Library
Huwag Kang Matakot, Manampalataya Ka Lamang


Huwag Kang Matakot, Manampalataya Ka Lamang

Isang Gabi na Kasama si Elder JeffreyR. Holland Mensahe sa CES Religious Educators • Pebrero 6, 2015 • Salt Lake Tabernacle

Mahal kong mga kasamahan sa Church Educational System, salamat sa pribilehiyong ito na makasama kayo. Tulad ng ipinahiwatig sa simula, ito ay parang pag-uwi para sa akin. “Noong unang panahon sa isang napakalayong galaxy,”1 sinimulan ko ang akala ko’y magiging habambuhay na pagtatrabaho sa Church Educational System. Ngunit may nagsabing, “Kung gusto mong patawanin ang Ama sa Langit, sabihin mo sa Kanya ang plano mo.” Ang plano ko—at ang kaisa-isang plano ko sa aking propesyon—ay maging CES teacher, lagi akong magtutuon sa pagtuturo ng relihiyon sa klase, at mamamatay akong may hawak na tsok. Natutuwa akong sabihin na ilang taon nga akong nakapagturo, pero pinaalis ako ng mga Kapatid para hindi na ako makapaminsala. Anuman ang mangyari, sana’y malaman ninyo na nadarama ko pa ring isa ako sa inyo, na lubos kong ipinagmamalaki ang inyong ginagawa para sa mga kabataan at young adult ng Simbahan, at nagpapasalamat ako sa mga biyayang natanggap namin ni Pat noong kasama namin kayo sa CES—at natatanto ko na nagsasalita ako ngayong gabi hindi lamang sa Tabernacle sa Salt Lake City kundi sa buong mundo. Naku, lumawak na pala nang husto ang system na ito! Lagi naming madarama ni Pat na “kasama ninyo” kami—katabi, kabalikat—sa pinakadakilang adhikain sa lahat.

Sa diwang iyan, sumandali kong pasasalamatan ang dumaraming bilang ninyo na tumanggap ng mga calling na maglingkod sa CES sa napakaraming paraan at sa napakaraming bahagi ng mundo. Ang mga guro at superbisor at administrative aide at lahat ng uri ng taong nasasangguni ay pinagpapala ngayon ang ating mga seminary, institute, paaralan ng Simbahan, at institusyon ng mas mataas na edukasyon. Marahil walang sinuman sa napakalaking team na iyan ang mas marapat nating hangaan at pasalamatan kaysa sa early-morning seminary teachers. Mahal kong mga kaibigan, may luklukan sa langit para sa inyo! Taun-taon (deka-dekada para sa ilan sa inyo!) magdamag kayong naghahanda, nagse-set ng alarm sa umaga, nahihirapang bumangon pagtunog nito, at nagmamaneho sa dilim o kaya’y nagpapapasok sa inyong salas ng mga estudyanteng nakapantulog, hindi nakasuklay, at inaantok. Napakabanal ng gawain ninyo, at napakatatag ng kalasag ng pananampalataya na naibigay ninyo at ng mga nauna sa inyo sa ngayo’y dalawang-katlo ng isang siglo ng early-morning seminary students. At kailanma’y huwag ninyong maliitin ang naririnig at nadarama ng mga estudyanteng iyon, sa kabila ng mga nakikita ninyo. Pagpalain kayo at sila sa isa sa kahanga-hangang mga halimbawa ng katapatang nakikita sa Simbahang ito—isang programang patuloy na hinahangaan ng mga pinuno at magulang at administrador ng ibang mga relihiyon na nakakaalam tungkol sa early-morning seminary. Ngunit lilihis ako sa paksa. Salamat sa inyong lahat, saanman kayo naroon, anuman ang inyong ginagawa—suwelduhan man o boluntaryo, nasa hayskul man o kolehiyo, hanggang sa mga klase sa elementarya kung saan mayroon pa rin tayong ilan sa kanila.

Ngayon, hayaan ninyong magbigay ako ng isa pang mahalagang papuri. Nagpapasalamat ako lalo na sa mga asawang kasama natin sa pulong na ito sa buong mundo ngayong gabi, dahil kung wala sila ay hindi magtatagumpay ang Church Educational System. Si Sister Holland ay nagkaroon ng napakatinding karamdaman at nagpapagaling pa rin, kaya hindi natin siya nakasama ngayong gabi, ngunit marahil ay mas angkop na papurihan siya at ang lahat ng iba pang mga asawa sa system na ito. Alam ko na palasak nang sabihing, “Hindi ko alam kung saan ako naroon ngayong gabi kung hindi sa kanya,” ngunit anu’t ano man talagang totoo iyan makaraan ang mahigit 50 taon ng kanyang patnubay, pagmamahal, at walang-mintis na impluwensya sa akin at sa mahahalagang desisyong nagawa naming dalawa, pati na sa desisyong magturo sa Church Educational System. Sinasabi ko sa kanya ang isinulat ni Mark Twain na sinabi ng kanyang Adan tungkol kay Eva: “[Saanman] siya naroon, may [paraiso].”2

