Paggamit ng Aklat na Ito
Ang sining sa aklat na ito ay inorganisa sa anim na bahagi: Lumang Tipan, Bagong Tipan, Aklat ni Mormon, Kasaysayan ng Simbahan, Pagkilos Ayon sa Ebanghelyo, at mga Propeta sa mga Huling Araw. Magagamit ninyo ang mga larawang ito sa pag-aaral at pagtuturo sa tahanan o sa simbahan. Ang listahan sa ibaba ay nagbibigay ng malinaw na pamagat para sa bawat larawan gayundin ng mga reperensya sa mga banal na kasulatan at iba pang mga sangguniang magagamit para mapag-aralan at matalakay ang mga larawan. Ang pagsasaliksik sa nakalakip na mga banal na kasulatan at sangguniang ito ay magpapalalim sa inyong pag-unawa sa nakalarawang mga pangyayari at alituntunin ng ebanghelyo. Pag-aralan ang sumusunod na mga ideya sa paggamit ng mga larawan at reperensya:
-
Pagsaliksikin ang mga tao ng mga banal na kasulatan o iba pang mga sangguniang naaayon sa isang partikular na larawan. Ipabasa o ipabuod sa kanila ang materyal na ito sa isang talakayan tungkol sa larawan.
-
Ipapaliwanag sa mga miyembro ng pamilya o klase kung ano ang nakikita nila sa larawan o ipinadarama sa kanila ng larawan. Anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang itinuturo ng larawan? Anong mga pag-aangkop ang magagawa sa buhay natin ngayon?
-
Anyayahan ang mga tao na sarilinan nilang tingnan ang mga larawan. Baka may mapili silang dalawang larawang paghahambingin. Ang mga obserbasyon at tanong tungkol sa nakikita nila ay maaaring mauwi sa pag-uusap tungkol sa mga banal na kasulatan at mga alituntunin ng ebanghelyo.