Library
Ang mga Oportunidad at Responsibilidad ng mga CES Teacher sa Ika-21 Siglo


Ang mga Oportunidad at Responsibilidad ng mga CES Teacher sa Ika-21 Siglo

Isang Gabi Kasama si Elder M. Russell Ballard

Mensahe sa mga CES Religious Educator • Pebrero 26, 2016 • Salt Lake Tabernacle

Mahal kong mga kapatid, salamat sa inyong pambihirang pagsisikap na pagpalain ang buhay ng ating mga kabataan sa Simbahan.

Kamakailan ay nirepaso ko ang bagong aklat na, By Study and Also By Faith: One Hundred Years of Seminaries and Institutes of Religion. Pambihirang kuwento ito! Nang buklat-buklatin ko ito, napuna ko ang naging papel ng lolo kong si Joseph F. Smith at ng lolo kong si Melvin J. Ballard sa pagpapasimula at pagpapalawak ng edukasyon sa Simbahan.

Ngayo’y nasa dating katayuan nila ako dahil sa pakikihalubilo ko sa inyo. Simula 1985, nagkaroon ako ng pribilehiyong maglingkod nang 14 na taon sa Board of Education, 7 taon sa Executive Committee, at halos 4 na taon sa mga iyon bilang Chairman.

Noong nasa Board ako, nagkaroon ako ng malaking pagpapahalaga sa Church Educational System. Ngayong gabi kinakatawan ko ang lahat ng mga magulang at mga lolo at lola, at kahit ang mga lolo’t lola-sa-tuhod sa Simbahan sa pasasalamat ko sa inyo na mga guro at administrator at sa inyong mga pamilya sa matapat ninyong paglilingkod. Ang naisakatuparan ng CES nitong huling isandaang taon ay kamangha-mangha. Gayunman, mas interesado ako sa susunod na 100 taon at kung paano ninyo matutulungan ang inyong mga estudyante na harapin ang pabagu-bagong mga hamon ng ika-21 siglo.

Sa isang General Authority training meeting, nagturo si Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa “pagpapanatiling dalisay ng doktrina at ng Simbahan sa tamang landas.” Binigyang-diin niya, “Mag-ingat tayo nang husto. Kailangan tayong mag-ingat upang di malihis [ng landas]. Sa pagsisikap nating maging orihinal at bago at kakaiba, maaaring magturo tayo ng mga bagay na hindi lubos na tugma sa mga pangunahing doktrina ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. … Maging mas alerto tayo. … Maging mga bantay tayo sa tore.”1

Habang sumusulong ang edukasyon ng Simbahan sa ika-21 siglo, kailangang isipin ninyo kung ano ang dapat baguhin sa paraan ng inyong paghahandang magturo, pagtuturo, at ituturo kung nais ninyong maging matibay ang pananampalataya ng mahal nating mga kabataan.

Lipas na ang panahon na tapat na nagtatanong ang estudyante at ang sagot ng guro ay, “Huwag mong alalahanin iyan!” Lipas na ang panahon na nagbabanggit ng problema ang estudyante at nagpapatotoo ang guro bilang sagot para maiwasan ang isyu. Lipas na ang panahon na protektado ang mga estudyante mula sa mga umaatake sa Simbahan. Mabuti na lang, inilaan ng Panginoon ang napapanahon at walang-kupas na payong ito sa inyo na mga guro: “At yayamang lahat ay walang pananampalataya, masigasig na maghanap at turuan ang bawat isa ng mga salita ng karunungan; oo, maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.”2

Mas angkop ito ngayon dahil di lahat ng estudyante ninyo ay may pananampalatayang kailangan para harapin ang parating na mga hamon at dahil marami sa kanila ang lantad na sa Internet sa nakasisirang mga puwersa ng ibayong sekular na mundo na kumakalaban sa pananampalataya, pamilya, at mga pamantayan ng ebanghelyo. Lumalaganap ang impluwensya ng Internet sa buong mundo sa halos lahat ng tahanan at madali itong ma-access ng inyong mga estudyante.

Matutulungan ninyo ang mga estudyante sa pagtuturo sa kanila ng kahulugan ng pagsamahin ang pananampalataya at pag-aaral. Turuan sila sa pagpapakita ng kasanayan at paraang ito sa klase.

