Mga Hanbuk at Calling
3. Mga Alituntunin ng Priesthood


“3. Mga Alituntunin ng Priesthood,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2024).

“3. Mga Alituntunin ng Priesthood,” Pangkalahatang Hanbuk.

pamilyang naglalakad malapit sa templo

3.

Mga Alituntunin ng Priesthood

3.0

Pambungad

Ang priesthood ay ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Sa pamamagitan ng priesthood, isinasakatuparan ng Ama sa Langit ang Kanyang gawain na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Binibigyan ng Diyos ang Kanyang mga anak na lalaki at babae dito sa mundo ng awtoridad at kapangyarihan upang makatulong sa pagsasakatuparan ng gawaing ito (tingnan sa kabanata 1).

3.1

Pagpapanumbalik ng Priesthood

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang tanging organisasyon sa mundo na may awtoridad ng priesthood. Tinanggap ni Propetang Joseph Smith ang Aaronic Priesthood at mga susi nito mula kay Juan na Tagapagbautismo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13:1). Tinanggap niya ang Melchizedek Priesthood at mga susi nito mula sa mga Apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:12–13).

Sa Kirtland Temple, nagpakita sina Moises, Elias, at Elijah kay Joseph Smith at iginawad sa kanya ang karagdagang mga awtoridad na kailangan upang maisakatuparan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11–16).

Taglay ngayon ng bawat miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang lahat ng mga susing ito ng priesthood. Ang mga lider na ito ay tinatawag at binibigyan ng awtorisasyon ang ibang mga miyembro ng Simbahan na gamitin ang awtoridad at kapangyarihan ng priesthood ng Diyos upang tumulong sa Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan.

3.2

Mga Pagpapala ng Priesthood

Sa pamamagitan ng mga tipan at mga ordenansa ng priesthood, nagkakaloob ang Diyos ng mga dakilang pagpapala para sa lahat ng Kanyang mga anak. Kabilang sa mga pagpapalang ito ang:

  • Binyag at pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

  • Kaloob na Espiritu Santo.

  • Pagtanggap ng sakramento.

  • Awtoridad at kakayahang maglingkod sa mga calling at takdang-gawain sa Simbahan.

  • Pagtanggap ng mga patriarchal blessing at iba pang mga basbas ng priesthood para sa pagpapagaling, kapanatagan, at patnubay.

  • Pagkalooban ng kapangyarihan ng Diyos sa templo.

  • Pagkabuklod sa mga kapamilya sa walang hanggan.

  • Pangako ng buhay na walang hanggan.

Matatanggap ng mga anak ng Diyos ang mga pagpapalang ito ng priesthood at magkakaroon ng kaligayahan habang ipinamumuhay nila ang ebanghelyo ni Jesucristo.

3.3

Melchizedek Priesthood at Aaronic Priesthood

Sa Simbahan, ang priesthood ay may dalawang bahagi: ang Melchizedek Priesthood at ang Aaronic Priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:1).

3.3.1

Melchizedek Priesthood

Ang Melchizedek Priesthood ay ang “Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos.” (Doktrina at mga Tipan 107:3). Ito ang kapangyarihan kung saan ang mga anak na lalaki at babae ng Diyos ay maaaring maging katulad Niya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:19–21; 132:19–20).

“Ang Pagkasaserdoteng Melquisedec (Melchizedek Priesthood) ang may hawak ng karapatan ng panguluhan.” Ito ay “may kapangyarihan at karapatan sa lahat ng katungkulan sa simbahan sa lahat ng kapanahunan ng daigdig, upang mangasiwa sa mga espirituwal na bagay” (Doktrina at mga Tipan 107:8). Sa pamamagitan ng awtoridad na ito, pinamumunuan at pinangangasiwaan ng mga lider ng Simbahan ang lahat ng espirituwal na gawain ng Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:18).