Kaya sa inyo na mga asawang babae—at lalaki rin—salamat sa inyong katapatan, sakripisyo, halimbawa, at pananampalataya. Kayong mga asawang lalaki—at babae rin—huwag na ninyong hintaying mag-74 anyos kayo, na nagsasalita sa CES personnel, para pasalamatan ang inyong kabiyak sa pagpapalang idinulot niya sa buhay ninyo. Maging mabuti sa isa’t isa, maging maligaya sa inyong pagsasama, at magpasalamat sa napaka-makabuluhang paraan ng paghahanapbuhay.

Nang papalapit na ang gabing ito, hiniling ko kina Elder Paul Johnson at Brother Chad Webb na anyayahan ang ilan sa inyo na magpadala ng mga tanong o problema para malaman ko ang nasa inyong isipan. Nang dumating ang mga komento nagulat akong makita kung gaano kadalas binanggit ang tungkol sa takot o pagkabalisa—karaniwa’y mga takot at pangamba ng mga estudyante, ngunit paminsan-minsa’y ang inyong pagkabalisa na ipinahayag sa anumang paraan. Kaya bilang tema ngayong gabi, pinatungkol ko ang aking pananalita sa isang pangyayari sa buhay ng batang si Gordon B. Hinckley. Naaalala ninyong lahat iyan. Siguro’y naibahagi na ninyo ito sa inyong mga estudyante.

Nang ang batang si Elder Hinckley ay nasa edad na para magmisyon sa kasagsagan ng depresyon ng 1930s, bagsak ang ekonomiya ng mundo, ang mga walang trabaho ay umabot sa 35 porsiyento, at iilan lang ang nagmimisyon. Ang batang si Gordon, na nakatapos ng kanyang bachelor’s degree, ay sabik na makapasok sa graduate school at kahit paano ay makahanap ng paraan para makapaghanapbuhay. Kamamatay lang ng kanyang ina; nag-iisa ang kanyang ama, na gipit na gipit sa pera noong panahong iyon.

Sa gitna ng mga problemang ito, natanggap ni Gordon ang tawag na magmisyon sa England—ang pinakamagastos na lugar sa mundo para magmisyon sa panahong iyon, at walang equalization plan na gaya ngayon. Habang naghahandang umalis, sa kabila ng lahat ng alalahanin at problemang gumugulo sa kanya, tahimik na iniabot sa kanya ng pinakamamahal niyang ama, si Bryant S. Hinckley, ang isang card na may nakasulat na anim na salita lamang: “Huwag kang matakot,” sabi roon, “manampalataya ka lamang.”3

Hindi ko pa tiyak kung bakit, pero lubha akong naapektuhan ng maikling kuwentong iyon, na ikinuwento 20 taon na ang nakararaan. Kaya nga, sa maikling payong iyon mula sa Marcos 5:36, hinihiling ko sa inyo at sa inyong mga estudyante na “huwag … matakot, manampalataya … lamang.”4 May lubos na pagtitiwala sa Diyos, hinihiling ko sa inyo na lubos na magtiwala sa inyong sarili at sa inyong mga estudyante sa pamamagitan ng pagtuturo nang may pananalig at magandang pananaw na ang ebanghelyo ni Jesucristo ang pinakatiyak, pinakaligtas, pinaka-maaasahan, at pinakamakabuluhang katotohanan sa lupa at sa langit, sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Hinihiling ko na ituro ninyo na wala—walang anuman, walang sinuman, walang anumang impluwensya—na makapipigil sa Simbahang ito na tuparin ang misyon nito at isakatuparan ang tadhana nito na itinakda bago pa nilikha ang daigdig. Nasa atin ang walang-mintis, di-natitinag, di-mawawasak na dispensasyon ng kabuuan ng ebanghelyo. Ang ating mga kabataan ay hindi kailangang matakot o makadama ng kawalang-katiyakan tungkol sa kanilang sarili o sa kanilang hinaharap. Ang kailangan nilang gawin ay maniwala at manindigan upang makinabang sa ating kagila-gilalas na panahon.

