Mga Hanbuk at Calling
5. Pamunuan sa Pangkalahatan at sa Area


“5. Pamunuan sa Pangkalahatan at sa Area,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2024).

“5. Pamunuan sa Pangkalahatan at sa Area,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Unang Panguluhan

5.

Pamunuan sa Pangkalahatan at sa Area

5.0

Pambungad

Si Jesucristo ang “batong panulok” ng Kanyang Simbahan (Efeso 2:20). Taglay Niya ang lahat ng susi ng priesthood. Tumatawag Siya ng mga apostol at mga propeta upang tumulong sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos. Iginagawad Niya sa mga piniling tagapaglingkod na ito ang lahat ng susi na nauukol sa kaharian ng Diyos sa lupa. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:12–13; tingnan din sa 3.4.1 ng hanbuk na ito.)

Sa pamamagitan ng mga propeta at apostol, tumatawag ang Panginoon ng mga kalalakihan sa katungkulan ng Pitumpu upang tumulong sa Kanyang gawain sa buong mundo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:38). Bukod pa rito, ang Presiding Bishopric, mga General Officer, at iba pang kalalakihan at kababaihan na lider ay binibigyan ng mahahalagang responsibilidad na tumulong sa gawain.

Inilalarawan sa kabanatang ito ang mga papel na ginagampanan ng mga lider ng Simbahan sa pangkalahatan at sa area.

5.1

Pamunuan ng Simbahan sa Pangkalahatan

Kabilang sa pamunuan ng Simbahan sa pangkalahatan ang lahat ng mga General Authority at mga General Officer. Ang salitang pangkalahatan o general ay nagsasaad na ang awtoridad at mga responsibilidad na nauugnay sa mga calling ay hindi limitado sa isang partikular na lugar. Ang mga mayhawak ng mga calling na ito ay namumuno, nagtuturo, at naglilingkod sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo.

Ibinubuod ng bahaging ito ang mga papel na ginagampanan ng mga General Authority, mga General Officer, at mga council at mga komite kung saan sila naglilingkod.

5.1.1

Mga General Authority

5.1.1.1

Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol

Pangulo ng Simbahan. Simula noong sinaunang panahon, pinapatnubayan ng Panginoon ang Kanyang mga tao sa pamamagitan ng mga propeta (tingnan sa Amos 3:7; Efeso 4:11–13). Ang Pangulo ng Simbahan ay isang propeta, tagakita, at tagapaghayag. Siya rin ang senior na Apostol. Sa ilalim ng patnubay ng Panginoon, pinamumunuan niya ang Simbahan at siya lamang ang tanging tao sa mundo na awtorisadong gamitin ang lahat ng susi ng priesthood (tingnan sa Mateo 16:16–19; tingnan din sa 3.4.1.1 ng hanbuk na ito). Siya ay may awtoridad na tumanggap ng paghahayag at ipahayag ang kalooban ng Diyos para sa buong Simbahan. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 43:2–3; 107:91–92; 128:11.)

Unang Panguluhan. Sa pamamagitan ng Pangulo ng Simbahan, ang Panginoon ay tumatawag ng mga tagapayo upang tumulong sa gawain. Ang Pangulo at kanyang mga tagapayo ay “tatlong Namumunong Mataas na Saserdote … [na] bumubuo ng isang korum ng Panguluhan ng Simbahan” (Doktrina at mga Tipan 107:22). Ang korum na ito ay tinatawag na Unang Panguluhan. Ang mga miyembro ng Unang Panguluhan ay mga Apostol at dahil dito, sila ay “mga natatanging saksi” ng pangalan ni Jesucristo (Doktrina at mga Tipan 107:23). Ang Unang Panguluhan ang namumuno at namamahala sa lahat ng gawain ng Simbahan.

Ang tungkuling ito ay ginampanan nina Pedro, Santiago, at Juan sa sinaunang Simbahan. Nakasama nila ang Tagapagligtas sa ilang sagradong kaganapan at tinanggap nila ang mga susi ng kaharian. (Tingnan sa Mateo 16:18–19; 17:1–5; Marcos 14:32–42; Doktrina at mga Tipan 27:12–13; 81:1–2.)

Kapag namatay ang Pangulo ng Simbahan, nabubuwag ang Unang Panguluhan. Ang mga tagapayo ay bumabalik sa kanilang mga posisyon sa Korum ng Labindalawang Apostol ayon sa kanilang seniority o pagkakasunud-sunod batay sa kung kailan sila naorden sa korum na ito. Sa ilalim ng pamamahala ng senior na Apostol, pinamumunuan ng Korum ng Labindalawa ang Simbahan. Bilang isang korum, isinasaalang-alang nila kung kailan dapat muling iorganisa ang Unang Panguluhan. Matapos ang nagkakaisang desisyon, ang senior na Apostol ay inoorden bilang bagong Pangulo ng Simbahan at tinatawag niya ang kanyang mga tagapayo.

