“4. Pamumuno at mga Council sa Simbahan ni Jesucristo,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2024).
“4. Pamumuno at mga Council sa Simbahan ni Jesucristo,” Pangkalahatang Hanbuk.
4.
Pamumuno at mga Council sa Simbahan ni Jesucristo
4.0
Pambungad
Bilang lider sa Simbahan, ikaw ay tinawag sa pamamagitan ng inspirasyon sa mga awtorisadong lingkod ng Panginoon. Ikaw ay mayroong pribilehiyong tumulong sa gawain ng Ama sa Langit na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ginagawa mo ito sa pamamagitan ng paghihikayat sa mga miyembro na makibahagi sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos para sa kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa (tingnan sa kabanata 1). Magkakaroon ka ng kagalakan habang naglilingkod ka sa mga anak ng Diyos.
Bilang pagsunod sa halimbawa ni Jesucristo, madalas kang maglilingkod nang paisa-isa sa iba. Magkakaroon ka rin ng mga pagkakataong mamuno sa mga miting at aktibidad sa Simbahan. Dagdag pa rito, maaari kang magbigay ng mahahalagang paglilingkod sa pamamagitan ng mga council. Maaaring kabilang dito ang mga presidency meeting, mga ward council meeting, at iba pa.
Ang iyong tapat na paglilingkod ay nangangailangan ng pagsasakripisyo ng oras, ngunit huwag kalimutan ang sarili mong mga pangangailangan at ang mga pangangailangan ng iyong pamilya. Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo upang matulungan kang mabalanse at matupad ang iyong mga responsibilidad (tingnan sa Mosias 4:27).
4.1
Ang Layunin ng Pamumuno sa Simbahan
Hinihikayat ng mga lider ang mga miyembro na makibahagi sa gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging “tunay na mga tagasunod ni … Jesucristo” (Moroni 7:48). Para magawa ito, unang nagsisikap ang mga lider na maging matatapat na disipulo ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay matutulungan nila ang iba na mas mapalapit sa Kanya. Habang tinutulungan nila ang iba, sila ay nagiging mas mabubuting disipulo (tingnan sa Mosias 18:26; Doktrina at mga Tipan 31:5).
4.2
Mga Alituntunin ng Pamumuno sa Simbahan
Sa Kanyang ministeryo sa lupa, ipinakita ng Tagapagligtas ang halimbawa kung paano pamumunuan ang Kanyang Simbahan. Ang Kanyang pangunahing layunin ay ang gawin ang kalooban ng Kanyang Ama sa Langit at tulungan ang iba na maunawaan at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo (tingnan sa Juan 5:30; Mosias 15:7). Minahal niya ang mga taong Kanyang pinamunuan at ipinakita Niya ang pagmamahal na iyon sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila (tingnan sa Juan 13:3–5).
Pinalago ng Tagapagligtas ang kakayahan ng iba sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga responsibilidad at mga pagkakataong umunlad (tingnan sa Mateo 10:5–8; Juan 14:12). Siya ay nanghikayat at itinama ang mga pagkakamali nang may kalinawan at pagmamahal (tingnan sa Juan 21:15–17).
Sinabi ng Panginoon, “Ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig” (Doktrina at mga Tipan 107:99). Ang mga salitang ito ay naaangkop sa lahat ng tumanggap ng responsibilidad na maglingkod at mamuno sa Simbahan ng Tagapagligtas.
Ang pagsasabuhay ng mga alituntunin sa kabanatang ito ay tutulong sa iyo na maging mas mabisa sa pamumuno sa Simbahan ng Tagapagligtas.
4.2.1
Maghanda sa Espirituwal
Inihanda ni Jesus ang Kanyang sarili sa espirituwal para sa Kanyang misyon sa lupa (tingnan sa Lucas 4:1–2). Ikaw rin ay naghahanda sa espirituwal sa paglapit sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsunod sa Kanyang mga utos. Ang pagsunod sa Kanyang mga propeta ay tutulong din sa iyo na maghanda sa espirituwal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 21:4–6).
Maghangad ng paghahayag upang maunawaan ang mga pangangailangan ng mga pinamumunuan mo at kung paano mo matutupad ang gawain na ibinigay sa iyo ng Diyos.