Sabi ni Pangulong Harold B. Lee:

“Ipinapaalala namin sa inyo na ang pagtatamo ng kaalaman sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi madaling paraan para matuto. Kailangan dito ang matinding pagsisikap at patuloy na pagsisikap nang may pananampalataya. …

“Sa madaling salita, ang pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi gawaing para sa tamad na lalaki [o babae]. May nagsabi nga na ang gayong proseso ay nangangailangan ng pagsuko [sa Diyos] nang buong kaluluwa, ng pag-uugnay ng kaibuturan ng kaisipan ng tao sa Diyos—kailangang magkaroon ng tamang ugnayan. At doon lamang matatamo ang ‘kaalaman sa pamamagitan ng pananampalataya.’”3

Ang kaalaman sa pamamagitan ng pananampalataya ay magbubunga ng dalisay na patotoo, at ang dalisay na patotoo ay may kapangyarihang baguhin ang buhay, tulad ng inilarawan sa tatlong kuwentong ito.

Una, iniwan ni Phoebe Carter ang kanyang tahanan para sumama sa mga Banal sa Ohio noong 1830s. Paggunita niya, “Namangha ang mga kaibigan ko sa aking pasiya, katulad ko, ngunit may nagtulak sa akin na gawin iyon. Ang kalungkutan ng aking ina sa aking pag-alis ay halos hindi ko makayanan; at kung hindi dahil sa espiritu ay baka bumigay na rin ako sa huli.”4

Sinunod ni Phoebe ang propeta at sumama sa mga Banal sa Ohio at kalaunan sa Utah, kung saan siya pumanaw na isang tapat na Banal sa mga Huling Araw at maybahay ng Pangulo ng Simbahan na si Wilford Woodruff.

Itong sumunod na kuwento ay nagmula sa talambuhay ni Marion G. Romney.

Noong nasa kolehiyo siya, nagpasiya si Marion na di siya makapagmimisyon dahil mahirap lang sila. Minsan, narinig niyang nagsalita si Elder Melvin J. Ballard. Sabi sa talambuhay, “Walang kamalay-malay [si Marion] na ang landas ng kanyang buhay, sa isang iglap, ay lubos na magbabago.”

Sabi pa sa kuwento: “Sinabi [ng ama ni Marion] sa kanyang mga anak … na malaki ang pagkakaiba ng lalaking namuhay ayon sa inspirasyon ng Espiritu sa lalaking hindi namuhay nang gayon, gaya ng pagkakaiba ng lumalaking puno at ng tuod na walang-buhay. Sa unang pagkakataon lubos na naunawaan ni Marion … kung ano ang [pakiramdam] ng maimpluwensyahan ng inspirasyon. Napuspos ng tumatagos at matinding damdamin ang kanyang kaluluwa. Noon lang [siya] … naantig nang gayon, habang nakikinig sa mga salita ng pinakabagong Apostol na ito. …

“Sumigla ang pakiramdam … ng batang si Marion. Sa ningning ng mukha ng Apostol at sa taos na patotoo nito, hindi niya napaglabanan ang kanyang hangaring magmisyon. … Batid niya na kailangan niyang ipagpaliban ang plano niyang magpatuloy sa pag-aaral.”5

Di-nagtagal, nagtungo na si Marion sa Australia, kung saan siya tapat na naglingkod. Kalaunan, naging isa siyang tapat na Apostol at miyembro ng Unang Panguluhan.

Ang huling kuwento ay mula kay Pangulong Boyd K. Packer tungkol sa impluwensya ng isang matandang guro kay William E. Berrett. Ang guro, na convert mula sa Norway, ay di-gaanong marunong ng Ingles. Sa kabila ng mga limitasyon ng guro, naalala ni Pangulong Packer na “Hindi lang minsan [nag]patotoo si Brother Berrett na, ‘Mapapainit natin ang ating mga kamay sa alab ng kanyang pananampalataya.’”6

Kalaunan, si William ang naging pinuno ng mga seminary, institute, at paaralan ng Simbahan.

Para kina Phoebe, Marion, at William, ang narinig nilang dalisay na patotoo ang nagtulak sa kanila na magbagumbuhay. Maaari ding mangyari ito sa inyong mga estudyante. Gayunman, sa nangyayari sa mundo ngayon, maaaring di laging sumapat ang dalisay na patotoo. Sina Phoebe, Marion, at William ay malinis at dalisay at hindi naimpluwensyahan ng pornograpiya at kamunduhan nang turuan sila ng inspiradong mga missionary, guro, at lider. Madaling napasok ng Espiritu ang kanilang malambot at dalisay na puso.

Ngayon, ibang-iba na ang kuwento, dahil ang ilan sa inyong mga estudyante ay nalantad na sa pornograpiya at kamunduhan bago pa sila nakapasok sa klase ninyo.