Ang nasimulan sa kakahuyan sa hilagang bahagi ng New York dalawang siglo na ang nakalipas ay patuloy na lalaganap, nang walang humpay at hindi maikakaila—ang bato ni Daniel na tinibag mula sa bundok hindi ng mga kamay.5 Ang kahariang iyon ayon sa banal na kasulatan ay magtatagumpay, at mananaig. Hindi tulad ng mga naunang panahon, ang dispensasyong ito ay hindi daranas ng apostasiya; hindi mawawala rito ang mga susi ng priesthood; hindi titigil ang paghahayag mula sa tinig ng Diyos na Maykapal. Ang mga tao ay mag-aapostasiya, maaaring hindi sila makikinig sa kalangitan, ngunit hindi kailanman muling mag-aapostasiya ang buong dispensasyon. Talagang nakapapanatag na kaisipan! Isang pambihirang panahon para mabuhay! Napakagandang paraan para mapawi ang takot o kawalan ng pag-asa.

Kaya pala itinuro ni Propetang Joseph na bawat propeta, saserdote, at hari sa bawat panahon ay “inasam … nang may galak ang ating panahon; at sa alab ng makalangit at masayang pag-asam sila ay umawit at sumulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon; … tayo ang kinasihang mga tao na hinirang ng Diyos na isakatuparan ang kaluwalhatian ng mga Huling Araw.”6

Gustung-gusto ko ang pahayag na iyan, na alam ng bawat CES teacher na nakikinig. Malamang na binanggit na ninyo ito sa inyong mga estudyante. Sana nga. “Pinag-aalab” ako “ng makalangit at masayang pag-asam.” Napapakumbaba rin ako na ang ating dispensasyon ang kinasihan ng Diyos. Tayo ang magsasakatuparan nitong “kaluwalhatian sa mga Huling Araw”7 na binabanggit. Napakabigat ng ating responsiblidad, ngunit magiging maluwalhati at matagumpay ang karanasang ito. Kung hindi panatag ang loob ng sinuman sa inyong mga estudyante, o kung hindi kayo panatag, muling tiyakin sa lahat na ang tagumpay sa huling paligsahang ito ay ipinahayag na. Ang tagumpay ay nakasulat na sa mga aklat ng talaan—sa mga aklat na ito ng banal na kasulatan!

Natitiyak natin na kung sakali o kapag lahat ng iba pa sa mga huling araw ay bumagsak o nanghina; kung ang mga pamahalaan, ekonomiya, industriya, at institusyon ay gumuho; kung ang mga lipunan at kultura ay mapuno ng kaguluhan at hindi na ligtas, gayon pa man, sa kabila ng lahat ng ito ay mananatiling tagumpay ang ebanghelyo ni Jesucristo at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na naghahatid ng ebanghelyong ito sa mundo. Mananatili itong walang bahid-dungis sa kamay ng Diyos hanggang sa pumarito ang Anak ng Diyos Mismo para maghari at mamahala bilang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Wala nang iba pang mas tiyak diyan. Wala nang mas sigurado. Wala nang mas matinding panlaban sa pag-aalala. Tulad ng sinabi ni Propetang Joseph, at buong tapang na binanggit ng isang henerasyon ng mga missionary: Ang katotohanan ng Diyos ay daraan sa bawat bansa, at maririnig ng bawat tainga. Walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain.8 Totoo pa rin ito.

Bilang pambungad sa mga paghahayag sa ating panahon, walang pasubaling sinabi ng Panginoon:

“Ang mga kautusang ito … ay tunay at tapat, at ang mga propesiya at pangako na nasa mga ito ay matutupad na lahat.

“Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko, at hindi ko binibigyang-katwiran ang aking sarili; at bagaman ang kalangitan at mga lupa ay lilipas, ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat. …

“Sapagkat masdan, at narito, ang Panginoon ay Diyos, … at ang katotohanan ay mananatili magpakailanman at walang katapusan.”9

At kung mahirapan man tayo habang hinihintay nating makita ang katuparan ng bawat pangako at propesiya, siya nawang mangyari. Tulad ng isinulat ng kahanga-hangang si Eliza R. Snow:

’Di alintana, mundo man ay masuklam,

Kung ang ating Diyos tayo’y kinalulugdan.

Naghahanda’ng mga anghel ng biyaya,

Sumulong, manalig, pangako’y laan.