Nangako rin ang Panginoon na pagkakalooban ng mga espirituwal na kaloob ang mga yaong maghahangad nito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:8). Habang mapagkumbaba kang nananalangin sa Ama sa Langit na matanggap ang mga kaloob na ito, daragdagan Niya ang iyong kakayahang pamunuan at tulungan ang mga pinaglilingkuran mo.
4.2.2
Paglingkuran ang Lahat ng Anak ng Diyos
Personal na naglingkod si Jesus sa mga tao, tumutulong upang patatagin at turuan ang mga yaong nakadarama ng pag-iisa, kawalang pag-asa, o mga nawawala. Nakita Niya ang banal na katangian at walang-hanggang halaga ng bawat tao.
Mahalin ang mga taong pinaglilingkuran mo tulad ng ginawa ni Jesus. Manalangin “nang buong lakas ng puso” upang mapuspos ng Kanyang pag-ibig (Moroni 7:48). Bumuo ng tapat na pakikipagkaibigan. Lapitan at tulungan ang mga taong maaaring nalulungkot, kailangang damayan, o may iba pang mga pangangailangan. Ang iyong pagmamahal ay pagpapalain ang kanilang buhay at tutulong sa mga tao na magkaroon ng pagnanais na lumapit kay Cristo.
Tulungan ang mga indibiduwal na palalimin ang kanilang pagbabalik-loob at patibayin ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Tulungan silang maghanda na gumawa ng mga tipan kapag tinanggap nila ang kanilang susunod na ordenansa. Hikayatin sila na tuparin ang mga tipang ginawa nila at tanggapin ang mga pagpapala ng pagsisisi. Tulungan silang malaman na matutupad nila ang kanilang banal na potensyal anuman ang mga hamon na kanilang kinakaharap.
4.2.3
Ituro ang Ebanghelyo ni Jesucristo
Lahat ng lider ay mga guro. Sikaping sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas bilang isang guro (tingnan sa kabanata 17; Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas). Ituro ang doktrina ni Jesucristo at ang mga alituntunin ng Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ng iyong mga salita at gawa (tingnan sa 3 Nephi 11:32–33; Doktrina at mga Tipan 42:12–14). Ang epektibong pagtuturo ay nagbibigay-inspirasyon sa mga tao na patibayin ang relasyon nila sa Diyos at ipamuhay ang ebanghelyo, umuunlad patungo sa buhay na walang hanggan.
Ang pagtuturo sa paraan ng Tagapagligtas ay higit pa sa pagsasalita; ito ay kinabibilangan ng pakikinig at pagtatanong na tulad ng ginawa Niya (tingnan sa Mateo 16:13–17).
Ang mga epektibong guro ay masisigasig ding mag-aaral. Bigyan ng mataas na prayoridad sa iyong buhay ang pag-aaral ng salita ng Diyos. Ang pagkatuto sa ebanghelyo ay isang panghabambuhay na proseso.
Magturo mula sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta sa mga huling araw (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 52:9). Tandaan na “ang pangangaral ng salita ay [may higit na] malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa … ano pa mang bagay” (Alma 31:5).
Hangarin ang impluwensya ng Espiritu habang ikaw ay naghahanda at nagtuturo. Dinadala ng Espiritu Santo ang katotohanan sa puso’t isipan ng iyong mga tinuturuan (tingnan sa 2 Nephi 33:1).
Kung ikaw ay tinawag o inatasang mamuno sa isang miting o aktibidad ng Simbahan, tiyakin na ang itinuturo dito ay nakapagpapatibay at tama ayon sa doktrina (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:21–23).
4.2.4
Mamuno sa Kabutihan
Inihayag ng Panginoon na “[kinakailangang] may mga pangulo, o namumunong pinuno” sa Kanyang Simbahan (Doktrina at mga Tipan 107:21). Ang mga maytaglay ng mga susi ng priesthood ang namumuno sa mga nasasakupan ng kanilang responsibilidad, tulad ng isang korum o ward.
Ang iba pang mga organisasyon sa Simbahan, kabilang na ang Relief Society, Young Women, Primary, at Sunday School, ay pinamumunuan din ng isang namumunong opisyal. Ang mga lider na ito ay tinatawag, sine-set apart, at binibigyan ng awtoridad ng isang taong maytaglay ng mga susi ng priesthood o ng isang taong kanyang binigyan ng awtoridad (tingnan sa 3.4.3).
