Mga Calling sa Mission
Pag-adjust sa Buhay-Missionary


Paghahanda ng Missionary

Pag-adjust sa Buhay-Missionary

Elder missionaries

Congratulations sa pagiging marapat at handang pagtanggap sa tawag na paglingkuran ang Panginoon. Wala nang mas sasaya pang panahon kaysa ngayon sa pagiging isang missionary. Sinabi ng Unang Panguluhan: “Wala nang mas mabigat na gawain kaysa [pagiging isang missionary], ni walang ibang magdudulot ng mas malaking kasiyahan. … Bawat misyonero ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pagtulong na ‘isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao’ (Moises 1:39)” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], v). Pagkakataon mo na ngayon na iukol ang susunod na 18–24 na buwan sa full-time na paglilingkod sa Panginoon.

Hinihingi sa gawaing misyonero na iwanan ang nakasanayang buhay at magkaroon ng mga kasanayan na tutulong sa iyo na magtagumpay sa isang bago at di-pamilyar na mission field. Ang transisyon na ito ay maaaring maging masaya at puno ng pag-aalala. Normal lang na maramdaman ang mga ito.

Ang transisyon na ito ay maaaring ikumpara sa pagbabago na maaaring pagdaanan ng isang tao na nabinyagan mo sa iyong mission. Parehong nauunawaan ng bagong miyembro at ng bagong missionary na kailangan nilang iwanan ang dating komportableng buhay nang hindi tiyak kung ano ang mangyayari o kung paano kikilos sa bagong buhay na pinili nila bilang disipulo ni Cristo. Kapag nasa bagong kapaligiran ang tao, marami sa mga nakaugalian at kilos na nagpahusay sa kanila ang maaaring hindi na nila magamit.

Ganito ang sinabi ng isang missionary: “Nadama ng investigator ko ang Espiritu at gusto niyang sundin ang Tagapagligtas, pero nangangamba din siya na baka hindi siya magtagumpay at matanggap. Medyo nag-alangan siya at hindi alam kung ano pa ang mangyayari. Nadama ko na naiintindihan ko ang damdamin niya! Gayon din ang nadama ko sa pagiging missionary: Nakadama ako kapwa ng kasiyahan at kaba, at sa una pakiramdam ko ay hindi ko kaya. Ipinaalala sa akin ng Espiritu ang karanasang iyan, at nakatulong ito na maintindihan ko ang damdamin niya at kung paano siya tutulungan.”

Gaya ng bagong miyembro na iniiwan ang dating mga paniniwala, kaibigan, at nakasanayan, normal lang sa mga bagong missionary na makadama ng kaunting stress o pag-aalala kapag iniwan nila ang kanilang pamilya, mga kaibigan, at ilang bagay na nakasanayan nilang gawin. Ang pag-alis sa pamilyar na kapaligiran at pagpasok sa buhay-missionary—kung saan iba ang pagkain, iskedyul, pananamit, at marahil pati ang wika—ay maaaring maging mahirap pansamatala. Ang pag-adapt o pakikibagay sa bagong pamumuhay na ito ay tulad sa nararanasan ng bagong miyembro na maaaring sa una ay mahirapan sa pagbabayad ng tithing, pagsunod sa Word of Wisdom, o pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, kahit na tapat ang hangarin niyang gawin ang mga bagay na ito.

Huwag mabigla sa pangyayaring ito. Maging mapagtiis habang tinatanggap mo ang mga pagpapala sa mas lubusang pag-uukol ng iyong buhay sa Tagapagligtas. Alalahanin, ang Espiritu ay mapapasaiyo sa transisyon na ito na pinagdaraanan mo at tutulungan ka na maka-adjust sa iyong bagong mga responsibilidad bilang missionary.

Pag-adjust sa Bagong mga Karanasan

Gaya ng marami na pumapasok sa bagong sitwasyon, ang mga missionary ay kadalasang dumaraan sa apat na yugto sa kanilang emotional adjustment sa pagpasok nila sa MTC at muli sa pagpasok nila sa mission field:

1. Anticipation o Pag-asam

  • Maaaring masabik ka sa pagharap sa mga hamon (tingnan sa 1 Nephi 3:7).

  • Maaari kang makadama ng matinding hangaring isakatuparan ang iyong layunin at magpakita ng lubos na katapatan sa Ama sa Langit (tingnan sa 3 Nephi 5:13).

2. Pagtuklas sa mga di-inaasahan

  • Maaari mong ma-miss ang iyong tahanan, pamilya, at mga kaibigan at maiisip kung tama ba ang desisyon mong magmisyon (tingnan sa Alma 26:27).

  • Maaari mong mapansin ang mga palatandaan ng stress, gaya ng di-makatulog na mabuti, walang gana, o madaling mainis.

  • Maaari mong mapansin na pinipintasan at kinaiinisan mo ang mga patakaran at inaasahan sa iyo.

Para sa marami, normal na maramdaman ang mga ito. Kung nadarama mo ang alinman dito o ang lahat ng ito, unawain sana na ito ay panandaliang sitwasyon na pinagdaraanan ng maraming bagong missionary. Lakasan ang iyong loob dahil alam mong lilipas din ang damdaming ito at makakapag-adjust ka.

Two sister missionaries stuying the scriptures

3. “Magagawa ko ito”

  • Ang iyong pagtuturo at pagsasalita ng wika ay nagsisimulang humusay.

  • Matututuhan mong sumunod sa mga patakaran at inaasahan sa iyo sa mission.

  • Magagawa mong magtiis at magtiyaga habang natututo ka nang “utos [sa] utos” (tingnan sa Isaias 28:10; Mosias 4:27).

  • Ang mga palatandaan ng stress na nadama mo, kung mayroon man, ay nagsisimulang mawala.