Isang henerasyon pa lang ang nakalipas na ang access ng ating kabataan sa impormasyon ukol sa kasaysayan, doktrina, at mga kaugalian ay limitado sa mga materyal na limbag ng Simbahan. Ilang estudyante lang ang naka-access sa alternatibong pakahulugan. Kadalasan, masyadong protektado ang ating mga kabataan.

Ang kurikulum natin noon, bagama’t mabuti ang layon, ay hindi inihanda ang mga estudyante para sa ngayon—na may dagliang access ang mga estudyante sa halos lahat ng tungkol sa Simbahan mula sa lahat ng posibleng opinyon. Ngayon, ang nakikita nila sa mga mobile device ay malamang na magpalago o humamon sa kanilang pananampalataya. Marami sa ating mga kabataan ang mas pamilyar sa Google kaysa sa ebanghelyo, mas sanay sa Internet kaysa sa inspirasyon, at mas subsob sa Facebook kaysa sa pagsampalataya.

Dahil sa mga hamong ito, inaprubahan kamakailan ng Board of Education ang bagong inisyatibo sa seminary na tinatawag na Doctrinal Mastery. Base sa nagawa na sa Scriptural Mastery, ang bagong inisyatibong ito ay magtutuon sa pagpapalago at pagpapalakas ng pananampalataya ng ating mga estudyante kay Jesucristo at pagpapaibayo ng kakayahan nilang mamuhay ayon sa ebanghelyo. Sa paghugot ng lakas mula sa mga banal na kasulatan at salita ng mga propeta, matututo silang kumilos nang may pananampalataya kay Cristo upang magtamo ng espirituwal ng kaalaman at pang-unawa sa Kanyang ebanghelyo. At magkakaroon sila ng mga pagkakataong matuto kung paano iangkop ang doktrina ni Cristo at mga alituntunin ng ebanghelyo sa mga tanong at hamong naririnig at nakikita nila araw-araw sa mga kaedad nila at sa social media.

Ang inisyatibong ito ay inspirado at napapanahon. Maganda ang magiging impluwensya nito sa ating mga kabataan. Gayunman, ang tagumpay ng Doctrinal Mastery, at ng lahat ng iba pang programa ng pag-aaral sa CES, ay nakasalalay nang husto sa inyo.

Sa harap ng mga hamong ito, ano ang inyong mga oportunidad at responsibilidad bilang mga CES teacher sa ika-21 siglo? Malinaw na kailangan ninyong mahalin ang Panginoon, ang Kanyang Simbahan, at ang inyong mga estudyante. Kailangan din kayong magbahagi ng dalisay na patotoo nang taos at madalas. At, higit kailanman sa ating kasaysayan, kailangan ding mapagpala ang inyong mga estudyante sa pamamagitan ng pag-alam sa nilalaman at konteksto ng doktrina o kasaysayan, sa pag-aaral at pananampalataya na sinamahan ng dalisay na patotoo upang makaranas sila ng husto at matibay na paniniwala sa ebanghelyo at habambuhay na katapatan kay Jesucristo. Ang husto at matibay na paniniwala ay nangangahulugan na sila ay “mana[na]tili sa bangka at [kakapit] nang mahigpit” habang sila ay nabubuhay.7

Para maunawaan ninyo ang nilalaman at konteksto ng doktrina at kasaysayan ng mga banal na kasulatan at ng ating kasaysayan, kailangan ninyong mag-aral mula sa “pinakamabubuting aklat,” tulad ng iniutos ng Panginoon. Kasama sa “pinakamabubuting aklat” ang mga banal na kasulatan, mga turo ng makabagong mga propeta at apostol, at pinakamahusay na pag-aaral sa Simbahan. Sa inyong pagsisikap na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya, matutulungan ninyo ang mga estudyante na matuto ng mga kasanayan at pag-uugaling kailangan para matukoy ang mapagtitiwalaang impormasyong hihikayat sa kanila at ang nakalilinlang at maling interpretasyon ng doktrina, kasaysayan, at kaugalian na magpapahina ng kanilang loob.

Turuan sila tungkol sa mga hamong haharapin nila kapag umasa sila sa Internet para sagutin ang mga tanong na walang-hanggan ang kahalagahan. Ipaalala sa kanila na hindi sinabi ni Santiago na, “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, magsaliksik siya sa Google!”8

Ang matatalinong tao ay hindi umaasa sa Internet para suriin at gamutin ang mga hamon sa damdamin, isipan, at kalusugan, lalo na kung nakamamatay iyon. Sa halip, naghahanap sila ng mga eksperto sa kalusugan, mga taong naturuan at lisensyado ng kilalang mga medical at state board. Gayunman, humingi ng pangalawang opinyon sa matatalinong tao.

