Mga Calling sa Mission
7. Apendiks


7

Apendiks

7.0

Pambungad

Kapag kailangan at angkop para sa iyong mission at mga kalagayan, sundin ang mga karagdagang tagubilin na nakasaad sa apendiks na ito.

7.1

Mga Responsibilidad ng mga Batang Missionary Leader

Ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga batang missionary leader ay kinabibilangan ngunit maaaring hindi limitado sa mga nakalista sa ibaba.

Senior Companion

Isang missionary sa bawat magkompanyon ang naka-assign na senior companion. Ang senior companion ay:

  • Gumagabay para maisakatuparan nila ng kanyang kompanyon ang gawain sa area kung saan sila naka-assign na magturo.

  • Naghihikayat ng pag-aaral, pagdarasal, pagsunod sa iskedyul araw-araw, at pagtatala ng tumpak na rekord.

  • Tinutulungan ang kanyang kompanyon na maging mas mahusay na missionary.

  • Kinikilala at tinutukoy ang mahuhusay na kakayahan, talento, at pagsisikap ng kanyang kompanyon.

  • Ipinapakita kung paano makikipagtulungan nang epektibo sa mga lokal na lider at miyembro para ma-coordinate ang gawaing misyonero.

Trainer

Isang missionary ang naka-assign na maglingkod bilang trainer at senior companion para sa bawat bagong missionary. Ang trainer ay:

  • Tumutulong at nagsasanay ng bagong missionary nang may pagmamahal, tiyaga, pag-ibig sa kapwa, at pag-unawa.

  • Iginagalang ang mga kontribusyon at ideya ng bagong missionary bilang kapantay na kompanyon.

  • Nag-uukol ng karagdagang oras sa pagbibigay ng training bawat araw sa oras ng pag-aaral ng magkompanyon (tingnan sa “For New Missionaries: Additional Companion Study” sa “Introduction: How Can I Best Use Preach My Gospel?” sa Preach My Gospel [2018], ix–x).

  • Pinag-aaralan araw-araw ang mga pamantayan sa hanbuk na ito kasama ang kanyang kompanyon.

  • Sinasanay ang bagong missionary sa mga paksang matatagpuan sa mga sangguniang Mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya at Pag-adjust sa Buhay-Missionary.

  • Ipinapakita kung paano epektibong i-coordinate ang gawaing misyonero sa mga lokal na lider at mga miyembro.

District Leader

Isang elder ang naka-assign na maglingkod bilang district leader sa isang district, na binubuo ng maraming teaching area. Ang district leader ay:

  • Namumuno, nagbibigay ng training, at nakikipagsanggunian sa mga missionary sa mga lingguhang district council.

  • Nag-iinterbyu ng mga bibinyagan (tingnan sa 2.3.6).

  • Nagsasagawa ng companion exchanges sa mga elder sa kanyang district (tingnan sa 2.3.1).

  • Nakikipagtulungan sa mga lokal na lider at mga miyembro para ma-coordinate ang gawaing misyonero.

  • Direktang nagrereport sa zone leader.

Mga Sister Training Leader at mga Zone Leader

Isang magkompanyon na sister ang naka-assign na maglingkod bilang mga sister training leader sa isa o maraming zone. Responsibilidad nila ang magbigay ng training at ang kapakanan ng mga sister missionary na naka-assign sa kanila. Mga miyembro din sila ng mga district at mga zone at tinutulungan ang mission president, mga zone leader, at district leader sa mga training meeting at zone conference.

Isang magkompanyon na elder ang naka-assign na maglingkod bilang mga zone leader sa isang zone. Responsibilidad nila ang magbigay ng training at ang kapakanan ng lahat ng mga missionary na naka-assign sa kanilang zone. Tumutulong din sila sa mission president sa mga training meeting at zone conference.

Ang mga sister training leader at mga zone leader ay:

  • Namumuno, nagbibigay ng training, at nagsasagawa ng mga companion exchange sa mga missionary sa zone o mga zone na naka-assign sa kanila. Ang mga sister training leader ay nakikipagpalitan ng kompanyon sa mga sister, at ang mga zone leader ay nakikipagpalitan sa mga elder.

  • Nakikipagtulungan sa mga lokal na lider at mga miyembro para ma-coordinate ang gawaing misyonero.

  • Nakikibahagi sa mission leadership council.

  • Direktang nagrereport sa mission president.

Nag-iinterbyu rin ng mga bibinyagan ang mga zone leader (tingnan sa 2.3.6).

Mga Assistant sa President

Isang magkompanyon na elder ang naka-assign na maglingkod bilang mga assistant sa mission president. Ang mga assistant ay:

  • Nagsasagawa ng mga companion exchange sa mga zone leader at iba pang mga elder (tingnan sa 2.3.1).

  • Nagbibigay ng training sa mga mission leadership council at mga zone conference kapag hiniling ng mission president.

  • Maaaring magbigay ng payo hinggil sa mga missionary transfer o tungkulin sa pamumuno, ngunit hindi sila ang nagpapasiya.

  • Direktang nagrereport sa mission president.

7.2

Mga Tagubilin para sa Paglilingkod

Sundin ang mga tagubilin para sa paglilingkod na nakasaad sa mga sumusunod na subsection.

7.2.1

Opisyal na Inorganisang mga Aktibidad sa Paglilingkod

Makakahanap kayo ng mga pagkakataong maglingkod sa pamamagitan ng mga organisasyong tulad ng JustServe.org (kung saan mayroon), ayon sa tagubilin ng inyong mga mission leader.

Kapag nakikibahagi sa isang organisadong paglilingkod, isaisip ang mga sumusunod na pamantayan:

  • Limitahan ang paglilingkod sa oras sa umaga.

  • Iwasang maglingkod sa mga oras kung kailan maraming mahahanap at matuturuan maliban kung iniutos ng inyong mission president.

  • Makibahagi sa mga proyektong paglilingkod ng komunidad hangga’t maaari.

  • Iwasan ang mga aktibidad sa paglilingkod sa preparation day o sa mga oras na mayroong mga district council o zone conference.

  • Huwag kanselahin o ilipat ng oras ang mga teaching appointment para sa mga proyektong paglilingkod maliban kung iniutos ng inyong mission president.

  • Manatiling kasama ang iyong kompanyon habang naglilingkod.

  • Isuot ang iyong name tag kung ipinahihintulot at angkop, kahit nakasuot ka ng damit pantrabaho.

  • Huwag makibahagi sa mga aktibidad na gagastos kayo o babayaran kayo.

  • Huwag mangako na makikibahagi sa mga pangmatagalang service project nang walang pahintulot ng inyong mga mission leader.

7.2.2

Pananatiling Ligtas Habang Naglilingkod

Para sa iyong kaligtasan habang naglilingkod, matalinong magpasiya at sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo at ang mga sumusunod na tagubilin:

  • Gawin lamang ang mga aktibidad na makakaya mong tapusin.