Sumulong, manalig, pangako’y laan.”10

Inaalis ng espiritung iyon ang kaguluhan na tulad ng espada ng katotohanan ng Panginoon na may dalawang talim.11

Kaya nga, kung hindi ninyo napapansin, malaki ang pag-asa ko tungkol sa mga huling araw. Wala akong higit na pananaligan maliban sa Diyos Amang Walang Hanggan; si Jesucristo, na Kanyang Anak; ang kanilang mapagtubos na ebanghelyo; at kanilang Simbahang ginagabayan ng kalangitan. Kaya, ano ba ang dapat nating ituro sa ating mga estudyante tungkol dito? Dapat nating ipakita sa kanila ang gayon ding patotoo at “lakas ng loob.”12 Napakadalas hilingin iyan ng Tagapagligtas kaya itinuturing ko itong isang kautusan. Gayunman, ang pag-aalala at takot at pangamba at pagkabahala ay makakasira sa lakas ng loob ng sinuman—ninyo at ng mga tao sa inyong paligid. Kaya laging ngumiti, at pahalagahan ang bawat araw ng inyong buhay! Isipin ninyo ito na nagmula sa bata at takot na missionary, na ngayon ay nagsasalita mula sa pananaw ng napakaraming taon ng karanasan:

Pangulong Gordon B. Hinckley: “Huwag tayong matakot. Si Jesus ang ating pinuno, ating lakas, at ating hari.

“Ito ay panahon ng pangamba. Ang atin ay misyon ng pananampalataya. Sa aking mga kapatid na lalaki at babae sa lahat ng dako, nananawagan ako na muli ninyong pagtibayin ang inyong pananampalataya, na isulong ang gawaing ito sa iba’t ibang panig ng mundo. Mapapalakas ninyo ito sa paraan ng inyong pamumuhay. Gawin ninyong espada at kalasag ang ebanghelyo. Bawat isa sa atin ay bahagi ng pinakadakilang layon sa lupa.”13

“Ano ang ating naririnig sa ebanghelyo na ating natanggap?” tanong ni Propetang Joseph. Pagkatapos ay sinagot niya ito: “[Naririnig natin ang] isang tinig ng kagalakan! … masasayang balita ng mabubuting bagay. …

“… Magsaya sa inyong mga puso,” wika niya, “at labis na magalak.”14

Maglilista ako ng ilang bagay na palagay ko’y dapat ninyong ituro sa inyong mga estudyante na dapat nilang ikagalak at hindi dapat katakutan. Napansin ko, halimbawa, ang pag-aasawa, pagkakaroon ng pamilya, at pagtanggap sa mga anak sa mundo. Kami sa mga presiding council ng Simbahan ay madalas makarinig—at marahil ay kayo rin—na marami sa ating mga kabataan at young adult ang takot mag-asawa. Ang matindi ay natatakot sila na magwawakas na ang mundo sa pagdanak ng dugo at kalamidad—isang bagay na ayaw nilang maranasan ng kanilang asawa o anak. Karaniwan naman, natatakot sila na lalo lang hihirap ang mundo, na napakahirap nang maghanap ng trabaho, at na ang isang tao dapat ay hindi na nag-aaral, walang utang, may trabaho, at may sariling bahay bago isiping mag-asawa.

Naku naman! Sa pormulang iyan hindi pa sana kami nakasal ni Sister Holland! Sa totoo lang, nang magpakasal kami pareho pa kaming undergraduate sa BYU, at hindi kami matulungan ng aming mga magulang pagdating sa pera, at ni hindi namin naisip na makakatapos kami ng pag-aaral, at $300 lang ang pera namin sa araw ng aming kasal! Maaaring hindi iyon ang ulirang paraan ng pagsisimula ng mag-asawa, ngunit napakaganda ng aming pagsasama at marami sanang masasayang sandaling lumagpas sa amin kung naghintay kami ng kahit isang araw pa, matapos naming malaman na tamang magpakasal kami. Oo, may sakripisyo; oo, may mga araw at linggo at buwan ng pagkabalisa; oo, may mga gabi ng pagpupuyat. Ngunit natatakot akong isipin ang maaaring nawala sa amin kung “pinairal namin ang takot,”15 tulad ng paulit-ulit na sinabi ni Pangulong James E. Faust sa akin kalaunan na hindi natin dapat gawing lahat kailanman. Paano kung nagpaliban nga kami nang sobra-sobra? Ano kaya ang nawala sa amin?

Palagay ko ang pinakamaganda pa ring kahulugan ng pag-iibigan ng mag-asawa ay kay James Thurber na sinabi lang na ang pag-ibig ay anuman na magkasama ninyong pinagdaraanan.16 Walang hanggan ang pasasalamat ko sa handang pagdaanan ni Pat sa piling ko—na hindi niya nadama na kailangan akong magkaroon ng degree at kotse at bahay at trabaho bago kami pakasal.