Kung iyan ang tamang paraan para masagot ang mga problema sa damdamin, isipan, at kalusugan, lalo itong kailangan kapag buhay na walang hanggan ang nakataya. Kapag ang isang bagay ay maaaring maging banta sa ating espirituwal na buhay, sa napakahalagang mga ugnayan natin sa pamilya, at sa pagiging kabilang natin sa kaharian, dapat tayong makakita ng mapagmalasakit at matatapat na lider ng Simbahan na tutulong sa atin. At, kung kailangan, dapat tayong humingi ng tulong sa mga taong may wastong pinag-aralan, karanasan, at kahusayan.

Ito mismo ang ginagawa ko kapag kailangan ko ng sagot sa sarili kong mga tanong na hindi ko masagot mismo. Humihingi ako ng tulong sa mga Kapatid sa Korum ng Labindalawa at sa iba na dalubhasa sa larangan ng kasaysayan at doktrina ng Simbahan.

Dapat kayo ang unang magpaalam, bukod sa mga kapamilya ng inyong mga estudyante, ukol sa mga opisyal na pagkukunan ng impormasyon ng mga paksang maaaring di-gaanong popular o kontrobersyal para maikumpara ng mga estudyante ninyo ang narinig o nabasa nila sa naituro ninyo sa kanila.

Alam ninyong nagbibigay kami ng bakuna sa mahal nating mga missionary bago sila ipadala sa misyon upang maprotektahan sila laban sa mga karamdamang maaaring makasakit o pumatay sa kanila. Sa gayunding paraan, pakiusap, bago ninyo sila isabak sa mundo, bakunahan ang inyong mga estudyante sa pamamagitan ng paglalaan ng tapat, pinag-isipan, at tumpak na interpretasyon ng doktrina ng ebanghelyo, ng banal na kasulatan, ng ating kasaysayan, at ng mga paksang kung minsan ay mali ang pagkaunawa.

Ang ilan sa mga paksang di-gaanong popular o kontrobersyal na sinasabi ko ay ang poligamya, mga bato ng tagakita, iba’t ibang salaysay tungkol sa Unang Pangitain, ang proseso ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon o Aklat ni Abraham, mga isyu tungkol sa kasarian, lahi at priesthood, o tungkol sa Ina sa Langit.

Ang mga pagsisikap na bakunahan ang ating mga kabataan ay madalas na nakaatang sa inyong mga CES teacher. Habang nasasaisip iyon, isipin ang inyong mga oportunidad at responsibilidad.

Alam ng mga lider ng Simbahan ngayon na walang limitasyon ang ating access sa impormasyon at sinisikap nating maglaan ng tumpak na konteksto at pag-unawa sa mga itinuturo ng Panunumbalik. Isang magandang halimbawa ng pagsisikap na ito ang 11 sanaysay sa Gospel Topics sa LDS.org na naglalaan ng balanse at mapagtitiwalaang interpretasyon sa mga pangyayari tungkol sa kontrobersyal at di-pamilyar na mga paksang may kaugnayan sa Simbahan.

Mahalagang malaman ninyo ang nilalaman ng mga sanaysay na ito. Kung may tanong kayo tungkol sa mga ito, magtanong sa tao na nakapag-aral at nakauunawa sa mga ito. Sa madaling salita, “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” habang isinasaulo ninyo ang nilalaman ng mga sanaysay na ito.

Dapat kayong maging pamilyar sa Joseph Smith Papers website at sa history section ng Simbahan sa LDS.org at sa iba pang sangguniang ginawa ng matatapat na LDS scholar.

Ang pagsisikap na liwanagin ang ebanghelyo at maglaan ng espirituwal na pagbabakuna sa pamamagitan ng pag-aaral ng doktrina at kasaysayan, na sinamahan ng nag-aalab na patotoo, ang pinakamahusay na panlaban natin sa pagtulong sa mga estudyante na iwasang magtanong, magduda, o mawalan ng pananampalataya ngayong madali silang makakuha ng impormasyon.

Sa pagsisikap ninyong mas maunawaan ang ating kasaysayan, doktrina, at mga kaugalian—nang higit kaysa nagagawa ninyo ngayon—mailalaan ninyo ang pinag-isipan, maingat, at inspiradong mga sagot sa tanong ng inyong estudyante.

Ang isang paraan para malaman kung ano ang tanong ng inyong mga estudyante ay pakinggan sila nang husto.