Ang bawat namumunong opisyal ay naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng isang taong maytaglay ng mga susi ng priesthood (tingnan sa 3.4.1). Ang ganitong sistema ay naglalaan ng kaayusan at malinaw na linya ng responsibilidad at pananagutan sa paggawa sa gawain ng Panginoon.
Maaaring pansamantalang italaga ng namumunong opisyal sa isang tao ang gawain ng pamumuno. Halimbawa, kung ang Relief Society president ay hindi makadadalo sa isang meeting ng Relief Society sa araw ng Linggo, aatasan niya ang kanyang first counselor na pamunuan ang miting na iyon.
Tinitiyak ng isang lider na namumuno sa isang organisasyon, miting, o aktibidad ng Simbahan na naisasakatuparan ang mga layunin ng Panginoon. Sa paggawa nito, sinusunod ng lider ang mga alituntunin ng ebanghelyo, mga patakaran ng Simbahan, at ang patnubay ng Espiritu Santo.
Tinutularan ng mga namumuno ang halimbawa ni Jesucristo sa paglilingkod nang may kahinahuhan, kaamuan, at dalisay na pag-ibig (tingnan sa Juan 13:13–15). Ang isang taong mayroong calling o takdang-gawain na mamuno ay hindi mas mahalaga kaysa sa iba (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:109–10).
Kung ikaw ay tinawag o inatasan na mamuno, sundin ang turo ng Tagapagligtas na “sinuman sa inyo na nagnanais na maging una ay kailangang maging [tagapaglingkod] ninyo” (Mateo 20:27; tingnan sa mga talata 26–28). Makipagsanggunian sa iba at maghangad ng pagkakaisa sa pag-unawa sa kalooban ng Panginoon at sa paggawa ng Kanyang gawain (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 41:2; tingnan din sa 4.4 ng hanbuk na ito).
Hindi nararapat ang paghahangad na mamuno sa alinmang organisasyon sa Simbahan ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:34–37). Sa halip, mapagkumbaba at tapat na maglingkod sa posisyon kung saan ka tinawag. Sikaping gawin ang gawain ng Panginoon nang may matang nakatuon sa Kanyang kaluwalhatian (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 4:5).
4.2.5
Magtalaga ng Responsibilidad at Tiyakin ang Pananagutan
Binigyan ng Tagapagligtas ang kanyang mga disipulo ng makabuluhang mga takdang-gawain at responsibilidad (tingnan sa Lucas 10:1). Binigyan din Niya sila ng pagkakataong magbigay ng ulat tungkol sa gawaing ibinigay sa kanila (tingnan sa Lucas 9:10).
Bilang lider, matutulungan mo ang iba na umunlad sa pamamagitan ng pagtatalaga sa kanila ng mga takdang-gawain. Sa ganitong paraan, matutulungan mo rin silang matanggap ang mga pagpapalang nagmumula sa paglilingkod. Sikaping hikayatin ang lahat ng miyembro na gawin ang gawain ng Diyos.
Ang pagtatalaga ay tutulong din na maging mas mabisa ang iyong paglilingkod. Kung susubukan mong gawin ang napakaraming bagay, siguradong “ikaw … ay manghihina” (Exodo 18:18). Hangarin ang patnubay ng Espiritu tungkol sa kung anong gawain ang itatalaga sa iba upang ikaw ay makatuon sa iyong pinakamahahalagang prayoridad.
Ang pagtatalaga ay higit pa sa pagbibigay ng takdang-gawain. Kinabibilangan din ito ng pagtuturo at pagtitiwala sa ibang tao na gampanan ang takdang-gawain. Kadalasang kabilang dito ang mga sumusunod na elemento:
-
Kausapin ang taong iyon para anyayahan siyang maglingkod sa Panginoon sa isang takdang-gawain. Tulungan ang tao na maunawaan ang takdang-gawain at ang mga layunin nito.
-
Magsanggunian tungkol sa takdang-gawain, at pag-usapan kung sino pa ang maaaring makibahagi at kung kailan ito dapat matapos. Tiyakin na nauunawaan at kusang-loob na tinatanggap ng tao ang takdang-gawain. Magpahayag ng kumpiyansa sa kanyang mga kakayahan.
-
Hikayatin ang tao na maghangad ng inspirasyon tungkol sa kung paano dapat gampanan ang takdang-gawain. Ipakita ang iyong tiwala at tulungan ang taong iyon na magtagumpay. Magbigay ng gabay at suporta kung kinakailangan.
