At sa Kanila’y Sinabi ni Jesus: Ako ang Tinapay ng Kabuhayan
Isang Gabi Kasama si Elder Gerrit W. Gong
Mensahe sa CES Religious Educators • Pebrero 17, 2017 • Salt Lake Tabernacle
Mahal na mga kapatid, isang espesyal na pribilehiyo ang magtipon ngayong gabi. Salamat sa marami sa inyo sa magagandang mensahe ng pagmamahal at panghihikayat. Ngayong gabi, habang nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak kay Cristo,1 natututo tungkol kay Cristo, dalangin ko na nawa’y mapitagan tayong mas lumapit sa Kanya.
Mga kapamilya at mga asawa, karangalan kong makasama kayo. Kung ang plural ng “spouse” o asawa ay “spice” o pampasigla, ang “spouses” o mga asawa kung gayon ay “spices” o mga pampasigla. Ang mga asawa ang mga pampasigla natin sa buhay. Gumigising kayo nang maaga, napupuyat sa gabi, sumasampalataya sa bawat hakbang. Salamat sa inyo at sa lahat ng inyong ginagawa.
Ang atas na makibahagi sa isang Gabi Kasama ang Isang General Authority ay nasa isang liham na nilagdaan nina Pangulong Thomas S. Monson, Pangulong Henry B. Eyring, at Pangulong Dieter F. Uchtdorf. Dama ko ang pagmamahal ng ating Unang Panguluhan para sa bawat isa sa inyo nang hinihiling nila sa Panginoon na basbasan at bigyang-inspirasyon ang ginagawa natin ngayong gabi.
Nang una kong tanggapin ang assignment na ito, nagpaturo ako kina Elder Kim B. Clark at Brother Chad Webb tungkol sa inyo—na aming mga seminary at institute teacher, missionary, at empleyado ng CES sa buong mundo.
Nalaman ko na 45,731 na tinawag na mga seminary at institute teacher at mga missionary ang nagtuturo sa 133 bansa: 34,527 sa inyo ang naglilingkod sa labas ng Estados Unidos; 11,204 sa inyo ang naglilingkod sa loob ng Estados Unidos. Sa kabuuan, may ambag kayong 20,807,605 oras sa pangangaral ng ebanghelyo bawat taon. Salamat!
Nalaman ko na 2,878 empleyado ng Seminaries and Institutes of Religion ang naglilingkod sa 129 na bansa: 1,849 sa inyo ang nasa Estados Unidos at 1,029 sa inyo ang nasa labas ng Estados Unidos. Tapat kayong naglilingkod sa mga bansa sa buong mundo mula A (Albania) hanggang Z (Zambia)—bukod pa sa Botswana, Bulgaria, Hungary, Lithuania, at Mozambique. Salamat!
Ang ilan sa inyo ay nakapagturo na nang maraming taon. Halimbawa, si Sister Enid May, sa British Columbia, ay ini-release kamakailan matapos magturo sa seminary nang 35 taon. Tinuruan ni Sister May ang 9 sa 10 anak niya, 2 sa kanyang mga apo, at ang kasalukuyang bishop niya. Sabi ni Sister May, ipinagdasal niya na makatagal ang kotse niya sa bawat taon ng pagtuturo niya. Sa huling araw ng pagtuturo ni Sister May sa seminary, habang paatras siya sa kanyang garahe, bumigay rin sa wakas ang transmission ng kotse niya.
Ang iba sa inyo ay nagsisimula pa lang magturo. Halimbawa, sina Sister Jang Dongran sa Korea at Sister Johanna Mercader sa Dominican Republic, na nagsimulang magturo ngayong taon matapos maging miyembro ng Simbahan sa loob lang ng anim na linggo.
Si Sister Margaret Masai sa Kenya ay nagsimulang magturo sa seminary ilang linggo lang matapos sumapi sa Simbahan. Mabining sinasabi ni Sister Masai na ang kanyang mga estudyante, na ang marami ay isinilang sa Simbahan, ay naturuan at natulungan siyang magkaroon ng pundasyon sa ebanghelyo na nagpala sa 17 taon niyang pagtuturo sa seminary.