At ginusto naming magkaanak kaagad, na sa katayuan namin noon ay hindi naging madali na tulad ng akala namin. Katunayan, kung hindi kami nagpasiyang magkaanak kaagad, baka hindi na kami nagkaanak pa, gaya ng ilan sa mga kaibigan namin at ng ilan sa inyo, na hindi naman ninyo kagagawan, na iyon ang naging kapalaran sa buhay. Tatlong taon kaming naghintay sa aming panganay, tatlong taon pa sa pangalawa, at apat na taon sa pangatlo. At hanggang doon na lang iyon. Nang makunan siya sa pang-apat hindi na kami nagkaanak pa, kaya masaya na kami sa tatlong anak na napalaki namin. Ngunit ano kaya ang naging buhay namin kung naghintay o nagpaliban o nag-alala kami sa magiging katayuan namin sa buhay? Sino sa aming mga anak ang isasauli namin? Anong mga alaala o pagmamahal o aral sa piling ng bawat isa sa kanila ang kakayanin naming talikuran? Nangingilabot akong isipin ito.

Mga kapatid, palagay ko kailangan nating simulan nang maaga na ituro sa ating mga estudyante ang lugar ng pag-aasawa at pamilya sa dakilang plano ng kaligayahan. Mapag-iiwanan tayo kapag hinintay natin silang umabot sa tamang edad ng pag-aasawa. At hindi ko na kailangang sabihin sa inyo na ang mga kalakaran sa lipunan, pabagsak na mga pamantayang moral, at “walang kabuluhang imahinasyon”17 ng popular na libangan ay laging sasalungat sa turong iyan.

Halimbawa, nababahala kami na sa nakaraang 50 taon ang dating 22 anyos na karaniwang edad ng mga lalaking nag-aasawa ay naging 28 anyos na! Iyan ang nangyayari sa mundo, hindi sa Simbahan, ngunit kalaunan ay sinusunod natin sa ilang paraan ang karamihan sa mga kalakaran sa lipunan. Kasama na rito ang iba’t ibang impluwensya sa mga kabataan sa pagdami ng mga paraan ng birth control, paglaganap ng nakasisira ng moralidad na pornograpiya, pagdami ng mga taong walang relihiyon, paglaganap ng paghahangad sa mga materyal na bagay, paglaganap ng makabagong pag-iisip na mapag-alinlangan at mapagpasakop at makikita ninyo ang pagkabalisa at takot na nadarama ng bagong henerasyon. Sa ganitong mga ihip ng hangin sa kanilang buhay, maaari silang mapinsala bago pa sila tumuntong sa hustong gulang, at makapag-asawa.

Bukod pa rito, napakarami kong nakausap na kabataan na nangangamba na kung mag-asawa nga sila ay baka mapabilang lang sila sa mga nagdidiborsyo; isa pa silang nag-asawa lamang para matuklasan na para siyang nagpatiwakal. Samahan pa ang suspetsang iyan tungkol sa tagumpay sa pag-aasawa ng mababaw, masama, madalas ay mala-diyablong pangungutya sa kalinisang-puri at katapatan at buhay-pamilya na karaniwang inilalarawan sa mga pelikula at sa telebisyon at makikita ninyo ang problema.

Iginuhit na para sa atin ang ating gawaing pangalagaan at ipagpatuloy kapwa ang kabanalan at kaligayahan ng pag-aasawa. Maaari kayong magsimula sa pagpapakita ng pagpapala, gantimpala, at katunayan ng masayang pagsasama ng mag-asawa sa sarili ninyong buhay. Hindi ibig sabihin ay dapat kayong maging Pollyannaish tungkol sa pag-aasawa; kailangang pagsikapan ang bawat pag-aasawa, at kailangan din ito sa inyo. Ngunit, tulad ng dati, ang magiging una at lubhang nakaaantig na mga aral ninyo sa inyong mga estudyante ay ang mga aral sa sarili ninyong buhay. Ipinapakita ninyo sa kanila sa salita at sa gawa na ang pagsasama ninyong mag-asawa at ng inyong pamilya ang pinakamahalaga sa inyo dahil iyon ang nararapat—iyon ang kailangan. Tulungan ang inyong mga estudyante na “huwag kang matakot, manampalataya ka lamang”18 sa pag-aasawa at pagpapamilya sa mga huling araw na ito. Lalong pahihirapin ni Lucifer na magawa iyan habang lalo itong nagiging mas mahalagang gawin.

Binanggit ng ilan sa inyo ang iba pang nakaliligalig na mga isyu sa panahong ito—mga isyu na naghahatid ng iba pang takot, na humahamon sa paniniwala ng ating mga kabataan sa kung minsan ay mapupusok na paraan. Ganito ang sabi ng isa sa inyo tungkol dito: “Pahirap nang pahirap na ituro ang doktrina ng Simbahan nang hindi nasasaktan ang damdamin ng mga estudyante na naging masyado nang mapagbigay sa pananaw ng mundo. Paano tayo mananatiling tapat sa doktrina nang hindi sinasaktan ang ating mga estudyante?”