Korum ng Labindalawang Apostol. Noong sinaunang panahon, tumawag si Jesucristo ng labindalawang Apostol upang tumulong sa pamumuno sa Kanyang Simbahan (tingnan sa Lucas 6:12–13; Efeso 4:11–13; 1 Nephi 13:40). Sa ating panahon, ang Panginoon, sa pamamagitan ng Pangulo ng Simbahan, ay tumatawag ng mga kalalakihang ioorden bilang mga Apostol at maglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:26–28). Ang korum na ito ay kumikilos sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan upang itayo at pangasiwaan ang Simbahan sa lahat ng bansa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:33). Ipinapahayag ng mga miyembro ng Labindalawa ang ebanghelyo sa buong mundo (tingnan sa Mateo 28:19–20; Doktrina at mga Tipan 107:35).

Taglay ng bawat Apostol ang lahat ng susi ng kaharian at ginagamit nila ang mga susing iyon sa ilalim ng pamamahala ng Pangulo ng Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 112:30–32). Ang Labindalawang Apostol ay “mga natatanging saksi” ng pangalan ni Jesucristo (Doktrina at mga Tipan 107:23; tingnan din sa 27:12). Pinatototohanan nila sa buong mundo ang Kanyang kabanalan at ang katotohanan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Mga Gawa 1:8, 22; 4:33; Doktrina at mga Tipan 76:22–24).

Ang mga Apostol ay naglilingkod nang full-time sa Simbahan para sa nalalabing panahon ng kanilang buhay (tingnan sa Mateo 4:18–22).

Ang Kapulungan ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Ang lahat ng miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ay mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Binubuo nila ang Kapulungan ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Sa ilalim ng pamamahala ng Panginoon at sa pamamagitan ng nagkakaisang tinig, ang kapulungang ito ay mayroong awtoridad na magpahayag at magpaliwanag ng doktrina at magtatag ng mga patakaran para sa Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:38; 107:27–31).

5.1.1.2

Ang Pitumpu

Ang katungkulan ng Pitumpu sa Melchizedek Priesthood ay binanggit kapwa sa Luma at Bagong Tipan (tingnan sa Exodo 24:1, 9–10; Mga Bilang 11:16–17, 24–25; Lucas 10:1, 17). Ngayon, mayroong mga General Authority Seventy at mga Area Seventy (tingnan sa 5.2.2). Sila ay kumikilos sa ilalim ng mga susi at pamamahala ng Korum ng Labindalawang Apostol. Tinutulungan nila ang Labindalawa sa pagtatayo at pangangasiwa sa Simbahan sa lahat ng bansa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:34–35, 38).

Panguluhan ng Pitumpu. Pitong miyembro ng Pitumpu ang tinatawag bilang mga pangulo na mamumuno sa lahat ng miyembro ng Pitumpu. Pinipili ang isa sa pitong pangulo upang pamunuan ang anim na iba. Sila ang bumubuo sa Panguluhan ng Pitumpu. (Tingnan sa Alma 6:2–6; Doktrina at mga Tipan 107:93–94; 124:138.)

Mga General Authority Seventy. Ang mga General Authority Seventy ay tinatawag ng Unang Panguluhan na maging mga natatanging saksi na magpapatotoo sa pangalan ni Jesucristo at magtuturo ng ebanghelyo sa buong mundo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:25; 124:139).

Ang mga General Authority Seventy ay naglilingkod nang full-time sa Simbahan. Sila ay karaniwang inire-release sa taon na sila ay magiging 70 taong gulang at pinagkakalooban sila ng emeritus status. Bagama’t napapanatili nila ang katungkulan ng Pitumpu, hindi na sila namumuno sa mga pulong.

Mga Korum ng Pitumpu. Ang mga miyembro ng Pitumpu, kabilang ang mga Area Seventy, ay inoorganisa sa mga korum. Ang Panguluhan ng Pitumpu ang namumuno sa mga korum na ito. Ang bilang ng mga miyembro ng Pitumpu at mga korum ng Pitumpu ay maaaring madagdagan sa paglago ng Simbahan. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:95–96; 124:138–39).