Kayo ay nagtuturo at naglilingkod sa lahat ng klima at kalagayan, sa mga estudyanteng iba’t iba ang pinagmulan, sa malalaki at maliliit na klase.
Si Brother Benjamin Hadfield ay nagtuturo sa North Pole, Alaska. At si Sister Lorena Tossen ay nagtuturo sa Ushuaia, malapit sa Antarctica, kung saan naroon ang South Pole.
Tuwing Miyerkules sa Salt Lake University Institute, halos 400 estudyante ang tinuturuan ni Brother Jared Halverson. Tinanong ko si Brother Halverson kung paano niya ito ginagawa. Sabi niya, “Tinuturuan ko ang grupo pero isa-isa ko silang tine-text.”
Sa Poland, si Sister Dagmara Martyniuk, na isa ring young single adult, ay gumigising nang maaga para magtrabaho sa panaderya, at ginagabi para magturo sa institute.
Ang seminary class ni Sister Myra Flores-Aquilar sa Honduras ay nagsisimula nang alas-5:00 ng umaga. At ang institute class ni Brother Reuben Adrover sa San Juan, Argentina, ay nagsisimula nang alas-10:00 ng gabi.
Kayo man ay nagtuturo at nangangasiwa sa mga primary at secondary class sa Mexico, Kiribati, Fiji, Tonga, at Samoa.
Dahil sa inyo, mas maraming kabataan at young adult ang nagbabasa ng scriptures at mga salita ng mga buhay na propeta kaysa rati.
Dahil sa inyo, mas maraming kabataang natututong magtamo ng espirituwal na kaalaman at sumagot sa sarili nilang mga tanong sa pag-unawa sa doktrina.
At dahil sa inyo, mas nailalapit ng Cornerstone courses sa lahat ng paaralan at institute ng Simbahan ang mga estudyante kay Jesucristo, ang Punong Batong-Panulok.
Muli, hinahangaan namin kayo at ang inyong paglilingkod. Saanman kayo naroon, anuman ang inyong sitwasyon, salamat sa pagtitipon ninyo ngayong gabi nang may bukas na puso’t isipan—nag-iisa man kayo, may kasama, o mas marami pa sa Kanyang pangalan.2
Minsan, matapos ang mahabang assignment naming dalawa, nang malapit na kaming lumapag sa Salt Lake airport, sa mainit na pag-asam ay sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, “Gerrit, naglalagay na ng tinapay ang asawa kong si Donna sa oven ngayon. Bagong luto at mainit pa ang tinapay pagdating ko sa bahay.”
Naiisip o naaalala mo ba ang masarap na tinapay? Naaamoy mo ba ito—bagong luto at mainit? Nalalasahan mo ba ito—manamis-namis siguro, at medyo maalat?
Lahat ay kumakain ng tinapay. Nakakain na ng tinapay ang mga tao sa lahat ng panahon at sitwasyon. Siyempre, sa grupo nating nakakalat sa buong mundo, iba-iba ang laki, hugis, at sangkap ng tinapay, at iba-iba pa ang tawag.
Siguro dahil nauunawaan at nakaasa ang lahat ng tao sa tinapay. Ipinahayag ng ating Tagapagligtas: “Ako ang tinapay ng kabuhayan.”3
Sa mundong ito, sa gitna ng mga tinik at dawag, kumakain tayo ng tinapay na pinagpawisan natin, tulad ng ginawa nina Eva at Adan. Ang kalayaang moral ay kaakibat ng mga tunay na pagpili. Ang espirituwal na paglago ay kaakibat ng mga tunay na hamon. Ngunit hindi pinababayaan ng ating Tagapagligtas na puro hirap at sakit, limitasyon at kakulangan lang ng mundong ito ang ating maranasan. Binibiyayaan tayo ng ating Tagapagligtas ng manna, ng pagkain araw-araw, ng Kanyang pangako ng sakramento na magkakaroon tayo ng mas saganang buhay, pag-asa, at kagalakan.4
Ipinahayag ng ating Panginoon:
“Ako, ang Panginoon, ay pinalawak ang kalangitan, at ginawa ang lupa, gawa ng aking kamay; at lahat ng bagay rito ay akin.