-
Paminsan-minsang hilingin sa tao na magbigay ng ulat tungkol sa takdang-gawain. Tanggapin ang mga pagsisikap ng tao, at pasalamatan ang kanyang mga ginawa.
Ang mga tuntunin sa pagbibigay ng calling sa 30.1.1 ay dapat ding sundin kapag nagtatalaga, kung naaangkop.
4.2.6
Ihanda ang Iba na Maging mga Lider at Guro
Inihanda ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol na maging lider sa Kanyang Simbahan. Ikaw ay tutulong din na ihanda ang iba na maging mga lider at guro. Ang gawain ng Panginoon ay nakatuon sa pagtulong sa mga tao, hindi lamang sa pagpapatupad sa mga programa ng Simbahan. Ang mga programang ito ay hindi ang mismong layunin ng Simbahan. Nariyan ang mga programa para tulungan ang mga tao na umunlad.
Maging mapanalangin kapag pinag-iisipan kung sino ang maaaring maglingkod sa mga calling at takdang-gawain sa Simbahan. Tandaan na gagawing marapat ng Panginoon ang mga tinatawag Niya. Ang pinakamahalaga ay na sila ay handang maglingkod, mapagkumbabang hinahangad ang tulong ng Panginoon, at nagsisikap na maging karapat-dapat. Ang mga calling at takdang-gawain ay makatutulong din sa kanila na umunlad sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga pagkakataong manampalataya, magsikap, at madama na dinaragdagan ng Diyos ang kanilang mga pagsisikap. Magbigay ng patnubay at tulong sa mga kabataan, mga bagong miyembro, at sa iba pa na maaaring nangangailangan ng suporta sa pagtupad sa kanilang mga calling.
Kung minsan, parehong mga tao ang paulit-ulit na tinatawag sa mga posisyon sa pamumuno. Maaaring makabigat ito sa kanila at sa kanilang mga pamilya at mapagkaitan ng mga oportunidad ang ibang tao. Sikaping mabigyan ang lahat ng miyembro ng mga pagkakataong maglingkod at umunlad.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga Calling sa Simbahan, tingnan ang kabanata 30.
4.2.7
Magplano ng mga Miting, Aralin, at mga Aktibidad nang May Malinaw na mga Layunin
Hangarin ang inspirasyon mula sa Panginoon sa pagpaplano ng mga miting, aralin, at aktibidad nang may malinaw na mga layunin. Ang mga layuning ito ay dapat magpalakas sa mga indibiduwal at pamilya, maglapit sa kanila kay Cristo, at matulungan silang isakatuparan ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos (tingnan sa mga kabanata 1 at 2). Kapag nagpaplano, sundin ang mga alituntunin sa 4.4.2 at sa mga kabanata 20 at 29.
4.2.8
Pagsusuri ng Inyong mga Pagsisikap
Regular na rebyuhin ang iyong mga responsibilidad at espirituwal na pag-unlad bilang isang lider. Isipin din ang pag-unlad ng mga pinamumunuan mo.
Ang tagumpay mo bilang isang lider ay pangunahing nasusukat sa iyong pangakong tulungan ang mga anak ng Diyos na maging matatapat na disipulo ni Jesucristo. Dahil lahat ng tao ay may kalayaang pumili, maaaring piliin ng ilan na lumihis sa landas ng tipan. Kung minsan ito ay magpapahina sa iyo, ngunit kapag bumaling ka sa Panginoon, bibigyan ka Niya ng sigla at kapanatagan (tingnan sa Alma 26:27). Malalaman mong nalulugod ang Panginoon sa ginagawa mo kapag nadarama mo ang Espiritu.
4.3
Mga Council sa Simbahan
Itinatag ng Ama sa Langit ang mga council bilang mahalagang bahagi ng pagtanggap ng inspirasyon, paggawa ng mga desisyon, at pagsasakatuparan ng Kanyang gawain. Nagkaroon na ng mga council bago pa nilikha ang mundo. Bawat isa sa atin ay nakibahagi sa mga council na ito bago tayo pumarito sa mundo. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:32; Abraham 3:22–28.)