  • Huwag gumamit ng mga kasangkapang de-kuryente o magpaandar o sumakay sa anumang makinarya (tulad ng traktora, trailer truck, o truck bed).

  • Magsuot ng angkop na kasuotan (gaya ng guwantes o kamiseta na may mahabang manggas).

  • Huwag gumawa sa matataas na lugar kung saan maaari kang mahulog (tulad ng sa ibabaw ng bubong o sa itaas ng puno).

  • Huwag gumawa sa lugar na maaaring kang makulong sa loob o masugatan sa mga makikipot na lugar (gaya ng malalim na kanal).

  • Huwag maglingkod sa mga paaralan, day care center, o sa iba pang mga lugar kung saan mag-isa ka lang kasama ang mga bata, pati sa Primary o nursery (tingnan sa 3.5.2).

Panoorin ang video na ito para sa karagdagang impormasyon tungkol paglilingkod.

7.3

Paggalang sa Kapwa

Pakitunguhan ang kapwa nang may kabaitan at paggalang. Sundin din ang mga karagdagang tagubilin sa bahaging ito.

7.3.1

Mga Paksang Iiwasang Pag-usapan

Upang maipakita ang paggalang sa kapwa at maprotektahan ka, iwasang pag-usapan ang mga paksang maaaring magdulot ng problema. Kabilang sa mga paksang dapat iwasan ay ang usapin sa lokal at pambansang pulitika sa mga area kung saan ka naglilingkod; iwasan ding magbigay ng pahayag tungkol sa pulitika, nang pribado man o hayagan. Bukod pa rito, huwag kailanman:

  • Magbiro tungkol sa terorismo o mga gawain ng terorista.

  • Magmungkahi na lumipat sa ibang bansa ang mga tao—maging ito man ay para sa pagtatrabaho o pag-aaral.

  • Mag-alok o mangako ng suportang pinansiyal o visa sa mga taong nasa mission area ninyo, pati para sa trabaho, pag-aaral, pabahay, o pagkupkop.

7.3.2

Mga Lokal na Batas at Kultura

Sumunod sa mga lokal na batas at patakaran tungkol sa pamamahagi ng mga materyal, customs at mga border regulation, at mga kinakailangang passport at visa. Kung hindi kayo pamilyar sa mga lokal na batas, tradisyon, at kaugalian, hingin ang tulong ng inyong mga mission leader.

Panoorin ang video na ito para sa karagdagang impormasyon tungkol sa angkop na pag-uugali.

7.4

Pagpunta sa Templo

Kapag pumupunta kayo sa templo, tandaan ang mga sumusunod:

  • Manatili sa tabi ng iyong kompanyon.

  • Makibahagi sa alinman sa mga ordenansang isinasagawa sa templo. Gayunman, para maiwasan na mabigyan ng maling kahulugan ang mga espirituwal na damdamin bilang pagpapadama ng pagmamahal, huwag mag-proxy para sa asawang lalaki o babae sa seremonya ng pagbubuklod o maging witness sa endowment session.

  • Huwag mag-alala tungkol sa kasuotan sa templo; ang kasuotan sa templo ay ipinapahiram nang walang bayad sa mga missionary sa templo.

  • Sundin ang mabuting asal sa paggamit ng cellphone. Maaari mong dalhin ang iyong cellphone sa loob ng templo para mag-print ng mga ordinance card. Gayunman, huwag gamitin ang kamera, makipag-usap sa cellphone, o mag-text habang nasa loob ng templo.

  • Huwag magdala ng kamera o mga materyal na babasahin, kabilang ang patriarchal blessing, para gamitin sa loob ng templo.

  • Huwag mag-umpukan o magkumpulan bilang mga missionary o lumuhod para magdasal sa celestial room.

Tandaan na laging magsuot ng temple garment ayon sa tagubilin. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa pagsusuot ng garment o pagpunta sa templo, itanong sa iyong mga mission leader.

7.5

Teknolohiya

Sundin ang mga pamantayan sa paggamit ng teknolohiya na nakasaad sa mga sumusunod na subsection.

7.5.1

Pagsunod sa mga Pangkalahatang Pamantayan sa Paggamit ng Teknolohiya

Magtuon sa mga tao, hindi sa teknolohiya. Kapag nakikipagkita sa mga tao, ibigay ang iyong buong atensyon sa kanila. Ang pagtingin sa email, pagsagot sa mga text, o pag-scan sa social media kapag kaharap mo ang iba ay nakagagambala at kawalan ng respeto.

Maaari mong gamitin ang:

  • Wi-Fi sa mga meetinghouse at iba pang mga pasilidad ng Simbahan.

  • Mga pampublikong computer, tulad ng nasa mga aklatan at internet cafe.

  • Computer na pag-aari ng isang tao para sa pagtuturo kung pinahintulutan niyang gamitin ninyo ito.

  • Maaaring gumamit ng headphones sa inaprubahang mga aktibidad ng missionary, tulad ng pakikipag-usap sa iyong pamilya o pagkuha ng missionary courses.

Huwag pangasiwaan ang teknolohiya, mga website, blog, o social media account ng lokal na ward o stake.

Panoorin ang video na ito para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paggamit ng mga mobile device sa gawaing misyonero.

7.5.2

Ligtas na Paggamit ng Teknolohiya

Dapat natapos mo ang Safeguards for Using Technology (Mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya) online course habang nasa missionary training center ka. Ang mga sumusunod na pamantayan ay makakatulong din sa iyo na gamitin ang teknolohiya nang walang peligro at nang may layunin ng missionary:

  • Gumamit ng teknolohiya nang may tiyak na layunin. Magplano ng mga aktibidad na tutulong sa iyo na maanyayahan ang iba na lumapit sa Tagapagligtas.

  • Huwag gumamit ng teknolohiya para pawiin ang stress o pagkabagot.

  • Pakinggan at sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Ang matibay na ugnayan sa Espiritu ng Panginoon ay pinakamatibay na depensa mo laban sa di-angkop na paggamit ng teknolohiya.

  • Palagi pumuwesto kung saan makikita ninyong magkompanyon ang screen ng isa’t isa. Huwag gumamit ng mobile device kapag nag-iisa ka, tulad ng kapag nasa banyo ka.

  • Tumulong sa iyong kompanyon kapag naghahanap o nagtuturo online. Repasuhin ang mga komento at mensahe ng isa’t isa bago mag-post o mag-send ng isang mensahe para pareho kayong makapagbigay ng mga ideya at maging responsable sa kahihinatnan nito. Paalala: Ito ay hindi angkop sa pakikipag-unayan sa iyong pamilya (tingnan sa 3.9.1), mission office, o sa mission president.

  • Regular na sumangguni sa Mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya sa iyong personal na pag-aaral at pag-aaral ninyong magkompanyon.