Ang Pangulo ng Simbahan ang namumunong high priest sa Melchizedek Priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:65–67). Ang stake president ang namumunong high priest sa stake (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:8, 10; tingnan din sa kabanata 6 ng hanbuk na ito). Ang bishop ang namumunong high priest sa ward (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:17; tingnan din sa Kabanata 7 ng hanbuk na ito).

Para sa impormasyon tungkol sa mga katungkulan at responsibilidad ng Melchizedek Priesthood, tingnan ang 8.1.

3.3.2

Aaronic Priesthood

Ang Aaronic Priesthood ay “kaakibat sa … Pagkasaserdoteng Melquisedec” (Doktrina at mga Tipan 107:14). Kabilang dito ang mga susi ng:

  • Paglilingkod ng mga anghel.

  • Ebanghelyo ng pagsisisi.

  • Pangangasiwa sa mga panlabas na ordenansa, kabilang na ang binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan.

(Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13:1; 84:26–27; 107:20.)

Ang bishop ang pangulo ng Aaronic Priesthood sa ward (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:15).

Para sa impormasyon tungkol sa mga katungkulan at responsibilidad ng Aaronic Priesthood, tingnan ang 10.1.3.

3.4

Awtoridad ng Priesthood

Ang awtoridad ng priesthood ay ang awtorisasyon na kumatawan sa Diyos at kumilos sa Kanyang pangalan. Sa Simbahan, ang lahat ng awtoridad ng priesthood ay ginagamit sa ilalim ng pamamahala ng mga maytaglay ng mga susi ng priesthood.

Ang mga karapat-dapat na lalaking miyembro ng Simbahan ay tumatanggap ng awtoridad ng priesthood sa pamamagitan ng paggawad ng priesthood at ordinasyon sa mga katungkulan sa priesthood. Ang lahat ng miyembro ay maaaring gumamit ng itinalagang awtoridad kapag sila ay na-set apart o naatasang tumulong na isakatuparan ang gawain ng Diyos. Ang mga miyembro ay mananagot sa Diyos at sa mga taong inatasan Niya na mangulo para sa kung paano nila ginamit ang Kanyang awtoridad (tingnan sa 3.4.4).

3.4.1

Mga Susi ng Priesthood

Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na pamahalaan ang paggamit ng priesthood para sa mga anak ng Diyos. Ang paggamit ng lahat ng awtoridad ng priesthood sa Simbahan ay pinamamahalaan ng mga yaong maytaglay ng mga susi ng priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 65:2).

3.4.1.1

Mga Maytaglay ng mga Susi ng Priesthood

Taglay ni Jesucristo ang lahat ng mga susi ng priesthood. Sa ilalim ng Kanyang pamamahala, ibinibigay ang mga susi ng priesthood sa mga kalalakihan para gamitin sa partikular na mga calling para makatulong sa pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos, tulad ng ipinaliwanag sa ibaba.

Iginawad ng Diyos sa Kanyang mga Apostol ang lahat ng mga susi na nauukol sa kaharian ng Diyos sa mundo. Ang buhay na senior na Apostol, ang Pangulo ng Simbahan, ang tanging tao sa mundo na awtorisadong gamitin ang lahat ng mga susing iyon ng priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 81:1–2; 107:64–67, 91–92; 132:7).

Sa ilalim ng pamamahala ng Pangulo ng Simbahan, binibigyan ang sumusunod na mga priesthood leader ng mga susi upang sila ay makapamuno sa kanilang mga nasasakupan:

  • Mga stake at district president.

  • Mga bishop at branch president.

  • Mga Melchizedek at Aaronic Priesthood quorum president.

  • Mga temple president.

  • Mga mission president at mga missionary training center president.

  • Mga church historic site president.

Ang mga lider na ito ay tumatanggap ng mga susi ng priesthood kapag sila ay na-set apart sa kanilang mga calling.