5.1.1.3

Presiding Bishopric

Ang Presiding Bishopric ay binubuo ng Presiding Bishop at ng kanyang dalawang counselor. Ang bawat miyembro ng Presiding Bishopric ay mga General Authority at hawak nila ang katungkulan ng bishop. Sila ay tinatawag ng Unang Panguluhan at kumikilos sa ilalim ng kanilang pamamahala.

Pinangangasiwaan ng Presiding Bishopric ang mga temporal na bagay, tulad ng welfare, pananalapi, pisikal na pasilidad, at pagkakawanggawa, para sa buong Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:68). Itinuturo din nila ang ebanghelyo at itinatayo ang kaharian ng Diyos sa buong mundo.

5.1.2

Mga General Officer

Ang Unang Panguluhan ay tumatawag ng mga kababaihan at kalalakihan na bumubuo sa mga General Presidency ng mga sumusunod na organisasyon ng Simbahan:

  • Relief Society

  • Young Men

  • Young Women

  • Primary

  • Sunday School

Ang mga General Officer na ito ay naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan, ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ng mga inatasang General Authority Seventy. Sila ay karaniwang naglilingkod sa loob ng limang taon.

Ang mga General Officer ay maaaring magkaroon ng mga sumusunod na responsibilidad:

  • Magturo at magpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

  • Maglingkod bilang mga miyembro ng mga pangkalahatang council at komite ng Simbahan kapag inatasan.

  • Gampanan ang mga takdang-gawain na magminister sa mga miyembro sa buong mundo.

  • Magbigay ng patnubay para sa kurikulum, mga programa, at mga resource para sa kanilang mga organisasyon.

  • Magbigay ng patnubay sa kanilang mga general organization council (tingnan sa susunod na talata).

  • Turuan at suportahan ang mga area organization adviser, na naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng mga Area Presidency (tingnan sa 5.2.5.1).

Bawat pangkalahatang organisasyon ng Simbahan ay maaaring magkaroon ng isang council na tutulong sa Presidency.

5.2

Pamunuan ng Area

Ang Simbahan ay inoorganisa sa mga area ayon sa partikular na mga lugar sa buong mundo. Ibinubuod ng bahaging ito ang pamunuan ng Simbahan sa mga area na ito.

5.2.1

Area Presidency

Sa bawat area, isang General Authority Seventy ang inaatasan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol na maglingkod bilang Area President. Dalawang counselor, na mga General Authority Seventy o Area Seventy, ang inaatasang tumulong sa Area President.

Ang Area Presidency ay namumuno at nakikipagsanggunian sa mga stake at mission president sa area. Sinusuportahan din nila ang mga temple president at matron. Sa pagsangguni sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol at sa Panguluhan ng Pitumpu kung kanino sila may direktang pananagutan, sila ay nagpapasiya kung paano ipatutupad ang mga pangkalahatang patakaran at tagubilin ng Simbahan upang matugunan ang mga pangangailangan sa kanilang area.

Ang mga miyembro ng Area Presidency ay naglalakbay sa loob ng area kung saan sila itinalaga upang paglingkuran, turuan, at hikayatin ang mga lokal na lider, mga missionary, at mga miyembro ng Simbahan. Sila ay inaatasan ng Korum ng Labindalawang Apostol na mamuno sa mga stake conference at iba pang mga miting.

5.2.2

Mga Area Seventy

Ang mga Area Seventy ay tinatawag ng Unang Panguluhan na maging mga natatanging saksi na nagpapatotoo sa pangalan ni Jesucristo at nagtuturo ng ebanghelyo sa mga lugar kung saan sila itinalaga (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:25; 124:139). Sa ilalim ng pamamahala ng Area Presidency, tinutulungan nila ang Labindalawa sa pagtatayo at pangangasiwa sa Simbahan sa kanilang lugar.

Ang mga Area Seventy ay hindi tinatawag na maglingkod nang full-time. Sila ay karaniwang naglilingkod sa loob ng limang taon. Sila ay karaniwang inaatasang maglingkod sa lugar kung saan sila nakatira (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:38, 98). Ang mga Area Seventy ay sinasang-ayunan sa pangkalahatang kumperensya.

Bawat Area Seventy ay kabilang sa isang korum ng Pitumpu. Ang mga korum na ito ay inoorganisa ayon sa partikular na lugar. Bilang mga miyembro ng mga korum na ito, ang mga Area Seventy ay pinamumunuan ng Panguluhan ng Pitumpu.

Ang mga Area Seventy ay nakikipagtulungan at nakikipagsanggunian sa mga lokal na lider ng Simbahan upang matulungan silang gampanan ang kanilang mga responsibilidad. Ang mga Area Seventy ay maaaring atasan na:

  • Maglingkod sa area council (tingnan sa 5.2.3).