7.5.3

Pag-iwas sa Pornograpiya

Maraming uri ang pornograpiya. Ang pagpaplano nang maaga at paggawa ng mabuting mga desisyon ay makatutulong sa iyo na maiwasan ang pornograpiya (tingnan sa Mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya). Kapag nakita mo ito, tumalikod, patayin ang device, o iwan ang device. Nasa ibaba ang ilang mungkahi upang matulungan ka na makaiwas sa pornograpiya:

  • Iwasan ang mga website, materyal, at lugar kung saan maaari kang makarinig, makabasa, o makakita ng mahahalay na materyal o pornograpiya.

  • Matutuhang mahiwatigan ang mga pagkakataon kung saan lalo kang natutuksong gamitin nang di-angkop ang teknolohiya, gaya ng kapag ikaw ay pagod o nababagot.

  • Magplano kung ano ang gagawin mo. Matutulungan ka ng iyong mga mission leader. Makakahanap ka rin ng impormasyon sa ChurchofJesusChrist.org/addressing-pornography.

Sinumang nagsisikap na iwasan o iwaksi ang pornograpiya ay magtatamo ng tulong at paggaling sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kung nahihirapan ka, kausapin ang iyong mission president, na magbibigay ng suporta, payo, at tulong.

7.5.4

Pagtuturo Gamit ang Teknolohiya

Kung inaprubahan, gamitin ang online na teknolohiya sa mga miyembro at mga tinuturuan ninyo para makaugnayan sila, matulungan sila, at makapagbahagi ng mga mensahe ng ebanghelyo sa kanila.

  • Tulungan ang iba na matutuhan ang mga epektibong paraan para maibahagi ang ebanghelyo, at masuportahan ang mga miyembro ng Simbahan kapag ginagamit nila ang teknolohiya sa kanilang paggawa ng gawaing misyonero.

  • Tulungan ang mga taong tinuturuan ninyo online na nakatira sa labas ng area ninyo, at tulungan sila sa kanilang pagbabalik-loob.

  • Kapag nagtuturo kayo sa isang tao na naninirahan sa labas ng inyong area, makipagtulungang mabuti sa mga missionary na naka-assign sa area kung saan nakatira ang taong tinuturuan. Magkakasamang tulungan ang taong iyon na mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  • Gumamit ng mga larawan, video, at iba pang media mula sa Media Library ng Simbahan at iba pang opisyal na site ng Simbahan sa inyong pagtuturo kapag naaangkop. Sa inyong pakikipag-ugnayan, huwag gumamit ng media na hindi inaprubahan ng Simbahan (halimbawa, mga video na ginawa ng mga miyembro o lokal na unit).

  • Kapag nagpo-post sa social media, magbahagi ng mga mensahe tungkol sa ebanghelyo at karanasan ninyo bilang missionary sa halip na magkuwento tungkol sa inyong mga paglalakbay.

Sundin ang mga sumusunod na tagubilin para maprotektahan ang privacy at personal na impormasyon ng mga tao:

  • Dapat ninyong malaman na ang buong pangalan, mga retrato (tingnan sa 3.7), contact information, at mga kalagayan ng mga taong tinuturuan ninyo ay kumpidensyal. Ang pagbabahagi o pag-post ng impormasyong ito ay labag sa data privacy law. Maging maingat lalo na sa mga isinusulat ninyo sa inyong pamilya, dahil baka mai-post nila ang mga liham at email message mo online.

  • Humingi ng pahintulot sa sinumang makikita sa isang retrato o video bago ito ibahagi sa sinuman o i-post online. Hingin ang pahintulot ng magulang bago ipakita ang mga retrato o video ng mga bata (tingnan sa 3.7).

Panoorin ang video na ito para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagprotekta sa privacy ng ibang tao.

7.5.5

Paggamit ng Email

Sa iyong mission, binigyan ka ng isang email account para gamitin kapalit ng lahat ng iba pang personal na email account. Gamitin ang email account na ito para sa lahat ng komunikasyon maliban sa iyong lingguhang liham sa mission president, na ipapadala mo sa pamamagitan ng Missionary Portal.

7.5.6

Paggamit ng Social Media

Magagamit ang social media sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Tiyakin na ang ginagamit mo lamang ay mga social media site na inaprubahan para sa inyong mission, dahil ang mga batas tungkol sa social media ay magkakaiba sa bawat bansa.

Sundin ang anumang partikular na mga pamantayan ng mission tungkol sa social media gayon din ang mga sumusunod na pamantayan:

  • Tiyakin na ang iyong mga social media account ay nagpapahayag ng iyong layunin at calling bilang missionary.

  • Tiyakin na nakikita sa iyong profile picture at sa mga indibiduwal at grupo na pina-follow mo na isa ka sa mga missionary ng Panginoon.

  • Huwag gumawa ng pangalawang account sa isang social media site upang maiwasan ang paggawa ng mga pagbabago sa naunang account. Ito ay paglabag sa user agreement para sa maraming social media site.

  • Huwag gumamit ng titulong “Elder” o “Sister” sa iyong account name. Ang mga titulong gaya nito ay hindi pinahihintulutan ng ilang social media platform.

  • Magtuon sa makabuluhan at personal na pakikipag-ugnayan sa halip na sa pagkuha ng mga “likes” o kung nai-share ang iyong mga mensahe online.

  • Huwag ipahiwatig na ang iyong mga post ay opisyal na pahayag ng Simbahan.

  • Protektahan ang iyong sariling privacy. Maging maingat kapag nagbabahagi ng iyong iskedyul at lokasyon online. Mag-ingat sa mga tao na tinatanggap mo sa iyong social network; may mga indibiduwal na nagsasamantala sa mga misisonary.

  • Protektahan ang privacy ng ibang tao. Kung gusto mong mag-post ng isang bagay tungkol sa isang tao na pinaglilingkuran o tinuturuan ninyo, kailangan mong hingin ang kanyang pahintulot (sa salita o sa sulat) bago mag-post ng anumang bagay na nagbabanggit ng kanyang pangalan o nagsasama sa kanyang retrato (tingnan sa 3.7). Dahil sa lokal na mga privacy law, sa ilang mission, ang mga missionary ay hindi pinahihintulutang magbahagi ng mga retrato ng mga taong tinuturuan nila.

Panoorin ang video na ito para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagprotekta sa privacy ng ibang tao.

7.6

Mahihirap na Sitwasyon

Sundin ang mga tagubilin sa ibaba kung paano haharapin at tutugunin ang mahihirap na sitwasyon.

7.6.1

Pagtugon sa mga Negatibong Sitwasyon

Tulad ng Tagapagligtas, mga propeta, at maraming missionary na nauna sa iyo, mararanasan mong hindi tanggapin at marahil ang iba pang mga uri ng kawalang-paggalang sa missionary. Ang mga sumusunod na tagubilin ay tutulong sa iyo na makayanan ang hindi pagtanggap sa inyo:

  • Huwag balewalain ang naramdaman mo.

    • Dapat mong malaman na OK na magpahayag ng pagkadismaya at pagkalungkot sa iyong kompanyon, mga batang missionary leader, mission leader, at malapit na kapamilya.