Una sa lahat sasabihin ko na mas malamang silang masaktan sa paraan ng paglalahad natin ng doktrina sa halip na sa doktrina mismo. Hindi na bago ang ating doktrina; alam naman ng mga estudyante kung ano ang pananaw natin tungkol sa halos lahat ng nagagawang paglabag. Kaya ang dapat gawin ng mahusay at sensitibong guro o lider o magulang ay tiyakin na ang determinasyon nating maging matwid ay hindi nila iisiping pagmamagaling dahil mabilis na mahihiwatigan ng ating mga estudyante ang kaibhan. Kaya sinasabi ko na ang ating kilos, pamamaraan, pag-uugali at pagkahabag, kapag naunawaan ng ating mga estudyante, ay tutulutan tayong maging direkta at matatag sa pagpapahayag ng mga utos ng Diyos.

Bukod pa rito, hihilingin ko sa inyo na huwag kailanman mag-atubiling ituro ang totoong doktrina dahil lamang sa takot na baka masaktan ang isang tao. Tulad ng pahayag sa bahagi 50 ng Doktrina at mga Tipan, kung ituturo natin ang katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu at tatanggapin ng mga estudyante ang katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu, “siya na nangangaral at siya na nakatatanggap, ay nauunawaan ang isa’t isa, at sila ay kapwa pinagtitibay at magkasamang magsasaya.”19

Sa gayong pagpapalitan narinig na siguro ninyong sabihin ng mga estudyante ang narinig kong sinabi nila, na parang ganito, “Alam ko kung paano tayo dapat mamuhay, pero dapat ba nating ipagpilitan ang pamantayan o pag-uugali o mga paniniwalang iyon sa iba?” At siyempre ang sagot diyan ay, “Hindi. Hindi natin ipinagpipilitan ang mga pamantayan o pag-uugali o paniniwala kahit kanino.” Ngunit ang Simbahang ito, at tayo bilang CES teachers dito, ay nakipagtipan na ituro ang mga pamantayan ng pag-uugali, markahan ang tiyak na landas, tukuyin ang ligtas na daan, itaas ang bantayog ng katotohanan sa mga bansa.

Bawat guro sa grupong ito ay maaalala ang kuwento tungkol kay Brother Karl G. Maeser na nagsama ng isang grupo ng mga missionary sa Alps sa pamamagitan ng pagsunod sa simpleng mga patpat na nakalagay sa mahahalagang lugar sa landas, para markahan ang ligtas na daan. Hindi magandang tingnan ang mga patpat—iba-iba ang hugis ng mga ito, luma na ang ilan, ni hindi ninyo ito babanggitin kapag lumiham kayo sa inyo—ngunit ang pinaglagyan nito, ang daang minarkahan nito, at ang hatid nitong tahimik na mensahe ang nagsaad ng kaibhan sa pagitan ng buhay at kamatayan. Ang aral na itinuro ni Brother Maeser nang araw na iyon ay na ang mga patpat na ito ay katulad ng namumunong mga Kapatid sa Simbahan—may matangkad, may pandak, isang magandang grupo ng mga kasali sa beauty contest—ngunit ang pagsunod sa kanilang landas ay pagtahak sa landas ng kaligtasan.20 Ang gusto kong ituro sa inyo ngayong gabi ay na ito ang ginagawa ng totoong doktrina (na itinuturo ng mga Kapatid) para sa atin sa buong maghapon, araw-araw. Kailangang itanim ng isang tao ang mga gabay na haliging ito ng doktrina. Kailangang sabihin ng isang tao na, “Narito ang katotohanan, at narito ang kaligtasan.” Kailangang gabayan ng isang tao ang landas ng mga taong naglalakbay sa makitid, at madalas ay mapanganib na mga landas, marahil sa unang pagkakataon, tulad ng gagawin ng karamihan sa ating mga estudyanteng nag-aaral sa hayskul at kolehiyo. Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, napakalinaw na kabilang kayo sa “mga taong” inutusan ng Diyos na markahan ang landas ng kaligtasan.

Kaya, kailangan ay buong husay at buong habag nating ibahagi sa isang estudyante, o sa lipunan, ang ligtas na daang iyon, ang kung minsan ay makitid na daang iyon ng katotohanan, ang matibay na pundasyon at tiyak na tuntungang iyon na kung tatayuan nila ay hindi sila mahuhulog. At ang isang estudyante ay hindi makakatayo sa gayong tiyak na pundasyon kung hindi niya alam kung nasaan ito, at hindi nila malalaman kung nasaan ito maliban kung akayin sila roon ng mga magulang, lider, at guro na kagaya natin at ipakita sa kanila ang daan.