Ang mga susi ng priesthood ay hindi ibinibigay sa iba, pati na sa mga counselor ng mga lokal na priesthood leader o mga pangulo ng mga organisasyon ng Simbahan. Ang mga lider na ito ay binibigyan ng itinalagang awtoridad kapag sila ay na-set apart at kapag tumanggap sila ng mga takdang-gawain sa ilalim ng pamamahala ng isang taong maytaglay ng mga susi ng priesthood. Ang mga pangulo ng mga organisasyon ng Simbahan ay namumuno sa ilalim ng pamamahala ng mga maytaglay ng mga susi ng priesthood (tingnan sa 4.2.4).

ward council meeting

3.4.1.2

Kaayusan sa Gawain ng Panginoon

Tinitiyak ng mga susi ng priesthood na ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos ay naisasakatuparan sa maayos na paraan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:11; 132:8). Pinamamahalaan ng mga maytaglay ng mga susi ng priesthood ang gawain ng Panginoon sa kanilang mga nasasakupan. Ang awtoridad na ito na mamuno ay may bisa lamang sa partikular na mga responsibilidad sa calling ng lider. Kapag ang mga priesthood leader ay ini-release mula sa kanilang mga calling, hindi na nila taglay pa ang mga susing ito.

Ang lahat ng mga naglilingkod sa Simbahan ay sine-set apart o inaatasan sa ilalim ng pamamahala ng isang taong maytaglay ng mga susi ng priesthood.

3.4.2

Paggawad ng Priesthood at Ordinasyon sa Priesthood

Sa ilalim ng pamamahala ng mga maytaglay ng mga susi ng priesthood, ang Aaronic Priesthood at Melchizedek Priesthood ay iginagawad sa karapat-dapat na mga lalaking miyembro ng Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:14–17). Matapos igawad ang angkop na priesthood, ang tao ay inoorden sa isang katungkulan sa priesthood na iyon, tulad ng deacon o elder. Ang isang mayhawak ng priesthood ay ginagamit ang priesthood ayon sa mga karapatan at tungkulin ng katungkulang iyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:99).

Ang bawat lalaki sa Simbahan ni Jesucristo ay dapat magsikap na maging karapat-dapat na tanggapin at gamitin ang Melchizedek Priesthood upang paglingkuran ang iba. Kapag tinanggap ng isang lalaki ang priesthood na ito, siya ay nakikipagtipan na tapat na gagampanan ang kanyang mga responsibilidad sa priesthood. Tinatanggap din niya ang isang sumpa, o pangako, ng walang hanggang mga pagpapala mula sa Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:33–44; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sumpa at Tipan ng Pagkasaserdote”).

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paggawad ng priesthood at ordinasyon sa priesthood, tingnan ang 8.1.1, 10.6, 18.10, at 38.2.5.

3.4.3

Pagtatalaga ng Awtoridad ng Priesthood upang Makapaglingkod sa Simbahan

Ang awtoridad ng priesthood upang makapaglingkod sa Simbahan ay itinatalaga sa mga miyembro sa sumusunod na paraan:

  • Sa pamamagitan ng pagse-set apart para sa isang calling sa Simbahan

  • Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga takdang-gawain mula sa mga namumunong lider sa Simbahan

3.4.3.1

Pagse-set Apart

Kapag ang mga miyembro ng Simbahan ay sine-set apart sa ilalim ng pamamahala ng mga maytaglay ng mga susi ng priesthood, sila ay binibigyan ng awtoridad mula sa Diyos na kumilos sa calling na iyon. Halimbawa:

  • Ang isang babae na tinawag at na-set apart ng bishop bilang ward Relief Society president ay binibigyan ng awtoridad na pamunuan ang gawain ng Relief Society sa ward.

  • Ang isang lalaki o babae na tinawag at na-set apart ng isang miyembro ng bishopric bilang Primary teacher ay binibigyan ng awtoridad na turuan ang mga bata sa Primary sa ward.

Lahat ng mga tinawag at na-set apart ay naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng mga taong namumuno sa kanila (tingnan sa 3.4.1.2).