  • Mamuno sa mga coordinating council meeting (tingnan sa 5.2.4).

  • Mamuno sa mga stake conference at turuan ang mga lider ng stake.

  • Lumikha o muling mag-organisa ng mga stake, mag-set apart ng mga bagong stake presidency, at igawad ang mga susi sa stake president.

  • I-organisa at pag-ugnayin ang mga responsibilidad sa area, kabilang na ang mga aktibidad (tingnan sa 20.3.3), JustServe.org (kung saan ito ay magagamit), pagbangon mula sa mga sakuna, at iba pang mga takdang-gawain.

  • Maglibot sa mga mission at turuan ang mga mission leader at mga missionary.

  • Maglingkod bilang counselor sa Area Presidency.

Ang mga Area Seventy ang namumuno sa lahat ng miting sa Simbahan na dinadaluhan nila sa kanilang area maliban kung naroon ang isang General Authority. Gayunman, hindi sila namumuno sa pang-araw-araw na gawain ng mga temple president, mission president, o stake president. Ang mga president na ito ay naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng Area Presidency.

5.2.3

Area Council

Sa bawat area, nagpupulong ang area council kung kailangan (karaniwang minsan sa isang quarter) upang i-organisa at pag-ugnayin ang mga pagsisikap sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos sa kanilang area. Ang Area Presidency ang namumuno sa area council. Ang council na ito ay binubuo ng Area Presidency at mga Area Seventy na naglilingkod sa area. Ang iba ay maaaring dumalo sa ilang bahagi ng miting o sa buong miting ng council kapag kailangan at kapag inanyayahan ng Area Presidency.

5.2.4

Coordinating Council

Ang Area Presidency ay nagtatatag ng mga coordinating council. Ang bawat council ay kinabibilangan ng partikular na mga stake at mga mission sa isang area. Inaatasan ng Area Presidency ang Isang Area Seventy na pamunuan ang bawat council.

Ang mga stake president at mga mission president ay dumadalo sa mga coordinating council meeting. Ang mga temple president na ang mga temple district ay nasa loob ng mga hangganan ng coordinating council ay inaanyayahang dumalo kapag praktikal itong gawin.

Ang iba ay maaaring dumalo sa ilang bahagi ng miting o sa buong miting kapag kailangan at kapag inanyayahan ng Area Seventy. Isinasaalang-alang ng mga Area Seventy ang layo, kalagayan ng pamilya, at paglalakbay kapag ginagawa ang mga paanyayang ito.

Ang layunin ng mga coordinating council meeting ay tulungan ang mga stake, mission, at temple president na gamitin ang mga susi ng priesthood sa diwa ng pagkakaisa. Sama-sama silang nagsasanggunian at nagtutulungan sa mga pagsisikap na tulungan ang mga miyembro sa kanilang mga responsibilidad na makibahagi sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos.

Ang Area Seventy ay nagdaraos ng isang coordinating council meeting pagkatapos ng bawat quarterly area council meeting (tingnan sa 29.4). Maaaring magdaos ng mga karagdagang miting kapag kailangan.

5.2.5

Mga Calling sa Area

Ang Area Presidency ay maaaring tumawag ng mga miyembro na maglilingkod sa mga calling sa area upang tulungan ang Area Presidency sa kanilang mga responsibilidad. Ang mga maglilingkod sa mga posisyong ito ay tinatawag at sine-set apart ng isang miyembro ng Area Presidency o ng isang inatasang Area Seventy. Hindi sila sinasang-ayunan.

Maaaring kabilang sa mga halimbawa ng mga calling sa area ang area executive secretary, area auditor, area communications director, area temple and family history adviser, at area organization adviser.

5.2.5.1

Mga Area Organization Adviser

Sa labas ng Estados Unidos at Canada, ang mga Area Presidency ay maaaring tumawag ng kababaihang maglilingkod bilang mga area organization adviser. Ang mga adviser na ito ay maaaring tumulong sa pagbibigay ng oryentasyon at pagtuturo sa mga bagong stake Relief Society presidency, stake Young Women presidency, at stake Primary presidency, sa ilalim ng pamamahala ng mga stake presidency ng mga lider na ito (tingnan sa 6.2.1.6). Dumadalo sa oryentasyong ito ang isang miyembro ng stake presidency o isang inatasang high councilor.

Ang mga area adviser ay naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng kanilang Area Presidency. Tumatanggap din sila ng regular na pagtuturo mula sa mga general organization presidency. Sila ay karaniwang naglilingkod sa loob ng tatlong taon.