    • Unawain na kung minsan ang pag-uusap tungkol sa isang negatibong sitwasyon ay makatutulong para mapawi ang nadarama.

    • Huwag magtuon sa negatibong sitwasyon o hayaang baguhin nito ang iyong saloobin.

  • Tingnan sa ibang pananaw ang hindi pagtanggap sa inyo.

    • Dapat mong malaman na hindi ang mga negatibong sitwasyon ang nagdidikta kung sino ka, kung ano ang gawaing ipinagawa iyo, o kung gaano mo ito mahusay na magagawa.

    • Sikaping huwag isipin ang mga pahayag na gaya ng “Hindi talaga nakikinig ang mga tao.”

    • Dapat mong maunawaan na may kalayaan ang mga tao na tanggapin o hindi tanggapin ang inyong mensahe.

    • Dapat mong maunawaan na nagbabago ang mga buhay at kalagayan ng mga tao. Ang pagtanggi ay hindi palaging nangangahulugan na hindi na kailanman magiging interesado ang tao sa ipinanumbalik na ebanghelyo.

  • Mahabag sa iyong sarili at sa iba.

    • Humingi ng kapanatagan sa pamamagitan ng pagdarasal. Alalahanin na kilala ka ng Panginoon, alam Niya ang iyong sitwasyon, at mga pangangailangan.

    • Huwag pintasan ang iyong sarili, ang sitwasyon, o mga taong kasama rito.

    • Gawin ang lahat ng iyong makakaya para maging positibo.

  • Matuto mula sa karanasan. Isipin kung ano ang iba pang maaari mong gawin sa susunod.

7.6.2

Pagtugon sa mga Taong Nakikipagtalo

Maaaring makaharap kayo ng mga taong negatibo o agresibo. Kung magaspang ang pag-uugali ng isang tao, maging magalang at umalis sa sitwasyon. Kung nakakaramdam kayo ng panganib, kaagad na umalis. Ang kaligtasan mo at ng iyong kompanyon (tingnan sa 4.5) ang dapat unahin.

Ang mga taong nakikipagtalo at negatibo ay nagdudulot ng stress. Gawin ang mga hakbang na kailangan para makayanan mo ang stress (tingnan sa 4.3) at pangalagaan ang iyong sarili sa emosyonal at espirituwal.

Dapat mong malaman na ang anumang uri ng berbal, emosyonal o pisikal na pang-aabuso ng sinuman, kabilang ang kompanyon, ay hindi tama. Maaaring kapalooban ito ng mga salita, galaw, o kilos na nagbibigay ng takot o nang-aabuso sa isang tao.

Kontakin agad ang iyong mission president, kanyang asawa, o isang pinagkakatiwalaang lider kung naranasan mo, nakita, o narinig ang tungkol sa anumang seksuwal o pisikal na panggugulo, pananakit, o pagbabanta (tingnan sa 7.8.2–7.8.4).

7.7

Mga Problemang Pangkalusugan sa Katawan at Pangkaisipan

Sundin ang mga tagubilin tungkol sa kalusugan na nakasaad sa mga sumusunod na subsection.

7.7.1

Pagkontak sa Mission Office tungkol sa mga Problemang Medikal

Huwag umasa sa self-diagnosis o sa mga opinyon ng ibang tao. Bagama’t maaaring makatulong ang mga payong medikal mula sa iyong kompanyon, ibang mga miyembro ng Simbahan, pamilya, o mga kaibigan, kontakin ang mission medical coordinator kapag mayroon kang mga tanong o problema, lalo na tungkol sa malubhang pinsala o mga problema sa kalusugan. Ang inyong mission president ay makikipag-ugnayan sa iyong stake president at pamilya tungkol sa malulubhang pinsala at mga problema sa kalusugan.

Kontakin ang mission medical coordinator kung nakadarama ka ng alinman sa mga sumusunod na problema sa kalusugan:

  • Mga sakit na higit pa sa karaniwang sipon at panandaliang mga sintomas.

  • Malubhang pinsala.

  • Mabilis na pulso (mahigit 100 beats kada minuto) gayong hindi ka nag-eehersisyo.

  • Anumang lagnat na mas mataas kaysa sa 101°F (38.3°C), lagnat na umabot sa 101°F (38.3°C) nang mahigit sa dalawang araw, o lagnat na hindi gumagaling sa pag-inom ng gamot.

  • Mabilis o sobrang pagbaba ng timbang o pagtaas ng timbang.

  • Sobrang pagkauhaw o pag-ihi.

  • Paulit-ulit na pagsusuka, pananakit ng ulo, pagkahilo, ubo, o pagkakaroon ng pantal o rashes.

  • Pamamaga ng paa, hita, tiyan, o mukha.

  • Pagkawala ng dugo o maitim na dumi.

  • Hindi makadumi o pagtatae nang higit sa dalawang araw.

  • Masakit na ngipin.

  • Masakit na ingrown sa kuko ng paa.

7.7.2

Pangangalaga sa Kalusugan ng Katawan

Magkakaroon ka ng mas masayang karanasan sa mission at mas mahusay na mapaglilingkuran ang Panginoon kapag inalagaan mo ang kalusugan ng iyong katawan. Maging masigasig sa gawaing misyonero, ngunit huwag gumawa nang higit sa iyong makakaya.

Upang mapanatili ang iyong kalusugan, tiyaking:

  • Regular na mag-ehersisyo.

  • Matulog nang sapat.

  • Kumain ng masusustansyang pagkain na may kasamang maraming gulay, prutas, at mga butil.

  • Uminom ng maraming tubig.

  • Regular na maghugas ng iyong mga kamay.

  • Gumamit ng sunscreen at insect repellant kapag angkop.

  • Maghanap ng mga paraan na makapagpahinga.

  • Makibahagi sa makabuluhang paglilibang sa mga preparation day.

7.7.3

Pangangalaga sa Kalusugang Pangkaisipan

Normal lang na paminsan-minsang makadama ng kalungkutan, pag-aalala, pangungulila sa pamilya, at panghihina ng loob habang nasa mission. Gayunman, ang mga damdamin at kilos na humahadlang sa iyo na gumawa nang epektibo ay kinakailangang lutasin. Maaaring kabilang sa mga kondisyong ito ang:

  • Paiba-iba ng mood o emosyon.

  • Labis na pag-aalala o pagkabalisa.

  • Labis na pagkalungkot.

  • Pagkain nang wala sa oras.

  • Nahihirapang supilin ang damdaming seksuwal.

Dapat mong maunawaan na walang dapat ikahiya sa pagkilala at paggamot sa mga problema sa kalusugan, kabilang ang mga problema sa emosyon o isipan. Kung nadarama mo o ng iyong kompanyon na kailangan ninyo ng tulong, kausapin ang inyong mission president, kanyang asawa, o ang medical coordinator. May access sila sa mental health resources. Makakahanap ka rin ng payo na makatutulong sa iyo sa Pag-adjust sa Buhay-Missionary.