Bilang pagsunod sa huwarang ito, ang Simbahan ni Jesucristo ay pinamamahalaan ng mga council sa bawat antas. Halimbawa, ang Kapulungan ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan sa 5.1.1.1), mga Area Presidency (tingnan sa 5.2.1), mga stake presidency, at mga bishopric ay mga council. Bukod pa sa mga stake at ward council, ang presidency ng bawat organisasyon, korum, o class sa Simbahan ay mga council din.
Iniutos ng Panginoon sa mga lider ng Kanyang Simbahan na magkakasamang magsanggunian sa paggawa ng Kanyang gawain (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 41: 2-3). Ang mga council ay nagbibigay ng mga pagkakataon sa mga miyembro ng council na makatanggap ng paghahayag habang hinahangad nilang maunawaan ang mga pangangailangan ng mga anak ng Diyos at gumagawa sila ng plano upang makatulong na matugunan ang mga pangangailangang ito.
4.4
Mga Alituntunin ng mga Epektibong Council
Ang ilang mga alituntunin ng mga epektibong council ay nakasaad sa bahaging ito.
4.4.1
Mga Layunin ng mga Council
Ang pangunahing layunin ng mga council ay tulungan ang mga miyembro na magtulungan sa paghahangad ng patnubay ng Diyos tungkol sa mga bagay na magpapala sa mga indibiduwal at pamilya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 43:8–9). Binibigyan ng mga council ng espesyal na pansin ang pagtulong sa mga miyembro na makatanggap ng mga ordenansa at matupad ang mga kaugnay na tipan. Ang mga miyembro ng council ay naghahangad ng inspirasyon tungkol sa pagpaplano at pag-oorganisa ng gawain ng Panginoon sa kanilang mga nasasakupan.
Ang ilang gawaing pang-administratibo, tulad ng paggawa ng kalendaryo ng mga aktibidad, ay maaaring hindi kailangang talakayin sa isang council meeting. Karamihan sa mga ito ay maaaring pangasiwaan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan bago at pagkatapos ng mga miting.
Binibigyan ng partikular na pansin ng mga miyembro ng council ang mga indibiduwal at pamilya na may mga agarang pangangailangan. Tumutulong ang mga council sa pag-oorganisa ng tulong. Para sa impormasyon tungkol sa ilan sa mga pangangailangang ito, pati na sa mga resource para maunawaan ang mga pangangailangan at makapagbigay ng tulong, tingnan ang Tulong sa Buhay sa Gospel Library.
4.4.2
Paghahanda para sa mga Council Meeting
Ang mga presidency at mga council ay inaasahang regular na magpupulong. Hinahangad ng mga lider ang patnubay ng Panginoon sa pagpaplano ng mga council meeting. Humihingi din sila ng mungkahi mula sa mga miyembro ng council sa pagpapasiya kung ano ang tatalakayin.
Maagang ipinaaalam ng mga lider sa mga miyembro ng council ang mga bagay na kanilang tatalakayin. Ang mga miyembro ng council ay naghahandang magbahagi ng mga ideya tungkol sa mga bagay na ito. Para sa mga ward at stake council, karamihan sa mga paghahandang ito ay nagaganap sa mga presidency meeting.
Espirituwal na inihahanda ng mga miyembro ng council ang kanilang sarili na makibahagi sa mga council meeting.
4.4.3
Mga Talakayan at mga Desisyon
Sinabi ng Panginoon, “Magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat, at upang ang bawat tao ay magkaroon ng pantay na pribilehiyo” (Doktrina at mga Tipan 88:122). Ang alituntuning ito ay angkop sa mga council ng Simbahan.
Sa isang council meeting, ipinapaliwanag ng lider (o isang taong inatasan ng lider) ang bagay na tatalakayin. Pagkatapos ay hihikayatin ng lider ang mga miyembro ng council na talakayin ang bagay na ito, habang nagtatanong at naghahangad ng mga ideya.
Hinihikayat ng lider ang mga miyembro na maging bukas at tapat sa kanilang pakikibahagi sa mga talakayan. Pagyayamanin ang council ng iba’t ibang pinagmulan, edad, karanasan, at pananaw ng mga miyembro ng council. Ang mga miyembro ng council ay nagbabahagi ng mga mungkahi at nakikinig sa isa’t isa nang may paggalang. Habang hinahangad nilang malaman ang kalooban ng Panginoon, mananaig ang diwa ng inspirasyon at pagkakaisa.