4. Katatagan ng damdamin

  • Komportable kang sundin ang iskedyul araw-araw.

  • Napapansin mo ang iyong sariling kalakasan at pag-unlad.

  • Nauunawaan mo na ang ibig sabihin ng magdahan-dahan sa buhay (tingnan sa D at T 98:12).

  • Magkakaroon ka ng mas malaking tiwala sa sarili at matinding hangaring maglingkod.

Mga Bagay na Magagawa Mo Ngayon

  • Maghanap ng mga paraan na mapaglingkuran ang iba. Ang gawaing misyonero ay isang tawag na maglingkod. Manalangin sa Diyos na magkaroon ka ng mga pagkakataon na mapaglingkuran ang mga tao sa paligid mo kapag nakadarama ka ng pag-aalala o nababalisa ka. Huwag magpokus sa nadarama mong hirap kundi sa paglilingkod sa mga taong nangangailangan ng mabubuting salita, tulong, o kaibigan. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 191–93.)

  • Magpokus sa pagpapalakas ng pakikipag-ugnayan mo sa iyong Ama sa Langit. Hangarin ang Kanyang Espiritu sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pakikinig ng mabubuting musika, pagbabasa ng iyong patriarchal blessing, at iba pang paraan na epektibo sa iyo. Tanungin ang iyong sarili kung ano ang pinakanais Niya na matutuhan mo sa iyong mission, at pag-isipan kung paano ka Niya matutulungan na matutuhan ito.

    Portrait of a happy, smiling, black missionary in his suit and tie and missionary name tag.
  • Hilingin sa isang returned missionary na ibahagi ang ginawa niyang adjustment sa mission at magmungkahi kung paano mas mapapadali ang transisyon.

  • Pag-aralan ang artikulong “Preparing Emotionally for Missionary Service” ni Robert K. Wagstaff (sa Ensign, Mar. 2011, 22–26; makukuha online sa LDS.org).

  • Maging mapagpasalamat. Mag-ukol ng ilang minuto araw-araw sa bagay na tama, mabuti, at positibo tungkol sa iyong sarili at sa tungkuling natanggap mo. Manalangin at magpasalamat bawat araw para sa mga partikular na bagay na ipinagpapasalamat mo tungkol sa iyong mission call.

  • Maging mabait sa iyong sarili. Kausapin at panatagin ang iyong sarili gamit ang mabubuting salita na sasabihin mo rin sa ibang tao. Lahat ay nabibigo o nakagagawa ng mali kung minsan. Dapat mong malaman na nauunawaan ito ng Panginoon. Isipin na nakaupo Siya malapit sa iyo, nakikinig at nag-aalok ng tulong. Alalahanin, ang isiping wala nang magagawa, wala nang pag-asa, o matinding kaparusahan ay hindi mula sa Panginoon.

  • Asahan ang di-inaasahan. Ang iyong mga karanasan bilang missionary ay hindi kapareho ng sa iba. Hindi lahat ng bagay ay eksaktong aayon sa ipinlano mo o inisip na mangyayari. Asahan na iba ang mangyayari kaysa sa inaasahan mo. Ang pagsusuri sa mga inaasahan mo ay tutulong sa iyo na maging bukas at handa sa pagbabago.

Makipag-usap sa mga Magulang o mga Lider

Ang pakikipag-usap sa iba tungkol sa gagawing adjustment na ito ay makatutulong. Maglaan ng oras para mapag-usapan ang sumusunod kasama ang mga magulang, priesthood leader, o mga kaibigang returned missionary:

  • Bakit mahalaga ang positibong pananaw kapag nag-a-adjust sa mga bagong sitwasyon.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawa ng Diyos na nasa mga banal na kasulatan na nag-uutos sa mga tao na gawin ang mga bagay na inaakala nilang higit sa kanilang kakayahan (tingnan sa Exodo 4:10–12; Jeremias 1:6–9; Alma 17:10–12; 26:27; Eter 12:23–27; Moises 6:31–32).

  • Bakit mahalagang matulog nang maaga at gumising sa oras, kumain ng masusustansyang pagkain, regular na mag-ehersisyo, at magkaroon ng personal na panalangin (tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, viii).

  • Bakit nakakatulong ang pagiging masayahin at hindi gaanong pagpapaapekto sa sariling pagkakamali para mas madaling makapag-adjust.

  • Paano mo ipapaalala sa iyong sarili na ang nadama mong pagkabalisa o pag-aalala noong una ay hindi magtatagal.

  • Ano ang magagawa ng mga magulang at kaibigan para makatulong sa pag-adjust.

  • Paano nakatutulong ang pagsusulat sa journal kapag nahaharap sa mahihirap na sitwasyon.

  • Ano ang pinakamabuting gawin kapag hindi maalis ang di-magandang kaisipan o damdamin.

Buod

Ang adjustment period para sa mga missionary ay normal lang, karaniwang hindi maiiwasan, at hindi tanda na wala kang pananampalataya o patotoo. Para sa maraming bagong missionary, kailangan ng sapat na panahon para magkaroon ng mga kinakailangang kasanayan para magtagumpay. Alalahanin ang payo na ibinigay kay Propetang Joseph Smith sa pinakamahirap na sandali sa kanyang buhay: “Alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti” (D at T 122:7).

Sa paghahanda mong magpunta sa mission, maghandang tanggapin ang pagbabago. Ang buhay bilang missionary ay naiiba sa anumang naranasan mo, pero kung pupunta ka sa mission nang may positibong pananaw, nananampalataya sa Panginoon, at alam mong kailangan ang pagtitiis at pasensya sa iyong sarili at sa iba, gagantimpalaan at pagpapalain ka ng Panginoon. Nangako Siya, “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).