7.7.4

Paggamot sa mga Kagat ng Hayop at Insekto

Ang mga kagat ng hayop at insekto ay maaaring magdulot ng malubha at kung minsan nakamamatay na mga sakit. Kung ang isang kagat ng insekto ay namaga o hindi karaniwan ang sakit, agad na tumawag sa mission office.

Pag-iwas

Maiiwasan mo ang kagat ng niknik [tick], lamok, at iba pang insekto sa pagsunod sa mga tagubiling ito:

  • Iwasan ang nakaimbak at hindi umaagos na tubig, kung saan madalas namamalagi ang mga lamok.

  • Iwasan ang mapuno at mapalumpong na daan, kung saan madalas na namamalagi ang mga niknik.

  • Magsuot ng damit na natatakpan ang iyong mga braso at binti, maging sa mainit na panahon.

  • Panoorin ang video na Prevention of Mosquito-Borne Diseases.

  • Magpahid ng repellent sa nakalantad na balat at insecticide sa ibabaw ng kasuotan.

Pagpapagamot

Kung ikaw ay nakagat ng niknik o lamok o iba pang insekto o nakalmot ng hayop, sundin ang mga tagubiling ito:

  • Lagyan ng yelo o gamot na hindi na kailangan ng reseta ang maliliit na kagat ng lamok.

  • Magpatingin sa doktor para maingat na maalis ang niknik na nakadikit sa iyong balat at masuri para sa Lyme disease.

  • Hugasan ang kagat o sugat na dulot ng hayop gamit ang sabon at tubig (15 minuto, kung maaari), at tumawag sa mission office. Tukuyin ang may-ari ng hayop, kung maaari, para makatulong ang mission office sa pag-alis sa posibilidad na rabies o iba pang malulubhang sakit.

  • Kung ang kagat ng niknik o iba pang insekto ay namaga, naging hindi pangkaraniwan ang sakit, o nagkaroon ng itim-itim na tuldok o hindi pangkaraniwang pantal o rashes, tumawag kaagad sa mission office.

Panoorin ang video na ito para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagprotekta sa sarili mula sa mga kagat ng insekto at iba pang hayop.

7.8

Mga Mapanganib na Sitwasyon

Sundin ang mga tagubiling tungkol sa kaligtasan na nakasaad sa mga sumusunod na subsection.

7.8.1

Paghahanda para sa mga Mapanganib na Sitwasyon

Matutulungan ka ng mga sumusunod na tagubilin na mapaghandaan ang mga mapanganib na sitwasyon at makatugon sa mga ito:

  • Manalangin sa Panginoon na protektahan ka araw-araw.

  • Pakinggan at sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu, na siyang magbibigay ng babala sa iyo sa panganib.

  • Maging pamilyar sa emergency action plan ng inyong mission. Sundin ang mga hakbang sa kung ano ang gagawin sa oras ng emergency.

  • Itala ang impormasyon ng mga emergency contact para sa inyong area at bansa sa inyong phone. Palaging i-charge ang inyong phone at dala-dala ninyo sa lahat ng oras.

  • Iwasan ang mga lugar na itinuring ng inyong mission na mapanganib.

  • Huwag magpahiwatig na may dala kayong mahahalaga o mamahaling bagay (halimbawa, pagdadala ng bag na siksik o maraming laman).

  • Maging mapagmasid sa anumang bagay na tila hindi karaniwan, tulad ng isang taong laging nakamasid sa inyo, nagtatanong ng mga personal na tanong, o sinusundan kayo.

  • Subukang ipakita sa galaw ng katawan na kumpiyansa ka at hindi natatakot.

  • Magkaroon ng isang code word o kataga na gagamitin sa iyong kompanyon na senyales na gusto mo nang umalis. Gamitin ito kung nalagay kayo sa isang sitwasyon na sa pakiramdam mo ay hindi kayo ligtas.

Palaging sundin ang mga tagubiling ito, kahit hinihimok ka ng iba (kabilang ang ibang mga missionary) na sumuong ka sa panganib para maisakatuparan ang gawaing misyonero.

7.8.2

Paghiwatig sa mga Mapanganib na Sitwasyon

Kontakin agad ang isa sa inyong mission leader o iba pang pinagkakatiwalaang lider kung naranasan mo, nakita, o narinig ang tungkol sa anumang uri ng pisikal o seksuwal na gawain. Kabilang dito ang pag-atake, pagbabanta, o panggugulo. Bagama’t ang mga sumusunod na panganib ay magkakaiba ng kahulugan sa mga lokal na batas, ireport ang anumang bagay na nagdudulot ng pangamba sa inyo:

  • Ang pag-atake ay kinabibilangan ng anumang pisikal o seksuwal na pamimilit sa isang tao. Kabilang sa mga halimbawa ang anumang hindi ginustong pisikal na kontak, panghihipo, o pananakit.

  • Ang pagbabanta ay nangyayari kapag tinatakot ang isang tao na sasaktan o papatayin. Kabilang sa mga halimbawa ang anumang uri ng mga salita o kilos na nagbabanta.

  • Ang sexual harassment ay kinabibilangan ng mga mahahalay na pananalita o kilos, paghiling na makipagtalik, o anumang seksuwal na pamimilit. Kabilang sa mga halimbawa ang palihim na pagmamatyag (nakaabang nang may intensyong manakot o mang-inis) o paglalantad ng mga pribadong bahagi ng katawan.

7.8.3

Pagtugon sa mga Pag-atake, Pagbabanta, o Panggugulo

Gawin ang mga sumusunod kung ninakawan ka o ang iyong kompanyon:

  • Ibigay agad ang inyong mga gamit. Magiging dahilan ito para umalis ang magnanakaw nang hindi kayo sinasaktan. Ang inyong buhay at kapakanan ay higit na mahalaga kaysa mga gamit ninyo.

  • Sikaping maging mahinahon o huwag mag-react nang negatibo. Maaaring mapalala nito ang sitwasyon.

Gawin ang mga sumusunod kung pinagbabantaan o ginugulo na kayo ng kompanyon mo at hindi lang mga gamit ninyo ang gustong kunin:

  • Kayo lamang ang makapagpapasiya kung ano ang pinakamainam na gawin sa sitwasyong iyan. Maaari ninyong piliing tumakbo, ipagtanggol ang inyong sarili, o sumunod. Halimbawa:

    • Kung tatakbo kayo, maaari ninyong maiwasan ang pag-atake.

    • Kung ipagtatanggol ninyo ang inyong sarili, maaaring maprotektahan ninyo ang inyong katawan sa pamamagitan ng pagsigaw nang malakas, paghampas, pagkalmot, pagkagat, pagsipa, o pagdarasal.

    • Kung natigilan kayo o piniling sumunod, na normal na reaksyon, huwag sisihin ang sarili kalaunan.