Kumandong sa akin ang musmos na anak naming babae, noong limang taon siya, habang nagbabasa ako ng diyaryo. May sinasabi siya sa akin na mahalaga sa kanya, at hindi ko siya pinapansin. Kaya hinablot ng munti niyang mga kamay ang diyaryo, hinawakan ang mukha ko, tinitigan ako sa mga mata, at sinabing, “Daddy, hindi ka nakikinig sa akin!” Tama siya—at mali ako sa hindi pakikinig sa kanya. Lahat ng mabubuting guro ay kailangang maging mabubuting tagapakinig.

Bukod sa pakikinig sa inyong mga estudyante, anyayahan silang magtanong sa inyo sa klase o nang sarilinan tungkol sa anumang paksa.

Ang isa sa pinakamahahalagang maaaring itanong ng mga estudyante ay “Bakit?”

Kapag itinanong nang may tapat na hangaring makaunawa, ang “Bakit?” ay napakagandang tanong. Iyan ang gusto ng mga missionary na itanong ng mga investigator nila. Bakit tayo narito? Bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao? Bakit tayo dapat magdasal? Bakit dapat nating sundin si Cristo? Kadalasan ang mga tanong na ito ang humahantong sa inspirasyon at paghahayag. Ang pagkaalam sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit ay makakatulong sa pagsagot sa marami sa mga tanong na “bakit”. Magsasalita pa ako tungkol dito sa ilang sandali.

Narito ang isang huling paunawa tungkol sa pagsagot sa mga tanong. Mahalagang ituro sa inyong mga estudyante na bagama’t maraming nasasagot ang ebanghelyo, kung hindi man halos lahat, sa pinakamahahalagang tanong sa buhay, may ilang tanong na hindi masasagot sa buhay na ito dahil kulang tayo sa impormasyong kailangan para sa mga tamang sagot. Tulad ng natutuhan natin sa Jacob: “Masdan, dakila at kagila-gilalas ang mga gawain ng Panginoon. O kayhirap tarukin ang kalaliman ng kanyang mga hiwaga; at hindi maaaring malaman ng tao ang lahat ng kanyang pamamaraan. At walang sino man ang nakaaalam ng kanyang mga pamamaraan maliban kung [ihahayag] ito sa kanya.”9

Ngayon, narito ang isang babala: Unawain na maaari kayong maniwala, gaya ng marami sa inyong mga estudyante, na kayo ay eksperto sa banal na kasulatan, doktrina, at kasaysayan. Kamakailan ay inihayag sa isang pag-aaral na “kapag mas inisip ng mga tao na may alam sila tungkol sa isang paksa mas malamang na sabihin nila na nauunawaan nila ito nang higit kaysa alam nila, hanggang sa magkunwari sila na alam nila ang mga bagay na hindi totoo at gawa-gawa lamang ng tao.”10

Ang tuksong ito, na tinatawag na “overclaiming o pag-iisip na mas marami tayong alam,” ay kailangang iwasan ninyong mga CES teacher. Okey lang na sabihing, “Hindi ko alam.” Gayunman, kapag nasabi na ito, responsibilidad ninyong humanap ng mga pinakaposibleng sagot sa tanong ng inyong mga estudyante.11

Sa pagtuturo sa inyong mga estudyante at pagsagot sa kanilang mga tanong, binabalaan ko kayo na huwag magbahagi ng mga sabi-sabing nagpapalakas ng pananampalataya pero wala namang basehan o mga lipas nang pag-unawa at paliwanag tungkol sa ating doktrina at mga kaugalian noong araw. Katalinuhan palagi na ugaliing pag-aralan ang mga salita ng mga buhay na propeta at apostol; alamin ang mga isyu, patakaran, at pahayag sa Simbahan sa mormonnewsroom.org at LDS.org; at tingnan ang mga gawa ng kilala, mapag-isip, at tapat na mga LDS scholar para matiyak na hindi kayo nagtuturo ng mga bagay na hindi totoo, lipas na, o kakatwa at kataka-taka.

Napansin ng mga awtor ng pag-aaral tungkol sa overclaiming na “ang tendensiyang ito, lalo na ng mga taong itinuturing ang sarili na eksperto na sila, ay maaari talagang magpahina ng loob ng mga tao na turuan ang kanilang sarili sa mismong mga aspetong iyon na itinuturing nilang maalam na sila.”

