Library
Ang Biyaya ng Panginoon ay Sapat para sa Lahat


Ang Biyaya ng Panginoon ay Sapat para sa Lahat

Isang Gabi Kasama si Elder JeffreyR. Holland Mensahe sa CES Religious Educators • Pebrero6, 2015 • Salt Lake Tabernacle

Nagpapasalamat akong makasama kayong lahat na nakapag-ambag sa dakilang adhikaing ito ng pagtuturo sa kabataan. Marami na akong nakilalang mga teacher sa paglipas ng mga taon, pati na ang ilan sa inyo. Mahal ko kayo at nagpapasalamat ako sa inyong katapatan at impluwensya sa mga tinuturuan ninyo. Ang pagiging guro ay puno ng hamon. Isang hamon na napansin ko sa ilang guro ay ang pakiramdam na hindi sapat ang ating kabutihan, talento, o kulang ang kapangyarihan nating gawin ang ipinagagawa sa atin. Ginagawa natin ang lahat, pero nahihirapan ang ilan dahil dama natin ang ating kakulangan.

Kung minsan nadarama ito kapag ikinumpara natin ang ating sarili sa iba pang mga guro. Napansin ko habang binabasa ang aklat ni Eter na kahit ang dakilang propetang si Moroni ay tila nakadama ng kakulangan nang ikumpara niya ang kanyang mga isinulat sa isinulat ng kapatid ni Jared. Sa pakikipag-usap sa Panginoon, sinabi niya:

“Kukutyain ng mga Gentil ang mga bagay na ito, dahil sa aming kahinaan sa pagsusulat; sapagkat Panginoon ginawa ninyo kaming mahusay sa pananalita sa pamamagitan ng pananampalataya, subalit hindi ninyo kami ginawang mahusay sa pagsusulat … na tulad ng kapatid ni Jared, sapagkat ginawa ninyong dakila ang mga bagay na kanyang isinulat maging tulad ninyo, tungo sa pagkadaig ng tao sa pagbabasa ng mga ito. …

“… Kapag kami ay nagsusulat namamasdan namin ang aming kahinaan, at natitisod dahil sa pagsasaayos ng aming mga salita” (Eter 12:23–25).

Dahil sa makapangyarihang pagsusulat ng kapatid ni Jared, nag-alala si Moroni na ang kanyang handog, ang kanyang pagsusulat, ay hindi sapat—na ito ay pagtatawanan. Nadama na ba ninyo ang ganoon sa inyong pagtuturo kumpara sa iba pang mga guro sa inyong paligid? Nadama ba ninyo na ang pagtuturo ninyo ay hindi sapat—na baka pagtawanan ito?

Ang ilan sa mga salita ng Panginoon bilang sagot kay Moroni ay pamilyar sa atin. Napili pa ang mga ito bilang scripture mastery passage: “Kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Ether 12:27).

Bawat isa sa atin ay nabigyang-inspirasyon ng mga salita ng Panginoon kay Moroni. Nagpapasalamat ako na si Moroni ay napalakas din ng mga salitang ito at hindi tinalikuran ang kanyang gawain dahil sa nakadama siya ng kahinaan o pagkaasiwa. Paano kung, nang makita niya ang mga isinulat ng kapatid ni Jared, basta na lang siya tumigil sa pagsusulat? Paano kung wala sa atin ang kanyang mga isinulat sa Aklat ni Mormon? Walang konklusyon sa aklat ng kanyang ama, na nagsasaad ng huling pagkalipol ng kanyang mga tao? Walang aklat ni Eter? Walang aklat ni Moroni? Para sa isang tao na ang turing sa sarili ay mahina sa pagsusulat, ang biyaya ng Panginoon ay sapat, at may dagdag pa. Hindi ko alam kung nakapantay ang pagsusulat ni Moroni sa mga isinulat ng kapatid ni Jared, ngunit alam ko na taglay ang Espiritu, malaki ang naging epekto ng mga salita ni Moroni sa akin at sa milyun-milyong iba pa na nakabasa na nito. Nakita ko kailan lang ang report tungkol sa mga digital version ng mga banal na kasulatan, at tatlo sa nangungunang limang itinampok na talata sa lahat ng pamantayang aklat ang nagmula sa mga isinulat ni Moroni—kabilang na ang Eter 12:27.

Kapag nadarama natin na mahina ang klase ng ating pagtuturo at hindi makapantay sa kakayahan ng iba, tingnan natin ang ating kalooban at tumingala tayo, huwag tumingin sa tabi o sa ating balikat. Hindi natin dapat ubusin ang ating lakas sa pag-aalala sa pagkukumpara natin sa iba. Iukol natin ang ating lakas sa pagpapakumbaba at pagtutuon ng pansin sa ating mga estudyante. Ang biyaya ng Panginoon ay sapat para sa atin—sapat sa ating pagsisikap na magturo at sapat sa ating pagsisikap na magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Nasisiyahan tayong makasama ngayong gabi si Elder Jeffrey R. Holland. Maaaring nahulaan na ng marami sa inyo na ang mga pananaw ko ngayong gabi ay nabuo ng posibilidad na makasama siya sa pulpito. Ano ang madarama ninyo kung magsasalita kayo sa miting na dadaluhan din ng isa sa mga pinakamabisa, pinakamamahal na tagapagsalita sa dispensasyong ito, na ang mga salita ay lubhang makapangyarihan para maantig na mabuti ang mga nakikinig dito (tingnan sa Eter 12:24)? Sa katunayan, habang tinitingnan ko ang kanyang biographical information, naiisip ko na baka may kapatid siyang nagngangalang Jared.

Si Elder Holland ay inorden na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong Hunyo 23, 1994. Nang tawagin siya, si Elder Holland ay naglilingkod bilang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu, kung saan siya tinawag noong Abril 1, 1989.

Mula 1980 hanggang sa tawagin siyang General Authority noong 1989, si Elder Holland ay naglingkod bilang ikasiyam na pangulo ng Brigham Young University sa Provo, Utah. Dati siyang Church commissioner of education at dean ng College of Religious Education sa BYU.

Isang varsity athlete sa Dixie High School at Dixie College sa kanyang bayang St. George, Utah, natanggap niya ang kanyang bachelor’s at master’s degree sa English at religious education, mula sa Brigham Young University. Nakamit niya ang master’s at doctor of philosophy degrees sa American Studies mula sa Yale University.

Una kong nakilala si Elder Holland noong bago akong seminary teacher, at binisita niya ang aming area sa Arizona noong siya pa ang commissioner of education. Humanga ako sa kakayahan niyang magturo at sa kanyang maganda at magiliw na pakikitungo sa mga tao. Ngayon, makaraan ang maraming taon ng pagmamasid sa kanya, lalo akong nabigyang-inspirasyon ng kanyang pakikipag-ugnayan at kahusayan bilang tagapagsalita at guro. Nawa’y buksan natin ang ating mga tainga, isipan, at puso habang tinuturuan niya tayo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.