Kapag ang mga miyembro ng Simbahan ay ini-release mula sa isang calling, nawawala na sa kanila ang awtoridad na kaugnay nito.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol pagse-set apart sa mga miyembro para sa mga calling sa Simbahan, tingnan ang 18.11.

3.4.3.2

Takdang-gawain

Ang mga namumunong lider sa Simbahan ay maaaring magtalaga ng awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng takdang-gawain. Kapag ang mga kalalakihan at kababaihan ay tumanggap ng mga takdang-gawaing ito, sila ay binibigyan ng awtoridad mula sa Diyos na kumilos. Halimbawa:

  • Ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay nagtatalaga ng awtoridad sa mga Pitumpu na inatasan para mangasiwa sa mga area at mamuno sa mga stake conference.

  • Ang mga mission president ay nagtatalaga ng awtoridad sa mga lalaki at babaeng missionary na inatasan para pamunuan at sanayin ang iba pang mga missionary.

  • May awtoridad na itinatalaga sa mga miyembro ng Simbahan para maglingkod bilang mga ministering brother at ministering sister. Ito ay nangyayari kapag sila ay inatasan ng elders quorum president o Relief Society president sa ilalim ng pamamahala ng bishop.

Ang awtoridad na itinatalaga sa pamamagitan ng pagbibigay ng takdang-gawain ay limitado lamang sa partikular na mga responsibilidad at panahong saklaw ng gawain.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagbibigay ng mga takdang-gawain sa pamamagitan ng pagtatalaga, tingnan ang 4.2.5.

3.4.4

Matwid na Paggamit ng Awtoridad ng Priesthood

Ang mga lider at miyembro ng Simbahan ay gumagamit ng iginawad o itinalagang awtoridad ng priesthood para pagpalain ang buhay ng iba.

Ang awtoridad na ito ay magagamit lamang sa kabutihan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:36). Ito ay ginagamit sa pamamagitan ng paghihikayat, mahabang pagtitiis, kahinahunan, kaamuan, pagmamahal, at kabaitan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:41–42). Nakikipagpayuhan ang mga lider sa iba sa diwa ng pagkakaisa at hinahangad nila ang kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 41:2). Para sa impormasyon tungkol sa pakikipagpayuhan sa iba, tingnan ang 4.4.3.

Ang mga gumagamit ng awtoridad ng priesthood ay hindi ipinipilit ang kanilang mga kagustuhan sa iba. Hindi nila ito ginagamit para sa makasariling mga layunin. Kapag ginamit ng isang tao ang awtoridad na ito sa kasamaan, “ang kalangitan ay lalayo [at] ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati” (Doktrina at mga Tipan 121:37).

Ang ilang mga calling sa Simbahan ay may kaakibat na responsibilidad na mamuno. Para sa impormasyon tungkol sa pamumuno sa Simbahan, tingnan ang 4.2.4.

dalawang lalaki at isang babaeng nag-uusap

3.5

Kapangyarihan ng Priesthood

Ang kapangyarihan ng priesthood ay kapangyarihan ng Diyos, na ginagamit Niya para pagpalain ang Kanyang mga anak. Ang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos ay dumadaloy patungo sa lahat ng miyembro ng Simbahan—babae at lalaki—habang tinutupad nila ang mga tipang ginawa nila sa Kanya. Ginagawa ng mga miyembro ang mga tipang ito kapag tumatanggap sila ng mga ordenansa ng priesthood. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:19–20.)

Ang mga pagpapala ng kapangyarihan ng priesthood na matatanggap ng mga miyembro ay kinabibilangan ng:

  • Patnubay para sa kanilang buhay.

  • Paghahayag upang malaman kung paano gagampanan ang gawain na inorden, isinet-apart, o inatasan silang gawin.

  • Tulong at lakas na maging higit na katulad ni Jesucristo at ng Ama sa Langit.

