Library
Ang mga Guro ay Nagbubuhat sa Diyos


Ang mga Guro ay Nagbubuhat sa Diyos

Isang Gabi Kasama si Elder M. Russell Ballard

Mensahe sa mga CES Religious Educator • Pebrero 26, 2016 • Salt Lake Tabernacle

Minamahal kong mga kapatid, nagpapasalamat akong makasama kayo ngayong gabi. Gusto ko lalong pasalamatan ang lahat ng guro at kanilang mga asawa at ang lahat ng mga sumusuporta sa mga nagtuturo. Mayroon akong manugang na early-morning seminary teacher, kaya alam ko ang sakripisyo at katapatang kailangan para makapagturo ng early-morning seminary, at nakita ko ang impluwensya ng mga full-time teacher sa bagong henerasyon, kabilang na ang mga apo ko. Nawa pagpalain kayong lahat ng Diyos sa inyong ginagawa.

Noong Agosto sinabi ko sa inyo na kailangan tayong kumilos upang gampanan ang mga dakilang responsibilidad na nakaatang sa atin. Kailangan nating turuan ang bagong henerasyon nang mas taos at may higit na kapangyarihan kaysa nagawa na natin. At ibig sabihin niyan kailangan tayong mas bumuti pa at mas pagbutihin pa kaysa nagawa na natin.

Habang iniisip ko ang utos na iyon mula sa Panginoon at ang pagkakataong magsalita nang kaunti sa gabing ito, naisip ko ang pagbisita ni Nicodemo sa Tagapagligtas sa gabi, gaya ng nakatala sa ikatlong kabanata ng Juan. Sinabi ni Nicodemo: “Rabi, nalalaman naming ikaw ay isang guro na nagbuhat sa Dios: sapagka’t walang makagagawa ng mga tanda na iyong ginagawa, maliban na kung sumasa kaniya ang Dios.”1

Hindi lamang idineklara ng pahayag na iyon kung sino si Jesus—isang guro na nagbuhat sa Diyos—kundi kung ano rin ang ginagawa ng mga gurong buhat sa Diyos: Nagsasagawa sila ng mga himala sa buhay ng kanilang mga tinuturuan dahil sumasa kanila ang Diyos.

May kilala akong gayong guro. Nais kong ibahagi sa inyo ang talinghaga tungkol sa kanya ngayong gabi. Ito ang tinatawag na “Ang Talinghaga ng Nursery Leader.”

Isang sister ang tinawag bilang nursery leader sa kanyang ward. Nagsanay siyang mabuti sa unibersidad, at napakarami niyang ideya para sa mga aktibitidad at gawang-sining para sa mga bata. Nagpasya siyang gawin ang nursery na huwaran ng pagtuturo.

Makalipas ang maraming linggo, pinanghinaan ng loob ang sister. Ang nursery ay pabigat. Natakot siyang harapin ang mga bata. Sa kabila ng kanyang mga plano, ang mga bata ay maligalig at nag-iiyakan at binale-wala siya sa bawat linggo. Walang umubra sa sinikap niyang gawin. Bawat linggo umuuwi siyang luhaan.

Sa kawalan ng pag-asa ay nasabi niyang, “Ginawa ko na ang lahat! Ano pa ang maaari kong gawin?”

May naisip siyang ideya: Itanong mo sa Ama sa Langit ang dapat mong gawin. Pinapahid ang luha na lumuhod siya sa panalangin. Ipinagdasal niya ang nursery, ang kanyang mga inaasahan, panghihina-ng-loob, at pagkabigo. Nagdasal siya at hiningi ang Kanyang tulong at patnubay.

Sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang dasal. May nadama siyang malakas na impresyon: Ang mga lesson plan mo ay tungkol sa iyo. Sa halip ay magpokus ka sa mga bata; kilalanin at mahalin mo sila.

Mabuting mensahe iyon, ngunit mahirap pakinggan. Alam ng sister na ito na kailangan siyang magsisi. Kailangan niya ng bagong pag-uugali at pananaw ukol sa nursery. Nagdasal siya at inaral ang banal na kasulatan para tumanggap ng inspirasyon.