“At layunin ko ito na maglaan para sa aking mga banal. …
“Sapagkat ang lupa ay sagana, at may sapat at matitira.”5
Sa madaling salita, ang Kanyang mundo ay hindi puro hirap at sakit. Ang Kanyang mundo ay puno ng tinapay at isda.
Naaalala ba ninyo kung paano pinakain ni Jesus ng ilang tinapay at isda ang maraming tao? Panoorin natin ito at isipin natin na naroon tayo.
[Video]
Jesus: “Napakaraming tao.”
Disipulo 1: “Ilang ang dakong ito, at lampas na sa panahon. Paalisin mo na ang mga karamihan, upang sila’y magsiparoon sa mga nayon, at sila’y mangakabili ng kanilang makakain. [Wala silang makain.]”
Jesus: “Bigyan ninyo sila ng makakain.”
Disipulo 2: “Magsisiyaon ba kami at magsisibili ng dalawang daang denariong tinapay, at ipakakain namin sa kanila?”
Jesus: “Ilang tinapay mayroon kayo?”
Disipulo 1: “Lima, at dalawang isda.”
Jesus: “Dalhin ninyo rito sa akin. Hatiin ninyo ang mga tao sa tiglilimampu, upang mapakain sila. … O Ama, Panginoon ng langit at lupa, salamat po sa Inyong mga biyaya. Amen.”6
[End of video]
Apat na salaysay sa Bagong Tipan7 ang naglalarawan sa pagpapakain ng ating Tagapagligtas sa 5,000 tao. Dalawa pang salaysay sa Bagong Tipan ang naglalarawan,8 sa isa pang okasyon, sa pagpapakain ng ating Tagapagligtas sa 4,000 tao. Tila bukod pa sa mga lalaki sa grupong iyon ang mga babae at bata.9
Sinasabi natin kung minsan na nakasubaybay ang Diyos sa lahat. Kamakailan ay pinagsama-sama ko ang mga detalye sa banal na kasulatan tungkol sa pagpapakain ng ating Tagapagligtas sa 5,000 tao mula sa mga Ebanghelyo ayon kina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan, pati na sa mga tala sa Biblia, sa iisang buong kuwento.
Puwede bang hilingin ninyo sa Espiritu Santo na buksan ang ating pang-unawa habang pinag-aaralan natin ang mga salaysay sa banal na kasulatan at mga alituntunin ng ebanghelyo na matatagpuan sa mga halimbawa ng ating Tagapagligtas?
Dalangin namin na sa ibayong pagpapahalaga sa ministeryo ng ating Tagapagligtas ay mas mapalapit tayo, ang ating pamilya, at ating mga estudyante sa Kanya.
Narito ang ating pinagsamang talata sa scriptures:
“At ang mga apostol ay nangagpisan kay Jesus; at isinaysay nila sa kaniya ang lahat ng mga bagay na kanilang ginawa, at ang lahat ng kanilang itinuro.
“At sinabi niya sa kanila, Magsiparito kayo ng bukod sa isang dakong ilang [isang tago, o tahimik, na lugar], at mangagpahinga kayo ng kaunti. Sapagka’t marami ang nangagpaparoo’t parito, at sila’y hindi man lamang mangagkapanahon na magsikain. …
“At nangakita sila ng mga tao sa pagalis, at sila’y nangakilala ng marami at paraparang nagsisitakbo na nagsiparoon doon mula sa lahat ng mga bayan, at nangaunang nagsirating pa kay sa kanila.