3.5.1

Mga Tipan

Ang tipan ay isang sagradong pangako sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga anak. Ibinibigay ng Diyos ang mga kondisyon ng tipan, at ang Kanyang mga anak ay sumasang-ayon na susundin ang mga kundisyong iyon. Ipinapangako ng Diyos na pagpapalain Niya ang Kanyang mga anak kapag tinupad nila ang tipan.

Ang mga miyembro ay gumagawa ng tipan sa Diyos kapag tumatanggap sila ng mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa 18.1). Ang lahat ng magtitiis hanggang wakas sa pagtupad sa kanilang mga tipan ay tatanggap ng buhay na walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 31:17–20; Doktrina at mga Tipan 14:7).

Tinutulungan ng mga magulang, lider ng Simbahan, at iba pa ang mga indibiduwal na maghandang gumawa ng mga tipan kapag tumanggap sila ng mga ordenansa ng ebanghelyo. Tinitiyak nila na nauunawaan ng tao ang mga tipan na kanyang gagawin. Matapos gumawa ng tipan ang isang tao, tinutulungan nila siya na tuparin ito. (Tingnan sa Mosias 18:8–11, 23–26.)

3.5.2

Mga Ordenansa

Ang ordenansa ay isang sagradong gawain na isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Ang mga ordenansa ay bahagi na noon pa man ng ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Genesis 1:28; Moises 6:64–65).

Sa maraming ordenansa, gumagawa ang mga indibiduwal ng mga tipan sa Diyos. Kabilang sa mga halimbawa ang binyag, sakramento, endowment, at ordenansa ng pagbubuklod ng kasal. Sa iba pang mga ordenansa tulad ng patriarchal blessing o basbas para sa maysakit, ang mga indibiduwal ay hindi gumagawa ng mga tipan, ngunit sila ay tumatanggap ng patnubay at lakas na tuparin ang mga tipan.

Ang mga ordenansa ay may simbolikong kahulugan na nagtutuon sa mga indibiduwal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Sa mga ordenansa na may kasamang mga tipan, ang simbolismo ay tumutulong sa mga indibiduwal na maunawaan ang mga pangakong ginagawa nila at ang mga pagpapalang matatanggap nila sa pamamagitan ng kanilang katapatan.

Ang bawat ordenansa ay nagtutulot sa bawat indibiduwal na tumanggap ng saganang mga espirituwal na pagpapala. Inihayag ng Panginoon, “Sa mga ordenansa [ng priesthood], ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” (Doktrina at mga Tipan 84:20). Ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan ay mahalaga para sa buhay na walang hanggan. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang 18.1.

Ang mga buhay na indibiduwal ay tinatanggap ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan para sa kanilang sarili. Kung maaari, pagkatapos nito ay bumabalik sila sa templo upang isagawa ang mga ordenansang ito para sa mga namatay na. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagsasagawa ng mga ordenansa para sa mga patay, tingnan ang kabanata 28.

babae na tumatanggap ng basbas ng priesthood

3.6

Ang Priesthood at ang Tahanan

Lahat ng miyembro na tumutupad sa kanilang mga tipan—babae, lalaki, at mga bata—ay binibiyayaan ng kapangyarihan ng priesthood ng Diyos sa kanilang mga tahanan upang mapalakas sila at ang kanilang mga pamilya (tingnan sa 3.5). Ang kapangyarihang ito ay tutulong sa mga miyembro sa pagsasakatuparan ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos sa kanilang personal na buhay at sa kanilang pamilya (tingnan sa 2.2).

Ang mga kalalakihang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay maaaring magbigay ng mga basbas ng priesthood sa mga kapamilya upang magbigay ng gabay, pagpapagaling, at kapanatagan. Kung kailangan, ang mga miyembro ng Simbahan ay maaari ding hilingin ang mga basbas na ito mula sa mga kamag-anak, mga ministering brother, o mga lokal na lider ng Simbahan. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga basbas ng priesthood, tingnan ang 18.13 at 18.14.