Nang magpunta ang sister sa nursery nang sumunod na Linggo, wala na siyang nadamang takot. Nagtiwala siya sa Panginoon. Sinalubong niya sa pinto ang mga bata, lumuhod para pumantay sa kanila, at binati sila gamit ang pangalan nila. Kinausap niya sila tungkol sa kanilang pamilya, paboritong pagkain, at marami pang iba. Nagkaroon sila ng oras sa pagkanta at binasahan sila ng mga kuwento. Ang ilan sa mga bata ay nag-iiyakan at maligalig, ngunit iba na ang kapaligiran sa nursery nang linggong iyon. At nang matapos na, pagod-na-pagod ang sister, pero hindi luhaan.

Unti-unti, habang mas nakikilala ng butihing sister ang mga bata, nagbago ang kanyang damdamin para sa kanila. Ang nursery leader ay nasasabik na sa araw ng Linggo. Sabik na siya at natutuwang makasama ang mga bata sa nursery. Minahal niya sila.

At … dumating ang inspirasyon. Isang linggo, nagdala siya ng kamera sa nursery at kinunan ng retrato ang bawat bata. Naghanda siya ng lalagyan ng mga retrato, inilagay dito ang retrato ng bawat bata, at dinala ito sa nursery bawat linggo. Natuwa ang mga bata na makita ang sarili nila sa board. Hindi lang nila nadama na mahalaga sila; nadama nilang minamahal sila.

Pagkatapos ay ginamit ng nursery leader ang kanyang mga aktibidad at proyekto para turuan ang mga bata. Gustung-gusto ito ng mga bata. Katunayan, mahal na mahal ng mga bata ang nursery na tumatakbo sila papunta sa nursery pagkatapos ng sacrament meeting. Gustung-gusto ng mga batang dumalo sa nursery. Minahal nila ang nursery leader, at minahal niya ang mga bata.

Marami tayong matututuhang alituntunin sa talinghagang ito. Ang isa sa mga pinakamahalaga ay ang pananampalataya sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang pananampalataya ng guro ang nagtulak sa kanyang lumuhod sa panalangin, pananampalataya ang humikayat sa kanyang magsisi, at ito ang umakay sa kanya para kumilos kahit di niya alam kung ano ang dapat niyang gawin. Pananampalataya ang unang alituntunin.

Ang pangalawa ay pag-asa. Ang pagpunta sa nursery ay mahirap para sa maliliit na bata. Maaari silang makadama ng takot, o na nag-iisa sila, o pinabayaan. Maaaring iniisip nila kung paano sila lalabas. Nadama din iyon ng nursery leader, pero nalampasan na niya ang damdaming ito, at alam niyang may pag-asa kay Cristo. Ang kanyang pag-asa ay “buhay,” “dalisay,” at “nababanaag,” at nadama ito ng mga bata.

Ang ikatlong alituntunin ay kababaang-loob. Ang kapalaluan at pagtitiwala sa bisig ng laman ay mapanganib para sa isang guro. Ang kababaang-loob—madaling turuan—ang lunas sa kapalaluan. Ang nursery leader ay kumilos nang may pananampalataya kay Cristo para magpakumbaba sa harapan ng kanyang Ama sa Langit. Binigyan Niya ang guro ng kalinawan at biniyayaan siya ng karunungan sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Ang ikaapat na alituntunin ay pag-ibig—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Sa simula, hindi madaling mahalin ang mga bata. Ngunit ang nursery leader ay sumampalataya kay Cristo, at kumilos siya nang may pagpapakumbaba na umaasa sa Kanya para mahalin ang mga batang iyon. Biniyayaan siya ng Diyos ng dalisay na pag-ibig ni Cristo, at nadama ito ng mga bata. Sa katunayan, napalapit ang nursery leader sa mga bata dahil sa pag-ibig ni Cristo. Ang ugnayang ito ang naging daluyan ng pagkatuto, panghihikayat, at pag-asa.

Mga kapatid, dalangin kong mapasaatin ang mga pagpapala ng Diyos, na tayong lahat, saan man tayo nagtuturo, ay kumilos ayon sa mga alituntuning ito ng pananampalataya, pag-asa, kababaang-loob, at magmahal nang may higit na pagsisikap, lakas-ng-loob, at tiyaga kaysa dati. Alam ko na kung gagawin natin ito, ang biyaya ng Diyos ay mapapasaatin at tayo’y tunay na magiging mga gurong buhat sa Diyos, na gumagawa ng mga himala sa buhay ng ating mga estudyante. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.