  • Maaari kayong humingi ng tulong o kunin ang atensyon ng ibang tao. Halimbawa:

    • Maaari kayong humingi ng tulong sa iba, lalo na sa isang taong may awtoridad (gaya ng drayber ng bus) kung nasaan kayo.

    • Kung kayo ay nasa isang pampublikong lugar na may mga tao at hindi makalayo sa pisikal o seksuwal na pag-atake (halimbawa, kapag nakasakay kayo sa isang pampublikong sasakyan), matapang na magsalita para mapigilan ang tao sa gagawin pa niya. Halimbawa, maaari ninyo tingnan nang diretso ang nangha-harass, at magsalita nang malakas. Maaari kayong magsalita sa tao, ibunyag ang maling ginagawa niya, at sabihin ang gusto mong gawin ng taong iyon, gaya ng, “Hoy, ikaw na nakasuot ng dilaw na shirt, huwag mo akong hipuan. Lumayo ka sa akin.”

    • Kung walang tao sa malapit, maaari kayong sumigaw, humiyaw nang malakas para makatawag ng pansin; maaaring mapansin kayo ng isang tao at tulungan kayo.

7.8.4

Pagrereport ng Pag-atake, Pagbabanta, o Panggugulo

Kung inatake ka, pinagbantaan, o ginulo (tingnan sa 7.8.2) ng sinuman, agad na kontakin ang isa sa inyong mga mission leader, isang tao sa mission office, o iba pang mapagkakatiwalaang lider. Ang inyong mission leader ay may resources para suportahan ka sa pagpapagamot, pagpapakunsulta, paglipat ng lugar, o iba pang mga kinakailangang tulong. Dapat mong malaman na maaaring mabigla o matulala ka matapos ang pangyayari at makaranas din ng mga sintomas ng trauma. Kapag wala ka na sa peligro, sikaping mairekord ang anumang bagay na maaalala mo tungkol sa insidente.

Dapat mong maunawaan na kung ikaw ay ginawan ng masama, anuman ang iyong ginagawa, ang masamang ginawa sa iyo ay hindi mo kasalanan. Lagi mong maipapasiya na humingi ng payo sa isang taong pinagkakatiwalaan mo at komportable ka, tulad ng inyong mission president, kanyang asawa, mga awtoridad ng pamahalaan, o mga tao sa iyong tahanan. Desisyon mo kung magsusumbong ka sa pulis.

Normal lang na tanungin mo ang iyong sarili at kung ano sana ang iba pang ginawa mo o ng iyong kompanyon. Dapat kang magtiwala na ginawa mo ang lahat ng makakaya mo sa mapanganib na sitwasyong iyon. Magkakaiba ang pagharap ng mga tao sa mga nakabibigla at nakasisindak na karanasan. Tutulungan ka ng Panginoon sa iyong paggaling.

Panoorin ang video na ito para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paghahanda, paghiwatig, at pagtugon sa mga mapanganib na sitwasyon at mga pagbabanta.

7.9

Kaligtasan sa Tirahan

Sundin ang mga tagubilin sa ibaba para mapanatiling pribado, ligtas, at malinis ang inyong tirahan.

7.9.1

Privacy at Kaligtasan

Sundin ang mga sumusunod na tagubilin upang matiyak na pribado at ligtas ang inyong tirahan:

  • Mag-install at magkaroon ng carbon monoxide detector at smoke detector. Suriin at palitan ang mga baterya ayon sa itinakdang petsa ng mission housing coordinator. Huwag i-disable ang mga device na ito na nagliligtas ng buhay.

  • Huwag magsindi ng anumang uri ng mga kandila.

  • Ikandado ang mga pinto sa labas at ang mga bintana. Kung kinakailangan, maaaring magmungkahi ang inyong mga mission leader ng mga paraan para makadaloy ang hangin sa labas.

  • Laging isara ang mga kurtina o blinds kapag gabi na.

  • Huwag ilantad ang inyong address sa publiko o ibigay sa mga taong tinuturuan ninyo.

  • Huwag buksan ang pinto kung hindi mo kilala ang taong kumakatok o hindi ka komportable sa kanya.

  • Huwag magturo ng mga tao sa inyong tirahan o papasukin sa loob ang mga tao maliban kung sila ay mga missionary o lokal na mga lider ng Simbahan na ang pagbisita ay inaprubahan ng inyong mga mission leader.

  • Huwag tumira sa isang bahay kung saan nakatira ang mga taong walang asawa na hindi ninyo kapareho ng kasarian o kung saan madalas na wala ang asawa na kapareho ninyo ng kasarian.

  • Agad na ireport sa mission office ang anumang peligro, kabilang ang sinumang nagmamatyag sa inyong tirahan o magdudulot ng panganib sa inyo.

  • Pahintulutan lamang ang iba pang mga misisonary na kapareho ninyo ng kasarian na matulog sa inyong tirahan kapag nagsasagawa ng aprubadong mga companion exchange.

  • Bumili ng mga kinakailangan para mapanatiling ligtas ang inyong tirahan. Halimbawa, palitan ang pumutok na bombilya kung kinakailangan.

7.9.2

Kalinisan at Kaayusan

Panatilihing malinis at maayos ang inyong tirahan:

  • Maglinis kapag preparation day (tingnan sa 2.5.1) at araw-araw kung kinakailangan.

  • Gawin ang kinakailangan para hindi makapasok ang mga insekto (tingnan sa 7.7.4) sa loob ng inyong tirahan.

  • Alamin kung paano gamitin nang ligtas ang mga kasangkapan, lalo na ang mga kalan at heater.

  • Huwag mag-alaga ng kahit anong uri ng hayop.

Ang inyong tirahan ay regular na iinspeksyunin para matiyak na ito ay maayos, ligtas, at napapangalagaang mabuti.

Panoorin ang dalawang video na ito para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kaligtasan sa tirahan.

7.10

Kaligtasan sa Transportasyon

Sundin ang mga tagubiling tungkol sa kaligtasan na nakasaad sa mga sumusunod na subsection.

7.10.1

Paglalakad

Kapag naglalakad:

  • Kung maaari, maglakad pasalungat sa mga sasakyan.

  • Manatili sa lugar na maliwanag kapag gabi na.

  • Mag-iba-iba ng ruta at oras kapag naglalakbay sa inyong area. Sundin ang mga espirituwal na pahiwatig na baguhin ang inyong ruta o kung saan kayo madalas dumaan.

Panoorin ang video na ito para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kaligtasan kapag naglalakad.

7.10.2

Pagbibisikleta

Kapag nagbibisikleta:

  • Sundin ang mga batas at tagubilin sa pagbibisikleta, kabilang ang pagsusuot ng safety-certified helmet, paggamit ng reflective gear, at pagsenyas ng kamay kung angkop.

  • Huwag isiping ikaw ang may right-of-way o karapatan na mauna sa iba pang sasakyan.

  • Huwag tangkaing magbisikleta kapag masama ang panahon, matrapik o siksikan ang sasakyan sa daan, o gabi na. Iwasang magbisikleta nang magkatabi o napakalapit sa isa’t isa.