Isang matibay na pundasyon? Ang tiyak na landas? “Sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos”21 kailangang magtayo ng saligan ang bawat isa sa atin, bata man o matanda. Bakit? Para saan? “Nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo [at sa inyong mga estudyante at inyong lipunan at sa inyong pag-asa at mga pangarap], siya [ang diyablo] ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”22

Ang lakas na iyon, mga kapatid, ang nagpapatatag sa ating pananaw sa bawat tanong tungkol sa doktrina, kasaysayan, o gawi sa Simbahan na maaari at kadalasan ay lumilitaw habang nahahayag ang gawain. Narinig na ninyo ang mga tanong na iyon. Hindi na bago ang mga ito. Nauna itong lumitaw sa sambayanan ng Palmyra nang unang ibalita ng 14-na-taong-gulang na si Joseph ang kanyang makalangit na pangitain, at patuloy ang mga ito sa iba’t ibang paraan hanggang ngayon. Kamakailan ay sinagot namin ang marami sa mga isyung ito sa isang serye ng mga sanaysay, sa hangaring kapwa maging tumpak at malinaw ukol sa ating pananampalataya. Hindi lahat ng tanong sa ebanghelyo ay may sagot—gayunman—darating ang mga ito.

Samantala, may tanong ako. Ano kayang maiisip na isyu sa kasaysayan o doktrina o pamamaraan na maaaring lumitaw sa anumang grupo ang mangingibabaw o magpapawalang-saysay sa espirituwal na pananalig ng isang tao hinggil sa maawaing plano ng kaligtasan ng Ama; sa pagsilang, misyon, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Kanyang Bugtong na Anak; sa katotohanan ng Unang Pangitain; sa panunumbalik ng priesthood; sa pagtanggap ng banal na paghahayag, kapwa sa personal at sa Simbahan; sa diwang humuhubog sa kaluluwa at nakaaantig na kapangyarihan ng Aklat ni Mormon; sa kamangha-manghang karingalan ng endowment sa templo; sa personal na karanasan ng isang tao sa mga tunay na himala; at napakarami pang iba? Magtanong ka pa! Isang hiwaga sa akin kung paano maaaring isantabi o lubos na talikuran ng ilan ang dakila, walang hanggan, at dalisay na mga katotohanang napakahalaga sa karingalan ng mensahe ng buong ebanghelyo kapalit ng pagkahumaling sa pangalawa o pangatlo o pang-apat na bahagi lamang ng kabuuang iyon. Para sa akin, sa mga salitang ginamit ni Edith Wharton, para ka talagang naipit sa “gitna ng dalawang nag-uuntugang bato.”

Agad kong pinasasalamatan ang napakalehitimong mga tanong ng marami na lubos na tapat ang puso. Agad ko ring pinasasalamatan na lahat ay may isa o mahigit pang tanong sa ebanghelyo na naghihintay na masagot. Gayon pa man, umaasa kami, para sa nag-aalinlangan, naniniwala, at lahat ng iba pa, na ang pagpapakumbaba, pananampalataya, at impluwensya ng Banal na Espiritu palagi ang maging mga elemento ng bawat paghahanap ng katotohanan, na ang mga saligang katotohanan palagi ang maging batayan sa paghahanap na iyan, at na lahat ng iba pang mga isyu na kailangan pang malutas ay maipagpatuloy “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pananampalataya.”23 Pagkatapos ng maghapon, kailangang malaman nating lahat ang pagkakaiba ng mas mataas at mas mababang mga elemento ng ating patotoo. Para sa akin ang mas malalaking haligi ay yaong kagila-gilalas na mga katotohanang nabanggit kanina, ang kahalagahan nito sa aking buhay na hindi mapapalitan, at ang pagkatanto na talagang hindi ako mabubuhay, hindi ako makapagpapatuloy nang wala ang mga ito o wala ang mga pagpapalang nalaman ko o wala ang mga pangakong napasaating lahat sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw.

Kaya, kapag pinag-usapan natin ang mga tanong, isaisip ninyo ang isang ito mula kay Apostol Pablo at itanim ito sa puso ng inyong mga estudyante: “Ano nga kung ang ilan ay hindi nangag[si]sisampalataya? [Ano ngayon kung hindi?] ang di pananampalataya nila ay magpapawalang [bisa] baga sa pagtatapat ng Dios?”24 Ang sagot diyan ay “Hindi!” Hindi sa buhay ko! Hindi sa buong buhay ko! Hindi sa akin at sa sambahayan ko! Ang kawalan ng paniniwala ninuman ay hindi nagawa o hindi maaaring gawin o hindi gagawin—kailanman—na “walang bisa” ang aking pananampalataya sa Diyos, ang pagmamahal ko kay Cristo, ang katapatan ko sa Simbahang ito at sa gawaing ito sa mga huling araw. “May bisa” ang katotohanan ng ebanghelyong ito sa mga huling araw, at mananatili itong “may bisa” hangga’t sumisikat ang araw at umaagos ang mga ilog patungo sa dagat, at magpakailanman pagkatapos niyon. Huwag palampasin ang mga pagpapalang iyon!