“At lumabas [si Jesus,] at nakita ang lubhang maraming tao, at nahabag siya sa kanila, sapagka’t sila’y gaya ng mga tupa na walang pastor.”10
“At sila’y tinanggap niyang may galak at sinasalita sa kanila ang tungkol sa kaharian ng Dios, at pinagagaling niya ang nangagkakailangang gamutin.”11
“At nang magtakipsilim na, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad, na nagagsasabi, Ilang ang dakong ito, at lampas na sa panahon; paalisin mo na ang mga karamihan,”12 “upang sila’y magsiparoon sa mga bayan at mga nayon sa palibotlibot nito, at mangagsibili ng anomang makakain.”13
“Datapuwa’t sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi kailangang sila’y magsialis; bigyan ninyo sila ng makakain.”14
“At sinabi nila sa kaniya, Magsisiyaon ba kami at magsisibili ng dalawang daang denariong tinapay, at ipakakain namin sa kanila?”15
“Sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, si Andres, na kapatid ni Simon Pedro,
“May isang batang lalake rito, na mayroong limang tinapay na sebada, at dalawang isda: datapuwa’t gaano na ang mga ito sa ganyang karamihan?”16
“Sinabi niya, Dalhin ninyo rito sa akin.”17
“At iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat na pulupulutong sa ibabaw ng damuhang sariwa.”18 “Madamo nga sa dakong yaon.”19 “At sila’y nagsiupong hanayhanay na tigsasangdaan, at tiglilimangpu.”20
“At kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang [binasbasan], at pinagputolputol,”21 “at nang makapagpasalamat, ay”22 “ibinigay ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan.”23 “At ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda”24 “kung gaanong ibigin nila.”25
“At nagsikain silang lahat,”26 “at nangabusog ang lahat.”27
“At nang sila’y mangabusog, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Pulutin ninyo ang mga pinagputolputol na lumabis, upang walang anomang masayang.”28
“At kanilang pinulot ang lumabis na pinagputolputol”29 “at nangapuno ang labingdalawang bakol ng mga pinagputolputol sa limang tinapay na sebada”30 “at mga isda”31 “na lumabis sa nagsikain.”32
“At ang mga nagsikain ay may limang libong lalake, bukod pa ang mga babae at ang mga bata.”33
“At pagkatapos na [magpaalam siya sa mga tao], ay naparoon siya sa bundok upang manalangin.”34
“Kaya’t nang makita ng mga tao ang tandang ginawa [ni Jesus], ay kanilang sinabi, Totoong ito nga ang propeta na paririto sa sanglibutan.”35
Ano ang napansin, o nadama, o natutuhan ninyo nang pakainin ni Jesucristo ang bawat isa sa atin, at tayong lahat, ng limang tinapay at dalawang maliliit na isda? Ang mga tinapay ba ay parang manna, sintamis ng kulantro at pulot?36 At paano tayo napakain ng dalawang maliliit na isda—at nabusog—tayong lahat?
Narito ang siyam na bagay na napansin at nadama ko. Siguro matutulungan tayo nito na mas maunawaan ang ating Tagapagligtas, mas mapalapit sa Kanya, at hinihikayat tayong maging higit na katulad Niya.
Tema 1: Nahabag ang ating Tagapagligtas.
Marami sa mga himala ng ating Tagapagligtas ang nagsisimula sa Kanyang pag-unawa at habag. Batid Niya ang ating niloloob at sitwasyon. Puspos Siya ng pagkahabag sa ating mga inaasam at pasakit, ating mga hangarin at pangangailangan.
Mahirap ang panahong iyon. Pinugutan ng ulo si Juan Bautista, ipinasok [sa silid] ang kanyang ulo na nakapatong sa isang plato, ang pangako ng isang nagsisising hari sa mananayaw na anak ng isang malupit na ina. Nagtungo ang ating Tagapagligtas at ang Kanyang mga disipulo sa isang tagong lugar para magpahinga. Subalit ano ang nadama ng ating Tagapagligtas nang makita Niya ang maraming tao? “Nahabag siya sa kanila.”37 Tinanggap Niya sila. Tinuruan Niya sila. Pinagaling Niya sila. At, sa napaka-praktikal na paraan, batid Niya na “[wala silang makain].”38
Sa pamamagitan ng Kanyang ministeryo, nahahabag ang ating Tagapagligtas—nahabag sa ketongin,39 nahabag sa anak na lalaki na kinubabawan ng masamang espiritu,40 nahabag sa balo na ang kaisa-isang anak na lalaki ay namatay.41 Tinuturuan tayo ng ating Tagapagligtas na maging katulad ng mabuting Samaritano na nahabag sa lalaking sugatan at iniwang halos patay na.42
Gayundin, nahabag ang ama ng alibughang anak at tinakbo ang kanyang anak na “nasa malayo pa.”43 Ang nakakatuwa, kung tinapay ang pag-uusapan, nang ang alibughang anak ay “makapag-isip,” natanto niya “Ilang mga alilang upahan ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain.”44
Ang ating Tagapagligtas ay nagsisimula sa pagkahabag. Nagtatapos Siya sa magiliw na kabaitan.