  • Manatiling nakadistansya sa iyong kompanyon ngunit nakikita mo siya.

  • Panatilihing maayos na umaandar ang iyong bisikleta, kabilang ang headlight, taillight, at mga reflector sa gilid at harap.

  • Ikandado o itabi nang maayos ang iyong bisikleta kapag hindi ginagamit.

Panoorin ang video na ito para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kaligtasan sa pagbibisikleta.

7.10.3

Paggamit ng mga Sasakyan

Kung naatasan kang magmaneho sa mission, gamitin lamang ang mga sasakyan ng mission. Para makapagmaneho ng sasakyan ng mission, dapat may lisensya ka sa bansang pinaglilingkuran mo, magpakita na nauunawaan mo ang mga pamantayan sa paggamit ng sasakyan ng mission, at may pahintulot ng mga mission leader. Sundin din ang mga tagubiling ito:

  • Dapat ninyong maunawaan ng kompanyon mo na kayo ang responsable sa inyong kaligtasan, sinuman ang nagmamaneho sa inyong dalawa.

  • Magsuot ng seat belt, maingat na magmaneho, gamitin ang mga headlight sa gabi at araw, at maging alisto ikaw man ang pasahero o ang drayber.

  • Kung ikaw ang nagmamaneho, huwag magpagambala sa anumang paraan, kabilang ang paggamit ng mobile device o audio system sa sasakyan.

  • Kung ikaw ang pasahero, tumulong sa drayber sa pagiging alisto.

  • Kung ikaw ang pasahero, tumayo sa labas ng sasakyan sa tamang distansya para magabayan ang drayber sa pag-atras ng sasakyan.

  • Para sa inyong kaligtasan at hindi kayo mamiligro, huwag magpasakay ng sinuman maliban sa iba pang mga full-time missionary na kapareho ninyo ng kasarian.

  • Magmaneho lamang hanggang sa layong pinayagan kayo.

  • Huwag galawin ang odometer o anumang safety device na nakakabit sa sasakyan.

  • Panatilihing malinis at nasa mabuting kundisyon ang sasakyan.

  • Kung naaksidente ka, tingnan ang packet na What to Do If You Have an Accident, na dapat nasa glove compartment ng sasakyan. Kontakin agad ang mission vehicle coordinator kapag ligtas nang gawin ito.

Panoorin ang video na ito para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kaligtasan sa sasakyan.

7.10.4

Paggamit ng mga Pampublikong Sasakyan

Kapag gumagamit ng mga pampublikong sasakyan:

  • Gamitin lamang ang pampublikong sasakyan na inaprubahan para sa inyong mission.

  • Maging pamilyar sa mga ruta at lugar na dinadaanan ng pampublikong sasakyan kung saan kayo naglalakbay.

  • Maupo malapit sa drayber hangga’t maaari. Ilagay ang inyong mga bag sa harapan ninyo kung ligtas itong gawin.

7.11

Mga Ordenansa at Basbas ng Priesthood

Gamitin ang mga pangkalahatang tagubiling ito sa pagsasagawa ng mga ordenansa at basbas ng priesthood. Ang impormasyon sa bahaging ito ay pinaikli mula sa kabanata 20 ng Hanbuk 2: Pangangasiwa sa Simbahan (2010).

Paalala: Tulad ng paliwanag sa sumusunod na mga bahagi, ang ilang ordenansa ay kailangang bigyang-pahintulot ng namumunong awtoridad na nagtataglay ng angkop na mga susi.

7.11.1

Pangangasiwa sa Priesthood: Mga Pangkalahatang Tagubilin para sa mga Mayhawak ng Melchizedek Priesthood

Ang mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay dapat laging nagsisikap na maging karapat-dapat sa at magabayan ng Banal na Espiritu. Dapat nilang isagawa ang bawat ordenansa at pagbabasbas sa paraang kapita-pitagan, tinitiyak na nagagawa nito ang mga sumusunod na kinakailangang gawin:

  1. Dapat isagawa ito sa pangalan ni Jesucristo.

  2. Dapat isagawa ito sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood.

  3. Dapat isagawa ito sa anumang pamamaraan na kinakailangan, tulad ng paggamit ng mga itinakdang salita o paggamit ng inilaang langis.

  4. Dapat na awtorisado ito ng namumunong awtoridad na may taglay ng angkop na mga susi (karaniwang ang bishop, stake president, o mission president), nang naaayon sa mga tagubilin sa bahaging ito kung kinakailangan.

Binibigkas ng mga nagbibigay ng basbas ng priesthood ang mga salita ng pagbabasbas na (“binabasbasan kita [o namin] na …”) sa halip na manalangin ng (“Ama sa Langit, nawa’y pagpalain ninyo ang taong ito na …”).

Kapag nakikibahagi ang ilang kapatid na lalaki sa isang ordenansa o pagbabasbas, magaan na ipinapatong ng bawat isa ang kanyang kanang kamay sa ulo ng tao (o sa ilalim ng sanggol na binabasbasan) at ang kanyang kaliwang kamay naman ay ipapatong sa balikat ng kapatid na lalaki sa kanyang kaliwa.

Mga kapatid na lalaki lamang na may taglay ng kinakailangang priesthood at karapat-dapat ang maaaring magsagawa ng isang ordenansa o pagbabasbas. Sa patnubay ng Espiritu, ang mga bishop at stake president ang magpapasiya kung pahihintulutan ang mga mayhawak ng priesthood na hindi pa lubos na karapat-dapat sa templo na magsagawa o makibahagi sa ilang ordenansa at pagbabasbas (tingnan sa Hanbuk 2: Pangangasiwa sa Simbahan, 20.1.2).

Ang pag-anyaya sa malaking bilang ng mga kapamilya, kaibigan, at lider na tumulong sa isang ordenansa o pagbabasbas ay hindi hinihikayat dahil magiging kakatwa ito sa ilang tao at makagugulo sa pagsasagawa ng ordenansa.

7.11.2

Pagbibinyag

Hawak ng mission president ang mga susi para sa pagbibinyag ng mga convert. Sa ilalim ng pamamahala ng namumunong awtoridad, maaaring isagawa ng isang karapat-dapat na priest o mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang ordenansa ng binyag. Para magawa ito, siya ay:

  1. Tatayo sa tubig kasama ang taong bibinyagan.

  2. Hinahawakan ang kanang pulso ng tao gamit ang kanyang kaliwang kamay (para sa kaginhawahan at kaligtasan); humahawak ang taong bibinyagan sa kaliwang pulso ng mayhawak ng priesthood gamit ang kanyang kaliwang kamay.

  3. Itataas ang kanyang kanang kamay nang paparisukat.

  4. Binabanggit ang buong pangalan ng tao at sinasabing, “Bilang naatasan ni Jesucristo, binibinyagan kita sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen” (Doktrina at mga Tipan 20:73).