Matapos sabihin ito, idaragdag ko ang patotoo ng estudyanteng iyon sa institute na kanina pa natin pinag-uusapan, na lumaki at naging Pangulo ng Simbahan. Susundan iyan ng patotoo ng kagila-gilalas na kahalili niya, ang ating pinakamamahal na Pangulong Thomas S. Monson.

Pangulong Gordon B. Hinckley: “Ang Diyos ang gumagabay. Huwag itong pagdudahan kailanman. Kapag naharap tayo sa oposisyon, bubuksan Niya ang daan kapag tila walang paraan. …

“Huwag pagambala sa anumang tinig ng kawalang-kasiyahan. Huwag mag-alala sa mga kritiko. Tulad ng sinabi ni Alma noong araw: ‘Huwag pagkakatiwalaan ang sinuman na inyong maging guro ni inyong maging mangangaral, maliban sa siya ay tao ng Diyos, lumalakad sa kanyang mga landas at sinusunod ang kanyang mga kautusan’ (Mosias 23:14).

“Ang katotohanan ay nasa Simbahang ito. … Tulad ng sabi ng Mang-aawit: ‘Masdan, siyang nagiingat ng Israel [ay] hindi iidlip ni matutulog man’ (Awit 121:4).

“Siya na ating Tagapagligtas ay hindi umiidlip ni natutulog habang binabantayan Niya itong Kanyang kaharian.”25

Pangulong Thomas S. Monson: “Pinatototohanan ko sa inyo na ang mga pangakong pagpapala sa atin ay hindi kayang sukatin. Kahit magtipon ang mga ulap, kahit bumuhos sa atin ang mga ulan, ang ating kaalaman sa ebanghelyo at ating pagmamahal sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas ay aalo at magtataguyod sa atin at magdudulot ng kagalakan sa ating mga puso habang lumalakad tayo nang matuwid at sumusunod sa mga kautusan. Walang anumang bagay sa mundo na makadadaig sa atin.

“Minamahal kong mga kapatid, huwag matakot. Magalak. Ang hinaharap ay kasingliwanag ng inyong pananampalataya.”26

May pananalig sa aking puso at walang-hanggang pasasalamat sa aking kaluluwa para sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, magtatapos ako sa pag-uulit ng payo ng Diyos na ibinigay sa atin nang mahigit 100 beses sa mga banal na kasulatan—na huwag matakot; na magalak. Iyan ang mensahe ko sa inyo at hinihiling ko na iparating ninyo ito sa inyong mga estudyante.

“[Masdan,] kayo ay maliliit na bata, at hindi pa ninyo nauunawaan kung gaano kadakila ang mga pagpapala na … inihanda [ng Ama] para sa inyo.”27

“Huwag matakot, … sapagkat kayo ay akin, at aking nadaig ang daigdig, at kayo ay bahagi nila na ibinigay ng Ama sa akin.”28

“Hindi ninyo mababata ang lahat ng bagay ngayon; gayunpaman, magalak, sapagkat akin kayong aakayin. Ang kaharian ay sa inyo at ang mga pagpapala nito ay sa inyo, at ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan ay sa inyo.”29

“Samakatwid, ako ay nasa inyong gitna, … Ako ang mabuting pastol, at ang bato ng Israel. Siya na nakatayo sa ibabaw ng batong ito ay hindi kailanman babagsak.

“At darating ang araw na inyong maririnig ang aking tinig at makikita ako, at malalaman na ako nga.”30

Ang basbas na iyan na sinambit ng Tagapagligtas ng sanlibutan ay inuulit ko ngayong gabi at ibinibigay sa bawat isa sa inyo na para bang ang aking mga kamay ay nasa inyong ulunan. Gaya ng ang Diyos ang aking saksi sa kabanalan ng gawaing ito, ako naman ang Kanyang saksi rito. Ito ang katotohanan. Sa Simbahang ito, pare-pareho tayong abala sa mapagtubos at pinabibilis na gawain ng ebanghelyo ni Jesucristo. Narito ang doktrina, narito ang mga ordenansa, narito ang mga paghahayag, narito ang hinaharap. Ito ang tanging tiyak at ligtas na landas na dapat tahakin ng mga anak ng Diyos, at ng Kanyang mga CES teacher at kanilang mga estudyante. Nagagalak ako sa pribilehiyong sumulong na kasama ninyo sa gayong sigurado, tiyak, at sagradong lugar. “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.”31 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.