Nakasaad sa ebanghelyo na matapos pakainin ni Jesus ang maraming tao, “[pinaalis] niya sila.” Ngunit nilinaw ito sa footnote sa Marcos. Sa halip na “[pinaalis] niya sila,” ang sabi sa footnote ay “[nagpaalam] siya sa mga tao.”45 Hindi ba ninyo naririnig ang mahabaging pamamaalam ni Jesus sa mga tao habang umaalis sila matapos Niya silang pakainin?
Tema 2: Nagsimula ang ating Tagapagligtas sa kung ano ang mayroon sila.
Sa kagustuhang mapakain ang maraming tao, nagsimula ang ating Tagapagligtas sa pagtatanong sa Kanyang mga disipulo kung ano ang mayroon sila. Siya ang Lumikha ng daigdig, ang Panginoon ng langit at lupa, subalit nagsisimula Siya sa kung ano ang mayroon sila, kung saan sila naroon.
“May isang batang lalake rito, na mayroong limang tinapay na sebada, at dalawang isda.”46
Ang ating Tagapagligtas ay nagsisimula sa kung ano ang mayroon sila: “Dalhin ninyo rito sa akin.”47
Tinitingnan ba ninyo kung sino kayo, kung ano o sino ang tuturuan ninyo, at iniisip ninyo kung paano sasapat ang kung ano ang mayroon kayo? Siguro, gaya ng mga disipulo, tinitingnan natin ang kakaunting maliliit na tinapay at isda natin at namamangha tayo, “Datapuwa’t gaano na ang mga ito sa ganyang karamihan?”48
Bilang mga guro, inaanyayahan natin ang bawat estudyante na mag-ambag sa klase. Ang ilang estudyante ay maraming inaambag, ang ilan ay kakaunti. Bilang mga mag-aaral at guro (at tayo ay parehong gayon), nagsisimula tayo sa kung ano ang mayroon tayo, kung sino tayo ngayon. Sa gayon ay mapapalaki at mapaparami Niya ang ating mga pagsisikap. Ang alituntunin ng paglago kung saan tayo naroon ay nagpapakita ng katotohanan sa Aklat ni Mormon na naligtas tayo sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, “sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”49
Ngumingiti Siya kapag dinala natin kung ano ang mayroon tayo at kung sino tayo at lumapit tayo sa Kanya.
Tema 3: Nagpatuloy ang ating Tagapagligtas sa maayos na paraan.
Naipit na ba kayo sa napakaraming tao na nagtutulakan at nagbabalyahan at nag-aagawan sa isang bagay? Naranasan ko na iyan. Walang pakialam ang mga tao sa harap sa mga tao na nasa likod. Natakot ako na kung may madapa, matatapakan sila.
Sa kabilang dako, “iniutos [ng ating Tagapagligtas] sa kanila [mga disipulo] na paupuin silang lahat na pulupulutong.”50 Ang mga grupong ito ay nakaupo nang “hanayhanay, na tigsasangdaan, at … tiglilimangpu.”51
Sa Simbahan, pinag-uusapan natin ang isang pulutong ng mga pioneer. Pinag-uusapan natin ang isang pulutong na sumasamba sa templo. Para sa atin, ang kahulugan ng salitang pulutong ay isang maayos na grupo na mas mataas ang nagkakaisang layunin.
At, kahit tinawag iyon na dakong ilang, hindi pinaupo ng ating Panginoon ang mga tao sa maalikabok na lupa. Pinaupo Niya ang mga pulutong sa “damuhang sariwa.”52 Pinili Niya ang isang lugar kung saan “madamo nga sa dakong yaon.”53
Tema 4: Nagpasalamat ang ating Tagapagligtas.
Kinuha Niya ang mga tinapay at isda, at “pagtingala sa langit, ay kaniyang [binasbasan], at pinagputolputol.54
Maylikha ng langit at lupa, nagpasalamat ang Hari ng mga hari mismo bago hinati-hati ang mga tinapay at isda at pinarami ang mga ito para sa lahat, “kung gaanong ibigin nila” na kainin.55
Tema 5: Pinakain ng ating Tagapagligtas ang mga disipulo at inutusan silang pakainin ang mga tao.