  5. Pinahahawakan sa tao ang kanyang ilong gamit ang kanang kamay nito (para sa kaginhawahan). Ilalagay ng mayhawak ng priesthood ang kanyang kanang kamay sa bandang itaas ng likod ng tao at buong-buong ilulubog ang tao, kasama ang kasuotan ng tao.

  6. Tinutulungang umahon ang tao mula sa tubig.

Tulad ng inilarawan sa Hanbuk 2: Pangangasiwa sa Simbahan, 20.3.7, dalawang saksi ang titiyak kung nagawa nang tama ang pagbibinyag. Dapat ulitin ang binyag kung ang mga salita ay hindi eksakto sa ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 20:73 o hindi lubusang nailubog sa tubig ang bahagi ng katawan o ang kasuotan ng tao.

7.11.3

Pagkukumpirma

Hawak ng mission president ang mga susi sa pagsasagawa ng kumpirmasyon sa mga convert. Gayunman, ang bishop ang namamahala sa pagsasagawa ng lahat ng kumpirmasyon. Tinitiyak niya na ang mga nabinyagan ay kinukumpirma sa sacrament meeting sa ward kung saan sila naninirahan, hangga’t maaari sa araw ng Linggo kasunod ng kanilang binyag. Ang mga convert ay hindi kinukumpirma sa mismong serbisyo sa binyag.

Maaaring makibahagi ang isa o higit pang mayhawak ng Melchizedek Priesthood sa kumpirmasyon. Magaan na ipinapatong nila ang kanilang mga kamay sa ulo ng tao. Pagkatapos, ang taong nagsasagawa ng ordenansa ay:

  1. Sinasabi ang buong pangalan ng tao.

  2. Nagpapahayag na isinasagawa ang ordenansa sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.

  3. Kinukumpirma ang tao na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

  4. Ginagamit ang mga salitang “Tanggapin mo ang Espiritu Santo” (hindi “Tanggapin mo ang kaloob na Espiritu Santo”).

  5. Nagbibigay ng basbas ayon sa idinidikta ng Espiritu.

  6. Nagtatapos sa pangalan ni Jesucristo.

7.11.4

Paglalaan ng Langis

Dapat ilaan ng isa o higit pang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang langis ng olibo bago ito gamitin sa pagpapahid ng langis sa maysakit o nahihirapan. Hindi maaaring gumamit ng ibang langis. Sa paglalaan ng langis, ang isang mayhawak priesthood ay:

  1. Hinahawakan ang isang bukas na lalagyan ng langis ng olibo.

  2. Dumadalangin sa Ama sa Langit.

  3. Sinasabi na kumikilos siya sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.

  4. Inilalaan ang langis (hindi ang lalagyan) at itinatalaga ito para sa pagpapahid ng langis at pagbabasbas sa maysakit at nahihirapan.

  5. Nagtatapos sa pangalan ni Jesucristo.

7.11.5

Pangangasiwa sa mga Maysakit at Nahihirapan

Si Jesus ay nagbigay ng awtoridad ng priesthood sa Kanyang mga Apostol “[upang pagalingin ang mga karamdaman,] at magpalayas ng mga demonio” (Marcos 3:15). Ang mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay may gayon ding awtoridad. Gamitin ang kaloob na ito nang angkop at madalas.

Ang mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood lamang ang maaaring mangasiwa sa maysakit o nahihirapan. Karaniwang dalawa o higit pang mayhawak ng priesthood ang nangangasiwa sa maysakit, ngunit maaaring gampanan ng isang tao ang pagpapahid ng langis at pagbabasbas nang mag-isa kung kinakailangan.

Kung walang makuhang inilaang langis, maaari pa ring magbigay ng basbas sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood nang walang pagpapahid ng langis.

Karaniwan, isang karapat-dapat na asawa o ama na maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang dapat magbasbas sa maysakit na miyembro ng kanyang pamilya.

Dapat mangasiwa ang kalalakihan sa maysakit kung hihilingin ng maysakit o ng mga yaong malapit sa tao nang sa gayon ang basbas ay magiging ayon sa kanilang pananampalataya. Ang mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood na dumadalaw sa mga ospital ay hindi dapat mag-alok ng pagbabasbas sa maysakit.

Kung ang isang tao ay humihingi ng higit pa sa isang pagbabasbas para sa parehong sakit, hindi na siya kailangan pang pahiran ng langis ng mayhawak ng priesthood pagkatapos ng unang basbas. Sa halip, nagbibigay siya ng basbas sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at ng awtoridad ng priesthood.

Ang pangangasiwa sa maysakit ay may dalawang bahagi: (1) pagpapahid ng inilaang langis at (2) pagpapatibay sa pagpapahid ng langis.

Pagpapahid ng Inilaang Langis

Ang pagpapahid ng langis ay ginagawa ng isang mayhawak ng Melchizedek Priesthood. Siya ay:

  1. Naglalagay ng isang patak ng inilaang langis sa ulo ng tao.

  2. Magaan na nagpapatong ng kanyang mga kamay sa ulo ng tao at tinatawag ang tao sa kanyang buong pangalan.

  3. Sinasabi na kumikilos siya sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.

  4. Sinasabi na nagpapahid siya ng langis na inilaan para sa pagpapahid at pagbabasbas sa maysakit at nahihirapan.

  5. Nagtatapos sa pangalan ni Jesucristo.

Pagpapatibay sa Pagpapahid ng Langis

Karaniwan, dalawa o higit pang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang magaan na nagpapatong ng kanilang mga kamay sa ulo ng isang tao; gayunman, maaaring mag-isang isagawa ng mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang pagbabasbas, kung kinakailangan. Kapag pinagtibay ang pagpapahid ng langis, ang maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay:

  1. Tinatawag ang tao sa kanyang buong pangalan.

  2. Nagpapahayag na pinagtitibay niya ang pagpapahid ng langis sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.

  3. Nagbibigay ng basbas ayon sa idinidikta ng Espiritu.

  4. Nagtatapos sa pangalan ni Jesucristo.

7.11.6

Pagbibigay ng mga Basbas ng Kapanatagan at Pagpapayo

Maaaring magbigay ng mga basbas ng kapanatagan at payo ang mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood sa iba na humihingi nito. Para sa pagbabasbas na iyon, isa o higit pang awtorisadong mayhawak ng priesthood ang magaan na nagpapatong ng kanilang mga kamay sa ulo ng tao. Pagkatapos, ang mayhawak ng priesthood na nagbibigay ng basbas ay:

  1. Tinatawag ang tao sa kanyang buong pangalan.

  2. Nagpapahayag na isinasagawa ang basbas sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.

  3. Nagbibigay ng basbas ayon sa idinidikta ng Espiritu.

  4. Nagtatapos sa pangalan ni Jesucristo.

Ang mga missionary na nagbigay ng mga basbas sa mga miyembro ay dapat direktang ireport ito sa bishop ng miyembro o sa elders quorum president o ward mission leader, na siyang magsasabi sa bishop.