Sa isang council na kinabibilangan ng mga kababaihan at kalalakihan, ang lider ay naghahangad ng mga ideya mula sa parehong kasarian. Ang mga kababaihan at kalalakihan ay kadalasang may magkaibang pananaw na nagbibigay ng kinakailangang balanse. Ang mga kalalakihan at kababaihan ay nakagagawa ng mabubuting desisyon at magkakaroon ng higit na tagumpay sa paglilingkod sa Panginoon kapag pinahahalagahan nila ang mga kontribusyon ng isa’t isa at sila ay nagtutulungan.
Ang lider ang gumagabay sa mga talakayan ng council. Gayunman, dapat siyang higit na makinig kaysa magsalita. Kapag masyadong maagang nagbahagi ang lider ng council ng kanyang pananaw, maaari nitong mapigilan ang iba na magbahagi. Kapag kailangan, maingat na ibinabalik ng lider ng council ang talakayan sa paksang pinag-uusapan.
Pagkatapos ng talakayan, maaaring magpasiya ang lider sa isang gagawing aksyon o ipagpaliban ang paggawa ng desisyon habang naghahangad ng karagdagang impormasyon at patnubay. Ang desisyon ay dapat na nakabatay sa impormasyong mula sa talakayan at pinagtibay ng Espiritu. Ang proseso ng council ay tumutulong sa paggawa ng mga inspiradong desisyon na mas mainam kaysa kung isang lider lamang ang magpapasiya. Maaari ding isangguni ng lider ang bagay na ito sa ibang council.
Kung minsan, ang mga miyembro ng council ay mayroong hindi magandang pakiramdam tungkol sa isang mahalagang desisyon. Kapag nangyari ito, maaaring maghintay ang lider ng isa pang council meeting para pag-isipan pa ang bagay na ito at humingi ng espirituwal na pagpapatibay at pagkakaisa. Sa ilang pagkakataon, maaaring naisin ng isang miyembro ng council na kausapin ang lider nang personal upang talakayin ang kanyang mga alalahanin.
4.4.4
Pagkakaisa
Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na “maging isa” (Doktrina at mga Tipan 38:27). Hinahangad ng mga miyembro ng council na maging isa sa hangarin at layunin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Nagsisikap silang magkaisa sa kanilang mga talakayan at desisyon.
Dapat iwasan ng mga miyembro ng council ang pagtatalo, maling paghatol, at tsismis (tingnan sa 3 Nephi 11:28–30). Habang sila ay kumikilos nang may pagkakaisa, pagpapalain ng Ama sa Langit ang kanilang mga pagsisikap.
4.4.5
Pagkilos at Pananagutan
Ginagawa ng mga miyembro ng council ang karamihan sa kanilang gawain bago at pagkatapos ng mga council meeting. Sa mga council miting, naghahangad sila ng inspirasyon sa pagbuo ng mga plano para ipatupad ang mga desisyon. Inaanyayahan ng lider ng council ang mga miyembro ng council na gampanan ang mga takdang-gawain na may kaugnayan sa mga planong ito. Karaniwang inaanyayahan ng mga miyembro ng council ang iba pa sa kanilang organisasyon na tumulong. Ang mga indibiduwal ay hindi dapat bigyan ng labis-labis na mga takdang-gawain.
Ang mga miyembro ng council ay nagbibigay ng ulat tungkol sa kanilang mga takdang-gawain. Ang progreso ay karaniwang nangangailangan ng patuloy na pagbibigay-pansin at pag-follow-up sa mga takdang-gawain.
4.4.6
Kumpidensyalidad
Ang mga lider ay gumagamit ng mabuting pagpapasiya kapag nagbabahagi ng mga personal na impormasyon sa isang council. Karaniwang hinihingi nila ang pahintulot ng miyembro bago ibahagi ang impormasyong ito.
Iginagalang ng council ang desisyon ng sinumang humihiling ng kumpidensyalidad. Ang mga miyembro ng council ay hindi nagbabahagi ng personal na impormasyon sa labas ng council maliban na lamang kung ito ay kailangan sa pagtupad sa isang takdang-gawain mula sa lider ng council.
Ang ilang bagay ay masyadong sensitibo para pag-usapan ng buong council. Kung naaangkop, nirerebyu ng mga lider ang mga bagay na ito nang paisa-isa sa mga miyembro ng council. O maaari nilang isangguni ang ilang bagay sa ibang council.