Napansin ng academic vice president ng BYU na, “Ang pagiging eksperto sa isang paksa ay maaaring nakakatuwa rin, lalo na kung matamang nakikinig ang mga estudyante at kasamahan sa lahat ng sinasabi natin. Gayunman, kung hindi tayo lubos na tapat sa patuloy na pagkatuto matutukso tayong mag-isip na mas marami tayong alam, at walang may gusto sa taong ‘alam na ang lahat.’”12

Inuulit ko ang babala ni Pangulong Hinckley, “Mag-ingat tayo nang husto. Kailangan tayong mag-ingat upang di malihis [ng landas].”13

Bukod pa sa pagkatuto habambuhay, kailangan din ninyong gawin ang mga bagay na iyon para maimpluwensyahan kayo ng Banal na Espiritu. Kabilang dito ang araw-araw na panalangin, tapat na pag-aayuno, regular na pag-aaral at pagninilay sa banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta, pagkalugod sa araw ng Sabbath, pakikibahagi ng sakramento nang may pagpapakumbaba at pag-alaala sa Tagapagligtas sa tuwina, pagsamba sa templo nang madalas hangga’t maaari, at, sa huli, pagtulong sa nangangailangan, maralita, at nalulumbay—kapwa sa malalapit at sa nasa lahat ng panig ng mundo.

Para maisagawa nang wasto ang inyong mga oportunidad at responsibilidad, mahal kong mga kapwa guro, kailangan ninyong gawin ang inyong ipinapangaral!

Magkaroon ng lakas-ng-loob na humingi ng payo at pagwawasto mula sa mga pinagkakatiwalaan ninyo—sa asawa, mga lider ng priesthood, o superbisor. Itanong kung ano ang dapat ninyong pagbutihin pa sa inyong pagiging disipulo. Lalong mahalaga ito sa ating mga full-time employee, sa mga suportado ng sagradong pondo ng ikapu ng Simbahan. Kailangan ninyong iwasan ang anumang magtataboy sa Espiritu.

At bilang dagdag, hayaang imungkahi ko na magkaroon kayo ng personal na interbyu sa inyong sarili paminsan-minsan at rebyuhin ang 2 Nephi 26:29–32, Alma 5:14–30, at Doktrina at mga Tipan 121:33–46. Makatutulong ito para matukoy ang uri ng mga tuksong makakaharap nating lahat Kung may kailangang baguhin sa inyong buhay, magpasyang ayusin ito.

Iwasan ang tuksong magduda sa mga motibo ng inyong mga katrabaho. Sa halip, suriing mabuti ang inyong kalooban at suriin ang inyong mga hangarin at motibo. Noon lamang mababago ng Tagapagligtas ang inyong puso at maiaayon ang inyong sariling mga hangarin at motibo sa Kanya.

Kailangang malaman, maunawaan, tanggapin, at makibahagi ang lumalaking henerasyon sa plano ng kaligtasan ng Diyos. Ang pagkaunawa sa plano ay magbibigay sa kanila ng banal na pananaw kung saan makikita nila ang kanilang sarili bilang mga anak ng Diyos, na nagsisilbing lente upang maunawaan halos bawat doktrina, kaugalian, at patakaran ng Simbahan.

Bilang mga CES teacher ngayon, kailangan ninyong tanggapin ang oportunidad at responsibilidad na ituro sa mga kabataan ng ika-21 siglo ang mga tamang alituntunin tungkol sa plano, kabilang ang banal na doktrina ng kasal at ang papel ng pamilya gaya ng nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak.14

Ang doktrina ng walang-hanggang kasal at pamilya ay napakahalagang bahagi ng plano ng kaligayahan ng Diyos. Kabilang dito ang sarili nating pamilyang ibinuklod sa templo bilang bahagi ng walang-hanggang pamilya ng Ama sa Langit sa kahariang selestiyal. Dahil tuwirang nauugnay ito sa Kanyang sariling pamilya at sa Kanyang mga espiritung anak, itinuro sa atin sa Genesis na “nilalang niya sila na lalake at babae” at inutusan Niya si Amang Adan at Inang Eva na “magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa.”15

Sinasabi na ang plano ng kaligayahan ay nagsisimula at nagwawakas sa pamilya. Tunay ngang ang simula ng pamilya ay sa mundo bago pa tayo isinilang, kung saan tayo nanirahan bilang mga miyembro ng pamilya ng ating mga magulang sa langit. At sa huli, ang katapatan sa pamilya at mapagmahal na ugnayan ay hindi lamang patuloy na iiral kundi mag-iibayo sa proseso ng pagpaparami.16

Ang mahalagang elementong nag-uugnay sa lahat—na saligan ng plano ng Diyos at ng sarili nating tadhana at ng lahat ng iba pa—ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ginagawang posible ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ang lahat, kabilang, ngunit hindi limitado, ang mapagmahal, mapag-aruga, at walang-hanggang kasal at pamilya.

