Kumperensya ng mga Tagapagturo ng Relihiyon ng CES
Doctrinal Mastery at Malalim na Pag-aaral


6:13

Doctrinal Mastery at Malalim na Pag-aaral

Isang Gabi Kasama si Elder Gerrit W. Gong

Mensahe sa CES Religious Educators • Pebrero 17, 2017 • Salt Lake Tabernacle

Mahal kong mga kapatid, natutuwa ako sa pagkakataong ito na makasama kayo ngayong gabi. Bago ko ipakilala si Elder Gong, may nais akong ibahagi sa inyo na sana ay makatulong sa inyo at sa inyong mga estudyante.

Gusto ko munang ipaabot ang pagmamahal ko sa inyo at salamat sa inyong ginagawa. Napakaganda ng inyong ginagawa sa kaharian ng Diyos at sa buhay ng inyong mga estudyante. Mahal ko kayo, at dalangin ko na ang pinakapiling mga pagpapala ng Panginoon ay mapasainyo at sa inyong mga pamilya.

Gusto kong banggitin ngayong gabi ang tungkol sa Doctrinal Mastery. Ang sasabihin ko ay angkop lalo na sa mga nagtuturo ng seminary, pero para sa ating lahat ito.

Ang Doctrinal Mastery ay isang program sa seminary na may tatlong pakay: una, tulungan ang ating mga estudyante na malaman kung paano magkaroon ng espirituwal na kaalaman; pangalawa, tulungan ang mga estudyante na malaman at maunawaan ang doktrina ng Tagapagligtas—ibig sabihin malaman ang tunay na doktrina sa kanilang isipan at maunawaan ang tunay na doktrina sa kanilang puso, at nais nating bumaon ito sa kanilang puso; at pangatlo, tulungan ang mga estudyante na malaman kung paano ipamuhay ang doktrina, kapwa ipamuhay ito mismo at gamitin sa pagsagot sa mga tanong ng kanilang mga kaibigan o para turuan at tulungan ang iba na malaman ang katotohanan.

Ang Doctrinal Mastery ay pinasimulan sa buong mundo noong nakaraang fall semester. Gusto kong malaman at madama ninyo sa inyong puso na dumating ito sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Panginoon; isa itong himala. Napag-isipan ko na nang madalas kung paano ito dumating at kailan at bakit ito dumating. Nakita ko ang Doctrinal Mastery sa mas malaking aspeto ng edukasyon sa Simbahan at sa dakilang gawain ng Panginoon sa lupa.

Naniniwala ako na ang Doctrinal Mastery ay tumutulong sa paglago ng ating mga estudyante sa kaalaman at pang-unawa sa doktrina at tinutulungan silang malaman kung paano gamitin ang kaalaman at pang-unawang iyon sa kanilang buhay. Pero higit pa roon ang nagagawa nito. Itinuturo din nito sa ating mga estudyante ang paraan ng Panginoon para lumalim ang pag-aaral sa anumang uri ng kaalaman sa anumang panahon sa kanilang buhay.

Lumalalim ang pagkatuto kapag dinaragdagan nito ang ating kapangyarihang gawin ang tatlong bagay: (1) malaman at maunawaan; (2) gumawa ng mabisa at mabuting hakbang; at (3) maging lalo pang katulad ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.1

Ang malalim na pag-aaral ay kailangang gawin sa paraan ng Panginoon, sa kapangyarihan ng Espiritu Santo at sa aktibo, masigasig na pag-aaral at pagtuturo sa isa’t isa, na may biyaya ni Jesucristo. Totoo ito sa anumang uri ng kaalaman at sa anumang panahon ng buhay.

Ito mismo ang itinuturo natin sa ating mga estudyante sa Doctrinal Mastery (at, sana, sa lahat ng itinuturo natin). Ang Doctrinal Mastery, kung gayon, ay lagusan tungo sa habambuhay na malalim na pag-aaral.

Gusto kong tapusin ang mensahe ko sa dalawang paanyaya. Ang una ay sa inyo na mga nagtuturo sa seminary. Minamahal kong mga kapatid sa buong mundo, sana makita ng inyong mga estudyante na tinuturuan ninyo silang matuto sa paraan ng Panginoon. Turuan sila na kailangang malalim ang kanilang pagkatuto kapwa sa espirituwal at sekular na kaalaman habang sila ay nabubuhay. Tulungan silang makita na hindi ito nagtatapos sa graduation sa seminary. Gusto nating makatapos sila sa institute, at gusto nating patuloy silang mag-aral pagkatapos ng high school. Tinutulungan ninyo silang gawin kapwa ito at ilatag ang pundasyon para sa habambuhay, na malalim na pagkatuto sa pagtuturo sa kanila kung paano matuto sa paraan ng Panginoon.

Ang pangalawa kong paanyaya ay sa inyo na nagtuturo sa institute. Minamahal kong mga kapatid, pakitulungan ang inyong mga estudyante na matuto sa paraan ng Panginoon. Pakitulungan silang makita ang halaga at bisa sa kanilang buhay ng pagtatapos sa institute. Ang pagtatapos sa Institute ay tanda ng pagkumpleto sa isang sistematiko, at masusing pag-aaral ng ebanghelyo. Ang pagtatapos sa institute ay magpapatatag sa kanilang pang-unawa sa ebanghelyo, magpapalalim ng kanilang patotoo at pangako sa Panginoon, at tutulungan sila nitong makilala at mahalin si Jesucristo.

Alam ko na kung tatanggapin ninyo ang mga paanyayang ito, pagpapalain kayo ng Panginoon at Tagapagligtas, at ang inyong mga estudyante. Nagpapatotoo ako na ang ating Ama sa Langit ay buhay at mahal Niya tayo. Ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Alam ko na Siya ay buhay. Alam ko na sa Kanya at sa pamamagitan Niya ay magiging malalim ang pagkatuto nating lahat, dahil Siya ang Daan, ang Katotohanan, at ang Kabuhayan. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Tala

  1. Ang pattern ng “alamin, gawin, maging” ay ginamit nang malawakan bilang balangkas para sa leadership development at sa talakayan ukol sa plano ng Panginoon para sa espirituwal na pag-unlad ng Kanyang mga anak. Tingnan sa Thomas S. Monson, “To Learn, To Do, To Be,” Ensign, o Liahona, Nob. 2008; at Dallin H. Oaks, “The Challenge to Become,” Ensign, Nob. 2000, 32–34. Para sa malaliman na pagsuri sa bawat elemento ng pattern na ito, tingnan sa tatlong tomong serye ni David A. Bednar: Increase in Learning (2011), Act in Doctrine (2012), at Power to Become (2014).