iba pang mga ordenansa sa templo ay hindi na kailangan o hindi na isinasagawa kahit na ang tao ay umabot sa edad na 8 o higit pa.

28.3.4

Mga Taong Ipinapalagay na Patay Na

Ang mga ordenansa sa templo ay maaaring isagawa para sa isang taong ipinapalagay na patay na. Ang mga ordenansa ay hindi maaaring isagawa hanggang sa makalipas ang 10 taon mula noong ipinagpalagay na ang tao ay namatay na o ang taong iyon ay idineklara nang patay ng mga awtoridad. Ang patakarang ito ay naangkop sa mga taong:

  • Nasa military at pagkatapos ng isang combat mission ay hindi alam kung nawawala o patay na, o kung nawala habang naglalayag sa karagatan.

  • Naglaho sa sitwasyon kung saan malamang na hindi maiiwasan ang kamatayan ngunit walang natagpuang bangkay.

Para sa lahat ng iba pang nawawalang tao, ang mga ordenansa sa templo ay maaaring isagawa 110 taon matapos isilang ang tao.

Maaaring kontakin ng stake president ang Temple Department kung may mga tanong siya tungkol sa patakarang ito:

Email: TempleDepartment@ChurchofJesusChrist.org

28.3.5

Mga Taong Binawain ng Pagkamiyembro sa Simbahan o Nagbitiw sa Pagkamiyembro sa Simbahan

Kung ang isang tao ay binawian ng kanyang pagkamiyembro sa Simbahan o nagbitiw sa kanyang pagkamiyembro sa Simbahan bago siya namatay, kailangan ang pag-apruba ng Unang Panguluhan bago maaaring magsagawa ng mga ordenansa sa templo para sa kanya, kabilang na ang pagpapanumbalik ng mga pagpapala kung angkop. Maaaring hilingin ng isang kapamilya ang pag-aprubang ito sa pamamagitan ng isang liham sa Office of the First Presidency pagkaraan ng isang taon mula nang mamatay ang taong iyon. Dapat nakapaliwanag sa liham ang mga sitwasyon. Walang form na kailangan. Ang bishop o stake president ay maaaring tumulong sa kahilingang ito kung kailangan.

28.3.5.1

Muling Pagtanggap sa mga Taong Yumao na Hindi Pa Nakatanggap ng Endowment

Ang patay na tao na hindi pa nakatanggap ng endowment ngunit binawian ng kanyang pagkamiyembro sa Simbahan o nagbitiw sa kanyang pagkamiyembro sa Simbahan ay maaaring muling tanggapin sa pamamagitan ng binyag at kumpirmasyon. Kailangang aprubahan ito ng Unang Panguluhan, tulad ng nakasaad sa 28.3.5. Ang patay na taong ito ay hindi na kailangan pang muling ibuklod sa kanyang mga magulang kung siya ay isinilang sa loob ng tipan o naibuklod na sa kanyang mga magulang noong nabubuhay pa siya.

28.3.5.2

Pagpapanumbalik ng mga Pagpapala ng Templo para sa mga Taong Tumanggap Na ng Endowment

Ang patay na tao na tumanggap na ng endowment ngunit binawian ng kanyang pagkamiyembro sa Simbahan o nagbitiw sa kanyang pagkamiyembro sa Simbahan at kalaunan ay muling tinanggap sa pamamagitan ng binyag at kumpirmasyon ay maaari lamang matanggap ang kanyang priesthood at mga pagpapala ng templo sa pamamagitan ng ordenansa ng pagpapanumbalik ng mga pagpapala. Ang mga taong ito ay hindi muling inoorden sa mga katungkulan sa priesthood o muling tatanggap ng endowment, dahil ang mga pagpapalang ito ay ipinanunumbalik sa pamamagitan ng ordenansang ito.

Tulad ng nakasaad sa 28.3.5, kailangang aprubahan ng Unang Panguluhan ang pagsasagawa ng ordenansang ito para sa mga patay na tao. Para sa impormasyon tungkol sa pagsasagawa ng ordenansang ito para sa mga buhay na tao, tingnan ang 32.17.2.