Itinuturo sa atin ng Panginoon na walang tao, kahit gaano siya kabuti, ang magkakamit ng lahat ng inilalaan ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Ang taong walang asawa ay kalahati lang ng equation, hindi siya makatatahan sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal.17

Dapat maunawaan ng inyong mga estudyante na ang layunin ng mortalidad ay maging higit na katulad ng Diyos sa pagtatamo ng pisikal na katawan, paggamit ng kalayaan, at pag-ako sa dati-rati’y mga tungkulin lamang ng ating mga magulang sa langit—ang papel ng asawang lalaki, maybahay, at magulang.

Tiniyak ng mga propeta sa lahat ng karapat-dapat at umaasa kay Jesucristo ngunit hindi pa naibuklod sa kabiyak o hindi nagkaanak sa buhay na ito na magkakaroon sila ng gayong pagkakataon sa mundong darating.

Ituro sa ating mga kabataan na sa Simbahan ng Panginoon, may puwang para sa lahat upang sumamba, maglingkod, at lumago bilang magkakapatid sa ebanghelyo. Ipaalala sa kanila ang itinuro ni Lehi, na ang mithiin at pag-asa ng Diyos para sa lahat ng Kanyang anak ay maibubuod nang ganito: “Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon upang sila ay magkaroon ng kagalakan.”18

Nais ng Diyos na tanggapin natin ang Kanyang pakahulugan sa kasal at sundin ang Kanyang unang utos na “magpakarami at kalatan [ang mundo]”—na hindi lamang para isakatuparan ang Kanyang plano kundi makasumpong din ng kagalakan na plano Niyang ibigay sa Kanyang mga anak.

Hindi lamang mga miyembro ng Simbahan ang nakakaalam sa alituntuning ito. Napuna ng kolumnista ng New York Times na si David Brooks na, “Hindi nakabubuti sa mga tao kapag binibigyan sila ng lubos na kalayaang gawin ang gusto nila. Mas nakabubuti sa kanila na puno sila ng mga obligasyong higit pa sa gusto nila—mga obligasyon sa pamilya, sa Diyos, sa trabaho at sa bayan.”19

Bilang mga guro sa Simbahan, tulungan ang ating mga kabataan na magkaroon ng malinaw na pang-unawa sa plano ng kaligayahan ng Diyos kung saan may tunay na kagalakan ang Kanyang mga anak. Tulungan silang malaman ito, yakapin ito, makibahagi rito, at ipagtanggol ito. Sa 40 taon ko bilang General Authority, nag-aalala ako sa malaking bilang ng mga miyembro ng Simbahan, bata at matanda, na hindi nakauunawa sa plano para sa kanilang walang-hanggan at banal na tadhana.

Kaya, mga kasamahan kong guro, dapat nating hanapin at pagyamanin ang mga pagkakataong ito upang ipaliwanag, ayon sa doktrina at espiritu, kung bakit tayo naniniwala na ang kaalaman sa dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos ang sasagot sa karamihan ng mga “bakit” na itatanong sa atin. Ang pagpapahayag ng ating paniniwala sa premortal na buhay kung saan tayo nanirahan bilang mga espiritung anak ng Ama sa Langit at ng Ina sa Langit ay nagiging daan para ipaliwanag natin kung bakit nilikha ang daigdig na ito. Ang isang mahalagang layon ng mortal na buhay ay para matularan natin mismo ang karanasang iyon sa pamilya, sa pagkakataong ito bilang mga magulang sa halip na bilang mga anak lamang. Pahalagahan ang inyong pagkaunawa sa doktrina at layunin ng plano ng ating Ama sa Langit para sa ating walang-hanggang kaligayahan. At patuloy itong ituro.

Kaya, sa pagwawakas at bilang buod: Mula sa mensahe ni Elder Kim B. Clark sa gabing ito natutuhan natin na kayo ay mga gurong nagbuhat sa Diyos, puno ng pananampalataya, pag-asa, kababaang-loob, at pag-ibig.20

Ang mga puntong ibinahagi ko sa inyo ay:

  • Ituro sa mga estudyante na samahan ng dalisay na patotoo ang pagkatuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya. Turuan silang manatili sa bangka at kumapit nang mahigpit!