Kaayusan ito, ngunit higit pa ito sa kaayusan. Pinalalakas nito ang mga pastol para mapalakas ng mga pastol ang mga tupa. Tinuturuan nito ang mga guro para maturuan ng mga guro ang mga estudyante. Banal na huwaran ito sa Biblia, sa Aklat ni Mormon, at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan: at Kanyang “ibinigay ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan.”56
Ito ang dakilang kaloob ng espirituwal na pagbibigay at pagtanggap. Sa pagkaalam na magtuturo tayo, natututo tayo. Sa pagtuturo sa iba na matuto, natututo tayong magturo. Ang ating halimbawa ng pagkatuto at pagtuturo ay nagpapaalam sa ating mga estudyante na sila man ay maaaring matuto at magturo.
Tema 6: Pinakain ng ating Tagapagligtas ang 5,000 at gayundin ang isang nawawala.
Sa mahimalang paraan, hinati-hati ang mga tinapay at isda at pinarami para sa bawat isa sa maraming tao: “At nagsikain silang lahat,”57 “at nangabusog ang lahat.”58
Ito ay himalang hangad nating mga guro—na ituro sa buong klase at sa bawat tao sa klase. Kailangan dito ang pag-aaruga sa 5,000 at sa isang nawawala. Hinihikayat nitong lutasin ang mga problema at pangangailangan ng lahat. At, higit pa sa balanse, naghihikayat ito ng espirituwal na himala upang ang ating simula ay maging sapat.
Tema 7: Tiniyak ng ating Tagapagligtas na walang masasayang o mawawala.
“At nang sila’y mangabusog, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Pulutin ninyo ang mga pinagputolputol na lumabis, upang walang anomang masayang.”59
Bahagi ng pagsisimula ng pasasalamat para sa anumang mayroon tayo ang pagtiyak na walang masasayang o mawawala kapag nagtapos tayo. Walang nasasayang sa ekonomiya ng langit. Lahat ay pinaglaanan na sa simula; walang dapat mawala sa huli.
Ibinahagi ni Elder Richard G. Scott kung paano natin maisusulat ang mga impresyon at matututo kung may iba pang dumating.60 Ang paulit-ulit na prosesong ito ng paghingi, pagtanggap, pagtatala, pagninilay, pagsunod, na nagtatanong kung may iba pang nagpapakita ng pahayag ng ating Tagapagligtas na “sinoman ay may mga pakinig … higit pa ang sa inyo’y ibibigay.”61
At mayroon pang iba. Sa paglalarawan sa Kanyang sarili bilang tinapay ng kabuhayan, sinabi ng ating Tagapagligtas: “At ito ang kalooban ng [Ama na] nagsugo sa akin, na sa lahat na ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anoman.”62 Iniingatan Niya yaong mga ibinigay sa Kanya ng Ama, para walang mawala. Bilang mga guro, missionary, empleyado, ginagawa natin ang lahat gamit ang ating pananampalataya at lakas na ingatan ang mga ipinagkatiwala sa atin, para walang mawala.
Tema 8: Kasama ang ating Tagapagligtas, nagtapos tayo na mas marami pa ang natira kaysa nang magsimula tayo.
Buong pasasalamat na tinitiyak na walang nasayang o nawala, natanto ng mga disipulo ang isa pang himala: “At kanilang pinulot ang lumabis na pinagputolputol”63 “at nangapuno ang labingdalawang bakol ng mga pinagputolputol sa limang tinapay na sebada”64 “at mga isda”65 “na lumabis sa nagsikain.”66
Ang himala ng espirituwal na pagpaparami ay na, kasama ang ating Tagapagligtas, nagtatapos tayo na marami pa ang natira kaysa nang magsimula tayo. Nagtatapos tayo na mas nagmamahal, mas natuto, mas nagkainspirasyon, mas mabait kaysa nang magsimula tayo. Ang pagtuturong puspos ng Espiritu ay bumabalik na parang tinapay sa ibabaw ng tubig—gaya ng mga tinapay at isda, nang mas marami kaysa nang magsimula tayo.
