Espirituwal na Kaligtasan
Ang Kapangyarihan ni Jesucristo at ng Dalisay na Doktrina kasama si Elder Neil L. Andersen
Linggo, Hunyo 11, 2023
Pambungad na Mensahe
Mga kapatid, magandang gabi. Sa ating mga guro ng relihiyon na nagtipon sa iba’t ibang bahagi ng mundo, haayan muna ninyo akong magbahagi ng aking taos-pusong pasasalamat sa inyong pagtuturo at paglilingkod sa ating mga mag-aaral. Literal na nasa mga klase ninyo ang hinaharap ng Simbahan. Sa paglalakbay ako sa mga klase sa seminary, institute, at unibersidad sa iba’t ibang bahagi ng mundo, nabigyang-inspirasyon ako sa paraan ng pangangalaga ninyo sa mga estudyante at pagtulong sa kanila na i-angkla ang kanilang buhay kay Jesucristo. Noong unang kausapin ni Maria Magdalena ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, ang titulong pinili niya ay “Raboni.”1 Inulit ito ng teksto bilang “Panginoon,” ngunit ang salin sa Griego ay “Guro.” Napakarangal ng tungkulin natin bilang mga guro, na gabayan ang ating mga mag-aaral patungo sa Dalubhasang Guro, maging si Jesucristo.
Kasunod ng aking pambungad na pananalita, maririnig natin ang mensahe mula sa Apostol ng Panginoong Jesucristo tungkol sa kung paano magturo ng katotohanan sa mundo ng dumaraming kalituhan at panlilinlang. Nagkaroon ako ng isang karanasan kamakailan na nagpaigting ng aking pagkaunawa sa pagsubok na ito. Itinalaga ako kasama ni Pangulong Henry B. Eyring sa BYU–Hawaii, kung saan sinabi ng isang estudyante ang pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”2 Tinanong ng estudyante ang implikasyon nito sa mga young adult. Ipinaliwanag ko kung paano sila tutulungan ng Espiritu na gumawa ng mahahalagang pagpili sa buhay tungkol sa kung ano ang pag-aaralan, sino ang ide-deyt at pakakasalan, at kung saan magtatrabaho at titira.
Pagkatapos ay sumagot si Pangulong Eyring sa pag-uulit ng mahalagang parte sa pahayag ni Pangulong Nelson kung saan inilarawan niya kung paano “espirituwal na makaligtas.” Binigyang-diin niya na ang espirituwal na kaligtasan na kakailanganin natin ay higit pa sa mga simpleng pagpili sa buhay na binanggit ko. Ipinaliwanag niya kung paano mamumuhay ang ating mga kabataan at young adult sa isang panahon kung saan ang katotohanan ay matalinong itinatago ng kaaway at na kung wala ang Espiritu Santo, napaka-imposible—lalong magiging mahirap—na matukoy ang mabuti sa masama, ang katotohanan sa kamalian. Ang espirituwal na kaligtasan samakatuwid ay pagkilala sa katotohanan.
Ngayong gabi, umaasa ako na pag-iisipan natin kung paano tuturuan ang ating mga estudyante na kilalanin ang katotohanan. Nawa ay isaalang-alang natin ang ating tungkulin sa pagtuturo ng katotohanan nang malinaw at simple. Nasasabik akong matuto mula kay Elder Andersen, at pinatototohanan ko sa inyo na kapag ini-angkla natin ang ating pagtuturo kay Jesucristo at sa dalisay na doktrina, lumilikha tayo ng huwaran para makita at matukoy ng ating mga estudyante ang katotohanan, hindi lamang sa ating mga klase, kundi sa buong buhay nila. Sinasabi ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.
Pagpapakilala kay Elder Neil L. Andersen
Ngayon nama’y pribilehiyo kong ipakilala si Elder Neil L. Andersen. Marami akong maibabahagi tungkol kay Elder Andersen—ang kanyang kamangha-manghang kasal at kanyang kahanga-hangang pamilya; ang kanyang mga nagawa sa edukasyon at negosyo; ang kanyang paglilingkod sa Simbahan, kabilang na ang pagtawag sa mga Andersen bilang mga mission leader sa France Bordeaux Mission. Nagsalita si Elder Andersen ng Pranses, ngunit nagsasalita rin siya ng Portugues at Espanyol. Para sa ilan sa atin ngayong gabi, sa kabutihang-palad, nagsasalita rin siya ng Ingles. Nanirahan Siya sa iba’t ibang panig ng mundo at alam Niya ang Simbahan saanman kayo nagtuturo at nagpapasigla ng ating mga estudyante.
Ngunit kapag naiisip ko si Elder Andersen, may dalawang katangian na sana ay maalala ninyo habang nakikinig kayo ngayong gabi. Una, binabantayan, sinusunod, at ipinagtatanggol ni Elder Andersen ang propeta ng Diyos. Naobserbahan ko kung paano ipini-print at pinag-aaralan ni Elder Andersen ang mga salita ng propeta pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya at pagkatapos ay ginagawa itong bahagi ng sarili niyang pagtuturo. Personal kong nasaksihan na isinasabuhay ni Elder Andersen ang mga turo ni Pangulong Nelson sa pagiging tagapamayapa; pagiging matuwid, mabuti at lubos na nangangalagang mga magulang; at pagtatayo ng ating pundasyon kay Jesucristo. Pangalawa, si Elder Andersen mismo ay isang natatanging saksi ni Jesucristo. Ginagampanan niya ang tawag na ito bilang sagradong resposnsibilidad. Sa isang assignment kasama sina Elder at Sister Andersen sa Air Force Academy sa Colorado mga isang taon na ang nakalipas, pinanood ko siyang magturo at magpatotoo tungkol kay Jesucristo sa mga batang kadete na dumalo upang marinig siyang magsalita. Habang pinagmamasdan ko siya nang gabing iyon, nakadama ako ng nakaaantig na impresyon at kumpirmasyon na nasa piling ako ng isang espesyal na saksi ni Jesucristo.
Umaasa ako na pahahalagahan ninyo ang pagkakataong natin ngayon na marinig ang isang Apostol ng Panginoon na sumusunod sa propeta at mga saksi ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Elder Andersen, nasasabik kami sa iyong mensahe.