  • Ituro sa mga estudyante na kontrolin ang paggamit ng kanilang mga mobile device at magpokus sa pag-ugnay sa Banal na Espiritu sa halip na sa Internet.

  • Bakunahan ang mga estudyante ng mga katotohanan ng plano ng kaligtasan na matatagpuan sa ebanghelyo ni Jesucristo.

  • Sauluhin ang nilalaman ng mga sanaysay sa Gospel Topics.

  • Tandaan na ang “Bakit?” ay napakagandang tanong na humahantong sa pagkaunawa sa ebanghelyo.

  • Huwag isiping mas marami kayong alam, at huwag matakot na sabihing, “Hindi ko alam.”

  • Matuto habambuhay.

  • Humingi ng payo at pagwawasto mula sa mga taong pinagkakatiwalaan ninyo.

  • Isaisip ang pagkakaroon ng personal na interbyu paminsan-minsan para rebyuhin ang inyong espirituwal na paghahanda, sigasig, at pagiging epektibo.

  • Ituro na ang plano ng kaligayahan ay nagsisimula at nagwawakas sa pamilya. Laging isaisip ang plano ng kaligtasan.

  • Ituro na ang pag-aasawa at pamilya ay naghahatid ng walang-kupas na kagalakan.

  • Tandaan, kapag pinagsama-sama ang pagkatuto sa pamamagitan ng pag-aaral, pananampalataya, at dalisay na patotoo, naghahatid ito ng tunay at walang-kupas na pagbabalik-loob.

  • Higit sa lahat, ang malakas na pananalig sa Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo ay mahalaga sa ating espirituwal na kalakasan at pag-unlad.

Ngayon, minamahal kong kapwa mga guro, pagpalain nawa ng Diyos ang bawat isa sa inyo. Anuman ang inyong pasanin, maaari itong maalis. Nawa matagpuan ninyo ang galak at kapayapaang dulot ng kaalaman na sa pamamagitan ng inyong pagtuturo ay may naantig kayong buhay, napasigla ninyo ang isa sa mga anak ng Ama sa Langit sa kanyang paglalakbay sa lupa upang balang-araw ay makabalik sa Kanyang piling. Iniiwan ko sa inyo ang aking pagsaksi at patotoo na nasa atin ang kabuuan ng walang-hanggang ebanghelyo ni Jesucristo na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ang kabuuan ng ebanghelyo ay nasa ating mga kamay. Kailangan nating suriin ang ating puso at isipan at ituro ito nang may kapangyarihan. Pagpalain nawa ng Diyos ang bawat isa sa atin ang mapagpakumbaba kong dalangin at basbas, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. General Authority training meeting, Set. 29, 1992.

  2. Doktrina at mga Tipan 88:118.

  3. Harold B. Lee, sa Clyde J. Williams, ed. The Teachings of Harold B. Lee (1996), 331.

  4. Edward William Tullidge, The Women of Mormondom (1877), 412.

  5. F. Burton Howard, Marion G. Romney: His Life and Faith (1988), 63–64.

  6. Boyd K. Packer, “A Tribute to the Rank and File of the Church,” Ensign, Mayo 1980, 62.

  7. Tingnan sa M. Russell Ballard, “Manatili sa Bangka at Kumapit nang Mahigpit!” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 89–92.

  8. Tingnan sa Santiago 1:5.

  9. Jacob 4:8; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 101:32–34.

  10. Brent W. Webb, “Quest for Perfection and Eternal Life” (Brigham Young University annual university conference faculty session, Ago. 24, 2015), 10, speeches.byu.edu; tingnan sa Stav Atir, Emily Rosenzweig, at David Dunning, “When Knowledge Knows No Bounds: Self-Perceived Expertise Predicts Claims of Impossible Knowledge,” Psychological Science, Ago. 2015, 1295–1303; doi: 10.1177/0956797615588195.

  11. Tingnan Doktrina at mga Tipan 101:32–34.

  12. Brent W. Webb, “Quest for Perfection and Eternal Life,” 10, speeches.byu.edu.

  13. General Authority training meeting, Set. 29, 1992.

  14. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129.

  15. Tingnan sa Genesis 1:27–28.

  16. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4; 132:19.

  17. Tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:11 at Doktrina at mga Tipan 131:1–4.

  18. 2 Nephi 2:25.

  19. David Brooks, “The Age of Possibility,” New York Times, Nob. 15, 2012, nytimes.com.

  20. Kim B. Clark, “Ang mga Guro ay Nagbubuhat sa Diyos” (isang gabi kasama si Elder M. Russell Ballard, Peb. 26, 2016), broadcasts.lds.org.