Ibuod natin ang ating natalakay:
Nauunawaan ng ating Tagapagligtas ang ating niloloob at sitwasyon. Nahahabag Siya kaya binibiyayaan at binubusog Niya tayo sa lahat ng paraan.
Nagsisimula Siya kung saan tayo naroon, kung ano ang mayroon tayo, at tinanggap pa Niya ang ilang tinapay at isda mula sa isang bata.
Nagpapatuloy ang ating Tagapagligtas sa maayos na paraan.
Nagpapasalamat Siya. Tumitingala Siya sa langit bago Niya basbasan at pagputul-putulin ang tinapay.
Nagbabahagi muna Siya sa mga disipulo, at inuutusan ang mga disipulo na bigyan ang mga tao.
Alam Niya kung paano pangalagaan at turuan ang 5,000 gayundin ang isang taong nawawala.
Buong pasasalamat Niyang tinitipon ang anumang mayroon tayo, para walang masayang o mawala.
Ipinauunawa Niya sa atin na nagtapos tayo nang may marami pa kaysa nang magsimula tayo.
At mayroon pang iba. Hindi pagpapakain sa maraming tao ang una ni huling pagkakataon na ginamit ng ating Tagapagligtas ang tinapay at isda para ituro at patotohanan ang Kanyang saganang pagpapala.
At ang ating ikasiyam at huling tema:
Tema 9: Para sa mga tao na may mga matang nakakakita at mga taingang nakaririnig, itinuro at pinatotohanan ng ating Tagapagligtas ang saganang pagpapala ng sakramento.
“Kaya’t nang makita ng mga tao ang tandang ginawa [ni Jesus], ay kanilang sinabi, Totoong ito nga ang propeta na paririto sa sanglibutan.”67
Kalaunan, nang tukuyin Niya mismo ang mga tinapay at isda, itinanong ng ating Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo:
“Hindi baga ninyo nangaaalaala?
“Nang aking pagputolputulin ang limang tinapay sa limang libong lalake, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang inyong binuhat? Sinabi nila sa kaniya, Labindalawa.
“At nang pagputolputulin ang pitong tinapay sa apat na libo, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang binuhat ninyo? At sinabi nila sa kaniya, Pito.”68
Ulitin natin: Ang Kanyang mundo ay puno ng tinapay at isda, ng saganang pagpapala.
Sa babae sa tabi ng balon, na partikular na makahulugan sa tigang na lupain, ipinahayag ng ating Tagapagligtas na Siya mismo ang tubig na buhay. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni’t ang tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.”69
Para sa mga taong nagtatanong kay Jesus ng, “Nagsikain ang aming mga magulang ng mana sa ilang, mabibigyan ba Ninyo kami ng tinapay na makakain mula sa langit?”70 ang sagot ni Jesus ay, “Ang aking Ama ang nagbibigay … ng tunay na tinapay na galing sa langit.”71 “Ako ang tinapay ng kabuhayan.”72 “Ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan.”73
Wala nang mas pangunahin, mas mahalaga, o mas panlahatan kaysa tinapay at tubig. Ano ang natatanggap natin kapag nagsama ang tinapay ng kabuhayan at ang tubig na buhay? Siyempre, natatanggap natin ang sakramento.
Sa pagtatapos ng Kanyang mortal na ministeryo, sa huwarang nakita na ng mga disipulo noon, ang ating Tagapagligtas ay “dumampot ng tinapay, at nang siya’y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi … gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.”74
Sa simula ng Kanyang ministeryo matapos Siyang mabuhay na mag-uli, na muling nagpapakita ng pamilyar na huwaran, pinasimulan ng ating Tagapagligtas ang sakramento sa mga Nephita, ang iba Niyang mga tupa:
Inutusan Niya ang Kanyang mga disipulo na magdala ng tinapay at alak.
Pinaupo Niya ang mga tao sa lupa.
Kinuha Niya ang tinapay at pinagputul-putol ito at binasbasan.
Ibinigay Niya ito sa mga disipulo at iniutos na kumain sila.
At nang makakain at mabusog ang mga disipulo, inutusan Niya sila na bigyan ang mga tao.
Kumain ang mga tao at nabusog.75
Kalaunan, muling nangasiwa ng sakramento ang ating Panginoon sa mga Nephita, at sa pagkakataong ito ay mahimalang naglaan ng tinapay at alak:
“Ngayon, walang tinapay, ni alak… ;
“Ngunit tunay na kanyang ibinigay sa kanila ang tinapay upang kainin, at gayon din ang alak upang inumin.”76
Nangako Siya na sila na kumain ng tinapay at uminom ng alak sa kanilang kaluluwa “ay hindi kailanman magugutom ni mauuhaw, kundi mabubusog.”77
Tunay ngang “nang matapos makakain at makainom na lahat ang maraming tao, masdan, sila ay napuspos ng Espiritu.”78
Ito ang katuparan ng dakilang pangako ng sakramento sa kalalakihan at kababaihan sa lahat ng panahon, sa lahat ng sitwasyon, sa bawat isa sa atin na ang buhay mismo ay nakaasa sa tinapay at tubig: “Mapapalad silang lahat na nagugutom at nauuhaw sa kabutihan, sapagkat sila’y mapupuspos ng Espiritu Santo.”79
Mga kapatid, salamat sa pagiging kahanga-hangang mga mag-aaral at guro sa daigdig na gutom at uhaw sa espirituwal! Salamat sa pagtulong ninyong gawin ang bawat aralin, bawat pagtugon ng estudyante, na parang espirituwal na piging ng mga tinapay at isda!
Mga kapatid, nag-umapaw sa puso ko ang pinagmumulan ng tubig na buhay na may lubos na pagmamahal sa aking Tagapagligtas.
Kamakailan, nang magkaroon ako ng pribilehiyong magpasa ng tinapay at tubig, nadama ko ang malaking pagmamahal ng ating Tagapagligtas sa mga tumatanggap ng mga sagradong simbolong iyon. Nakadama rin ako ng malaking pasasalamat sa ating Tagapagligtas sa pagpapasimula ng ordenansa ng sakramento.
Paminsan-minsan, habang nagninilay ako (kahit sa araw ng Sabbath), nadarama ko ang tahimik na pagsang-ayon na ginagawa ko ang lahat ng kaya ko sa ngayon. Mas madalas, nadarama ko ang pag-asa at panghihikayat na maaari akong “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya,”80 sa kabila ng aking mga pagkukulang.
Sana’y magbago ang pananaw ng bawat isa sa inyo sa tinapay at isda, at sa tinapay at tubig.81
Kayo sana’y malugod, magsapalaran, at magkaroon ng inspirasyon sa pagkakaugnay ng mga salaysay sa banal na kasulatan, mga alituntunin ng ebanghelyo, at mga salita ng mga buhay na propeta at apostol sa pagganap ninyo sa sagradong tungkuling ipinagkatiwala sa inyo na tulungan ang ating mga estudyante na mas makilala ang ating Tagapagligtas at mapitagang lumapit sa Kanya.
Sana natatandaan ninyo na “ang lupa ay sa Panginoon at ang buong narito.”82 Ang Kanyang mundo ay puno ng mga tinapay at isda. Ang pangako ng Kanyang sakramento ay sapat ang kasaganaan at may matitira.
Buong pasasalamat kong pinatototohanan ang Diyos, ang ating Amang Walang Hanggan; ang Kanyang Banal na Anak, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo; at ang Espiritu Santo. Buong pasasalamat kong pinatototohanan ang ipinanumbalik na mga katotohanan at walang-patid na pagpapatuloy ng awtoridad ng priesthood mula kay Propetang Joseph hanggang kay Pangulong Thomas S. Monson ngayon, ng mga banal na kasulatan, at ng kapanatagan, patnubay, at kagalakang natatanggap natin kapag sumasaatin ang Kanyang Espiritu habang inaalaala natin Siya palagi.
Saanman kayo naroon, anuman ang inyong sitwasyon, mga kagalakan at hamon, sana’y nadama ninyo sa pagsasama natin ngayong gabi kung gaano kayo kamahal ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan. Nadarama Niya iyon. Gayundin tayo. Sa sagrado at banal na pangalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.
© 2017 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 12/16. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 12/16. Pagsasalin ng “And Jesus Said unto Them: I Am the Bread of Life.” Tagalog. PD60003279 893